FAST POST #23: Halalan 2013 – Nangangamba, Nananampalataya, Naninindigan…

Isa sa pinaka-makasaysayang hakbang na ipinatupad ng pamahalaan ng Pilipinas ay ang pagsasagawa ng automated election system noong 2010. Bagaman sa unang pagkakataong ginamit ang makabagong teknolohiya sa halalan dito sa bansa ay nagkaroon ng mga aberya at napakaraming sektor ang nagduda’t natakot sa inilabas na resulta ng mga precinct count optical scan (PCOS) machines, maituturing pa ring tagumpay sa pangkalahatan ang 2010 elections na nagluklok kay Senador Benigno “Noynoy” Aquino III bilang ika-15 pangulo ng Republika.

Bago maganap ang halalan ngayong araw na ito ay bumalik ang mga alinlangan sa kaayusan ng automated elections. Tiniyak man ng Commission on Elections (COMELEC) na magiging maganda ang sistema ng mga PCOS, ay naglabasan pa rin ang mga hinala ng pagkabalido ng magiging resulta nito bunsod ng gulong kinasangkutan ng Smartmatic-TIM sa IT provider nito sa Estados Unidos. Nagresulta ito ng pagka-delay ng source code ng mga PCOS, o ang human readable instruction sa paggamit ng mga makina kung sakaling may mangyaring hindi tama sa kalagitnaan ng pagpoproseso at transmission ng mga ito. Sa napakaraming isyung naglabasan, ngayong Mayo 13, Lunes, ay tuloy na tuloy na ang Halalan 2013.

Labinlimang minuto bago mag-ikapito ng umaga ay dumating na ako sa Mababang Paaralang Isabelo delos Reyes sa Tundo, ang eskuwela kung saan ako bumoboto. Maraming tulad ko ang naging maagap sa pagboto kaya’t nakakatuwang makita ang ganitong senaryo. Tumunog ang school alarm, hudyat ng pagbubukas ng halalan.

Precinct No, 0152-A. Madali kong nahanap ang aking presinto, agad na hinanap ang aking pangalan sa official list at umupo sa waiting list. Labinlimang minuto na ang nakalipas at hindi tulad ng mga kasama ko sa presinto ay pinilit kong maging kalmado sa hindi normal na paghihintay. Lumabas ang head ng board of election inspectors (BEIs) at sinabi sa mga naiinis nang botante na hindi gumagana ang PCOS machine at ilalagay ang mga balota sa isang itim na kahon, saka bibilangin pagkatapos ng alas-7:00 ng gabi. Sa puntong ito ay hindi ko na napigilang mangamba na hindi ko makakaharap ang makinang kinakapanabikan kong makita simula noong 2010. Kahit sinabi ng head ng BEIs na itinawag na nila sa Manila COMELEC office ang problemang ito’y pinipilit ko pa ring magtimpi ng pangamba sa nangyari. Itinatak ko nga sa sarili ko na hindi ako aalis sa presintong ito hangga’t hindi ko nakikitang kinakain ng PCOS ang aking balota.

Nagpatuloy ang mga minuto ng paghihintay at ang iba sa mga kasama ko’y sumambulat na ang galit sa sobrang tagal ng pagsasaayos. Habang nasa aking upuan ay nakita ko sa di kalayuan ang mga poll watcher ng partido ni mayoralty candidate Joseph “Erap” Estrada mula sa grupong Kaagapay. Nairita ako sa aking nakita nang may iilan sa kanila ang nanigarilyo sa mismong loob ng paaralan. Binabalewala nila ito kahit pa may mga paalalang nakapaskil sa paligid ng mga presinto. Hindi ako natakot at kinunan ko ng video ang isa sa kanila, ngunit hindi naman nila ako nahalata. Lalo lang nilang pinatunayan na tama ang pananampalataya kong si Mayor Alfredo S. Lim pa rin ang uupo sa pinakamataas na luklukan ng City Hall.

http://www.youtube.com/watch?v=dM_cSVZB4pc&feature=youtu.be

Dumaan ang mahigit isang oras na paghihintay. Upang hindi mabagot ay kinakabisado ko ang mga iboboto ko. Nilagay ko siya sa notepad ko sa smartphone para may kodigo ako habang bumoboto. Patuloy ang pagtagal ng oras at tuluyan na ngang nagalit ang mga katabi ko kaya hindi na ako nag-atubiling makialam sa sistema ng pila. Sa pakikisama ng mga kapwa ko botante ay naayos din kami at doon na nagsimulang sabihin sa amin na naayos na ang PCOS.

