
Identity crisis.
Ngayon lang nalaman ni Austin ang ibig sabihin niyon. Sabi sa Internet, ito raw ay isang pag-uugaling normal na nararamdaman, lalo na ng mga teenager. Dito raw nagsisimulang malito ang mga tao at magtuklas ng mga bagay-bagay tungkol sa kanilang sekswalidad. Sa mga panahon ding ito nalalaman ng sinuman ang totoong tinitibok ng puso at bugso ng damdamin na siyang magdadala sa kanilang magiging permanenteng pagkatao sa hinaharap.
Paulit-ulit niyang naiisip ang kanyang mga nabasa. Kasabay nito ang pagbalik sa gunita niya ng isang pangyayaring naganap, tatlong buwan na ang nakalipas. Pumunta siya sa CR, naghilamos, tumingin sa salamin at tinitigan ang kanyang mukha. Bakit ba ayaw matanggal sa kanyang alaala ang senaryong iyon?
—
Sinakop na ng dilim ang kalangitan pero hindi pa nakakauwi ang buong Grade 11-Lacson. Ito ay upang paghandaan ang kanilang final project – isang theater play na halos buong eskwelahan ang manonood. Inaasahan ng marami ang magandang performance nila dahil sila ang star section ng 1st year senior high school. Abala ang lahat sa kani-kanilang mga gawain at may ilang eksena pa ang pinupulido para maging maayos ang presentasyon bukas.
Huling eksena na ng play pero hindi pa rin nakakapili si Austin kung ano sa dalawang version ng ending ang kanyang gagamitin. Humingi siya sa grupo ng isang oras na break para makapagpahinga ang lahat at makakain muna. Naiwan siya sa loob ng gym para ulit-uliting pag-isipan ang natitirang parte ng play.
Si Austin ang sumulat at direktor ng dula. Mahigpit siya sa lahat ng bagay pero wala itong problema sa kanyang mga kaklase dahil grade 7 pa lang sila ay nakita na nila ang pagiging magaling na lider ng binata. Hindi rin ito ang unang beses niyang nakapag-direct sa isang event sa eskwela kaya tiwala ang mga ito sa pagmamando ng kanilang pagtatanghal.
“Diet ka?” tanong ni Antwan na ikinabigla ni Austin. Hindi niya namalayang pumasok ito’t nasa harapan na niya dahil sa sobrang pagtutok sa script.
“Ha?! Eh… ano… hindi pa kasi ako desidido sa last scene. Hindi ko matantya kung ano ang pwede. Tapos ka na’ng kumain?”
“Hindi ako kumain. Nagpahangin lang ako sa quadrangle. Saka medyo malayo rin yung kakainan nila. Tinamad ako kaya hindi na ‘ko sumama,” tugon ng binata. “Teka, you mean, dalawa ang ending ang play natin? Anong sabi ni Sir?”
“Ako na lang daw ang bahala dahil ako lang daw ang nakakaalam ng gusto kong mangyari sa istorya ko.”
“Tinanong mo na ba si Albert?”
“Hindi naman niya binasa ‘to mula nung nagsimula tayo. Mas gusto nya kasi sa technical kaya pinabayaan ko na.”
“Pwede ko bang mabasa?”
Agad niyang inabot ang limang pirasong papel na naglalaman ng dalawang klase ng ending. Sa loob ng ilang minuto, binasang mabuti ni Antwan at binulong niya ang bawat linyang siya mismo ang magsasabuhay sa entablado. Siya ang gaganap na Liam, ang bidang lalaki sa kuwentong sinulat ni Austin.
“Maganda silang pareho,” sabi ni Antwan na sa loob-loob ni Austin ay hindi niya gaanong ikinatuwa. “Buti ayos lang kay Sir Ash ang kissing scene?”
“Pa-fade out naman yung lights nyan kaya hindi magpapang-abot yung kiss. Pampakilig lang,” depensa ni Austin.
“Hmm… pwede ba tayong magbatuhan ng linya?”
“Sige, pero anong version?”
“Yung may kissing scene,” sagot ni Antwan na ikinagulat ni Austin.
“Ha? Bakit yan ang napili mo?”
