FAST POST #25: Huling Araw, Unang Araw…

Huling araw.
Ika-tatlumpung araw ng Hunyo.

Dalawampung taon na ang nakaraan nang maging mahalaga sa kasaysayan ng Pilipinas ang petsang ito. Sa araw na ito, isang beses sa tatlong taon o kaya’y isang beses sa anim na taon, ay nanunumpa ang mga lingkod ng bayan na inihahalal ng bayan upang tapat na maglingkod at maging produktibong bahagi ng pundasyon ng pamahalaan. Itinatanghal sa taumbayan ang isang indibidwal na pinagkatiwalaan ng mga boto sa nakalipas na halalan at mangangakong magiging karapat-dapat siya sa tiwalang ibinigay ng mga botanteng umaasa ng magandang bukas para sa sarili, sa pamilya at para sa komunidad na kanilang panirahan.

Hindi ganito kahalaga sa akin ang araw na ito, lalo na ngayon, ika-30 ng Hunyo 2013. Bagaman tanggap ko na ang isang “hindi inaasahang” pangyayari sa lungsod ng Maynila, may kirot pa rin sa aking puso at pagkabagabag sa aking utak ang pagsisimula ng isang bagong pamahalaan na may mga bahid na ng dungis sa pagkatao. Ang petsang ito magtatapos ang termino ni Manila Mayor Alfredo S. Lim, ang itinuturing na tunay na ama ng lungsod na siyang nagdala ng pamumunong may mataas na moral para sa pagseserbisyo sa mga taga-Maynila. Natalo man, naipakita sa resulta ng halalan ang napakahigpit na laban kung saan napapatunayan pa rin na siya ay lubos na pinagkakatiwalaan ng mga Manilenyo. Malungkot ako hindi dahil nakaanib ako sa kanyang kampanya noong nakaraang eleksyon. Malungkot ako dahil sa gitna ng kanyang edad ay naroon pa rin ang katapangan ng kanyang mga mata, tikas ng kanyang katawan at talas ng kanyang pag-iisip – isang pisikal na kapangyarihang sapat upang bigyan pa ng isang magandang termino ang pangunahing lungsod ng Pilipinas.

Pero sabi ng iba, minsan, gumagalaw ang tadhana ayon sa kagustuhan ng tao, at marahil ay eto na nga ang panahong iyon para sa lungsod. Ang pagkapanalo ni Manila Mayor at dating Pangulo ng Pilipinas Joseph Estrada ay puno ng kontrobersiya dulot ng kanyang masaklap na pagkakatanggal sa pagka-presidente, at mga kinaharap niyang kaso ng pandarambong at pagsira sa tiwala ng publiko. Hanggang sa ngayon ay nakadikit sa kanyang anino ang eskandalong iyon dahil kasalukuyang dinidinig sa Korte Suprema ang disqualification case laban sa kanya. Sa kabila niyon ay hinayaan siya ng Mataas na Hukuman ang kanyang panunumpa ngayong araw bilang bagong alkalde ng lungsod na ilang minuto mula ngayon ay magaganap na.

Unang araw.
Ika-tatlumpung araw ng Hunyo.

Masama ang loob ko sa masaklap na pangyayaring ito sa Maynila, ngunit patuloy akong nananatili sa prinsipyong isinapuso ko at wala akong dahilan upang lumabas sa paninindigang ito. Una kong nabanggit sa aking Facebook post na bilang bahagi ng isang panibagong laban sa maaaring “gawin” ng bagong gobyerno sa lungsod ay una kong lalabanan ang sarili ko. Hinamon ko ang aking sarili na paunlarin ang pisikal kong katangian upang mapaunlad ang aking moral, emosyonal at sosyal na katangian na siyang sandata ko sa paglilingkod sa mga kabataan.

