Writer’s Block + Mental Block = Disturb

Masakit mang sabihin ay wala akong maisulat para sa inyo sa mga sandaling ito. Hindi ko alam kung pang-ilan na ito pero eto ang unang beses na natatandaang kong nagsabay ang writer’s block at mental block. At dahil nagsanib-puwersa ang dalawang ito, seryoso, hindi maganda ang pakiramdam ko.

Sana’y meron akong katulad na parang nadidistorbo ang utak at parang magkakasakit kapag walang naisusulat na obra. Marami akong mga ideyang naiisip, pero bukod sa mga ideyang iyon, ay wala nang sumusunod na mga salita ang lumalaban para maitayo ang aking istorya.

Noong nagpunta ako noong Agosto 28 sa Westpoint (yung lugar ng mga beki sa Cubao), marami akong naging inspirasyon para magsulat ng maraming kuwento, pero hindi ngayon. Maaaring makasulat ako bukas (sana talaga) at maihain ko sa inyo. Para saan pa ang pagiging manunulat ko kung magpapatalo ako sa dalawang istorbo sa buhay ko.

.

.

August 30, 2010 06:51pm

LemOrven

Si Rolando Mendoza, Si Venus Raj, At Ang Kapalaran Ng Pilipinas Sa Paningin Ng Mundo

.

Isang pananaw sa hindi normal na simula ng huling linggo ng Agosto para sa bansang Pilipinas.

Lunes ng gabi, ika-23 araw ng Agosto 2010. Nagngangalit ang kidlat at kulog at umiyak ang kalangitan sa Lungsod ng Maynila. Hindi kakaiba sa bansa dahil panahon na ng tag-ulan, pero hindi normal na gabi para sa bansang nag-uumpisa nang simulan ang bagong pagbabago sa bagong administrasyon.

Hinostage ang tourist bus ng mga Hong Kong nationals, kabilang ang ilang Pilipinong kasama nito ng isang dating pulis na kinilalang si senior police inspector Rolando Mendoza. Nauwi ang lahat sa isang madugong katapusan mula sa mapayapang paghingi nito ng demand sa pamahalaan dahil sa di-umano’y hindi makatarungang pagkakatanggal sa kanya sa serbisyo. Namatay si Mendoza sa kalunus-lunos nitong itsura, at sa mga oras na ito’ysampu na ang kumpirmadong patay at ilan pa ang ginagamot sa iba’t ibang mga ospital. Kagabi, halos wala pang isang oras pagkatapos ng insidente ay naglabas na ng travel ban ang pamahalaang Hong Kong at ilang mga bansa sa Asya laban sa Pilipinas. Naibalita sa mga international media outlet at nagimbal ang sambayanan sa isang hostage drama na nagpadagdag ng pangamba sa mata ng buong mundo…

(Larawan mula sa Associated Press)

.

Martes ng umaga, ika-24 ng Agosto 2010 (gabi sa Estados Unidos). Maaliwalas ang takbo ng mga ulap at walang binabadyang sama ng panahon. Isang kakatwang umaga mula sa isang malagim na gabi. Isang umagang muling ipinagbubunyi nating mga Pilipino sa loob ng 11 taon.

Nagawa ni Binibining Pilipinas-Universe Maria Venus Raj na ilagay ang Pilipinas sa Top 5 ng prestihiyosong Miss Universe 2010. Matatandaang ang pinakahuling Pilipinang nakapasok sa elite circle ng Top Miss Universe contenders ay si Miriam Quiambao noong 1999 sa Trinidad and Tobago. Sinubaybayan ng buong bayan sa telebisyon ang coronation night  at sinuportahan naman ng mga Pinoy sa Amerika na nanood sa mismong venue sa Mandalay Bay sa Las Vegas, Nevada USA, ginawa ni Raj ang kanyang makakaya upang makamit ang korona ng kagandahan na naging mailap sa ating bansa sa mahigit na tatlong dekada. Hindi man nagtagumpay, nakuha niya ang 4th runner-up position at ang nag-iisang Asyanong nakapasok sa top spot ng kompetisyon sa taong ito…

Trahedya, tagumpay, hindi maipaliwanag na emosyon, nakakabulabog na mga sitwasyon.

Maraming nagsasabing ang mga nangyayari kagabi ay isang kahiya-hiyang senaryo para sa ating bansa sa paningin ng ibang bansa. Maraming nagsasabing ang nangyari kanina ang babawi sa kahihiyang natanggap ng Pilipinas kagabi, kahit papaano.

Masakit sa mga nakaligtas ang maalalang namatay ang kanilang mga kaibigan sa kanilang tabi – sa isang kagimbal-gimbal na sandali. Masakit para sa isang taong nanghihingi ng katarungan ang nakikitang sinasaktan ang kanyang mga kaanak sa sitwasyong siya lang ang dapat na harapin. Masakit para sa ating bansa na sa isang iglap, sa isang eksenang ang isang naagrabiyado ay naghahangad na malinis ang kanyang pangalan, ang siyang magbibigay-dungis sa isyung panseguridad ng Pilipinas.

Sa kabilang banda, masayang makita na ang kinatawan natin ay nagtagumpay gamit ang kagandahang likas sa isang Pilipina. Masayang maramdamang isa tayo sa may pinakamagagandang nilalang sa buong mundo sa taong ito. Masaya pa ring sabihin, kahit papaano, na ikinararangal kong isa akong Pilipino.

Kung anuman ang mga nangyari sa atin sa mga nalalabing araw ng buwang ito, sabihin na nating ito’y itinadhana. Kung ito ang tadhana ng ating bayang minamahal, masasabi kong alam ng Diyos na kakayanin natin ang nagaganap sa kasalukuyan. Lagi nating sinasabi, hindi Niya tayo bibigyan ng pagsubok na hindi natin kayang solusyunan.

.

.

August 24, 2010 4:32pm

LemOrven

Batang Bakla

Para sa umuusbong na bagong dalaginding ng ating lipunan.

BATANG BAKLA

.

Spagetting pababa

ang kembot ng

kanyang balakang

sa gitna ng

maruming eskinita,

kasama ang mga

certified kontesera.

.

Suot ang pekpek shorts

at mini-skirt na naglalantad ng

kanyang batang-batang katawan

sa gitna ng entabladong paraiso

ng makukulay na nilalang,

kasama ang mga mananayaw na

kung tawagi’y “Spice Gays”.

.

Pataas nang pataas

ang enerhiyang

kanyang tanging nadarama,

sa gitna

ng kasayahang natatamo,

kasama ang

dyowang gwapo’t manloloko.

.

.

August 16, 2010 11:03 am

LemOrven