“Nakakakilig kasi yung takbo ng istorya kaya mas okay siguro kung tatapusin natin ang play nang nakakakilig din,” sabi ni Antwan na kahit papaano’y nakakumbinsi sa isa.
Tumayo si Austin papunta sa gilid ng stage para kunin sa bag ang isa pa niyang kopya. Pabalik na siya sa kinauupuan niya nang biglang sumulpot si Antwan sa kanyang likod na muli niyang ikinagulat.
“Dito na lang tayo magbatuhan para maituro mo na rin yung blocking na naiisip mo,” wika ni Antwan sa binata.
Tulad ng sinabi ng kanilang bida, itinuro ni Austin kung paano ang magiging areglo ng last scene sa entablado. Si Antwan bilang ang role niya at si Austin bilang role ng bidang babae na si Marine na gagampanan ng kanilang kaklase na si Bianca.
“Bale ‘pag lights on, nakayakap na ako sa kanya, tama?”
“Oo. Bale yung kamay mo, nakapalibot sa baywang nya.”
“Bale ganito,” sabi ni Antwan, kasunod ang pagyakap nito kay Austin na agad pumalag.
“Uy wait! Wala nang action! Basta ganun na lang ang gawin mo,” nabiglang wika ni Austin.
“Eh… nahihirapan kasi akong hindi inaarte yung sinasabi ko. Tanungin mo pa si Bianca kapag nagpa-practice kami, inaarte na namin agad. Saka ituturo ko na rin sa kanya yung blocking pagdating niya.”
Blangko ang mukha ni Austin sa paliwanag ni Antwan. Masyado na ring late kaya dapat ay maayos na ang acting nila para makauwi na sila. Ginawa ulit ng binata ang pagyakap na parte ng nasabing eksena.
“Game na po direk ha!” may pagngising sabi ni Antwan.
Nilagay nito ang kaliwang kamay sa baywang ni Austin habang hawak ang papel sa kabila. Nilagay naman ni Austin ang kanang kamay niya sa kaliwang balikat ng kaklase at nasa kabila ang hawak na script.
“Nakalagay dito na dapat ay nakasandal ang pisngi mo sa balikat ko,” sabi ni Antwan habang nakatitig sa script.
“Mamaya mo lang yan ipagawa kay Bianca,” reklamo ni Austin na medyo naiinis na.
“Parang walang sense yung sinulat mo kung ikaw mismo, hindi mo kayang gawin ‘to!” nainis ring tugon ni Antwan. Halos dinig sa buong gym sa pagsigaw ng aktor pero nahimasmasan agad ito sa kanyang inasal.
“Sorry Austin,” nahihiyang sabi ni Antwan, sabay ngiti sa nabiglang kaklase.
Walang salitang lumabas sa mga bibig ni Austin. Tama si Antwan, sabi nya sa sarili niya. Dapat alam niya at kaya niya ang galaw ng mga karakter na kanyang sinulat. Ginawa na niya ang kung ano ang sinabi ng script: nilapat niya ang kanang pisngi sa balikat ng binata, nilibot ang kaliwang kamay sa katawan nito, hinawakan ang papel sa kanang kamay at sinambit ang linya ni Marine.
Marine: I wish this night never ends, my love. I’ve waited for this moment and now it’s happening.
Liam: Yes, my princess. I promise that I won’t lose you again. And thank you because you never surrendered your hope. Trust me, I’ll be by your side forever and will always be your protector.
(May kinuhang singsing si Liam sa kanyang bulsa at ipapakita kay Marine.)
Liam: It may not be the most expensive treasure to offer you… but please accept this as these rings symbolize my heart and soul, my love and life, you and me.
(Isusuot ni Liam ang singsing kay Marine at ang isa’y isusuot ni Marine kay Liam.)
Marine: I am ready to make my destiny with you.
(Pipikit si Marine at dahan-dahang nilalapit ni Liam ang kanyang mga labi sa mukha ng dalaga para ibigay ang kanyang matamis na halik.)
