Papugay sa Aking “Unang” Presidente

2015-category-title-tambuli copy

aurora-2021-06-post-featured-salamat-pnoy

May 10, 2010. Bago ko ipasok ang balota sa PCOS machine, sinigurado kong properly shaded ang lahat ng binoto ko. Sa unang attempt, hindi ito tanggap ng makina. Sinabihan ako ng election officer na tingnang mabuti ang mga bilog na na-shade-an ko dahil sensitive ang makina na magde-detect nito. Pinagmasdan ko lahat hanggang sa dumapo ang mata ko sa pangalan ng pinili kong maging susunod na presidente ng Pilipinas. Hiniram kong muli ang marker para i-shade ang bilog sa tabi nito kahit well-shaded naman. Gusto ko lang makasigurado na papasok ang aking boto sa pagkapangulo. Sa pangalawang beses ay tinanggap na ng PCOS ang balota ko. Ito ang kauna-unahang beses na bumoto ako sa isang halalan. Personal ito para sa akin kaya sinigurado kong hindi ito dapat masayang, lalong-lalo na ang boto ko para sa aking pangulo — si Noynoy Aquino.

Marahil, sasabihin ninyo ay isa ako sa mga nagoyo ng tinatawag na “Cory Magic”. Siguro nga. Pero noong mga panahong iyon na puno ng korap at manloloko sa loob ng pamahalaan, tama lang na ang piliin ay isang tao na ang pangalan ay kilalang tagapagtanggol ng demokrasya at kakampi ng bayan laban sa mga nagnanakaw sa kaban ng bayan. Sa mga anak ni Ninoy at Cory ay may isang nagmana ng kanilang espasyo sa pulitika ng bansa. Bagito man sa Senado pero sigurado ang marami na hindi gagawa si Noynoy ng kataranduhan sa gobyerno na ikakasira ng pangalan ng kanyang mga dakilang magulang.

Nanalo si Noynoy. Para akong nanalo sa pustahan, pero hindi pa rin talaga ako naging sobrang interesado sa mga usapin ng pulitika… hanggang sa dumating ang Manila Hostage Crisis, ilang buwan pagkatapos niyang manumpa sa sambayanan sa Quirino Grandstand kung saan din nangyari ang trahedya. Sa kauna-unahang pagkakataon ay natuto akong manimbang ng isang gobyernong kinakampihan ko pero may mga pagkakamaling nagawa sa iba’t ibang isyu.

Sa panahon ni PNoy ako nagsimula ring pumasok sa gobyerno at naranasang maging bahagi ng burukrasya. Dito rin ako naging mas aktibo sa pagbo-volunteer at nakita ang mga sakit ng lipunan na pinipilit gamutin o nakakalimutang tugunan ng pamahalaan. Dito ako mas namulat sa realidad na may mga hindi magawa ang gobyerno, hindi dahil sa hindi nila magawa, pero dahil hindi ito ang kanilang prayoridad. Sa panahon din ni PNoy ay natuto akong mas maging vocal laban sa ilang mga polisiya ng pamahalaan niya. Pero sa kabila nito ay suportado ko pa rin ang gobyerno sa simpleng paraang alam ko. Sa kabila ng mga reklamo ay nanatili pa rin ang tiwala ko kay PNoy at sa kanyang mga opisyal. Mahinahon ang daloy ng demokrasya, malaya ang media, walang limitasyon ang protesta.

aurora-2021-06-photo-pnoy-02

Kuha ko noong ika-30 anibersaryo ng People Power Revolution (February 25, 2016)

Natapos ang termino ni PNoy na puno ng pag-asang mapapanatili ang kaunlaran at kaayusan ng bansa. Pinatunayan ng kanyang anim na taon sa Malakanyang na hindi ako nagkamali ng binoto ko noong 2010. Bagaman pinili niya ang mas pribadong buhay pagkatapos ng panguluhan, nanatili ang diwa ni PNoy sa mga Pilipinong naniniwala na mas nananaig ang kaayusan kapag disente, marespeto at may dignidad ang pamahalaan… at ito ay nagsisimula sa presidente ng bansa.

