FAST POST 50: Buhok

Ilang araw na naming napag-uusapan ng isang kaibigan ang aming mga buhok. Nag-aalala siya sa paglagas nito na pwedeng resulta ng kanyang diet at ng stress. Sharing to her my own experience, stress din sa nakaraang tatlong taon ang naging dahilan ng paglagas ng buhok ko. Pero sa awa ng tadhana ay, kahit papaano, pagkatapos ng napakaraming stress na ginawa ng pandemya ay unti-unti nang bumabalik sa pagkapal ang buhok ko. At para mapatunayang malusog na ulit ang anit ko ay pinaplano kong magpahaba ulit ng buhok hanggang matapos ang nakakapraning na taong ito.

Mahal na mahal ko ang aking buhok. Hindi ko alam kung saang side ng pamilya ko nakuha ang magandang bagsak nito, kaya noong nagkaroon ng pagkakataon noong 2006 ay sinubukan ko itong pahabain. Kung mukha akong tomboy kapag maikli ang buhok ko, marami ang nagkamaling babae ako noong pinahaba ko ito. Sa loob ng 13 years ay napakaraming beses na hinayaan ko siyang tumubo at nagawa ko pang magpakulay nang isang beses, noong mga bandang 2009 to 2011 kung saan nakita ko kung gaano kaganda ang nag-iisang parte ng katawan ko na sobra kong ipinagmamalaki.

Pero noong naramdaman ko na ang stress dahil sa trabaho at sa nilabanan kong depresyon bago pa ang pandemic ay nagsimulang mawala ang sigla ng buhok ko. Dumating sa puntong ayaw ko na siyang pahabain dahil lalong lumulutang ang nipis nito. Maraming may gusto ng maikli dahil mas pormal daw akong tingnan, pero may mga iilan na nag-request na ibalik ko ang mahabang buhok dahil ito raw ang nagde-define sa pagkatao ko. Noong una ay hindi ko alam kung anong klaseng definition of character ang tinutukoy nila, hanggang nagsalita ang isang kaibigang namatay, ilang taon na ang nakalilipas.

Natatandaan ko ang mga salita ni Inang Hitaro. Sa isang event, sinabi niya nang may kanyang pagkamangha: “Bagay sa’yo ang mahabang buhok. Hindi siya perpekto pero matapang. Walang hiya. Palaban.”

Noong panahong iyon ay sobrang haba ng buhok ko at natural na kumukurba, na kapag pino-ponytail ko ay nagkakaroon ng sariling porma. Sa totoo lang ay hindi ko rin batid kung nagbibiro siya o nangbobola. Pero sa klase ni Inang Hitaro, alam ko kung kailan siya nang-o-okray at kailan siya prangka. Habang sinusulat ko ito ay nakikita ko ulit ang sinseridad ng kanyang ngiti. Pakiramdam ko na taos-puso ang kanyang pagpuri.

Ngayon ay bumabalik ang kumpyansa ko sa buhok ko. Oo, tumatanda na rin ako at alam kong may mga pagbabagong darating, lalo na rito. Pero sana man lang, bago ko makitang nahihiyang na ang dating rocker emo kong crowning glory ay matikman sa isa pang pagkakataon ang masigla kong buhok.

FAST POST 44: Praning sa Pandemic

Masuwerte ako at nagpapasalamat na sa kaliwa’t kanang banta ng pandemya sa paligid natin ay nananatili akong malusog, sapat para labanan ang posibleng paghawa ng nakakamatay na COVID-19 virus. Bago ang ECQ ay hindi ako OC pagdating sa hygiene o kalinisan ng pangangatawan at ng paligid. Salamat na lang din na sa ganitong pagkakataon ay mas nangibabaw sa akin na dapat din talaga ay lagi kang handa dahil nga hindi natin nakikita ang kalaban.

Sa panahon ngayon, walang masama ang maging mas maingat o mas cautious sa kalinisan ng kapaligiran, lalo na kung may mga kasama ka sa bahay na madaling dapuan ng kung ano-anong sakit. Sa malawak na perspektibo ay maganda iyon. Sa kabilang banda, kapansin-pansin din ang iilang parang wala na sa ayos ang pagiging istrikto pagdating sa prevention.

Some people are becoming paranoid of isolating themselves to prevent the virus. I get it and I fully understand it. I just want to raise specific points on why paranoia has no place in this pandemic:

– Kung totoong nag-aalala ka sa kapakanan ng kasama mo sa bahay, huwag mo siyang pigilang lumabas. Instead, educate the person on stricter health protocol before leaving the house and upon arriving at home

– Maging sensitive ka sa paligid mo, lalong-lalo na sa social media. Walang masamang maging masaya, pero sa panahong mas marami ang nasasaktan ang mga damdamin gawa ng pagkawala ng mga mahal sa buhay o pagkawala ng hanapbuhay, matuto tayong magpakita ng malasakit para sa iba.

