Para sa Araw ng Maynila

2015-category-title-dear-manila2019-headline-feature-para-sa-araw-ng-maynila

This article is part of Aurora Metropolis’ #Manila448 Series in celebration of Araw ng Maynila. The views expressed by the author does not reflect the view of organizations he represents or he is affiliated with.


 

Mga kaibigang Manileño…

Alam kong alam ninyo na ipinagdiriwang natin ang Araw ng Maynila. Oo, ipagdiriwang. Hindi dahil walang pasok. Pero isang tanong ang laging lumalabas sa aking isipan: Alam pa kaya ng mga taga-Maynila kung bakit may Araw ng Maynila?

June 24, 1571, itinalagang kabisera ng Kaharian ng España sa Pasipiko ang naghaharing lupain sa tabi ng isang aktibong look sa kanluran ng Luzon. Kilala na ng marami ang yaman ng kalakalan at kultura sa Maynila bago pa dumating ang mga Kastila. Pero ang proklamasyon ni Miguel Lopez de Legazpi sa Maynila ang sinasabing nagbukas ng mas malaking pintuan ng siyudad sa buong mundo. And the rest is history.

Noong bata pa ako, bago kami mag-one-day-holiday dahil Araw ng Maynila ay may mga activity kami sa eskwela para gunitain ang okasyon. At kahit June 24, may mga kaklase akong pupunta sa iba’t ibang lugar sa Maynila para magsaya sa mga event na ino-organize para sa ispesyal na araw ng aming siyudad. Masasabi kong ang henerasyon ko ay maswerte dahil alam namin kung bakit walang pasok ang June 24. Siguro, meron piniling magpahinga, pero ginawa ang araw na ito para imulat ang ating mga mata at isipan sa halaga ng kasaysayan ng siyudad na minamahal at kinaiinisan natin paminsan-minsan.

Payong Manileño, lalo na sa mga kabataan: Huwag natin hahayaang maging mangmang sa tunay na kahulugan ng Araw ng Maynila. Ang pagpasyal sa mahahalagang lugar sa ating siyudad ay simple ngunit mahalagang pagbibigay-pugay sa kadikalaan ng Maynila sa kasaysayan ng daigdig.

Nandyan ang Rajah Sulayman Park sa may Malate na nakaharap sa Manila Bay. Nandyan din ang Intramuros, ang dambana ni Andres Bonifacio sa tapat ng Manila City Hall, ang Chinatown sa Binondo at, siyempre, ang Escolta na isa sa mga nagpanatili ng korona ng Maynila bilang isa sa mga pinakamahalagang siyudad sa mundo sa nakalipas na mga siglo.

At siguradong sa mga paaralan ninyo ay kinakanta ang Awit ng Maynila. Tulad ng kung paano ninyo kinakanta ang Lupang Hinirang, nawa’y isapuso ninyo ang ating himno. Sa bawat titik nito ay nakaukit ang ambag ng ating siyudad sa ating lahi. Hangga’t patuloy nating tinatatak sa ating puso’t isipan ang mga salitang ito ay walang dudang patuloy nating ipagmamalaki ang ating pagka-Pilipino.

Let’s be proud of our Manila. It is not just a capital city, but also a center of Filipino pride, now and always.

Let’s explore Manila!

 

Lem Santiago
Blogger, Aurora Metropolis

 

 

cropped-article-stoper.png

May Siyam na Buhay ang Manunulat

2015-category-title-tambuli copy2019-headline-feature-aurora-9

Para sa isang manunulat, ang isang araw na hindi nakakapagsulat ng kahit ano ay isang mortal na kasalanan.

Pang-personal man o para sa trabaho, o kahit pa komentaryo sa mga isyu, ang tinta sa pluma ng manunulat ay dapat gamitin at abusuhin upang maubos at mapunan ng panibago. Kumbaga sa paghahalintulad, ang manunulat–tulad ng mga pusa–ay may siyam na buhay na kahit anong mangyari ay magbabalik sa paglalahad ng saloobin gamit ang mga letra.