Sa loob ng dalawang oras na paghihintay ay nakapasok din ako sa presinto, pumirma sa listahan, kinuha ang balota at nilagay ang mga pinanindigan kong kandidato, at pinasok na nang tuluyan sa PCOS machine. Sa wakas, ako ang ika-41 matagumpay na botante sa aking presinto at natapos lang ang buong proseso sa loob lamang ng limang minuto.

Narito ang aking mga binoto:

SENATORS: Alcantara / Angara / Aquino / Belgica / Cayetano / Escudero / Hagedorn / Hontiveros / Legarda / Magsaysay, Ramon Jr. / Pimentel / Poe

PARTY-LIST: Agham

CONGRESSMAN: Asilo

MAYOR: Lim

VICE MAYOR: Veloso

COUNCILORS: Alfonso / Dela Cruz / Dumagat / Lim, Cristy / Lim, Moises / Venancio

Hindi perpekto ang mga makina kaya’t hindi mawawala ang posibilidad na magkaroon ito ng aberya. May ganito mang pangamba ay kailangan nating manampalataya sa hakbang ng mga awtoridad na mareresolbahan nila iyon. Tao pa rin ang kayang mag-manipula sa mga PCOS kaya’t kung maninindigan tayong magiging mapayapa at maayos ang halalan tulad ng pagtitiwala natin sa gobyerno, magiging maayos din ang takbo ng ating bansa kung saan bahagi ng proseso ang ating matiyagang pagboto.

#iwearyellow

Ang Daliri sa aking Kanang Kamay

Ang Adhikain Ng “Ang Ladlad” At Ang Pulitikang Beki

Isang komentaryo sa partisipasyon ng Ang Ladlad LGBT Organization sa nakaraang halalan sa Pilipinas noong Mayo 10, 2010. Enjoy!

===

ANG ADHIKAIN NG “ANG LADLAD” AT ANG PULITIKANG ‘BEKI’

Binoto ko ang gay rights group na “Ang Ladlad” bilang party-list representative noong nakaraang halalan. Hindi man buo ang aking paniniwala, pinili ko ang Ladlad dahil sila lang sa lahat ng mga kasali ang may natatanging isinisigaw na adhikain. Ito rin ay sa dahilang nais kong suportahan ang aking mga kapanalig na gumigiit sa karapatan ng mga Pilipinong nabibilang sa LGBT (lesbians, gays, bisexuals, transexuals). Sa kasamaang-palad, hindi nagwagi ang grupo sa kabila ng halos humigit-kumulang na milyong “kabaklaan” at “katomboyan” na nagkalat, dito pa lamang sa Kamaynilaan.

May mga tanong ang nakararami kung bakit naisip ng Ladlad na gawing political entity ang isang makabuluhang gender rights organization:

–          Sa lehislatura lang ba nakikita ng Ladlad ang susing magbibigay ng karampatang karapatan sa LGBT community?

–          Desperado na ba ang Ladlad na itulak ang pagsasaligal ng same sex marriage sa Pilipinas?

–          Kailangan ba talagang mapabilang ng Pinoy third sex sa hanay ng marginalized sectors sa aspetong pampulitikal?

Ang Ladlad ay isa sa mga kasalukuyang nagpapakita ng hayagang adbokasiya para sa third sex rights. Sa pamamagitan ng tagapagtaguyod nitong si G. Danton Remoto, naninindigan ang grupo sa malaking kontribusyong naibibigay ng Pinoy LGBT sa sa iba’t ibang larangan. Sa mga kontribusyong ito’y hinihingi ng Ladlad ang pantay na paggalang ng lipunang Pilipino sa mga bading, tibo, beki, at mga tranny. Suportado ito ng mga maliliit na grupo tulad ng mga gay and bimale clans na nagsasama-sama sa mga distrito ng Malate at Cubao. Maituturing na pambihira ang Ladlad sapagkat tinatahak nito ang landas para tumungo sa mga hakbang na magbibigay-kalayaan sa mga Pinoy na kinukubli ang kanilang itinatagong nararamdaman.

