Dalawang Taon Ng Pagiging Ganap Na Beki

Isang paggunita ng pagmamahal sa aking tahanan sa mundo ng mga beki.

Nasabi kong hindi ako makakapagsulat para sa blog ko sa buwang ito dahil sa pagiging abala sa ginagawa naming singing competition, pero di maiwasan ng aking mga kamay at utak ang magbahagi ng ilang mga ideya sa inyo.

Sa September 22, bukod sa malugod kong ipinagdiriwang ang kaarawan ng aking ina ay may isa pang bagay ang ginugunita ko sa araw na ito. Dalawang taon na akong “certified beki”.

Isang importanteng petsa para sa isang beki na nilamon ng isang napaka-adventurous na mundo. Di ko aakalain na mapapadpad ako sa daigdig ng mga lalakeng di mo aakalain na may pusong babae.

September 22. 2008. Hindi talaga ito ang petsa na nagsimula akong pumasok sa kanila. Minsan, may isang buwan noong 2007 nang una kong subukang makihalubilo sa mga beki na nagka-clan sa Sun Cellular, pero hindi rin ako nagtagal dahil iba talaga ang mga GM nila – nakaka-culture shock.

Isang taon ang nakalipas, bumalik ako sa kanilang mundo at sinubukang lunukin ang realidad ng pagiging kabilang sa third sex. Talagang may purpose ang nasa Itaas kung bakit niya ako pinabalik. Ang una kong bi-male clan ay ang G4M Clan, pero isang buwan lang yata akong tumagal noon, hanggang sa lumipat ako sa HBOX Unity – isang tatlong taong gulang na clan ng mga bi-male. At dito na umusbong nang tuluyan at umikot ng higit pa sa 360 degrees ang aking buhay bilang isang binabae, bilang isang tao.

Masaya. Malungkot. Nakaka-excite. Nakaka-bitter. Challenging. Ang mundo ng mga beki ay maraming demands. Creativity. Sophistication. Glamour. Maliban sa creativity, wala sa bokabularyo ko ang pagiging sophisticated at glamoroso, na di ko aakalaing mapapanatili ko hanggang sa ngayon.

Maraming demands. Maraming expectations. Maraming drawbacks. Maraming appreciation. Maraming rejection. Sa dalawang taon, may mga naging tunay akong kaibigang tumulong sa akin para maka-survive sa mundo ng mga beki. Sila ang mga taong masasabi kong gumawa sa akin bilang tunay na leader. Pero marami pang dapat matutunan, marami pang dapat na subukan at iwasan.

Dalawang taon. Ispesyal kong pinasasalamatan ang HBOX Nation at ang founder nito na si Hitaro Bianes na tinatawag kong Ina, na hindi nagbago ang pagtingin sa akin bilang isang lider, bilang anak-anakan, bilang tagasunod ng HBOX, bilang tao. Sa lahat ng taong dapat kong saluduhan, siya lang ang titindigan ko nang buong puso at alay ko sa kanya ito.

Dalawang taon, at alam kong marami pang taong pakikisama sa mundo ng mga beki. Sana, sa pagiging ganap na beki ko, marami pa kong mga bagay na matutunan sa kanila. Marami pa akong hindi alam, pero pipilitin kong alamin ang mga ito. Minsan nang pinatay ng mundong ito ang pagkatao ko, pero alam kong may parte siya ng buhay ko na bubuhayin niya at pilit na ilalabas na alam ng lahat na ikabubuti.

Happy beki-versary sa ‘kin! =)

Mahal ko ang HBOX Nation =)

.

.

September 18, 2010 3:51pm

LemOrven

Welcomeback Sa Beki World 2: Westpoint

Isang pagtatanto sa mga realidad ng buhay at pag-ibig na kaninang madaling araw ko lang naisambulat (maraming salamat kay Ahr Ehm, sa pulang kabayo at maning hubad.)

Sa unang pagkakataon sa loob ng maraming buwan ay muli akong nagbalik sa Westpoint, ang kalye sa Cubao na buhay na buhay tuwing Sabado ng gabi dahil sa mga nilalang ni Adan na may iba’t ibang karakter at pinagdaraanan. Nakadayo ako rito na ang laman ng wallet ay singkwenta pesos lang at pananabik na muling makita ang isang nakakatuwang kaibigan.