– Hindi rason na katakutan mo ang mga taong nagkasakit, gawa man ng COVID-19 o hindi. Hindi dapat mauna ang takot, bagkus, pairalin ang pag-aalala at pagiging makatao. At kung kaya mong maging maka-Diyos, hayaan mong marinig nila sa kabila ng dinaranas nilang panghihina ng katawan, nariyan ang Diyos para maging kalakasan nila.

Again, it’s never wrong to take extra care of yourself and provide extra care for your family, friends and loved ones. But let me remind you, dear reader, that excessive and unnecessary care cause too much pain than any pandemic.

Hindi masamang mag-ingat, pero hindi tamang manakal para sabihing you care.

Ang mga Dapat Matutunan ng mga Pilipino sa Kasaysayan

Sa bisa ng Proklamasyon Bilang 339 na nilagdaan ni Pangulong Benigno Simeon Aquino III noong ika-16 ng Pebrero 2012, itinakda ng pamahalaan sa buwan ng Agosto ang taunang selebrasyon ng pambansang Buwan ng Kasaysayan. Nakasaad din dito na sa tuwing ika-30 ng Agosto (sa araw na ito) ay ating ginugunita ang Araw ng mga Bayani.

Noong Miyerkules ay personal kong natunghayan ang buong pagdinig ng Senate Committee on Education, Culture and Arts hinggil sa kontrobersyal na pagpapatayo ng Torre de Manila sa lungsod ng Maynila. Dito’y binigyan ng pagkakataon ang lahat ng panig na ipaliwanag at saliksikin ang mga pangyayaring nagbigay-daan sa pinakamalawakang pambabastos sa pinakakilalang dambana ng ating kasaysayan.

Habang nakikinig sa diskusyong inabot ng mahigit tatlo’t kalahating oras, may tatlong tanong na lumutang sa aking kamalayan na maaaring alam ko kung ano ang mga sagot, alam ko kung paano gagawin, ngunit hindi ko alam kung bakit hindi alam o ayaw malaman ng ibang mga tao… kahit pare-pareho naman tayong mga Pilipino:

“Bakit hindi pinapahalagahan ng nakararaming Pinoy ang kasaysayan ng Pilipinas?”

“Bakit ang tingin ng nakararaming Pinoy sa kasaysayan ay kontrabida sa pag-unlad?”

“Bakit hindi natututo ang nakararaming Pinoy sa kasaysayan ng sarili niyang bansa?”

Ang mga isyung naglulutangan ngayon tulad ng sa Torre de Manila, sa pagkadiskaril ng mga pampublikong transportasyon o sa diumano’y tangka ni Pangulong Noynoy Aquino para madugtungan ang kanyang termino ay hindi na bago sa ating lipunan. Datapwa’t magkaiba sa tinatahak na panahon, ang dunong sa likod ng mga nakaraang pangyayari ay sapat upang hindi ito maulit sa mga senaryo ngayon. Lahat ng isyung nabanggit ay masasabing napapanahon dahil naging maingay ang mga ito sa panahong tayo ay gumugunita sa Buwan ng Kasaysayan.

Paano dito maipapasok ang kasaysayan?

no-to-torre-de-manilaKahit ang ating mga dinadakilang bayani ay nanabik, nangarap at nagbuwis ng buhay upang ibigay sa bansa ang pag-unlad na nararapat dito. Bilang punong lungsod ng Pilipinas, sinasalamin ng Maynila ang pagnanais ng ating mga bayani na magandang hinaharap para sa mahal nilang bayan. Sa pagkakakilala natin sa kanila, alam natin na kung nabubuhay sila ngayon, hangga’t ginagalang at pinapanatili natin ang ating diwang makabansa, ang ating pag-unlad ay kanilang lubos na ikararangal. Pero sa daan-daang matatalinong tao sa loob ng korporasyong nagtayo ng Torre de Manila, ilan kaya sa kanila ang naging turista sa Luneta at nagbigay-pugay at respeto kay Gat. Jose Rizal? Sabihin na nating… halos lahat sila. Bakit? Dahil alam nilang sa napakaraming dekada, ang tanawin ng monumento ni Rizal ang tanda ng bawat probinsyano na sila’y nasa Maynila na. Ito rin ang itinuturing na unang tanawin ng mga dayuhan sa kanilang mga litrato na nagpapatunay na sila ay nasa Pilipinas na. Samakatuwid, ang Luneta at ang rebulto ni Rizal ay isang ekstra-ordinaryong bahagi ng kasaysayan na binibigyang-galang dahil ito ang kilalang imahe ng bansa sa daigdig. Sinamantala nila ang pagkakakilanlan ng Luneta na sa kanilang pag-aakala’y ayos lang na makisalo sila sa katanyagan nito.

