Muntik Na Akong Humintong Magsulat

2015-category-title-tambuli copy2021-headline-feature-fb-aurora-11

Alam mo ba ang pakiramdam ng “nagsawa”?

Masasabi kong kalahati ng buhay ko ay naging masaya dahil sa pagsusulat. Mula sa dyaryo noong kolehiyo hanggang sa magkaroon ng sariling blog site at umabot pa sa kung ano-anong ganap na kinakailangang magpahayag gamit ang mga nagsasalitang daliri at tintang hindi nagtatae. Bihira akong hindi nagsusulat, ngunit sa mga iilang araw ding iyon ay nagsusulat pa rin ako sa utak. Kulang ako kapag hindi ko natitipa ang mga gusto kong sabihin… hanggang tumagal nang tumagal ang pandemya.

Sa parehong panahon noong nakaraang taon ay pursigido pa akong magsulat, lalo na dito sa Aurora Metropolis na sampung taon kong inaalagaan. Napakarami ko pang sasabihin kaya sulat lang ako nang sulat, kahit pa ang iba ay mga rant at mga sentimiyentong hindi ko kayang ibulalas sa mga taong kinaiinisan ko. Basta makapagsulat, sige lang!

Ang masaklap lang: Marami pa akong gustong isulat, pero pumapalag na ang utak at kamay ko na magsulat. Bakit kaya?

Writer’s block lang ba ito? Katamaran? O baka hindi na kasi ito ang priority ko gawa ng pagtanda? O baka dumating na talaga ako sa punto na wala nang gana sa passion na nagbigay-kulay sa buhay ko sa napakahabang panahon?

May mga tagpong mas gusto ko na lang magsulat para sa pera o para sa iba, pero hindi na para sa tunay na dahilan kung bakit ipinanganak si Aurora at patuloy na nabubuhay ngayon.

May nagsabi sa akin na masuwerte ang mga taong tumatanda at nakakapagsulat pa rin ng mga kasaysayan ng sarili nila at ng mundong inikutan nila. Ito ay sa dahilang kapag nalimot nila ang kanilang mga alaala ay may paraan pa para maibalik ito sa kanilang memorya. Noong simulan ko ang Aurora noong June 10, 2010 ay yun na ang gusto kong gawin — maging imbakan ng mga kuwento at opinyon ko sa mga bagay-bagay. Sa pagsusulat man lang ay may bilang ako sa lipunan, kahit katiting lang. Nagulat na lang ako na 10 years na ang Aurora dahil sa kasamaang palad ay hindi pa rin ako ganoon kasipag magsulat para sa “anak” ko.

Ang kagandahan kapag paparating ang mga panahong ganito ay sa kabila ng pagsasawa ay bumabalik ang pag-asa. Naiisip kong kahit nahihirapan akong magsulat ay kailangan ko pa ring sumulat. Muntikan na akong humintong magsulat, pero hindi pala pwede. Sabi nga ni Jessica Zafra na nakalagay sa bio ng Facebook account ko: “If I don’t write every day, I just feel bad.” Kapag kinalimutan kong magsulat, parang kinalimutan ko ring huminga.

Ngayong 11th birthday ng Aurora Metropolis, tulad ng dati, gusto ko pa ring ipangako na patuloy na magsusulat, kahit gaano pa kahirap, katamad at ka-unorganized magsulat. Sa mga pagkakataong nakakalimot na ako, mukhang mas dapat kong maitipa dito ang mga bagay na magpapaalala sa akin sa mga tao sa kamatayan ko o sa magiging kasaysayan ko — kung may susulat man.

aurora-11-logo

Wala Na Ba Talaga ang Diwa ng EDSA?

2015-category-title-tambuli copy2021-AURORA-02-EDSA

Aalalahanin ng bansa at maging ng buong mundo ang makasaysayang EDSA People Power Revolution. 35 taon na ang nakararaan ay napatalsik ng pinagsama-samang panalangin, paninindigan at pagkamakabayan ang diktaduryang nanamantala sa kahinaan ng ating demokrasya. Sa araw na iyon ay sabay-sabay na lumingon ang sangkatauhan sa kagila-gilalas na pagkakaisa ng maraming Pilipino upang ibalik sa bansa ang kalayaan, katarungan at tunay na kapayapaan.

Buhay ang mga alaala ng EDSA, pero sa panahong madali na tayong makalimot sa mga tama at mali sa ating kasaysayan, dekorasyon na lamang ang mga bantayog, mga patotoo at mga aral na dapat ay nanuot na sa bawat ugat sa sistema ng ating pamahalaan. Sinasabi ng marami na ang resulta ng People Power ay mas malalang paghihirap, mas malawak na gap sa pagitan ng mayayaman at mga dukha o mas talamak na korapsyon sa burukrasya. Para bang nagpalayas tayo ng iilang gahaman para palitan ng mas maraming kawatan.

May iniwang pangako ang EDSA at ito ay yung mga tinatawag nating diwa – mga pagkakamaling hindi lang basta-basta dapat limutin kundi mga pangyayaring dapat paghugutan ng karunungan. Ang mga kaalamang ito ay siya nawa nating magagamit upang manaig ang tama sa bawat maliliit na hakbang palayo sa malalim na nakaraan sa kamay ng rehimeng Marcos.

