Pansamantalang Pamamahinga

Ngayon pa lang ay humihingi na ako ng paumanhin sa iilang tumatangkilik ng Aurora Metropolis dahil sa pagiging inactive nito sa humigit-kumulang dalawang buwan. Hindi po ito dahil sa tinatamad akong magsulat o wala akong maisulat. Kung tutuusin, maraming bagay sa buhay ko ngayon ang ikinagagalak kong ibahagi sa inyo. Sa kabilang banda, ang mga bagay na iyon ang nagiging hadlang upang pagtuunan ng pansin ang aking pagsusulat.

Hindi lingid sa atin ang magkaroon ng maraming gagawin. Minsan pa nga, hindi na natin alam kung ano ang uunahin at paano magagawa ang lahat ng iyon sa mas mabilis na panahon. Naisin man nating i-prioritize ang mga iyon ay hindi natin kaya dahil tao lang tayo na napapagod din.

Yan po ang kalagayan ko ngayon.

Sa hangarin kong mas makatulong sa adbokasiyang napakahalaga sa akin, may mga makabuluhang gawain akong hindi ko na mabigyan ng pansin. Patawarin po ninyo ako pero isa sa mga hindi ko mabigyan ng atensiyon ay ang pagsusulat para sa pansarili kong kamalayan. Ito ang blog na binabasa ninyo ngayon.

Nitong mga nakaraan ay nagplano akong bumuo ng iba pang blog site para sa iba pang gamit. May isang kaibigan na nagsabi sa akin na palakasin ko na lang ang Aurora Metropolis kaysa gumawa pa ng panibago. May punto naman siya dahil sa limang taon at iilang tagasubaybay, masasabi kong matagumpay pa rin ang Aurora Metropolis. Bakit nga ba hindi ko na lang ito pagandahin at mas palawakin ang kaya nitong gawin upang bigyan ng inspirasyon ang mas maraming mambabasa?

Dito ako nagising sa katotohanan, nalungkot at walang humpay na humingi ng tawad sa aking mahal na blog site. Napagtanto kong marami nang tao ang na-inspire ng Aurora Metropolis at nananatili siya sa akin (kumpara sa mga blog site ko dati na pinagsawaan ko) dahil may dahilang tila nagtatago at naghihintay kong mahanap.

Dahil nga doon ay hinahanap ko ang dahilang iyon at patuloy na hinahanap, kaya pansamantala ay mananahimik ang inyong lingkod sa pagpo-post sa Aurora Metropolis upang bigyang daan ang maraming ideya upang mas maging malakas ang blog site ko. Ginawa ko ito para lang dapat sa regular kong pag-eensanyo sa pagsusulat, ngunit dahil sa mga kaibigang lubos na sumusuporta sa aking mga magulong pananaw ay nagkaroon siya ng panibagong dahilan para mabuhay at patuloy na mabuhay. Nais kong magpatuloy ang Aurora Metropolis at maging mas akma sa interes ng bawat taong pupunta dito.

Hindi ko po isasara ang Aurora Metropolis. Bigyan nyo lang po ako ng kaunting panahon upang mas mapabuti ang blog site ko na magiging blog site na rin ng sinuman sa hinaharap.

Patuloy akong nagpapasalamat sa mga sumusuporta, kilala ko man sila nang personal o hindi dahil binigyan niyo ako ng ideya kung gaano ako kaepektibong manunulat. Lagi kong tinatanim sa aking damdamin ang bawat papuring inyong binibigay at tinutugunan ang kung anumang mali kong nasabi. Masaya akong maging bahagi sa pagbuo ng sarili ninyong mga komentaryo. Kahit sa mga salitang aking tinitipa dito ay nakatulong ako sa paghubog ng lungsod ng Maynila at ng bansang pare-pareho nating panirahan.

Magbabalik po ako. Hindi po ako mawawala. Muli, maraming salamat po.

auroraheader8

Para Saan Ang Kalayaan?

Natutunan natin sa kasaysayan na hindi tumigil ang mga nakalipas nating salinlahi para makamit ang kalayaan. Sa pagdaan ng maraming siglo, hindi mabilang ang mga kababayan nating nagsakripisyo para sa isang pangarap na noo’y itinuturing na suntok sa buwan. Marami sa kanila ang nabigo, unti-unting sumuko’t naghintay na lamang sa isang himala hanggang sa kanilang huling hininga.

Ngunit sabi nga natin, ang lahat ng pagdurusa, pagtitiis at pakikibaka nila ay may kapalit na naaangkop na kahihinatnan. Isang daan at labing pitong taon ang nakakaraan, sa kauna-unahang pagkakataon ay ipinagdiwang natin bilang isang bayan ang kasarinlan. Mula noon, unti-unting naipalasap sa lahat ng panig ng bansa ang pagiging malaya at pagtamasa sa pantay na karapatan at oportunidad.

Tayo ngayon ay isang lipunang ganap ang kalayaan, ngunit aminin natin, ang kalayaang ipinamana sa atin ng mga ninuno ay tila hindi nagagamit sa paraang nararapat. Ang kasarinlang dapat ay magbibigay ng pagkakataon sa bawat isa na maging produktibong mamamayan ay nauuwi sa paglaganap ng iba’t ibang klaseng kawalan ng karapatan at katarungan. Ang Pilipinas na lumaya sa tatlong banyagang mananakop ay tila ba nagiging alipin ng kahirapan na tayo mismo ang may sala.

Para saan ba talaga ang kalayaan? Karapat-dapat ba tayo sa pribilehiyong ito?

Hindi hangad ng artikulong ito na idikta ang mga posibleng dahilan. Madali nating masasagot ang mga ito, at marahil, kahit sino’y makakapagbigay ng mga pinakamatatalinong sagot. Pagnilayan natin ang mga tanong na ito at sabihin ang mga sagot sa ating mga sarili nang taos sa puso at may bukas na pag-iisip.

Maligayang Araw ng Kalayaan, Republika ng Pilipinas! Mabuhay ang malayang Pilipino!

#

HOGAR

Ako ay laging nananabik
Sa pagdating ng dapit hapon.

Sa pagdilat ng aking mga mata,
Habang ang ilog ay nakatingala
Sa pamamahinga ng mga tala,
Nararamdaman ko ang kalungkutan
Sa panibagong araw ng paglisan
Sapagkat ikaw ay muling iiwan.

Maghintay sa ‘king pagbabalik
Dahil meron akong pabaon.

Lagi kang nasa isip
Lalo’t ‘pag naiinip.
Alaala ko’y ningning
Ng pagngiti mong laging
Dulot ay aliwalas
Na hindi nagwawakas.

Ang pag-ibig ko sa’yo’y hitik
At subok ng pagkakataon.

Tahanan ko ay ikaw,
Ngalan mo’y sinisigaw
Ng ulila kong puso.
Kahit saan sa mundo
At ano pang tanawin,
Ikaw lang ang iisipin.

Heto na ako, bumabalik
Na dala ang pangakong baon.

Ako ay maligaya mong hinagkan.
Pagyakap mong hindi mapapantayan
Kaya hinding-hindi pagsasawaan.
Kailanman ay di magpapabaya.
May masabi mang masama ang iba,
Patuloy kang mamahalin, sinta.

Natapos na ang pananabik.
Heto na nga ang dapit hapon.

#