2021 YEARENDER: Old Normal, New Directions

2015-category-title-tambuli copy2021-YEARENDER

Pare-parehong bumagal ang mundo natin noong 2020, kaya pihado akong marami sa atin ang bumawi ngayong 2021. Hindi nagbago ang gawi ng mga tao, pero dahil malaki ang ginawang gulo ng COVID-19 sa sangkatauhan, hindi maiiwasang maraming plano ang nabago, ginusto man natin o hindi. Kung ako ang tatanungin, hindi ko masasabing mabilis akong naka-recover sa trauma na dinulot ng pandemya. Hindi ko rin masasabing nabubuhay na ako sa new normal dahil parang ganoon pa rin ang pakiramdam ng mundo sa akin. Pero sa kabila niyon, may mga kakaibang biyaya na dinala ang Diyos sa akin ngayong taon na – kagulat-gulat – ay bumuo ng panibagong daan sa buhay ko at huhulma ng panibagong ako sa darating na panahon.

Ito ang pang-labindalawang Yearender ko. Kung ikukumpara sa nakalipas na taon ay mas masarap balik-balikan, kahit pa sinusubok na ng utak ko ang aking memorya. Magkagayunman, hindi ko hahayaang tibagin ng mahirap na pag-alala ang pagbabalik-tanaw sa napakasayang 2021 – isang taon na hindi ko makakalimutan kailanman.

Pananampalataya

Iba pa rin ang pakiramdam ng paglilingkod sa ating Panginoon. Isang karangalan at biyaya na naging bahagi ako ng Parokya ng Binondo at makapaglingkod sa Minor Basilica and National Shrine of San Lorenzo Ruiz bilang in-charge ng kanilang social communications.

Ang misyong ito ng pagbabahagi ng Salita ng Diyos at ng debosyon sa kauna-unahang Pilipinong santo ang masasabi kong pinakamahalagang adbokasiyang ginagawa ko na kahit papaano’y nagkakaroon ng bunga hindi lang sa paglawak ng presensya ni San Lorenzo Ruiz sa social media kundi sa lalong paglago ng papuri at pag-ibig natin sa ating Panginoong Hesukristo.

Pagkakataon

Sa kabila ng mga limitasyon gawa ng kasalukuyan nating sitwasyon ngayon, masuwerte pa rin ako na mabigyan ng mga pagkakataon na magawa ang mga bagay sa kauna-unahang pagkakataon.

Isang makasaysayan at ginintuang oportunidad na maging isa sa mga punong-abala sa parokya para sa selebrasyon ng ika-500 anibersaryo ng Kristiyanismo sa Pilipinas. Gamit ang social media, naipakita ng Basilika ang pagiging bahagi ng Binondo sa pag-unlad ng ating pananampalataya sa nakalipas na limang siglo. Dahil dito ay marami ring nagbukas na mga first time na hindi ko rin inakala na mangyayari.

Maraming hindi naniniwala kapag sinasabi kong dumating ang panahong kinailangan kong tumira sa kumbento ng Binondo. Ito ay para magtuloy-tuloy ang paghahanda namin para sa mahabang kapistahan ng Binondo noong Setyembre hanggang Disyembre. May mga ilang beses na rin akong natulog doon tuwing Sabado ng gabi para makapaghanda sa mga Misa ng Linggo.

Simbahan din ang naging daan upang makapaglingkod sa Diyos gamit ang isa pang talento na ibinigay Niya sa akin – ang pagsusulat. Bagaman lagi akong nakakagawa ng mga artikulo sa offficial social media ng Binondo Church ay isang biyaya na makapagsulat para sa mas malaking Simbahan bilang contributing writer sa Office of Communications ng Archdiocese of Manila. Mula Abril ay nakagawa na ako ng mahigit 43 write-ups tungkol sa mga homiliya, lalo na ng dating Apostolic Administrator ng Maynila at ng kasalukuyang pinuno ng Apostolic Vicariate of Taytay na si Bishop Broderick Pabillo, ni dating Manila Archbishop Luis Antonio G. Cardinal Tagle at ilang mahahalagang okasyon tulad ng pagkakatalaga sa bagong Arsobispo ng Maynila, Jose F. Cardinal Advincula.

At isa pang mas nakakatuwang pagkakataon ay dala rin ng Simbahan dahil dumating sa pamilya namin ang pusang si Simba. Minsan, iniisip ko na reward sa akin ng Diyos si Simba bilang siya ay alaga ng Basilica. Siya ang unang pusang napalapit at napamahal sa akin kaya hindi rin naging ganoon kahirap sa kanya na makasama natin sa aming mumunting tahanan.

Naging pagkakataon din ang 2021 para makakilala ng maraming tao na kalaunan ay naging mga bagong kaibigan, mga kaibigan na matagal nang hindi nakita, mga lugar na matagal na hindi napuntahan at mga lugar na first time kong napuntahan.

Pakikipagsapalaran

Akala ko ay hindi pa ako makakalabas ng Binondo ngayong taon gawa ng pandemya. Pero maraming salamat sa mga kaibigan na handang maglayas sa kalunsuran, magliwaliw at i-enjoy ang katahimikan ng kapaligiran.