Sabi ko sa isang kaibigan, hindi ako naniniwalang sa Hunyo a trenta ang huling araw ng isang gobyernong nagpatanto sa akin na pahalagahan ang ibinibigay ng pamahalaan at pagkatiwalaan ang mga lingkod-bayan ayon sa kanyang kakayahan at pag-uugali. Hangga’t nasa kalooban pa ng mga taong naninindigan ang kulay dilaw, ang araw na ito ang magiging unang araw ng isang panibagong pagtatayo sa prinsipyong dilaw sa lungsod ng Maynila. Sa pamamagitan nito ay gagamitin kong instrumento ang aking sarili upang ipakita sa sinumang mga “bumaligtad” na pinili nila ang kanilang desisyon para lamang magpadala sa agos ng kasikatan at panandaliang kagandahan. Marahil, kahit mahirap man para sa aking gawin ang bagay na ito dahil ilang beses na akong nabigong ituloy ito, eto na ang tamang panahon ng pagsisimula patungo sa mas matatag na ako. Eto na ang totoong hamon para sa akin bilang isang tao, bilang isang Manilenyo at bilang isang Pilipino.

Hindi ako natatakot na ilantad sa lahat na ako ay patutuloy na nakasuot ng dilaw sapagkat walang nagbigay sa akin ng ganitong klaseng pagtitiwala at pagpapahalaga kundi ang pamahalaang lungsod ng Maynila na pinamumunuan ni Mayor Lim. Ipinagpapasalamat ko sa Panginoon na binuwag niya ang aking kaisipan na walang tamang gagawin ang mga nakaupo sa pwesto kundi mangulimbat sa kaban ng bayan. Dahil sa prinsipyong dilaw mula sa Manila City Hall ay unti-unti kong natutunan ang “tunay na misyon” ko sa buhay na dati’y nagniningas lang sa aking kamulatan. Bilang pasasalamat at pagtanaw ng walang hanggang respeto ay maninindigan naman ako para sa pinaniniwalaan ni Mayor Lim at iyon ay sasalamin sa aking sarili sa susunod na tatlong taon para sa lungsod.

Gayunpaman, binabati ko si Mayor Joseph Estrada, sampu ng kanyang mga opisyal, sa pagtataguyod ng bagong pahina ng kasaysayan. Gamit ang prinsipyong dilaw, gagawin ko pa rin ang aking sinumpaang tungkulin na makatulong sa kabataan at makakatulong ng pamahalaan sa pagsasaayos ng Maynila. Tulad ng natutunan ko sa butihing Mayor Lim, magbibigay ako ng tiwala sa administrasyong ito, at sana lang, huwag nilang sirain ang pagtitiwalang ko na kahalintulad ng milyon-milyong Manilenyong nagtitiwala sa sinasabi ninyong “pagbuhay” sa glorya ng Maynila.

Kasiyahan nawa ako ng Panginoon.

FAST POST #23: Halalan 2013 – Nangangamba, Nananampalataya, Naninindigan…

Isa sa pinaka-makasaysayang hakbang na ipinatupad ng pamahalaan ng Pilipinas ay ang pagsasagawa ng automated election system noong 2010. Bagaman sa unang pagkakataong ginamit ang makabagong teknolohiya sa halalan dito sa bansa ay nagkaroon ng mga aberya at napakaraming sektor ang nagduda’t natakot sa inilabas na resulta ng mga precinct count optical scan (PCOS) machines, maituturing pa ring tagumpay sa pangkalahatan ang 2010 elections na nagluklok kay Senador Benigno “Noynoy” Aquino III bilang ika-15 pangulo ng Republika.

Bago maganap ang halalan ngayong araw na ito ay bumalik ang mga alinlangan sa kaayusan ng automated elections. Tiniyak man ng Commission on Elections (COMELEC) na magiging maganda ang sistema ng mga PCOS, ay naglabasan pa rin ang mga hinala ng pagkabalido ng magiging resulta nito bunsod ng gulong kinasangkutan ng Smartmatic-TIM sa IT provider nito sa Estados Unidos. Nagresulta ito ng pagka-delay ng source code ng mga PCOS, o ang human readable instruction sa paggamit ng mga makina kung sakaling may mangyaring hindi tama sa kalagitnaan ng pagpoproseso at transmission ng mga ito. Sa napakaraming isyung naglabasan, ngayong Mayo 13, Lunes, ay tuloy na tuloy na ang Halalan 2013.

