Isang komentaryo sa partisipasyon ng Ang Ladlad LGBT Organization sa nakaraang halalan sa Pilipinas noong Mayo 10, 2010. Enjoy!
===
ANG ADHIKAIN NG “ANG LADLAD” AT ANG PULITIKANG ‘BEKI’
Binoto ko ang gay rights group na “Ang Ladlad” bilang party-list representative noong nakaraang halalan. Hindi man buo ang aking paniniwala, pinili ko ang Ladlad dahil sila lang sa lahat ng mga kasali ang may natatanging isinisigaw na adhikain. Ito rin ay sa dahilang nais kong suportahan ang aking mga kapanalig na gumigiit sa karapatan ng mga Pilipinong nabibilang sa LGBT (lesbians, gays, bisexuals, transexuals). Sa kasamaang-palad, hindi nagwagi ang grupo sa kabila ng halos humigit-kumulang na milyong “kabaklaan” at “katomboyan” na nagkalat, dito pa lamang sa Kamaynilaan.
May mga tanong ang nakararami kung bakit naisip ng Ladlad na gawing political entity ang isang makabuluhang gender rights organization:
– Sa lehislatura lang ba nakikita ng Ladlad ang susing magbibigay ng karampatang karapatan sa LGBT community?
– Desperado na ba ang Ladlad na itulak ang pagsasaligal ng same sex marriage sa Pilipinas?
– Kailangan ba talagang mapabilang ng Pinoy third sex sa hanay ng marginalized sectors sa aspetong pampulitikal?
Ang Ladlad ay isa sa mga kasalukuyang nagpapakita ng hayagang adbokasiya para sa third sex rights. Sa pamamagitan ng tagapagtaguyod nitong si G. Danton Remoto, naninindigan ang grupo sa malaking kontribusyong naibibigay ng Pinoy LGBT sa sa iba’t ibang larangan. Sa mga kontribusyong ito’y hinihingi ng Ladlad ang pantay na paggalang ng lipunang Pilipino sa mga bading, tibo, beki, at mga tranny. Suportado ito ng mga maliliit na grupo tulad ng mga gay and bimale clans na nagsasama-sama sa mga distrito ng Malate at Cubao. Maituturing na pambihira ang Ladlad sapagkat tinatahak nito ang landas para tumungo sa mga hakbang na magbibigay-kalayaan sa mga Pinoy na kinukubli ang kanilang itinatagong nararamdaman.
Naging aktibo rin ang Ladlad sa karapatang mag-isang-dibdib ang dalawang magkaparehas ang kasarian o ang same sex marriage. Sa bansang tulad ng Pilipinas na may sapat na kalayaang magpahayag sa tunay nitong saloobin, medyo nakakagulat na hindi pinapayagan ang dalawang lalake o dalawang babae na magbuklod sa mata ng batas. May mga panukalang-batas nang naihain sa Kongreso sa mga nakaraang taon ukol sa nasabing karapatan, subali’t hindi nagtagumpay ang mga ito dahil sa kakulangan sa suporta at dahil na rin sa pagiging matatag sa paniniwala ng nakakarami sa mandato ng simbahang Katoliko. Sa mga pareho ring dahilan hindi naging matatag ang pagsasabatas ng LGBT community bilang isang marginalized sector.
Sa kabila ng napakaraming hakbang para maiangat sa pampulitikal na aspeto ang karapatan ng Pinoy third sex, hindi pa rin naging sapat ang mga media exposure at mga taunang White Party o gay pride march para ipaglaban ang adbokasiyang ito. Tila nauubos na ang baraha sa mga samahang tulad ng Ladlad, at ang natitirang alas – ang pagpasok sa Mababang Kapulungan. Ang unang subok ng Ladlad na makapasok sa Batasan ay noong 2007 Legislative Elections, kung saan sila ay diskwalipikado. Nitong nakaraang eleksyon, sa kabila ng maraming pagtatalo sa Commission on Elections (COMELEC) ay natuloy ang kanilang pagtakbo sa party-list polls.
Kung babalikan natin ang naging resulta ng nakuhang boto ng Ladlad noong Mayo 10 (05/20/10 mula sa 90.26% ng mga Election Returns na nakuha ng COMELEC: Rank 65, 106,566 na boto), sinasabi ng mga pigurang ito na parang hindi pa panahon para sa grupo ang maupo sa Kapulungan ng mga Kinatawan. Hindi tulad ng ibang sektor, hinahayag din nito na walang solidong boto ang Pinoy third sex community.
Sa aking paniniwala, hindi makukulong sa iisang marginalized sector ang Pinoy LGBT dahil lahat ng sektor ay meron itong representasyon. Maaaring may mga dapat itakda na panukalang-batas, pero sa aking palagay ay nararapat munang mas patatagin, lantarang ilatag at ‘isambulat’ ng Ladlad at ng iba pang gay rights group ang mas marami pang nauukol at makabuluhang kontribusyon na kanilang tinaguyod sa loob ng mahabang panahon. Kung tutuusin, marami na sa mga lalaki at babae sa bansang ito ang natututo nang rumespeto sa mga tulad natin, at ito’y nakakatuwang simula sa mga adhikaing naitayo. PERO KULANG PA. Kailangan pa ng mas malawak na pagtataguyod na hindi lang sarado sa mga hinihinging karapatan kundi sa pagpapaigting ng mga programang nagpapakita sa tunay na talino at kakayahan ng mga bakla at tomboy. Ang bading ay beki, sa pagkakaalam ko, ay hindi lang magaling sa debate, sa pagandahan o pakisigan. Marami sa atin ang mga matatalino at madiskarte, nakatapos man sa pag-aaral o hindi. Ang mga ito’y may kailangang kalagyan, at ang mga ito’y makakatulong sa atin na makatanggap ng mas marami pang suporta para maitakda sa batas ng Republika ang ating karapatan.
Kung tatakbo man sa susunod na eleksyon ang Ladlad, o kung anumang grupo magtataguyod ng ating karapatan sa pampulitikang aspeto – makakaasa kayong sa inyo ang aking simpleng boto. [SMILEY]
July 22, 2010 11:56pm
LemOrven