FAST POST 57: Strange Yet Comfortable Path

Meron akong nai-share na post sa Facebook na kumiliti sa aking post. Sabi nito:

“Kahit paano’y may narating ka na, at may mararating ka pa.”

Ang caption ko: “‘Di ko talaga alam kung paano ako nakarating dito pero salamat sa Diyos.”

Lagi kong sinasabi sa mga nakakausap ko na hindi ko alam kung paano ako nakarating sa puntong ito ng buhay ko. Pala-dasal ako, pero hindi ako relihiyoso. Pumupunta ako sa simbahan, pero hindi ako talaga pala-simba. May naging kaibigan akong tumira sa kumbento, pero wala sa gunita ko na matulog, magpalipas ng magdamag o lalong tumira sa kumbento. Lahat ito ay nagbago nang dumating ang COVID-19 pandemic.

Marahil ay naikuwento na sa ilang pagkakataon ang pagbabalik-loob ko sa pananampalataya mula noong 2020. Masasabi kong may kakaibang biyayang dala ang pagdating ng pandemya dahil dinala ako nito sa isang lugar na bagaman may pressure ay nakakapagbigay ng ginhawa sa akin kahit halos paulit-ulit kong ginagawa araw-araw. Sabihin na nating convenient, pero ang pagiging manggagawa sa simbahan ay isang trabahong nababagay sa tulad kong nangangailangan ng kapanatagan pagkatapos ng higit isang dekadang karanasan sa mga toxic working environment.

“Kahit paano’y may narating ka na…”

10 years ago, noong 25 years old ako, kampante na ako sa nangyari sa buhay ko. Inisip ko na rin noon na pwede na akong mamatay dahil kung anuman ang kapasidad ko bilang tao ay natupad ko na. Pero magaling ang Diyos at ang tadhana para ikut-ikutin ang mundo ko. After 25, mas marami pang pinuntahan ang buhay ko at hindi ko aakalain na may itataas pa ang kaya kong marating. Kaya kong sabihin na pagtuntong ko ng trenta anyos ay may narating na talaga ako sa kabila ng ilang “kakulangan” para maabot ang karerang akala ko ay hindi ko na mararating.

“…at may mararating ka pa.”

Pagkatapos ng chaotic pero exciting na political life noong 2022 ay para bang sinadya ng tadhana na dalhin ako sa mas kumportableng sitwasyon. Sino bang mag-aakala na magtatrabaho ako bilang head ng opisina ng isang parokya? Marami ang lalong nabigla sa tinahak ng paglalakbay ko at, maniwala kayo’t hindi, pati ako ay nagulat din!

Ngunit habang bumabalik ako sa mga pangyayari ng nakalipas na buwan ay hindi ko namalayang may mga clue na rin na sa ganitong karera ako papunta. Yun bang mga “kaya pala”:

– Kaya pala ayos lang sa nanay ko na nasa simbahan lang ako?
– Kaya pala kahit maraming mga trabahong malalaki ang sweldo ang magaan kong inaayawan kahit allowance lang dati ang nakukuha ko sa simbahan?
– Kaya pala kahit sumabak ako sa kampanya ng 2022 ay hindi naging mahirap ang pagbabalik ko sa buhay-parokya?
– Kaya pala pinili ng Diyos na ang unang bisita ng nanay ko sa pagpanaw niya ay isang pari at ang huling simbahang pinuntahan niya ay ang enggrandeng simbahang nagligtas sa buhay ko noong pandemya?

At ito ako ngayon: nakarating sa pinakamaginhawang trabaho ko. Strange yet comfortable. Maaaring ako mismo ang pumili ng daan na ito para kalasin ang bigat na hindi matanggal-tanggal sa puso at utak ko.

Pero may mga pagkakataong hindi ko inisip na ito ang pinili ko. Iba ang pumili nito. At ang tangi ko lang masasabi ay “Salamat sa Diyos.”

cropped-article-stoper.png

FAST POST 56: 11th at Commitment

Maraming beses sa buhay ko na pinagsisihan kong naging committed ako. Relasyon, desisyon at kung ano-anong alanganing pagkakataon. Hindi lang naman isang tao ang rason ng pangmatagalang paninindigan. Minsan, dahil ito sa mga kasama mo o sa mga partikular na sitwasyon na nagpapatibay sa sinumpaang pangako. Alam kong minsan ay kaya ko, pero minsan, aminado akong kasalanan ko. Pero batid ko kung kailan ako kailangang maging committed… at sa iilang beses na iyon, may mga iilan akong napa-proud ako.

Ang blog na ito ang masasabi kong pinaka-pinanindigan ko sa buhay. Obviously, 11th anniversary na niya ngayong araw na ito.

Sinisimbulo ng Aurora Metropolis ang buong pagkatao ko: lahat ng pwede kong ipagmalaki at kinakahiya ko, lahat ng kalakasan at kahinaan ko, lahat ng kasipagan at katamaran ko, lahat ng kabutihan at kasamaan ko. Ang Aurora ang patunay na ang katawan ko ay lalaki at babae, hindi lang basta bakla. Ang Aurora ang dahilan kung bakit ako patuloy na naniniwala sa kapangyarihan ng Diyos sa kabila ng mga pananaw na ang pagiging bakla ay isang matinding kasalanan sa Panginoon. Ang Aurora ang nagpapakita ng totoong ako at ng mga ayaw ko sa sarili ko.

Mahirap maging manunulat, pero sa lahat ng hirap na sinuong ko sa mga nagdaang taon, ang pagsubok na itipa ang mga daliri ko para makabuo ng mga istorya at pananaw ang pinakadakilang paghihirap na kaya kong ibigay para sa sarili ko. At lagi kong uulit-ulitin: kapag kinalimutan kong magsulat ay parang kinalimutan ko na ring huminga.

Mahal kong Aurora, maligayang kaarawan. Masakit, mahirap pero patuloy kang mabubuhay dahil ikaw ay ako.

FAST POST 55: Dot Com

Hindi ako makapaniwalang “dot com” na ang domain ng Aurora Metropolis.

Isang taon nang naka-reserba ang aurorametropolis.com, pero nagdesisyon akong ngayon lang ito gamitin dahil sa renewal ng plan ko. At tulad ng laging sinasabi sa mga pelikula, “it’s about time.”

Nabili ko ito noong 2020 dahil may promo ang WordPress sa mga domain. Sa isip-isip ko, kung kailan kalat na sa buong Internet ang aurorametropolis.blog ay saka lang ito io-offer ng WordPress! Na-Duterte ako. Hahaha!

Pangarap ng bawat website owner na magkaroon ng website na dot com ang domain. At siguro’y magandang regalo para sa 11th year ng Aurora ang bagong apelyido niya. Pakiramdam ko ngayon ay mas naging legit na website na ang aking mumunting blog site.