Limang taon pagkatapos ng kanyang ginintuang yugto, June 24, 2021, habang ipinagdiriwang ng mga Katolikong Pilipino ang pagluluklok sa isa pang bagong pinuno sa katauhan ni Manila Archbhishop Jose F. Cardinal Advincula, isang balita ang gumulantang sa bansa. Sa edad na 61, pumanaw na si PNoy. Sa mga tulad kong “noytard” at purong Dilawan, natahimik ako sa gulat at ilang beses pumasok sa banyo para tumangis ng luha sa kanyang pagkawala. Huli akong umiyak nang sobra nang ganito ay noong August 8 lang noong bigla ring mawala ang tinuturing na ama ng lungsod ng Maynila na si Mayor Alfredo Lim. Masakit ito para sa akin dahil isa si PNoy sa nagmulat sa aking pulitikal na pag-iisip at nagpakita sa ating lahat na dapat tayong magtiwala sa kabutihan ng tao upang umunlad ang isang lipunan.

aurora-2021-06-photo-pnoy

Isang emosyonal na paghaharap. Huling sulyap. (June 24, 2021)

Sa kahuli-hulihang pagkakataon, sa unang gabi ng kanyang pagpanaw, nagkaroon ako ng pagkakataon na madalaw siya sa Heritage Park sa Taguig at makapagbigay-pugay nang ilang minuto sa harap ng kanyang mga abo. Minsan akong nangarap na makamayan at makausap siya nang kahit kaunti. Malungkot man na sa punto ng kamatayan ang una’t huli naming personal na pagtatagpo, isa pa ring karangalan na maiparamdam sa kanya ang pasasalamat sa pamamagitan ng panalangin. At sa una’t huling sandali, nasabi ko sa kanya sa aking taimtim na dasal na bilang boss niya ay hindi ako binigo ng aking unang pangulo sa balota.

Paalam at maraming salamat, PNoy.
Dadakilain ng kasaysayan ang naging ambag mo sa ating bayang mahal.
Hanggang sa muli, Ginoong Pangulo.

“Ang tapat at mabuting pamamahala ay nanganganak ng mabuting resulta… Kung may gagawin kang mabuti, may babalik sa’yong mabuti. At kung gagawa ka ng masama, tiyak na mananagot ka… Kung may nakita kang mabuti, huwag kang magdalawang-isip na purihin ito.”

H.E. Benigno Simeon C. Aquino III (1960-2021)
Pangulo ng Pilipinas
SONA 2011

aurora-11-logo

Ang Diwa ng Awit ng Maynila

2015-category-title-dear-manilaaurora-2021-02-post-featured-awit-ng-maynila

Tanging lungsod naming mahal.
Tampok ng Silanganan.
Patungo sa kaunlaran
at kaligayahan.

Nasa kanya ang pangarap,
dunong, lakas, pag-unlad.
Ang Maynila’y tanging perlas
ng bayan, ngayo’t bukas.

Maynila, o Maynila!
Dalhin mo ang bandila!
Maynila, o Maynila!
At itanghal itong bansa!

Maynila, o Maynila!
Dalhin mo ang bandila!
Maynila, o Maynila!
At itanghal itong bansa!

Humigit kumulang apat na siglo ang pagitan ng panahong gawing siyudad ng isang kilalang mananakop ang Maynila at ng panahong isinulat ng isang kilalang makata ang Awit ng Maynila. 1571 nang ideklara ni Miguel Lopez de Legazpi ang Maynila bilang “pinakanatatangi’t pinakatapat na lungsod” na itinalagang trono ng Kaharian ng España sa Pasipiko. Dekada sisenta nang ilunsad ng noo’y alkalde Gatpuno Antonio J. Villegas ang mga titik ng manunulat na si Amado V. Hernandez at binigyang-musika ni Felipe Padilla de Leon bilang himno ng karangalan para sa isang maringal na kabisera.

Ang bawat letra nito ay papugay sa masalimuot na kasaysayan ng siyudad. Inilalarawan ng Awit ng Maynila ang naging tungkulin ng Maynila bilang koronang perlas na hinubog ng mga dayuhan, binabad sa dugo ng mga digmaan at pinaningning sa talento ng kanyang mga mamamayan. Inihahayag nito ang adhikain ng bawat nakatira rito, nag-aaral dito at nagtatrabaho rito  Patunay ito ng dignidad ng isang tunay na hinirang na kabisera ng bansang kayang ipagmalaki ang kanyang lahi saan man sa mundo.

Ang Maynila ang mukha at kaluluwa ng Pilipinas, sa hirap o dusa, sa lungkot o saya, sa tagumpay o trahedya. Ang Awit ng Maynila ay martsa ng mga mandirigmang araw-araw na nakikibaka sa buhay, panata ng mga kabataang magsusumikap upang maging kabahagi ng pag-unlad at himig ng mga anak niyang naniniwala na ano pa man ang mangyari ay titindig siya tangan ang bandila ng isang malayang republika.

