Nitong hapon lang ay napagdesisyunan namin ng aking kaibigan na magkape sa sweets shop sa hotel na pinapaandar ng isang unibersidad sa Intramuros. Sa harapan ng daan-daang estudyanteng naglalakad sa labas ng salamin, ang pagnamnam sa kapeng iniinom ko ay siya na ring pagnamnam ko sa gandang taglay ng pader ng lumang lungsod.

Masarap ang churros at ang caramel dip. Masarap din ang kape. Kaya na-inspire akong sumulat nito. 🙂 (Kuha ni Diane Denise J. Daseco)
Hindi kasing-tamis ng caramel dip ng churros ang dinanas ng Maynila pagkatapos ng kanyang pagkawasak noong digmaan, pitumpung taon na ang nakararaan. Magkagayunman, tulad ng pagkagat ko sa churros ay nalalasap ng aking isip ang mga kuwentong sa mahigit apat na raang taon ay pinatamis ng karangalang pinanghawakan nito.
Kahit malamig, ang tapang ng kapeng hinihigop ko’y aking nararamdaman. Ngunit pumitik sa utak ko ang realidad – ramdam pa ba o pinapahalagahan pa ba ng henerasyong ito ang katapangang itinaglay ng pader ng Intramuros? Ito na raw ang panahong kung kailan ang dakilang kalasag na nagtanggol sa kabisera noon ay isa na lamang simpleng pader sa paningin ng marami. Sa kabila niyon, marami man ang hindi nakakaalam ng kanyang natatanging nakaraan ay binubuhay pa rin nito ang puso ng Maynila. Ang mga kabataang masayang tumatambay, naglalaro, gumagala o nagbabasa ng kanilang mga aralin dito – silang mga kabataan ang nagpapanatili sa ating isip ng dahilan kung bakit itinayo ang pader ng Intramuros. Ito ay ang protektahan ang kapayapaan para sa kaligayahan ng kanyang bayan.
Ang kape at ang pader ng Intramuros ay parang pag-ibig – makisig pero mapagmahal.