May napulot ang daigdig sa diwa ng EDSA. Nanganak ito ng maraming rebolusyon sa iba’t ibang lupalop kung saan tumindig ang mamamayan sa kani-kanilang mga diktador at nagwaksi sa paniniil ng mga abusado. EDSA ang naging inspirasyon nila at lahat ng ito’y nagbunga ng bagong hangin ng demokrasya sa maraming bansa.

Dito sa Pilipinas, maraming naniniwalang namamatay na ang diwa ng EDSA. Unti-unting nakakabalik ang mga taong minsang naging bahagi ng madilim na yugtong ito sa ating kasaysayan. May mga taong nilunod ng magagandang bagay para makalimot sa kademonyohan sa likod ng mga ito. Binabaliktad ng mga tinahi-tahing mito ang katotohanan para pabanguhin ang pangalan ng nabubulok na buto ni Ferdinand Edralin Marcos, ang naaagnas na balat sa likod ng foundation ni Imelda Romualdez Marcos at mga anak niyang nagmana ng kasinungalingan, pagkasakim at mataas na tingin sa sarili ng kanilang mga magulang. Wala nang pakialam ang ilang kabataan sa idinulot sa atin ng Martial Law at ng Bagong Lipunan, at ang gusto ay umusad na lamang na parang walang nangyari sa bawat ina, ama, anak, kaibigan, kasintahan o asawang pinatay, ikinulong, ginipit at pinatahimik ng diktadurya.

Maaaring natatabunan na ng mga alikabok ng nakaraan ang diwa ng EDSA, pero talaga bang ito’y malapit nang mabura?

Sa nakalipas na limang taon, maraming pagkakataon nang gustong baluktutin ng mga loyalista at troll ang matayog na kontribusyon ng People Power sa ating bansa. Pero kada taon mula 2016, walang dudang maraming tao na rin ang namumulat sa pagkakamaling dinulot ng populismo ni Duterte at ng pagkiling niya sa paniniwalang bayani si Marcos. Bagaman pinipilit na walang makita ang mga minsa’y naniwala sa aral ng EDSA, patuloy na binibigyang-liwanag ng mga nagigising sa katotohanang hindi ito ang gusto ng mga diwa ng EDSA para sa ating bayan. Na hindi ang diwa ng EDSA ang may kasalanan kundi tayong pinili na talikuran ang tagumpay ng People Power para sa kasalukuyang puro kabastusan, kayabangan at katatawanan ang inaatupag.

Buhay ang diwa ng EDSA kahit pa pilit itong binabastos ng mga hindi naniniwala sa kanya. Marupok ang demokrasya pero pinatunayan ng People Power na tayo mismo ang magtatanggol sa kanya gamit ang mga leksyong natutunan natin sa kanya. Mamamatay ang diwa ng EDSA kung papatayin natin ang panalangin, pagtitiyaga at paglaban para manatiling buhay ang demokrasya.

Mananatiling buhay ang diwa ng EDSA, at ngayong ika-35 anibersaryo nito, alalahanin natin na tayo dapat mismo ang magdala ng pagbabago habang niyayakap ang regalong mas makataong lipunan para sa atin at sa susunod na salinlahi ng ating bayan.

#EDSA35

 

2020-headline-feature-fb-aurora-10-cropped.png

2021’s 12 Random Resolutions

2015-category-title-tambuli copyaurora-2021-01-post-featured-resolutions

Pinaalala sa akin ng Facebook Memory ang ilang series of post tungkol sa aking New Year’s Resolution para sa 2012. Hindi ko matandaan kung nagawa ko ang mga iyon at hindi ko rin matandaan kung bakit ako gumawa ng resolution kahit alam kong hindi ko naman ito magagawa noong mga panahong iyon.

Nine years had passed. Sa palagay ko, kahit papaano’y marami na rin ang nag-iba sa kung paano ko gustong baguhin ang direksyon ng buhay ko. Ngayong panibagong taon, susubukan kong hamunin ang sarili ko. At bago matapos ang 2021, titingnan natin kung kinaya ko ang aking bagong New Year’s Resolution.

Lahat ng ibibigay kong resolution ay random o yung mga hindi ko talaga planado. Sa mga oras na sinusulat ko ang parteng ito ay nakaisip na ako ng 12 resolutions na ang karamihan ay hindi ko pinag-isipan kung gusto ko o hindi. Walang burahan.

***

1. Magbawas ng at least 50 kilograms bago mag-December 15

2. Magsi-selfie per day from January 1 to December 24 at iko-compile sa Facebook sa December 25

3. Gagawa ng 20 videos para sa Lem Santiago Vlog

4. Magsusulat ng love story per month para sa Aurora Metropolis

5. Lalabas ng Metro Manila nang tatlong beses bago mag-December 20

6. Bibili ng black shirt every month

7. Mag-iipon ng 21,000 pesos bago mag-December 25

8. Susulat ng libro

9. Makikipag-date sa lalaking may real first name na nagsisimula sa letter M

10. Magbabakasyon mag-isa sa malayo

11. Magbabasa ng 33 books

12. 1-month hiatus on Facebook

***

Susubukan ko lang kung kayang panindigan. Kung hindi, sorry.

G? G! Hehe.

2020-headline-feature-fb-aurora-10-cropped.png