Siyam na taong gulang na ang Aurora Metropolis ngayong buwan na ito. Nung una, hindi ko alam kung dapat pang ipagdiwang ng inyong lingkod ang sandaling ito dahil una, kahit pa may sarili nang domain name ay nanatili pa rin itong inactive. Para sa akin, malaking kasalanan ang mapabayaan ang Aurora na maaari sanang mag-ambag nang mas malaki pa hindi lang sa akin bilang manunulat kundi sa ating bansang nahihilig magbasa ng kung ano-ano. Lalo itong naging malaking kasalanan mula nang mapasok ako sa hanapbuhay na nalalapit sa pagsusulat pero mismong platform ko ay hindi ko masulatan para sana pwedeng pagkunan ng kabuhayan.

Ngunit sa kabila nito, naisip kong bigla na kahit pala maraming oras na natahimik ang Aurora ay napagtanto kong hindi pa siya patay, hindi rin naghihingalo. Hangga’t patuloy akong nagsusulat, para man sa aking social media accounts at para sa aking trabahong may kaakibat na mga adbokasiya, ang Aurora ay buhay at nakakapaghatid ng inspirasyon sa kahit sino nang walang humpay.

Ang mga katotohanang ito ang aking mga dahilan upang ipagdiwang ang ikasiyam na kaarawan ng aking pinakamamahal na tahanan bilang manunulat. Muli, hindi ko maipapangako na magiging aktibo muli ang Aurora, pero kukunin ko ang mga libreng pagkakataon para makapagsulat para dakilain ang Diyos, para magsilbing alternatibong tinig ng Inang Bayan at para bigyang-lakas ang damdamin ng mga Pilipino para sa kanilang kapakanan at para sa kanilang kinabukasan.

Maraming salamat sa mga kaibigan na patuloy na nagpapalakas ng loob sa akin na magsulat. Maraming salamat sa mga estrangherong nakaka-appreciate ng aking mga sulat at nanghihikayat na patuloy lang na magsulat. Higit sa lahat, maraming salamat sa Panginoon dahil pinapaalala Niya na ang talentong pahiram Niya ay mananatili kung gagamitin sa mga bagay para sa magagandang dahilan — lumagpas man ng siyam ang nagamit kong buhay bilang manunulat.

 

 

cropped-article-stoper.png

Para Saan Ang Kalayaan?

Natutunan natin sa kasaysayan na hindi tumigil ang mga nakalipas nating salinlahi para makamit ang kalayaan. Sa pagdaan ng maraming siglo, hindi mabilang ang mga kababayan nating nagsakripisyo para sa isang pangarap na noo’y itinuturing na suntok sa buwan. Marami sa kanila ang nabigo, unti-unting sumuko’t naghintay na lamang sa isang himala hanggang sa kanilang huling hininga.

Ngunit sabi nga natin, ang lahat ng pagdurusa, pagtitiis at pakikibaka nila ay may kapalit na naaangkop na kahihinatnan. Isang daan at labing pitong taon ang nakakaraan, sa kauna-unahang pagkakataon ay ipinagdiwang natin bilang isang bayan ang kasarinlan. Mula noon, unti-unting naipalasap sa lahat ng panig ng bansa ang pagiging malaya at pagtamasa sa pantay na karapatan at oportunidad.

Tayo ngayon ay isang lipunang ganap ang kalayaan, ngunit aminin natin, ang kalayaang ipinamana sa atin ng mga ninuno ay tila hindi nagagamit sa paraang nararapat. Ang kasarinlang dapat ay magbibigay ng pagkakataon sa bawat isa na maging produktibong mamamayan ay nauuwi sa paglaganap ng iba’t ibang klaseng kawalan ng karapatan at katarungan. Ang Pilipinas na lumaya sa tatlong banyagang mananakop ay tila ba nagiging alipin ng kahirapan na tayo mismo ang may sala.

Para saan ba talaga ang kalayaan? Karapat-dapat ba tayo sa pribilehiyong ito?

Hindi hangad ng artikulong ito na idikta ang mga posibleng dahilan. Madali nating masasagot ang mga ito, at marahil, kahit sino’y makakapagbigay ng mga pinakamatatalinong sagot. Pagnilayan natin ang mga tanong na ito at sabihin ang mga sagot sa ating mga sarili nang taos sa puso at may bukas na pag-iisip.

Maligayang Araw ng Kalayaan, Republika ng Pilipinas! Mabuhay ang malayang Pilipino!

#