Labinlimang minuto bago mag-ikapito ng umaga ay dumating na ako sa Mababang Paaralang Isabelo delos Reyes sa Tundo, ang eskuwela kung saan ako bumoboto. Maraming tulad ko ang naging maagap sa pagboto kaya’t nakakatuwang makita ang ganitong senaryo. Tumunog ang school alarm, hudyat ng pagbubukas ng halalan.

Precinct No, 0152-A. Madali kong nahanap ang aking presinto, agad na hinanap ang aking pangalan sa official list at umupo sa waiting list. Labinlimang minuto na ang nakalipas at hindi tulad ng mga kasama ko sa presinto ay pinilit kong maging kalmado sa hindi normal na paghihintay. Lumabas ang head ng board of election inspectors (BEIs) at sinabi sa mga naiinis nang botante na hindi gumagana ang PCOS machine at ilalagay ang mga balota sa isang itim na kahon, saka bibilangin pagkatapos ng alas-7:00 ng gabi. Sa puntong ito ay hindi ko na napigilang mangamba na hindi ko makakaharap ang makinang kinakapanabikan kong makita simula noong 2010. Kahit sinabi ng head ng BEIs na itinawag na nila sa Manila COMELEC office ang problemang ito’y pinipilit ko pa ring magtimpi ng pangamba sa nangyari. Itinatak ko nga sa sarili ko na hindi ako aalis sa presintong ito hangga’t hindi ko nakikitang kinakain ng PCOS ang aking balota.

Nagpatuloy ang mga minuto ng paghihintay at ang iba sa mga kasama ko’y sumambulat na ang galit sa sobrang tagal ng pagsasaayos. Habang nasa aking upuan ay nakita ko sa di kalayuan ang mga poll watcher ng partido ni mayoralty candidate Joseph “Erap” Estrada mula sa grupong Kaagapay. Nairita ako sa aking nakita nang may iilan sa kanila ang nanigarilyo sa mismong loob ng paaralan. Binabalewala nila ito kahit pa may mga paalalang nakapaskil sa paligid ng mga presinto. Hindi ako natakot at kinunan ko ng video ang isa sa kanila, ngunit hindi naman nila ako nahalata. Lalo lang nilang pinatunayan na tama ang pananampalataya kong si Mayor Alfredo S. Lim pa rin ang uupo sa pinakamataas na luklukan ng City Hall.

http://www.youtube.com/watch?v=dM_cSVZB4pc&feature=youtu.be

Dumaan ang mahigit isang oras na paghihintay. Upang hindi mabagot ay kinakabisado ko ang mga iboboto ko. Nilagay ko siya sa notepad ko sa smartphone para may kodigo ako habang bumoboto. Patuloy ang pagtagal ng oras at tuluyan na ngang nagalit ang mga katabi ko kaya hindi na ako nag-atubiling makialam sa sistema ng pila. Sa pakikisama ng mga kapwa ko botante ay naayos din kami at doon na nagsimulang sabihin sa amin na naayos na ang PCOS.

Sa loob ng dalawang oras na paghihintay ay nakapasok din ako sa presinto, pumirma sa listahan, kinuha ang balota at nilagay ang mga pinanindigan kong kandidato, at pinasok na nang tuluyan sa PCOS machine. Sa wakas, ako ang ika-41 matagumpay na botante sa aking presinto at natapos lang ang buong proseso sa loob lamang ng limang minuto.

Narito ang aking mga binoto:

SENATORS: Alcantara / Angara / Aquino / Belgica / Cayetano / Escudero / Hagedorn / Hontiveros / Legarda / Magsaysay, Ramon Jr. / Pimentel / Poe

PARTY-LIST: Agham

CONGRESSMAN: Asilo

MAYOR: Lim

VICE MAYOR: Veloso

COUNCILORS: Alfonso / Dela Cruz / Dumagat / Lim, Cristy / Lim, Moises / Venancio

Hindi perpekto ang mga makina kaya’t hindi mawawala ang posibilidad na magkaroon ito ng aberya. May ganito mang pangamba ay kailangan nating manampalataya sa hakbang ng mga awtoridad na mareresolbahan nila iyon. Tao pa rin ang kayang mag-manipula sa mga PCOS kaya’t kung maninindigan tayong magiging mapayapa at maayos ang halalan tulad ng pagtitiwala natin sa gobyerno, magiging maayos din ang takbo ng ating bansa kung saan bahagi ng proseso ang ating matiyagang pagboto.