“Basta pagpikit ni Bianca, bumilang ka ng five seconds sa isip mo habang papalapit ang mukha mo sa kanya hanggang mag-lights out,” utos ng nakapikit na si Austin. “Ako ang bibilang ha. One… two… three… four…”
Bago dumating ang five ay dumampi sa kanyang bibig ang labi ni Antwan. Hindi niya alam kung bakit ganoon ang pakiramdam pero para bang huminto ang oras at tila hindi siya makagalaw. Sa kanyang pagdilat ay nakita niyang nakapikit si Antwan habang magkadikit ang mga labi nila. Naramdaman niyang binubuka nito ang kanyang bibig kaya dito na siya pumiglas sa pagkakayakap ng kaklase at binato ang mga papel na hawak niya.
“Siraulo ka ba?! Bakit mo tinuloy?!” galit na galit na sabi ni Austin kay Antwan na halatang nabigla rin sa kanyang ginawa.
“Sorry Austin! Huwag kang magalit. Hindi ko sinasadya,” nauutal na sagot ni Antwan pero bago pa siya makapagpaliwanag ay tumakbo na si Austin palabas ng gym.
Huminto siya sa pagtakbo sa garden malapit sa gate ng eskwela. Napaupo siya sa malaking bato doon, napapikit at pilit na inunawa ang nangyari. Mali iyon, pero iba ang sinasabi ng kanyang puso na hindi niya maintindihan. Lalo siyang nataranta dahil baka nakita ni Antwan na namula ang kanyang mukha nung bumitiw siya sa paghalik nito. Hinawakan niya ang kanyang labi at tila nadarama pa rin niya ang malambot at matamis na halik ng kaklase. Sa sobrang inis ay nasuntok ni Austin ang poste sa tabi ng kanyang inuupuan. Nagdugo ang kanyang kamao at mangiyak-ngiyak siya sa pagkirot nito.
“Oy direk! Bakit ka nandito?” pagbati ng kaklase niyang si Albert kasama ang iba pang kumain ng hapunan sa labas ng eskwela.
“Ha? Ano kasi… nagpapahangin lang ako. Tapos na kayong kumain di ba? Tara, tapusin na natin kasi maaga pa tayong maghahanda bukas,” medyo natatarantang tugon ni Austin.
Tinago ni Austin ang sugatang kamao sa kanyang bulsa at sumabay nang pumasok sa mga kaklase niya. Nakita niya si Antwan na nasa gitna ng stage at nakatingin sa script na nire-rehearse nila kanina. Nagtama ang mata nilang dalawa pero agad na umiwas ng tingin si Austin habang papunta sa kinauupuan niya kanina.
“Guys, eto na yung final version ng last scene. Bianca, may 30 minutes kayo ni Antwan para i-practice ‘to. Pagkatapos niyan, i-rehearse natin sa stage para sa blocking tapos mag-isang run tayo. Albert, paki-ready na nang maayos ang paglabas at pagpasok ng props. I-arrange na rin yung pagkakasunod-sunod ng music at command ng lights. Kailangan sa isang run ay okay tayo,” kalmadong pagpapaliwanag ni Austin.
Kumilos na ang lahat ng tao sa paligid pero biglang naramdaman ni Austin ang pagod sa mga mata. Tumayo siya’t kinuha ang eyeglasses sa bag na nasa gilid ng stage kung saan nagpa-practice sina Bianca at Antwan. Iniwasan niyang tingnan ang ginagawa ng dalawa dahil ramdam niyang nakatingin si Antwan sa kanya. Nang mahanap na niya ang salamin ay mabilis siyang tumakbo pabalik sa upuan. Tinutok niya ang mga mata sa hawak niyang script pero di niya maiwasang sumulyap sa kaklase.
Sa bawat sulyap niya kay Antwan ay kakaibang dagundong sa kanyang dibdib na parang bumubugbog sa kanyang puso at baga. Pilit niyang pinapasok sa kanyang utak na nagkamali lang ang binata at iyon ay isang biro lamang. Muling nagtama ang kanilang paningin at napansin niya ang mga mata ni Antwan. Kinabahan siyang ang nangyari kanina ay hindi isang pagkakamali. Mahigpit niyang pinikit ang kanyang mga mata at paulit-ulit na sinasabi sa isip na iyon ay aksidenteng dapat kalimutan at pagtawanan.
