Tanging lungsod naming mahal.
Tampok ng Silanganan.
Patungo sa kaunlaran
at kaligayahan.
Nasa kanya ang pangarap,
dunong, lakas, pag-unlad.
Ang Maynila’y tanging perlas
ng bayan, ngayo’t bukas.
Maynila, o Maynila!
Dalhin mo ang bandila!
Maynila, o Maynila!
At itanghal itong bansa!
Maynila, o Maynila!
Dalhin mo ang bandila!
Maynila, o Maynila!
At itanghal itong bansa!
—
Humigit kumulang apat na siglo ang pagitan ng panahong gawing siyudad ng isang kilalang mananakop ang Maynila at ng panahong isinulat ng isang kilalang makata ang Awit ng Maynila. 1571 nang ideklara ni Miguel Lopez de Legazpi ang Maynila bilang “pinakanatatangi’t pinakatapat na lungsod” na itinalagang trono ng Kaharian ng España sa Pasipiko. Dekada sisenta nang ilunsad ng noo’y alkalde Gatpuno Antonio J. Villegas ang mga titik ng manunulat na si Amado V. Hernandez at binigyang-musika ni Felipe Padilla de Leon bilang himno ng karangalan para sa isang maringal na kabisera.
Ang bawat letra nito ay papugay sa masalimuot na kasaysayan ng siyudad. Inilalarawan ng Awit ng Maynila ang naging tungkulin ng Maynila bilang koronang perlas na hinubog ng mga dayuhan, binabad sa dugo ng mga digmaan at pinaningning sa talento ng kanyang mga mamamayan. Inihahayag nito ang adhikain ng bawat nakatira rito, nag-aaral dito at nagtatrabaho rito Patunay ito ng dignidad ng isang tunay na hinirang na kabisera ng bansang kayang ipagmalaki ang kanyang lahi saan man sa mundo.
Ang Maynila ang mukha at kaluluwa ng Pilipinas, sa hirap o dusa, sa lungkot o saya, sa tagumpay o trahedya. Ang Awit ng Maynila ay martsa ng mga mandirigmang araw-araw na nakikibaka sa buhay, panata ng mga kabataang magsusumikap upang maging kabahagi ng pag-unlad at himig ng mga anak niyang naniniwala na ano pa man ang mangyari ay titindig siya tangan ang bandila ng isang malayang republika.
Ang Awit ng Maynila ang sumasalamin ng diwa ng pagiging isang Manileño, at sa ika-450 anibersaryo ng pagsasalungsod ng Maynila, nawa’y mas isapuso natin ang pagbigkas nito sa lahat ng okasyon. Hindi lamang ito isang kantang tumatapos sa bawat seremonya kundi isang pangako na bilang Manileño, magkakasama tayo ng ating lungsod sa pagtindig ng ating minamahal na bayan sa ating bawat galaw araw-araw.
Mabuhay ang punong kabisera ng Pilipinas!
Maligayang ika-450 Araw ng Maynila!