Isa itong biglaang sanaysay. Huwag ninyo masyadong asahan na medyo maayos ang paragraph construction nito. Medyo may pagka-conventional kaya OK lang naman dahil uso naman ngayon ito sa mundo ng panitikan.
+++
Kaninang umaga ay nahalungkat ko sa gilid-gilid ng mga nakatambak na mga libro ang nobelang Para Kay B ng aking personal na hinahangaang si Ginoong Ricky Lee. Nang makita ko ang pabalat nito ay di maiwasang mag-refresh sa utak ko ang ilan sa mga pagtatantong natutunan ko sa nobelang ito. Pero nagkaroon ako ng isang malaking tanong na alam kong madaling bigyan ng kasagutan pero patuloy pa ring nagmumulto sa aking kamalayan.
Karamihan sa mga pangunahing tauhan ng nobelang ito ay mga babae mula sa perspektibo ng isang lalake. Bagaman ganito ang istruktura ay naglaan si G. Lee ng bahaging tumalakay sa kung paanong magmahal ang isang bakla, o ‘beki’ sa bokabularyo ng modernong panahon. Isang patunay na pinapahalagahan ng aking idolo ang pagmamahalan ng magkaparehong kasarian.
Gayunpaman, may ilan akong mga katanungan sa aking isipan, tulad ng sinabi ko kanina:
– Kapag may isang beki kayang nakaranas ng dinanas nina Irene at Jordan, kakayanin kaya niyang gawin ang ginawa ni Irene na ihain ang kanyang katawan para lang maalala siya ng taong nakalimot sa mga pangako nito sa kanya? Paano kung sinapak siya nito at sabihing nakakadiri ang pumatol sa bakla? O kaya magkukunwaring nakaalala siya pero peperahan lang siya?
– Ano kaya ang gagawin ng isang magulang kung malamang ang dalawang junior niya ay may tinatagong relasyon? Bubugbugin din ba nito ang ginawa ng tatay ni Sandra sa kapatid nitong si Lupe?
– Ano kaya ang itsura ng Maldiaga na puro beki? Kung walang tunay na pag-ibig na umiiral sa Maldiagang inilarawan sa nobela, ang Maldiaga ba ng mga beki ay mundong walang pag-ibig at puro jerjer na lang?
– Kung ikaw ang may tatay na beki, gagawin mo rin ba ang ginawa ni AJ na suportahan ang tinitibok ng puso ng nanay niyang si Ester na nagmamahal kay Sara. OK lang ba sa’yo na masunod ang sinisigaw ng damdamin ng beki mong tatay at ang lalakeng mahal niya, kahit masira pa ang buhay mag-asawa ng isa tulad nina Sara at Pio?
– Mas marami na nga ba talagang beki ang tulad ni Bessie ngayon, na pinaglalaruan lamang ang puso ng isang taong umaasa sa kanyang pagmamahal? Kung ganito ang sitwasyon sa kasalukuyan, dapat na bang mawalan ng pag-asa ng mga pangit na beki at pagtuunan na lang ang kanilang mga pangarap tulad ni Lucas?
Wala akong duda sa ganda ng nobelang ito. Dumako lang talaga sa utak ko ang mga katanungang ito bilang gabay sa aking mga kapanalig sa gay community kung paano nila mamanduhin ang kanilang mga puso pagdating sa pagmamahal. Ang Para Kay B, para sa akin, ay bibliya ng pag-ibig. Isang kumpol ng realidad na nagbibigay sa bawat tao ng mga senaryong maaaring kaharapin ng mga taong nagmamahal. Para sa akin, ang Para Kay B ay para rin sa mga beki na mas mataas ang tendency na magmahal nang sobra — parang ako.
.
10:28PM, June 04, 2011