Natapos ang tatlumpung minuto kaya nagsimula na ang pag-aayos ng blocking para sa last scene. Itinuro ni Austin kay Bianca kung paano sila aanggulo ni Antwan sa entablado, kung saan dapat titingin, kung saan tatayo at kung saan hahawak. Tulad ng kanina ay pinapatong ni Austin ang pisngi ng dalaga sa balikat ng kanyang katambal at pinayakap sa baywang nito. Nung hawakan niya ang kaliwang kamay ni Antwan para dalhin sa baywang ni Bianca ay biglang humigpit ang pagkakahawak nito sa kanya. Nagkatinginan silang muli at dito’y nakita ni Austin ang namumungay na mga mata ng binata. Bigla niyang binitawan ang kamay nito dahil sa isip ni Austin, alam na ng binata ang kanyang gagawin.
Nakakakilig nga ang huling eksena na ikinatuwa naman ng buong klase. Hindi tulad ng nangyari kanina, hindi nagdampi ang labi ni Antwan at Bianca hanggang mag-lights out. Pagkatapos ng rehearsal ng final scene ay nag-practice sila nang buo na may kasamang props at lighting. Naging maayos at maganda ang takbo ng isa’t kalahating oras na dula na ikinatuwa ng lahat. Binigay ni Austin ang ibang final reminder saka nagdeklara ng pack up.
“Hindi ka sasabay sa school service, dude?” pagtataka ng kaibigang si Ponce na presidente rin ng kanilang klase.
“Hindi… kasi ano… may… pupuntahan pa ako. Nasabihan ko na rin si Manong.”
“10:00pm na pero may lakad ka pa?! Wait, bakit nakabalot ang kamay mo?”
“Ha? Ano? Wala lang. Style lang. Andami mong tanong, Ponciano! Pumasok ka na para makauwi na kayo!”
“Basta kitakits na lang bukas, dude! Ingat ka sa pag-uwi! Madulas ang kalye!”
Bago sumara ang pinto ng school service ay nakita niyang nakatingin si Antwan sa kanya. Nakatira lang sila sa iisang subdivision at iisang street, kaya mula noong grade 7 ay sabay na silang pumasok sa eskwela at bumaba sa sasakyan. Pero sa araw na ito, sa kauna-unahang pagkakataon ay hindi sila magkakasabay ni Antwan.
Natapos ang play, nakapasa sila’t nakatawid sa Grade 12… pero mula nang mangyari iyon ay naging mailap na si Austin kay Antwan. Lalo naging kumplikado pa ang lahat nang maging seatmate sila dahil sa paglipat ng eskwela ng isa nilang kaklase. Alam ni Antwan ang pakiramdam ni Austin kaya hindi na rin nito pinilit na maibalik ang pagiging okay nilang dalawa. Walang pansinan mula noon hanggang mag-umpisa ang klase.
—
Bumalik sa classroom si Austin pero wala pa ang unang teacher na makilala nila, ang kanilang bagong class adviser. Pumunta muna siya sa kanyang silya upang ituloy ang librong noong bakasyon pa niya binabasa.
“Dude, dude, dude!” pagtawag sa kanya ni Ponce na hinihingal galing sa labas ng classroom. “Tingnan mo ‘tong nakita ko sa may bulletin board ng guidance office.”
“ATTENTION: The award-winning Metropolis Glee Club is looking for new members. Auditions will be held on August 22, 10:00am at the Piano Cube. Look for Sir Polly dela Cuesta.”
“Sali tayo dito, gusto mo?”
“Pag-iisipan ko, dude. Niyayaya rin kasi ako nina Lilette na sumali sa Calle 1594. Ayokong mag-dalawang org ngayon.”
“Okay. Meron ka pang next week para pumili sa dalawa. Pero mukhang etong choir ang pipiliin ko.”
“Sabi mo sa akin kahapon, sa school paper ka sasali?”
“Yung sa Calle 1594, sigurado na naman ako dun. Sa MetroGlee, siyempre, depende yun sa titingin sa audition kung pasado ang boses ko. Saka nagpaalam na ako kay Lilette na magba-baka sakali ako doon.”