Hindi normal na pagkakataon ang pagpunta ko sa Westpoint kagabi. Habang bumibiyahe’y napakaraming alaala ang naglalabasan sa aking kukote na nagsisilbing tulay patungo sa party hub ng mga beki. Sa aking pagbabalik sa mundong nilisan ko noong Abril, nararapat sigurong masanay na muli ako sa mga eksenang madalas ko na namang makikita.

Hindi normal ang pagkakataong balikan ang Westpoint. Maraming bagay ang hindi na maaaring balikan. May mga kaibigan na akong tuluyan nang nagbago ang katauhan. At ako — sinusubukan ko na ring mabago ang tingin ng marami sa akin.

Sa pagbabalik ko sa Westpoint at sa pagkikita namin ng aking kaibigan, naisip kong ang pag-ibig, sa maraming pagkakataon, ay hindi nakakabuti sa pagbubuo ng pagkatao. Naging masama akong kaibigan para sa aking kaibigan dahil kahit may pinaninindigan siyang relasyon, ay gumawa ako ng paraan para maisip niyang hindi lahat ng pag-ibig ay tama, hindi lahat ng pagmamahal ay nababayaran nang sapat, hindi lahat ng pag-irog ay may katumbas na pagpapahalaga.

Bukod sa naging mistulang reunion ng ilang mga kaibigan ang gabing iyon, dito ko napagtanto na ang pagbabalik ko sa beki world ay hindi para maghanap akong muli ng taong tatanggap sa akin at susubukan akong mahalin. Hindi para maghanap ng kahulugan ng love na ipipilit ko sa sarili ko pero hindi naman tama. Ang pagbabalik kong ito ay isang pagsubok para sa akin – pagsubok para hanapin ang katotohanang ang mundo ng mga beki ay mundo ng saya, mundo ng maraming ideya, mundo ng libu-libong istoryang magbibigay sa akin ng inspirasyon para sa binubuo kong tatahaking landas.

Ang mga alaala ng aking nakaraan sa Westpoint ay naging tulay para mabuo ang bitter na si Lem, pero sa mga alaalang bubuuin ko sa aking pagbabalik, dinadalangin kong mas magiging mabuting beki si Artemis, ang taong unti-unting pumapatay sa EmoQueen, ang taong magtataguyod sa isang mas mabuting Lem na mas rerespetuhin ng mga kasama ko sa masaya ngunit masayang daigdig ng mga beki.

August 22, 2010 9:49pm
LemOrven

Ang Adhikain Ng “Ang Ladlad” At Ang Pulitikang Beki

Isang komentaryo sa partisipasyon ng Ang Ladlad LGBT Organization sa nakaraang halalan sa Pilipinas noong Mayo 10, 2010. Enjoy!

===

ANG ADHIKAIN NG “ANG LADLAD” AT ANG PULITIKANG ‘BEKI’

Binoto ko ang gay rights group na “Ang Ladlad” bilang party-list representative noong nakaraang halalan. Hindi man buo ang aking paniniwala, pinili ko ang Ladlad dahil sila lang sa lahat ng mga kasali ang may natatanging isinisigaw na adhikain. Ito rin ay sa dahilang nais kong suportahan ang aking mga kapanalig na gumigiit sa karapatan ng mga Pilipinong nabibilang sa LGBT (lesbians, gays, bisexuals, transexuals). Sa kasamaang-palad, hindi nagwagi ang grupo sa kabila ng halos humigit-kumulang na milyong “kabaklaan” at “katomboyan” na nagkalat, dito pa lamang sa Kamaynilaan.

May mga tanong ang nakararami kung bakit naisip ng Ladlad na gawing political entity ang isang makabuluhang gender rights organization:

–          Sa lehislatura lang ba nakikita ng Ladlad ang susing magbibigay ng karampatang karapatan sa LGBT community?

–          Desperado na ba ang Ladlad na itulak ang pagsasaligal ng same sex marriage sa Pilipinas?

–          Kailangan ba talagang mapabilang ng Pinoy third sex sa hanay ng marginalized sectors sa aspetong pampulitikal?