Ang Awit ng Maynila ang sumasalamin ng diwa ng pagiging isang Manileño, at sa ika-450 anibersaryo ng pagsasalungsod ng Maynila, nawa’y mas isapuso natin ang pagbigkas nito sa lahat ng okasyon. Hindi lamang ito isang kantang tumatapos sa bawat seremonya kundi isang pangako na bilang Manileño, magkakasama tayo ng ating lungsod sa pagtindig ng ating minamahal na bayan sa ating bawat galaw araw-araw.

Mabuhay ang punong kabisera ng Pilipinas!
Maligayang ika-450 Araw ng Maynila!

aurora-11-logo

Ang mga Kulay at Kahulugan ng Pagkakapantay-pantay

2015-category-title-muelle copy2021-headline-feature-fb-bahaghari-pagkakapantay-pantay

Bahaghari – lagi nating ginagamit na simbulo ng “kabaklaan”. Dahil ito siguro sa iba’t ibang kulay na sumasagisag sa pagkakaiba-iba ng pananamit, pagkilos, pakikisalamuha, pakikipagtalik o pagmamahal.

Debate pa rin sa iilan ang pagtingin sa bahaghari bilang representasyon ng mga taong hanggang sa kasalukuyan ay itinuturing na kakaiba. Para bang debate sa kung anong bagay ang dapat ihambing sa nadaramang mga emosyon, sa takbo ng panahon o anumang sitwasyon.

Ngunit hindi batid ng marami, lalo na sa mga galit na galit sa kabaklaan, ay sa bawat pagkondena nila rito ay mas pinapalinaw nila ang pagkabakla ng bahaghari. At sa bawat pambabastos, pangungutya’t pananakit ay lalo lang naninindigan ang marami na walang pwedeng kumatawan sa kabaklaan kung hindi ang bahaghari.

Sa maraming dekada ng ating paglalakbay para sa mas makataong karapatan sa sankabaklaan, hindi na mabilang kung ilang beses lumipad ang bandilang bahaghari sa alapaap ng mga protesta at pagdiriwang. Pero ikaw na laging tangan ang bahaghari sa araw-araw mong buhay, naisip mo bang bigyan ito ng mas malalim na pakahulugan? Ano para sa’yo ang pitong kulay na nagpapakilala sa’yo sa mundo?

Pula: Ang kulay ng pakikibaka

Kapag sinabing ‘pakikibaka’, hindi lamang ito pisikal na paglaban sa prinsipyo, ideolohiya o adbokasiya. Isa itong regular na krisis, lalo na sa pang-araw-araw na pamumuhay ng maraming bakla. Hindi lamang ito kulay ng sumisirit na dugo kundi kulay ng tumitibok na puso. Oo, ang pag-ibig ay isang pakikibaka. Pero hindi rin lahat ng pakikibaka ay karahasan dahil ito ay pagkakataong patunayan ang sarili sa isa, sa iba o sa madla. Sa panahong nariyan pa rin ang talamak na panghuhusga sa sankabaklaan, hindi pa rin nawawala ang katotohanang kailangan nating patunayan ang presensya natin sa lipunan. Masakit, pero kailangan nating tanggapin na kasama pa rin ito sa ating pakikibaka.

Kahel: Ang kulay ng kasiyahan

Ang salitang gay sa Filipino ay nangangahulugang masaya. At tila inadya rin na ang salitang gay sa Filipino ay bakla. Kumbaga sa tagsibol, ang lahat sa paligid natin ay nagiging masaya kapag namumukadkad na ang mga papausbong na prutas at bulaklak na nagbibigay ng ligaya hindi lang sa ating mata kundi sa ating kaluluwa. Ang sankabaklaan ay regalo ng Maykapal na namumukadkad ng napakaraming halakhak, lalo na’t nasa kalagitnaan tayo ng patong-patong na pagdurusa at kalungkutan. Ang kabaklaan ay isang unique na pinagmumulan ng saya sa kahit sino, sa kahit anong oras na kailangan ng kanilang maaliwalas na sibol.