Naging aktibo rin ang Ladlad sa karapatang mag-isang-dibdib ang dalawang magkaparehas ang kasarian o ang same sex marriage. Sa bansang tulad ng Pilipinas na may sapat na kalayaang magpahayag sa tunay nitong saloobin, medyo nakakagulat na hindi pinapayagan ang dalawang lalake o dalawang babae na magbuklod sa mata ng batas. May mga panukalang-batas nang naihain sa Kongreso sa mga nakaraang taon ukol sa nasabing karapatan, subali’t hindi nagtagumpay ang mga ito dahil sa kakulangan sa suporta at dahil na rin sa pagiging matatag sa paniniwala ng nakakarami sa mandato ng simbahang Katoliko. Sa mga pareho ring dahilan hindi naging matatag ang pagsasabatas ng LGBT community bilang isang marginalized sector.

Sa kabila ng napakaraming hakbang para maiangat sa pampulitikal na aspeto ang karapatan ng Pinoy third sex, hindi pa rin naging sapat ang mga media exposure at mga taunang White Party o gay pride march para ipaglaban ang adbokasiyang ito. Tila nauubos na ang baraha sa mga samahang tulad ng Ladlad, at ang natitirang alas – ang pagpasok sa Mababang Kapulungan. Ang unang subok ng Ladlad na makapasok sa Batasan ay noong 2007 Legislative Elections, kung saan sila ay diskwalipikado. Nitong nakaraang eleksyon, sa kabila ng maraming pagtatalo sa Commission on Elections (COMELEC) ay natuloy ang kanilang pagtakbo sa party-list polls.

Kung babalikan natin ang naging resulta ng nakuhang boto ng Ladlad noong Mayo 10 (05/20/10 mula sa 90.26% ng mga Election Returns na nakuha ng COMELEC: Rank 65, 106,566 na boto), sinasabi ng mga pigurang ito na parang hindi pa panahon para sa grupo ang maupo sa Kapulungan ng mga Kinatawan. Hindi tulad ng ibang sektor, hinahayag din nito na walang solidong boto ang Pinoy third sex community.

Sa aking paniniwala, hindi makukulong sa iisang marginalized sector ang Pinoy LGBT dahil lahat ng sektor ay meron itong representasyon. Maaaring may mga dapat itakda na panukalang-batas, pero sa aking palagay ay nararapat munang mas patatagin, lantarang ilatag at ‘isambulat’ ng Ladlad at ng iba pang gay rights group ang mas marami pang nauukol at makabuluhang kontribusyon na kanilang tinaguyod sa loob ng mahabang panahon. Kung tutuusin, marami na sa mga lalaki at babae sa bansang ito ang natututo nang rumespeto sa mga tulad natin, at ito’y nakakatuwang simula sa mga adhikaing naitayo. PERO KULANG PA. Kailangan pa ng mas malawak na pagtataguyod na hindi lang sarado sa mga hinihinging karapatan kundi sa pagpapaigting ng mga programang nagpapakita sa tunay na talino at kakayahan ng mga bakla at tomboy. Ang bading ay beki, sa pagkakaalam ko, ay hindi lang magaling sa debate, sa pagandahan o pakisigan. Marami sa atin ang mga matatalino at madiskarte, nakatapos man sa pag-aaral o hindi. Ang mga ito’y may kailangang kalagyan, at ang mga ito’y makakatulong sa atin na makatanggap ng mas marami pang suporta para maitakda sa batas ng Republika ang ating karapatan.

Kung tatakbo man sa susunod na eleksyon ang Ladlad, o kung anumang grupo magtataguyod ng ating karapatan sa pampulitikang aspeto – makakaasa kayong sa inyo ang aking simpleng boto. [SMILEY]

July 22, 2010 11:56pm

LemOrven