“Medyo hindi ka rin mayabang no?”
Nagpasukan na ang mga nasa labas ng classroom sa pagdating ng kanilang class adviser.
—
“Letter #50 – Hello ATVL, I am ready to reveal myself to you. I am ready to be rejected. Meet me at the Principal’s Garden on August 22, 5:00pm. Love, your Admirer — JDI”
“Dude, may love letter na naman?”
“Oo nga e. Pero sabi rito, makikipag-meet na raw siya,” sagot ni Austin kay Ponce. Kinuha ng huli ang papel sa kamay ng kaibigan at binasa ang laman niyon.
“Sa date ng audition ng MetroGlee ‘to e. Malamang mag-o-audition din siya doon,” sabi ni Ponce. “So you have the reason now to join the audition, huh? Sige na kasi, Austin!”
Isang taon nang sumusulat kay Austin ang isang taong di pa niya nakikilala. Linggo-linggo, hindi ito nagmimintis na mag-ipit ng green na papel sa kanyang locker at hindi nagsasawang magsabi ng paghanga at pagmamalasakit sa kanya. Sinubukan niya dati na hulihin ang kanyang secret admirer, pero bigo siyang makita kung kailan at kung paano nito nailalagay ang sulat sa locker niya. Hindi niya rin mahulaan kung sino ang gumagawa nito dahil sinasadyang computerize ang lahat ng sulat. Kilalang-kilala siya nito at nabibigla na lang kapag may sinasabi siyang bigla na lang nangyayari, tulad ng siya ang napiling magsulat ng play nila nung Grade 11.
Dumating ang araw ng audition sa Metropolis Glee Club o MetroGlee, ang official choral group ng kanilang eskwela. Marami ang gustong sumali pero sampu lang ang kukunin para madagdag sa award-winning choir. Umaga pa lang ay marami nang nag-qualify sa second round ng audition kung saan kasabay na ang training kasama ang mga member nito.
After lunch na nang dumating sina Austin at Ponce. 2pm ang napiling audition time ni Ponce na siya ring pinili ng una kaya may oras pa sila para magpa-kondisyon. Panay ang lingon ni Austin sa Principal’s Garden na hindi kalayuan sa Piano Cube. Wala pang tumatambay, walang nagtatagal, walang mukhang naghihintay, puro dumadaan lang.
“Sino dito ang nasa 2pm schedule?” sigaw ng isang babae na galing sa loob ng Piano Cube.
Nagtaas ng kamay ang dalawa at ng dalawampu pang mag-o-audition sa oras na iyon. Pinapasok na sila roon at pinaghintay sa waiting room kung saan may susundo sa kanila papunta sa audition area. Pang-15 si Austin at pang-16 naman si Ponce.
“Uy Dodi! Sasali ka pala!” sorpresang pagbati ni Ponce sa pagpasok sa kwarto ng kaklase nilang si Jane Dorothy C. Icasiano, o Dodi kung tawagin nila sa klase.
“Oo! Tapos na akong mag-audition. Okay ako sa next round,” malumanay na sabi ng nakangiting dalaga. “Ikaw lang dito ngayon?”
“Kasama ko si Austin,” sagot ni Ponce na sumakto sa pagbalik ni Austin sa kinauupuan nila.
“Dorothy! Kumusta? Nag-audition ka rin?” bungad ni Austin sa dalaga na tila ba natulala sa binata.
“Ha? Oo… oo kaninang 11:00am sked. Nakapasok ako sa susunod na audition,” tugon ng namumulang si Dodi.
“Wow, anggaling mo naman! Congratulations!” masayang bati ni Austin.
“Salamat! For sure, makakapasa rin kayo,” nakangiting wika ng dalaga. “Ano… Austin… may pupuntahan lang ako. Iwan ko muna kayo. Good luck sa inyo!”
“Alam mo bang crush ka ni Dodi?” bulong ni Ponce pagkalabas ni Dodi sa waiting room, sabay bungisngis na nagpailang kay Austin.
“Talagang sa tenga ko pa tumawa,” naasar na reaksyon ni Austin.