Dilaw: Ang kulay ng liwanag

Kaakibat ng saya ang liwanag. Bawat bakla ay may pinagmulang kadiliman, magkagayunman, hindi ito dahilan upang magningas ng kanilang kinang. Mapanubok ang naging buhay ng marami sa sankabaklaan, pero marami sa kanila ang nagiging talang gabay ng mga nawawalan ng pag-asa. Marami ang naging inspirasyon para magsumikap, magsipag, magpakatino o kaya’y maging inspirasyon din sa iba. Lagi nating nakikita ang kabaklaan bilang isang komedya na nauuwi sa panlalait at panghahamak sa kanila. Ngunit hindi naging bakla ang bakla upang maging katawa-tawa. Ang pagpapasaya ay isang tanging kakayahan na naibibigay ng taong nakakatindig sa lungkot ng buhay. At tulad ng bahaghari, nagsasabog sila ng masasayang liwanag pagkatapos ng napakalakas na ulan.

Luntian: Ang kulay ng hinahon

Masayahin man o kung minsa’y maingay, ang bawat bakla ay may panahon ng hinahon. Tulad ng mga halaman, sila’y tahimik na sumasabay sa ihip ng hangin at naghihintay ng sikat ng araw upang maging biyaya sa iba. Ang sankabaklaan ang ehemplo ng napakatagal na pagtitiis, lalo na’t hindi pa rin ganap ang pagtanggap ng lipunan sa kanila. Palaban man, sila mismo ay kayang manahimik sa pagkakataong dapat manahimik. At oo, marunong silang magdasal. Oo, nakakahanap sila ng kahinahunan sa pamamagitan ng pagdarasal at malakas na pananampalataya sa Panginoon. At sa pamamagitan nito, kahit pa kinamumuhian sila ng iilan ay nananatili ang kanilang postura dahil alam nilang hindi sila ang gumagawa ng mali sa mata ng Diyos at ng lipunan.

Bughaw: Ang kulay ng kalayaan

Kung may isang salitang napakagandang ilarawan ng sankabaklaan, ito ay kalayaan. Hindi lang ito basta “going out of the closet”. Ilang beses na napatunayan ng maraming bakla na ang paglaya ang pinakamalaking hakbang para makamit ang pagtanggap ng lipunan. Nakakalungkot lang na sa iba ay trahedya ang paglaya, pero marami sa atin ang hindi tumitigil na iparamdam sa iba pang nagtatago na kung handa na silang lumaya, mayroong aalalay sa kanila. Ang kalayaan ay basikong karapatan na may kaakibat na responsibilidad. Ang baklang marunong magpahalaga sa kalayaan ay baklang marunong tumanggap ng realidad at baklang marunong lumaban para sa kasiyahan ng lahat.

Indigo: Ang kulay ng pahinga

Bawat takipsilim ay nagdadala ng ginhawa pagkatapos ng magulong araw. Sa buhay ng isang bakla, bawat oras ay tila pagpapatunay ng kanyang lugar sa lipunan. Ngunit sa maraming tao, ang kanilang presensya ay ginhawang may kalakip na seguridad at pag-aaruga. Sila ang mga nagsilbing nanay at tatay na kahit hindi nagluwal ng mga anak ay naging mabubuting magulang para sa mga kabataan. Sila ang mga nagsilbing kapamilya kahit hindi kadugo, mga beshie na handang magtanggol, mga nagmahal sa kabila ng maraming kakulangan at mga makabayan na nagpapanatili ng demokrasya ng ating bayan.

Lila: Ang kulay ng karunungan

Hindi maitatanggi ang ambag ng sankabaklaan sa napakaraming larangan, ngunit hindi tulad ng pagdadamot ng lipunan ng kanilang mga karapatan, hindi sila kailanman nagkubli ng kaalaman, kakayahan at karanasan sa lahat. Hindi naging hadlang ang poot ng ilan sa kabaklaan upang maging puno ng karunungan lalo na para sa mga magmamana ng ating bayan. Sila ang mga institusyon sa mga pamantasan, tagapaghubog ng mga talento, tagapagsaliksik ng mga makabagong bagay, gabay ng buhay at nagtataguyod ng mas makataong Pilipinas. Ang sankabaklaan ay malaking ugat sa sanga-sangang pinagmumulan natin ng karunungan bilang isang bayan, sapat ito hindi lang para sila’y pasalamatan kundi para galangin, kilalanin at parangalan.

Malayo pa ang tagumpay tungo sa tunay na pagtanggap ng lipunan at pagkilala sa kanilang karapatan. Pero tulad ng bahaghari, malayo man at hindi tiyak ang kaloob sa dulo nito, nararapat lang itong simbulo ng pag-asa. Wala mang kasiguraduhan, ang bahaghari at ang sankabaklaan ay mananatiling kulay ng sankatauhan saan man sa daigdig tayo mapadpad.

Happy Pride!

aurora-11-logo