Ang Ladlad ay isa sa mga kasalukuyang nagpapakita ng hayagang adbokasiya para sa third sex rights. Sa pamamagitan ng tagapagtaguyod nitong si G. Danton Remoto, naninindigan ang grupo sa malaking kontribusyong naibibigay ng Pinoy LGBT sa sa iba’t ibang larangan. Sa mga kontribusyong ito’y hinihingi ng Ladlad ang pantay na paggalang ng lipunang Pilipino sa mga bading, tibo, beki, at mga tranny. Suportado ito ng mga maliliit na grupo tulad ng mga gay and bimale clans na nagsasama-sama sa mga distrito ng Malate at Cubao. Maituturing na pambihira ang Ladlad sapagkat tinatahak nito ang landas para tumungo sa mga hakbang na magbibigay-kalayaan sa mga Pinoy na kinukubli ang kanilang itinatagong nararamdaman.

Naging aktibo rin ang Ladlad sa karapatang mag-isang-dibdib ang dalawang magkaparehas ang kasarian o ang same sex marriage. Sa bansang tulad ng Pilipinas na may sapat na kalayaang magpahayag sa tunay nitong saloobin, medyo nakakagulat na hindi pinapayagan ang dalawang lalake o dalawang babae na magbuklod sa mata ng batas. May mga panukalang-batas nang naihain sa Kongreso sa mga nakaraang taon ukol sa nasabing karapatan, subali’t hindi nagtagumpay ang mga ito dahil sa kakulangan sa suporta at dahil na rin sa pagiging matatag sa paniniwala ng nakakarami sa mandato ng simbahang Katoliko. Sa mga pareho ring dahilan hindi naging matatag ang pagsasabatas ng LGBT community bilang isang marginalized sector.

Sa kabila ng napakaraming hakbang para maiangat sa pampulitikal na aspeto ang karapatan ng Pinoy third sex, hindi pa rin naging sapat ang mga media exposure at mga taunang White Party o gay pride march para ipaglaban ang adbokasiyang ito. Tila nauubos na ang baraha sa mga samahang tulad ng Ladlad, at ang natitirang alas – ang pagpasok sa Mababang Kapulungan. Ang unang subok ng Ladlad na makapasok sa Batasan ay noong 2007 Legislative Elections, kung saan sila ay diskwalipikado. Nitong nakaraang eleksyon, sa kabila ng maraming pagtatalo sa Commission on Elections (COMELEC) ay natuloy ang kanilang pagtakbo sa party-list polls.

Kung babalikan natin ang naging resulta ng nakuhang boto ng Ladlad noong Mayo 10 (05/20/10 mula sa 90.26% ng mga Election Returns na nakuha ng COMELEC: Rank 65, 106,566 na boto), sinasabi ng mga pigurang ito na parang hindi pa panahon para sa grupo ang maupo sa Kapulungan ng mga Kinatawan. Hindi tulad ng ibang sektor, hinahayag din nito na walang solidong boto ang Pinoy third sex community.

Sa aking paniniwala, hindi makukulong sa iisang marginalized sector ang Pinoy LGBT dahil lahat ng sektor ay meron itong representasyon. Maaaring may mga dapat itakda na panukalang-batas, pero sa aking palagay ay nararapat munang mas patatagin, lantarang ilatag at ‘isambulat’ ng Ladlad at ng iba pang gay rights group ang mas marami pang nauukol at makabuluhang kontribusyon na kanilang tinaguyod sa loob ng mahabang panahon. Kung tutuusin, marami na sa mga lalaki at babae sa bansang ito ang natututo nang rumespeto sa mga tulad natin, at ito’y nakakatuwang simula sa mga adhikaing naitayo. PERO KULANG PA. Kailangan pa ng mas malawak na pagtataguyod na hindi lang sarado sa mga hinihinging karapatan kundi sa pagpapaigting ng mga programang nagpapakita sa tunay na talino at kakayahan ng mga bakla at tomboy. Ang bading ay beki, sa pagkakaalam ko, ay hindi lang magaling sa debate, sa pagandahan o pakisigan. Marami sa atin ang mga matatalino at madiskarte, nakatapos man sa pag-aaral o hindi. Ang mga ito’y may kailangang kalagyan, at ang mga ito’y makakatulong sa atin na makatanggap ng mas marami pang suporta para maitakda sa batas ng Republika ang ating karapatan.

Kung tatakbo man sa susunod na eleksyon ang Ladlad, o kung anumang grupo magtataguyod ng ating karapatan sa pampulitikang aspeto – makakaasa kayong sa inyo ang aking simpleng boto. [SMILEY]

July 22, 2010 11:56pm

LemOrven