“Baka siya yung secret admirer mo? Nak ng… wala kang itatapon, dude!” kinikilig na sabi ni Ponce sa kaibigan.
“Sino po dito si Austin Trevor V. Lorenzana, Grade 12-Escolta?”
“Good luck, dude! Isipin mo si Dodi habang kumakanta ka! Ayiiiie!”
Sa kabila ng inis sa kaklase ay napaisip nang malalim si Austin sa posibilidad na iyon. Paano nga kung si Dodi ang kanyang secret admirer? Sa isip niya, tama si Ponce. Isa ang dalaga sa pinakamaganda’t pinakamatalinong babae sa section nila. Bagaman sobrang mahinhin, palakaibigan at hindi mahiyain si Dodi sa mga tao, lalo na ‘pag may mga activity sa school. Marami ngang nabigla nung sumali siya sa Ms. Metropolitan noong nasa Grade 10 pa sila at siya ang nanalo sa contest na iyon. Hindi siya naging mailap sa lahat kaya maraming lalaki ang rumerespeto at nagkakagusto sa kanya. Hindi si Dodi ang tipo niyang babae, pero kung siya nga ang makikita niya sa Principal’s Garden mamaya, hindi niya babalewalain ang effort na ginawa ng dalaga sa loob ng limampung linggo.
Parang blind audition ng The Voice ang sistema ng paghahanap ng bagong member ng MetroGlee. Nakatalikod ang mga music teacher at di nila nalalaman kung ano ang itsura ng kumakanta. Medyo madilim din ang ilaw sa loob ng Music Room 4 kung saan nangyayari ang isa sa tatlong audition ng choir group. Ito ang unang audition ni Austin kaya normal na kabahan siya at panay ang pag-ubo niya bago simulan ang kanyang piyesa — ‘You Raise Me Up’ ni Josh Groban.
Nasa pangatlong linya pa lang siya ay tumayo’t humarap sa kanya ang isa sa mga hurado na sa di katagalan ay sinundan na rin ng dalawa. Siguradong pasado na siya para sa susunod na round. Nakangiti siyang lumabas ng kuwarto at agad na bumalik sa waiting area para iparating ang balita kay Ponce na susunod nang tatawagin.
Sa labas na lang piniling hintayin ni Austin ang kaibigan. Pumunta muna siya sa cafeteria para bumili ng maiinom at makakain. Hindi niya naiwasang tumingin sa Principal’s Garden at tumingin sa orasan. Alas kwatro y medya ng hapon.
Niluluto pa ang patty ng paborito niyang double cheeseburger kaya umupo muna siya’t naglaro ng Candy Crush sa kanyang smartphone. Sa kanyang paghihintay ay narinig niya ang isang pamilyar na malakas na tinig.
“Saglit lang ako, Misty! Babalik din ako!” tila nagmamadaling sabi ni Antwan sa di kalayuan. Pakiramdam nito’y papalapit ang mga yabag ng paa ng kaklase sa kanya.
“Uy!” simpleng pagbati ni Antwan saka tinapik ang balikat ni Austin na tumugon naman ng pilit na pagngiti. Agad ding nawala sa kanyang paningin ang binata dahil mabilis itong lumabas ng cafeteria.
Limang minuto ang nagdaan at natapos din ang paggawa ng binili niyang merienda. Pumunta siya sa counter para magbayad at bumili na rin ng pineapple juice, saka bumalik sa kanyang kinauupuan. Nasa kalagitnaan na siya ng pagkain nang biglang mag-ring ang kanyang telepono.
“Nasaan ka?” sabi ni Ponce mula sa kabilang linya.
“Nandito sa cafeteria. Bakit?” sagot ni Austin habang ngumunguya.
“Dude! Tama ako!” pabulong na wika ni Ponce na nagpataka sa binata.
“Tama?! Saan? Na hindi ka pasok ka sa audition?”
“Baliw! Pasado ako. Pero kasi… basta! Pumunta ka na lang dito sa Principal’s Garden para ma-gets mo!”
