Ito ay isang panitikang patungkol sa kahilingan ng isang namayapa. Ito ay isang likha lamang ng aking isipan, pero maaaring ito ang aking maging mga kahilingan kung ako’y mamayapa. Hehe! Salamat!
…
SA AKING PAGYAO…
Sa wakas, hindi na ako makakaramdam ng anumang sakit mula sa naghihikahos na mundong ito. Mawawala na rin sa aking pandinig ang mga mapanghusgang pananalita ng mga taong wala namang nalalaman sa mga tunay na hinanaing ng aking puso. Napagod na nga’ng sobra ang aking katawang lupa’t ang aking napakatagal na misyon sa Kanyang mapanubok na lupain ay tuluyan nang nagwakas.
Ngunit pahintulutan ninyo akong mag-iwan ng mga pasabi sa inyong mga nagmahal sa akin at mga napamahal na sa akin. Pakinggan n’yo nawa ang mga ihahayag ko, pagka’t ito ang aking mga pinakaninanais na mangyari sa mga nalalabi kong oras dito sa daigdig.
Sa aking pagyao,
… hayaan n’yo akong mahimlay na ang kasuotan ay aking pambahay lamang, at nakahigang nakagilid, nakabaluktot at parang normal na natutulog lang. Ayokong tuwid ang aking mga paa, at nakasuot ng baro’t itim na pantalon na tila ba magsisilbing abay sa isang kasal. Aakyat ako sa hagdanang may libong baitang at lubhang nakakapagod kung magiging mabigat ang aking kasuotan. Gusto ko ring bigyan n’yo ako ng isang malambot na unan upang may mayakap – at pakisama na rin ang aking little stuffed toy na si Robi para makatabi ko sa pagtulog;
… hayaan n’yong marinig ang mga kanta mula sa aking XpressMusic phone. Ipinagbabawal kong tumugtog ang anumang pang-lamay na tugtog sa aking lamay at libing. Ito ay sa dahilang binibigyan n’yo lamang ng dahilan ang inyong mga sarili para maging malungkot at umiyak. Pero kung talagang ayaw ninyo ng mga hilig kong pang-soundtrip, huwag na lang kayong magpatugtog – o kaya’y ikabit na lang ang earphone sa magkabila kong tainga at ikabit sa aking cellphone para ako lang ang mag-enjoy sa aking mga paboritong kanta;
… hayaan n’yong bigyan kayo ng mga oras ng pag-iyak sa aking harapan. Lumuha kayo kapag nalaman ninyong ako’y namayapa na, nakita sa unang pagkakataon ang aking namamahingang katawan, at sa huling araw ng aking lamay – baka magkaiyakan tayo, at alam kong ayaw mong mangyari yun (LoL) ;
… hayaan n’yong humiling ako ng regalong alam kong paghihirapan pero binigay ninyo nang taos-puso. Lumikha kayo ng isang tula o isang matalinhagang sanaysay na nagpapatungkol sa akin, mabuti man o masama. Pagsama-samahan ninyo ang mga ito, kasama ng mga lathalain at panitikang aking ginawa, paki-bookbind at itabi ninyo sa aking himlayan. Mababagot ako nang sobra sa paglalakbay, kaya’t mas mabuting may mababasa akong makapagpapahalakhak at makapagbibigay ng inspirasyon sa akin – at P.S., gusto ko yung may pagka-comedy at mala-Bob Ong;
… hayaan n’yong matikman ko sa huling pagkakataon ang aking mga kinababaliwang pagkain. Ipagluto n’yo ako ng aking paboritong sinigang na baboy na sobra ang asim, isang tasang kanin, at isang galong malamig na tubig. Gusto ko ring malasap ng aking panlasa ang napakalamig na hagod ng mocca frappucino ng Starbucks – dapat venti ang size at may kasamang old-fashioned doughnut. Hehe;
… hayaan n’yong marinig ko ang inyong mga tinig. Malayo ninyong maibubulong ang mga naging sama ng loob ninyo sa akin, at pagkatapos ng mga iyon, tanggapin ninyo ang aking tapat na paghingi ng tawad. Paumanhin sa kung anumang mga ginawa kong nakapagpasama ng inyong kalooban. Para namang sa mga nagkasala sa akin, kung meron man, ay buong-puso ko naman kayong pinapatawad. Tulad nga ng lagi nating sinasabi, kung ang Diyos nga ay marunong magpatawad, tayo pa kayang mga tao? Kaya huwag ka nang mag-alala, maging mapayapa nawa ang iyong isipan – bati na tayo. Ü ;
… hayaan n’yong maramdaman ko ang totoong pagmamahal na hinangad kong makamit nang maraming beses, ngunit walang tumagal ni isa. Hinihingi ko ang iyong yakap at halik, kahit man lang sa oras ng aking libing. Wala naman akong matinding galit nung may minahal ka na higit sa ‘kin, kaya’t huwag kang mag-alala o ma-guilty. Pansamantala lang ang mga tampo, inis at sama ng loob, pero makalipas ng maikling panahong iyo’y nag-iba ako ng landas at hinayaan kong maging masaya ka. Hinahangad ko ang iyong kaligayahan – ganyan kita kamahal eh. Mwahugs! XD ;
… at ang huli, (at maaaring ang pinakaseryoso sa aking mga sasabihin…) nais ko sanang dalhin ninyo ako sa huling hantungan ng buhay habang umuulan. Habang pababa sa hukay ay iparinig n’yo ang inyong mga tinig habang inaawit ang kantang inyong naisip na ihandog para sa akin. Maghulog kayo ng mga talulot ng sampaguita bago ninyo ako tuluyang iwan at hayaang makapagpahinga. Ang mga talulot na iyon ang magbibigay ng bango sa aking naglalakbay na kaluluwa patungo sa Kanyang paraiso. At isa pa, huwag kayong umiyak sa aking libing. Kumaway kayo nang may maaliwalas na maaaninag sa inyong mga mukha dahil ayokong isipin nating parehas na hindi na tayo magkikita.
Hanggang dito na lang muna. Masaya ako dahil naging parte kayo ng buhay ko, at nagagalak akong maging parte ng mga buhay n’yo.
P.S. Ayokong magsabihan tayo ng ‘Paalam’, dahil kahit alam kong medyo matatagalan, ay magkikita pa rin tayo na kasama Siya. Magkakakuwentuhan tayong muli sa Kanyang Paraisong puno ng saya.
June 30, 2010 3:32 pm
LemOrven