#iwearyellow

Ang Daliri sa aking Kanang Kamay

#iwearyellow

yellow_logo_OFF copy

#iwearyellow

UNANG-UNA SA LAHAT, inaasahan ko na ang pakiramdam ng isang taong may sinusuportahan sa pulitika, pero hindi ko mawari ang iniisip sa akin ng marami, lalo na ng mga kaibigan ko na meron akong pinapanigan.

Hindi na bago sa pamilya ang magkaroon ng koneksyon sa pulitika. Nagsimula ito noong kalagitnaan ng dekada ’90 nang mapasok ang aking kuya sa Manila City Hall dahil sa paglalaro niya ng basketball. Minsan siyang naging bahagi ng official basketball team ng Lungsod ng Maynila sa isang kumpetisyon sa Vietnam. Dahil sa kanyang kontribusyon sa karangalan ng lungsod ay binarayan naman ito ng pamahalaan sa pamamagitan ng pagbibigay sa kanya ng permanenteng hanapbuhay.

Utang na loob. Maaaring ito ang nakikita ng marami nang magdesisyon siyang suportahan si Mayor Alfredo Lim sa pagkapangulo noong 1998. Gayundin ang naging suporta ng pamilya dahil naabot namin ang anumang tulong na natanggap ng kuya ko mula sa gobyerno. Bagama’t natalo, hindi natigil ang paghangang ito sa alkalde at hanggang sa kasalukuyan ay masasabi kong isa siya sa mga “die-hard supporter” ng butihing mayor.

Utang na loob. Hindi sa ganitong punto ko masasabi ang ginagawa kong hakbang sa buhay ko, ang ituloy ang tapat na pagtangkilik sa muling pagtakbo ni Mayor Lim sa kanyang huling termino bilang punong lungsod ng Maynila. Ang utang na loob ay isang bagay na may kapalit pagkatapos mong gawin ang pabor. Maaaring marami sa mga tagasuporta ng sinumang kandidatong nananalo ang naghahangad ng kabayaran kung sakaling magwagi ang kanilang sinuportahang pulitiko, pero buong puso kong sinasabi na wala akong hinihintay na kapalit sa mga ginagawa ko.

#iwearyellow. Lumabas ang kampanyang ito sa aking gunita nang pinagpaplanuhan kong gumawa ng isang proyektong papakinabangan ng aking itinayong organisasyon. Hindi ko nakita noon na malalagay ako sa sitwasyong magiging bahagi ng pamahalaan na magtataguyod sa kapakanan ng mga kabataan. Pero nandito na ako at tinatanggap ko nang buo ang tinalaga sa akin ng tadhana. Sa tatlong salita nabuo ang konsepto ng kampanyang ito: tiwala, paniniwala, paninindigan.

#iwearyellow. Marami man ang nagsasabing nalalayo ang imahe ng kasalukuyang Maynila, kumpara sa mga kalapit na lungsod sa Metro Manila. Pero dahil kay Mayor Lim, sa tulong ng pagtataguyod ng kasalukuyang administrasyon ni Pangulong Benigno Aquino III sa magandang moral ng gobyerno at ng mga opisyal dito, pilit niyang binubuo ang moral na estado ng lungsod na naghihikayat sa mga Manilenyo na makiisa sa mga proyekto nito na magdadala sa ating lahat, hindi sa iilan, ng magandang resulta.

Nakatutok ang mata ng bansa sa halalang magaganap sa Maynila at hindi mahuhulaan kung sino ang tunay na nananaig sa balota ng mga Manilenyo. Ngunit alam kong matatalino ang mga ito upang makilala kung sino ang nararapat na magpatakbo ng isang Maynilang may mataas na kalidad ng moral na magbubunga nang maganda sa mga mamamayan nito. At ang kampanyang #iwearyellow ang magpapamulat sa lahat, lalong-lalo na sa mga kabataan, na dapat mangialam at makiisa ang ating sektor sa pagbibigay-liwanag sa mga botante. Kung ano ang tama. Kung ano ang dapat. Kung sino ang karapat-dapat sa tiwala ng mga mamamayan ng natatanging lungsod ng Maynila.