Nailunok ni Austin ang laman ng bibig niya na halos mabilaukan siya. Mabilis niyang ininom ang pineapple juice at lumabas ng cafeteria. Hindi na niya naubos ang kinakaing burger.
Limang minuto bago mag-alas singko, tanaw niya ang isang babaeng nag-iisang nakaupo sa Principal’s Garden, tila may hinihintay na kung sinuman. Habang papalapit siya’y tuluyan niyang naaaninag ang itsura nito at unti-unting nakikilala ang mukha ng dalaga. Ilang metro na lang ang layo ng binata nang lumingon sa kanya ang babaeng iyon at sinalubungan siya ng magandang ngiti.
“Hello… Dorothy,” nakangiti ngunit kalmadong sabi ni Austin kay Dodi.
“Hello Austin. Kumusta ang audition?”
“Nakapasa ako.”
“Wow congrats! Pero… parang hindi ka masaya?” tanong ng dalaga sa kaklase.
“Hindi ha! Masayang masaya ako… sobra,” marahan niyang tugon kay Dodi habang titig na titig sa mukha nito.
“Sure ka?”
“Siyempre! Kasi nakapasa ka… at ako…” naging seryosong tono ng binata na nagpatawa kay Dodi. Nataranta ang mukha ni Austin dahil feel niya ay may nasabi siyang hindi tama. “Ah… eh… I mean… si ano Ponce din nakapasa! Nakapasa tayong magkaklase. Masaya yun, ‘di ba?”
Habang nagtatawanan ang dalawa ay papalapit naman ang tumatakbong si Antwan na nanggaling sa loob ng main building. Hindi napansin nina Austin at Dodi ang pagdating ng kaklase nila na tila ba nagulat na makita sila.
“Dodi?!” tila nagulat na pagbati ni Antwan nang makita ang dalaga.
“Uy Antwan! Bakit?” nakangiting tugon ni Dodi sa kaklase.
“Wala naman,” seryosong wika nito, sabay takbo papasok ng Piano Cube.
“Oy! Antwan! Bakit kaya umalis agad yun?” pagtataka ng dalaga at ni Austin. “Uhm… teka lang ha, pupunta lang ako sa cafeteria. May kailangan lang akong asikasuhin”
“Gusto mo… samahan kita?” tanong ng binata na nagpabigla kay Dodi.
“Ha?! Bakit? Eh… huwag na.”
“Nagugutom ako!” sigaw ni Ponce na tila ba nang-aasar sa kaibigan. “Tara dude! Kain tayo! Masaya ako! Masayang masaya ako para sa’yo!”
“Siraulo,” napipikong bulong ni Austin na nagpabungisngis sa kanyang bestfriend.
“Pupunta ka rin ba sa cafeteria, Dodi?” tanong ni Ponce sa dalaga na tumugon ng pag-oo. “Yun pala e! Tara na Austin! Sabay-sabay na tayo ni… Dorothy. Hahaha!”
Ewan. Hindi niya maintindihan ang kanyang nararamdaman. Parang may pinasok na speaker sa loob ng puso niya sa sobrang pagtibok nito. “Ganito ba ang magmahal?” tanong niya sa kanyang isip. Wala siyang ideya. Ngunit kung babalikan niya ang lahat ng sulat na natanggap niya mula sa kanyang secret admirer, siguro eto na nga ang tinatawag nilang pag-ibig.
—
Bukod sa regular nilang pagkikita sa klase at sa MetroGlee ay halos gabi-gabing nagkaka-text sina Austin at Dodi. Ang binata na ang nag-initiate ng move dahil gusto niyang bumawi sa ginawang effort ni Dodi dati. Walang araw na hindi nag-mintis si Austin sa pagpapadala ng mga text na “good morning smile <3” at “good night hugs <3” sa dalaga. Tulad ng sikretong pag-iiwan ng letter, palihim ding naglalagay si Austin ng papel na naglalaman ng tulang kay Dodi niya inaalay. Ang ginagamit niyang pen name sa kanyang mga sinusulat – Melian.
Matapos ang tatlong buwang training ay nakapasa sina Austin, Dodi at Ponce sa sampung bagong miyembro ng MetroGlee.
