FAST POST 43: Dapat Ka Bang Makinig sa Advice ng mga Bitter?

Magka-chat kami kagabi ng mga kaibigan ko tungkol sa ex ng isa sa amin. Nagkataong kaibigan ko yung ex, kaya pinili (… o pinilit) kong maging neutral. Pero may isang statement ang isa sa mga kaibigan ko na nakakuha ng atensyon ko. Hindi ito tungkol sa ex ng tropa namin, kundi sa isa sa mga tropa namin na galit pa rin sa ex niyang engaged na. Sabi niya, parang hindi tama na mag-advice siya sa mga ganitong sitwasyon dahil clouded siya ng bitterness sa dati niyang karelasyon. Dahil nga magkakaibigan kami, ang akala nung isa ay nagbibiruan kaya natawa lang siya. Nag-personal message sa akin ang isa kong kaibigan: Kinain na siya ng pagka-bitter niya. Isang malaking like sign ang ni-reply ko.

Ewan ko kung achievement para sa akin na makapag-advice sa napakaraming tao tungkol sa kani-kanilang relasyon. Yung iba ay nauwi sa kasalan at yung iba ay nauwi sa kalasan. Bihira kong gawing ehemplo ang mga naranasan ko dahil hindi naman eksaktong pare-pareho ang istorya ng pag-ibig ng lahat ng tao. Pero may isang bagay akong natutunan sa isang mentor na dala-dala ko hanggang ngayon: huwag na huwag kang magpapayo sa isang taong may problema sa relasyon kung ang iisipin mo ay yung mga masasamang nangyari sa sarili mong mga relasyon.

Lahat tayo ay may karapatang magbigay ng payo sa mga taong humihingi nito. Pero hindi mo dapat gawing basehan ang bitterness mo sa naging relasyon mo para resolbahin ang gusot ng ibang tao. Sabihin na natin na makakatulong ang natutunan mo sa masamang karanasang iyon, pero hindi mo pwedeng itulad ang isang nakilala mo sa iba. Uulitin ko: walang magkakaparehong istorya ng pag-ibig. Hayaan natin ang iba na humubog ng maging susunod na kabanata.

Sa panulukan ng Pinpin at Escolta

Sa panulukan ng Pinpin at Escolta

Habang ikaw ay sabik na hinihintay,
Nanunuot sa aking lalamunan
Ang sorbetes na kulay puti’t luntian,
Nakasilip sa bintana,
Umaasa.

‘Di masama
Pero alam kong ‘di tama
Ang magpunla ng aking nararamdaman,
Sabayan pa ng sanlaksang kabaliwan
Na nagpamanhid sa pusong walang malay.

Unti-unti nyang tinutunaw ang laman
Ng nanlamig at sumasablay kong buhay.
Bawat dila,
Tikim at nginig ng saya
Ay may sakit, luha sa kinabukasan.

Lumipas ang lamig, init ay bumigla
Sa kalamnan
Kong dinaya ng sarap, tamis, ginhawa.
Gising na nga bang tuluyan
Sa pag-ibig na ‘di pwede maging tunay?

Pagngiti ko’y lumungkot, tumamlay
sa pagbukas ng pintuan
nang dagling magpasyang ika’y hiwalayan.
Alam ko na
Kahit mahirap, wala na’ng magagawa.

Ang hapdi sa ‘king isipan,
‘Di ko kaya
Na umakyat sa jeep kung saan sasakay.
Dapat sa sarili’y ipaunawa
Na tanggapin ang pawang katotohanan.

Palayo na ako sa Calle Escolta,
Tila umalis na rin sa kasalanan
At ilusyon ng maling pagmamahalan.
Nais ko nang humiwalay.
Ayoko na.

#

FAST POST #33: Para Kina Christian at Eileen (… mula sa taong wala pang balak “lumagay sa tahimik”)

Isang pambihirang pagkakataon ang masaksihan ang isang kaibigan na nagmamartsa patungo sa kanyang panibagong kabanata – ang pagiging kabiyak ng taong kanyang minamahal. Puno ng sorpresa ang buhay sapagkat dumating na ang ganitong kaganapan kahit pakiramdam ko ay parang kahapon lang nung nagbibiruan pa kami sa loob ng AP office (student publication office ng PLM) tungkol sa kanyang buhay pag-ibig. Mahiwagang tunay ang tadhana: ang dating nene ay naging lawyer at di kalauna’y isa nang maybahay.

Ang mga kaibigan mula sa Ang Pamantasan kasama ang pinakamagandang babae sa Morong, Bataan noong April 9, 2015.

Ang mga kaibigan mula sa Ang Pamantasan kasama ang pinakamagandang babae sa Morong, Bataan noong April 9, 2015.

Selfie kasama ang bride

Selfie kasama ang bride

Ika-9 ng Abril 2015, alas-tres ng hapon ay ikinasal si Atty. Mary Eileen F. Chinte sa kasintahan niya ng humigit-kumulang limang taon na si Atty. Christian B. Cabrera. Naging saksi ang simbahan ng Nuestra Seniora del Pilar sa bayan ng Morong, Bataan sa pag-iisang-dibdib ng dalawang taong simple kung mamuhay pero walang kasing tibay ang tatag ng pagkatao.

Personal ko ring hindi makakalimutan ang araw na ito dahil sa kauna-unahang pagkakataon ay nag-emcee ako sa isang wedding party. Para sa akin, hindi lang ito basta simpleng hosting event dahil pinapangunahan ko ang isang kasiyahang panimula ng kanilang buhay bilang mag-asawa.

Alam nating lahat na may mga pagsubok na darating at marami sa mga iyon ang hindi ninyo makakaya nang kayo lang. Narito kaming mga kaibigan ninyo kung anuman ang kaya naming maitulong. Higit sa lahat, nariyan ang Panginoon at inyong pamilya upang maging mas matibay sa mga hamon ng buhay. Walang duda na magiging cool na magulang kayo kaya lalo kaming nananabik na makakita ng mga maliliit na version ninyo.

Masaya ang buhay, huwag masyadong sisimangot at manatiling positibo sa lahat ng bagay. Kailanman, ang mag-asawang masiyahin ay mag-asawang pagpapalain. Congratulations, Ian at Ei!

Si Mr. at Mrs. Cabrera.

Si Mr. at Mrs. Cabrera.