 

Kuha mula sa inquirer.net

Kuha mula sa inquirer.net

Ang pagsabay sa modernisasyon ay mas natural na sa Pilipinas, kumpara sa ibang kalapit bansa sa Timog Silangang Asya. Sa loob ng mahigit isa’t kalahating siglo, masasabing tinaglay natin ang mga istrukturang hinangaan, ginaya o pilit pinantayan ng maraming Asyano. Ika nga ng mga matatanda, wala ka nang hahanapin pa dahil kumpleto na ang lahat ng kakailanganin mo sa Maynila na, bilang kabisera, ay mukha ng Pilipinas sa mundo. Isa sa mga nakakamanghang aspeto ng Maynila noon ay ang transportasyon. Mula tren, tram hanggang sa eroplano, lubos nating maipagmamalaki ang mga ito dahil sa pagiging moderno at malaking tulong nito sa buhay ng mga Pilipino. Hindi rin naging madali ang pagpapanatili sa mga nasabing sasakyan, pero dahil alam ng mga inhinyero at ng gobyerno noon na mahalaga ito sa lipunan ay pinagbubuti nila ang pag-aayos ng mga ito. Lahat ng ito’y naiwan na lamang sa pahina ng kasaysayan na hindi man lang natutunan ng kasalukuyan. Sa mga nangyari at tuloy-tuloy pang nangyayari sa mga tren ng Philippine National Railways, mga bagon ng Metro Rail Transit at pasilidad ng Ninoy Aquino International Airport, masakit aminin na matagal pa bago maramdaman ng mga mananakay ngayon ang ginhawa sa ating mga pampublikong sasakyan.

 

Kuha mula sa inquirer.net

Kuha mula sa inquirer.net

Naging hamon sa apat na presidente ng Pilipinas ang pagsasaayos ng bansa sa pamamagitan ng Saligang Batas. Bawat isa sa kanila’y may kinaharap na pagsubok at ang pagsasaayos ng Konstitusyon ang nakita nilang sagot sa mga katanungang ito. Si Manuel Quezon na naging kampeon ng 1935 Constitution na siyang naghanda sa bansa sa ganap nitong kalayaan mula sa Amerika; si Ferdinand Marcos na ginawang instrumento ang 1973 Constitution upang manatiling pabor sa kanyang pamamahala ang batas; si Corazon Aquino na nagpatibay sa 1987 Constitution bilang simbolo ng pagbabalik ng demokrasya sa Pilipinas; at si Ramos na nagkaroon ng pagtatangkang amyendahan ang probisyong pang-ekonomiya ng Konstitusyon pero hindi naging matagumpay. Iba-iba man ang dahilan at kinahinatnan ng mga pagsususog ng Saligang Batas ay hindi maitatatwang nag-iwan ang mga ito ng aral sa sinumang nasa loob ng ating pamahalaan. Ang kasalukuyang kritisismo sa charter change ang pinakamaingay sa nakalipas na humigit-kumulang na dalawang dekada dahil si Pangulong Noynoy Aquino ang nagpakita ng interes na ratipikahan ang Konstitusyong ipinanganak sa mismong termino ng kanyang ina. Matinding batikos din ang inabot ni Pnoy dahil bukod sa term extension ay nais umano niyang baguhin ang kapangyarihang sakop ng Hudikatura na, sa paningin ng yumaong Pangulong Cory ay tagapag-balanse ng demokrasya at burukrasya sa bansa. Nananalig akong alam ng kasalukuyang presidente (at ng mga taong nakapaligid sa kanya) ang kinahinatnan ng mga pangulong naging bahagi sa pagbabago ng Konstitusyon. Gayundin, may hinuha din sila sa posibleng mga epekto nito, hindi lang sa lipunan sa kasalukuyan, kundi sa ating kasaysayan sa hinaharap.

 

Naniniwala akong hindi bobo ang mga Pilipino, bagaman dumarating tayo sa mga panahong nawawala tayo sa tamang mentalidad kapag nahaharap sa kumplikadong sitwasyon. Kinukulang sa proper mindset, kumbaga. Binibigay sa atin ng kasaysayan ang iba’t ibang mga aral mula sa tagumpay at pagkakamali ng ating mga ninuno at lipunan. Mula rito, malaki ang pagkakataong matutunan natin sa kasalukuyan kung paano ibalik ang kaayusan sa ating bayan para ngayon at sa hinaharap gamit ang tamang pag-iisip at pag-aanalisa.