Minsan, hindi ko alam kung bakit hindi nagkakatugma ang kondisyon ng buhay ko sa mga misyong gusto kong maisakatuparan. Yung tipong sa lawak ng naaabot ng kaalaman mo ay napakaraming pangarap ang gusto kong makuha pero dahil na rin sa kakapusan sa napakaraming bagay ay mahirap mangyari.
Binabagabag ako ng mga bagay na gusto kong gawin noon at hanggang ngayon ay hindi ko magawan ng areglo para matupad. Hindi ko alam kung katamaran, pero napanghihinaan na rin ako ng pag-asang magagawa ko siya sa buhay kong ito.
Tama nga siguro ang isa kong dating kaibigan dati. Masyado akong ideal mag-iisip na umaabot sa punto ng pagiging ambisyoso ko. Bakit ko nga naman kasi hinahangad ang mga bagay na hindi ganoon kadali para sa sitwasyon ko sa buhay. Pinapahirapan ko lang ang sarili ko sa kakaisip ng mga pangarap ko.
Masarap mangarap. ‘di ba? Masama bang mangarap?
Marahil ang dahilan kung bakit ako ganito — paniniwala. Ang taong puno ng paniniwala ay puno ng pangarap. Lumaki akong nananalig na kahit sino ka pa, may karapatan kang isipin ang mga bagay na gusto mong mangyari para sa sarili mo, sa pamilya mo o para sa bayan. Lahat ay nagsisimula sa pangangarap, sumunod ang paniniwala at sa pagsusumikap, ano pa man ang estado mo sa buhay, posibleng matupad ang lahat.
At kung mabigo, may pag-asa. Hindi dapat nawawala ang pag-asa.
Napakarami kong gustong gawin. Pwedeng hindi na sila mangyari. Pero dahil may pag-asa at patuloy na paniniwala, hindi natin malalaman. Sa lahat ng mga nangyari sa buhay ko ngayong taon, Tadhana na lang ang makakapagsabi kung para sa akin ang mga ito.