Hindi pa umuwi sina Austin at Dodi pagkatapos ng kanilang weekly practice para sa paparating nilang concert. Hindi na sumama si Ponce dahil tatapusin pa niya ang book report na ipapasa nila sa makalawa. Pagdating talaga sa important projects, hindi mo siya talaga mapipilit na gumala sa kung saan saan.
Pumunta sa coffee shop ang dalawa para bigyan ng oras ang kanilang ispesyal na pagkakaibigan. Sa gitna ng mga baso ng caramel macchiato at signature hot chocolate ay masaya silang nagkuwentuhan ng kung ano-ano tungkol sa mga kaklase nila, mga kasama sa choir at kung ano-ano pa. Kasama na rito ang mga pahapyaw na tanong para makilala nila ang bawat isa. Sa nagdaang mga buwan ay ganito sina Austin at Dodi – masaya sa simpleng tawanan, titigan at pagkakaintindihan. Hindi kailanman pinag-usapan ng dalawa ang mga sulat na iniiwan sa locker ng binata sa loob ng isang taon. Ang mahalaga sa kanya ngayon ay makilala si Dodi nang higit pa.
“Nasa labas na si Papa. See you on Monday,” sabi ni Dodi.
“Sige Dorothy. Pero saglit! May ibibigay ako sa’yo,” tugon ni Austin, sabay kuha ng mp3 recorder sa bulsa ng kanyang bag. “May favor sana ako. Paki-record yung boses mo habang kinakanta mo yung tatlong pinaka-paborito mong kanta.”
“Ha? Bakit?” medyo natatawang pagtataka ng dalaga.
“Ano kasi… gusto ko sanang ikaw ang kakanta ng iko-compose kong love song para sa benefit concert.”
“Bakit naman ako? Mas okay kaya ang boses ni Pipa!”
“Masyadong pang-opera yung boses nya. Ang element ng love song na gagawin ko eh may power pero dama pa rin yung epekto ng pag-ibig sa kanta. Parang si Aia ng Imago.”
“Aysus! Baka naman pagsawaan mo ang boses ko sa kakapakinig mo!”
“Hindi ko siya pagsasawaan. Mas gusto ko pa nga siyang manuot sa puso ko e.”
“Hahaha! Writer ka nga talaga,” humahalakhak na reaksyon ng dalaga at saka kinuha ang hawak na mp3 recorder ni Austin. “Sige aalis na ako, baka manuot na agad ako sa puso mo e.”
Tawa nang tawa ang binata sa banat ni Dodi bago tuluyang lumabas ng coffee shop. Kahit nasa kotse na ay nakatingin pa rin ang dalaga kay Austin at gayundin naman ang huli. Kumaway ng pagpapaalam ang binata bago pa man makaalis ang kotse.
Binuksan saglit ni Austin ang tablet bago tuluyang umalis sa coffee shop. Hindi niya palaging binubuksan ang kanyang Facebook account dahil sa dami ng ginagawa niya. Inisa-isa niya ang mahigit 200 na notification at nag-comment sa mga post kung saan siya ay na-mention.
“Jedi Ilagan tagged you in a photo”
Isa sa mga litratong kinunan noong nagpa-practice sila sa theater play noong Grade 11, nakita ni Austin ang larawan nilang dalawa ni Antwan na puno ng ngiti habang magkaakbay. Pero ang nakakuha sa kanya ng atensyon ay ang caption nito.
“Meet my boss. Our theater play director. ATVL, I’m proud to be your fan. Hehe! #admirerJDI”
Nagulat si Austin sa nabasa niyang post ni Antwan at bumalik ang lahat ng nilalaman ng mga sulat na binigay ng kanyang secret admirer. Ayaw niyang paniwalaan ang kanyang nakikita. Siya ba si JDI na nag-iiwan ng mga love letter sa locker niya pero bakit si Dodi ang nasa Principal’s Garden nung oras na yon? Binitiwan niya ang hawak na tablet, kinusot ang mga mata at pumikit. Muling bumabalik sa kanyang gunita ang pangyayaring sinusubukan niyang kalimutan, at isang aksidenteng dapat niyang kalimutan at pagtawanan na lang.