FAST POST 39: Nanonood ng Fountain

Magra-rant lang ako.

Hindi ito tungkol sa kahit anong fountain na nakita ko sa Maynila. Tungkol ito sa pwersahang pakikinig ko ng pagyayabang ng mga tao. At hindi ko talaga naiintindihan kung bakit ginagawa ito ng mga tao para magkaroon sila ng karapatan na sabihing bobo o tanga ang iba.

Dumaan din naman ako sa puntong nag-self glorify ako sa iba, pero hindi ko ginamit ang lahat ng napagtagumpayan ko para yurakan ang buong pagkatao ng mga tao, hindi lang ng intelektwal nito.

Nayayabangan ako. Pero hindi ito ang yabang na inaasahan kong makita sa mga akala ko ay lider. Hindi totoong lider ang ipokrito na pa-humble sa marami pero umaastang Diyos kung makasira kapag iilan na lang ako.

Kung alam ko lang na ganito ang dadatnan ko sa inakala kong magandang trip, sana ay hindi na ako sumang-ayon.

FAST POST 38: Para Kay Alex

Hindi pa rin ako makapaniwala sa tawag na natanggap ko kaninang umaga. Wala na si Alex. Pagkababa ko ng telepono ay binalot lang ako ng katahimikan. Hindi ako maiyak kahit gusto ko, pero naalala ko noong nagkausap kami isang beses, ang sabi niya: “Matapang ka, Lem. Maging matapang ka para sa akin, para sa bayan.”

Nakilala ko si Alexis Marion Salgado noong 2017 dahil sa sinalihan kong youth organization. Masayang kasama si Alex, lalo na pagdating sa chismisan. Nakahanap ako ng kapatid sa kanya dahil alam niyang sa tulad ko na ang misyon ay makinig, kailangan din na may makinig sa akin. Hindi pwedeng hindi ako magkwento sa kanya kaya sa tuwing magkikita kami, ang madalas na bungad niya ay “Hi, Mumsh! Kwento ka naman!”

Naging sakitin si Alex nitong mga nakaraang buwan, pero nitong July ay nag-message sa akin. Gusto niyang magpatulong na gumawa ng blog. Gusto niya raw mag-share ng mga bagay na alam niya habang naaalala pa niya. Pinagtawanan ko pa siya pero nagulat ako sa mga message na, para sa akin, ay isa sa pinakamalambing na mensaheng natanggap ko sa isang kaibigan:

Nawala na ang plano dahil hindi ko na siya nakausap, gawa ng dami ng trabaho. Pinilit kong makipagkita pa sa kanya noong nakaraang buwan ay nag-message ako sa kanya kung pwede kaming mag-meet sa isang event ng organization namin. September 16 ng tanghali, hindi ko akalain na ang masaya niyang chat sa Messenger ang pinakahuli niyang message sa akin:

“Hi mamsh!”

Nagreply ako agad pero na-seen na lang ako.

Hanggang ngayon ay hindi ako naiiyak, pero nasasaktan ako dahil nawalan ako ng isang kaibigang handang makinig. Nawalan ako ng kaibigan na mayayakap ko sa saya at lungkot. Nawalan ako ng kaibigan na laging nagpapaalala sa akin na ang pagsusulat ko ay hindi lang libangan kundi isang misyong dapat na pinagbubutihan.

Alex, marami pa tayong plano. Hindi ko kayang ipangako na magagawa kong lahat iyon nang mag-isa pero ipinapangako ko na magsusulat ako dahil naniwala ka sa kakayahan ko. Kaya itong munting alay ko bilang Aurora Metropolis ay paggunita sa isang hindi matatawarang kaibigan.

Paalam, Alex! Hintayin mo na lang ako dyan sa kabilang parlor. I love you, mamsh!