Nag-umpisa ang 2021 sa pamamasyal sa Tagaytay noong Enero pero dulo na ng Disyembre nang nasundan. Sulit naman dahil nakarating ako sa Calumbuyan Point sa Calatagan, Batangas at sa Guagua, Pampanga. At sa mga oras na ito, narito ako sa La Union at sasalubong sa 2022 sa harap ng karagatan at, sana, sa mas mapayapang katahimikan.

Sa tunog ng dagat, ihip ng hangin at huni ng mga ibon, naramdaman ko na mayroon pa rin talagang kapayapaan sa ating buhay. Matuto lang tayong prumeno at maglibot para makakita ng mga paraisong magbibigay sa atin ng pahinga.

Panibagong Panimula

Noong isang taon ay umalis ako sa propesyong akala ko ay magiging propesyon ko na hanggang tumanda. Kahit stressful ang trabahong iyon ay binigyan ako nito ng maraming karanasan at karunungan lalo na sa paglilingkod-bayan. Sa kabilang banda, ang pag-alis ko doon ay nagdulot ng kaginhawaan sa puso at utak ko, at sa mga buwan na nawala ako, kahit mahirap sa aspetong pinansyal ay pakiramdam ko ay nawalan ako ng tinik sa dibdib.

Pero sabi nga nila, kapag kailangan ka ng bayan, ang tadhana mismo ang maglalapit sa’yo sa anumang paraan para makatulong ka sa bayan. Nabigyan muli ako ng bagong simula para makapagbigay ng serbisyo upang makatulong sa mga pulitikong alam ko ay magiging mabuting instrumento ng pagbabago sa ating bansa. Isa na rito, siyempre, ang ating minamahal na Vice President Leni Robredo.

Hindi naman ako tumigil na suportahan siya, ngunit sa pagbabago ng anyo ng laban, isang bagong panimula ang tatahakin ng tulad kong Dilawan bilang isang KAKAMPINK. Mas malaki ang hamon ito para maibalik ang kaayusan sa ating gobyerno lalo na ngayong paparating na eleksyon. Pero tulad ng marami, naniniwala ako na ang pinakaepektibong sandata upang makaahon tayo sa guho ng pandemya at maruming pulitika ay kabutihan, gaano man ito kalaki o kaliit. Sa pamamagitan ni VP Leni, ang Dilawang naging Kakampink ay gagalaw sa personal kong kapasidad upang maipanalo ang kabutihan laban sa karahasan ng mga berdugo at pananamantala ng mga magnanakaw at mandarambong.

Pasasalamat

Hindi magiging posible ang napakakulay na 2021 dahil sa maraming tao na naging dahilan nito at taos-puso ko silang pinapasalamatan.

Maraming salamat sa mga bumubuo ng Minor Basilica of San Lorenzo Ruiz: kina Fr. Andy, Fr. Sigfred, Fr. Joaquim, Fr. Andre, Rev. Norman, Achi Diana, Sis. Beth, Sis. Connie, Kuya Zardo, Jophet, Kuya Kahoy, Hazel, Ate Missy, Ate Beck, Ate Joy at sa lahat ng mababait na tao sa kumbento at Parish Office.

Maraming salamat, Ate Jheng Prado at sa lahat ng mga bagong kaibigan ko sa Archdiocesan Office of Communications.

Maraming salamat, Geil, Ate Nini, Livi, Niña, Jeff, Kuya Gelo, Herzon, Ate Annie, Ayhie, Atty. Garreth at sa lahat ng mga kasama ko sa exciting na laban para sa 2022.

Maraming salamat, Nona Nicolette sa unconditional love and friendship.

Maraming salamat sa mga kaibigang hindi nawawala sa sirkulasyon kahit pare-pareho kaming busy: Rio, Shalom, Nica, Josh, Kevin, Monique, Ken.

Maraming salamat sa mga kaibigang hindi nawawala ang presensya sa chat man o sa social media at dinadasal kong magkita-kita tayo soon: Samantha, Innah, LJ, Cyleen, Tracy, Kurt, Ate Elsa, Kuya Ernest, Nathan, Nate, Mike.

Maraming salamat sa mga bagong kaibigan na nagbukas ng maraming kaalaman, aral at realization: Anton, Andre, Hillel, Jhiro, Ate Shery,

Maraming salamat, dating Konsehal Niño dela Cruz at Vice President Leni Robredo sa tuloy-tuloy na inspirasyon para sa ating bayan.

Maraming salamat sa aking pamilya: sa aking Nanay, kay Kuya Jo, Kuya Abet, Kuya Ramon, Ate Airine, Rmon at sa mga bunso naming sina Bruce, Kobe at Simba.

Maraming salamat kay Tatay, Bruce Laki, Bruce Liit, Bunny at Lucky na lagi kaming ginagabayan mula sa Langit.

Maraming salamat, iniirog kong Maynila, dahil sa patuloy mong pag-ahon ay wala kang sawa sa pagpapakita ng katotohanan at inspirasyon sa Manileñong lubos na nagmamahal sa iyo. Hinding-hindi ka mawawala sa aking gunita.

Higit sa lahat, maraming salamat, Panginoong Hesukristo, aming Inang Birhen ng Santo Rosario at Pronto Socorro, Sto. Niño de Tondo, Mother Ignacia at San Lorenzo Ruiz. Hindi ko po alam kung bakit ako naging karapat-dapat sa napakaraming regalong inyong ibinigay sa akin ngayong 2021. Pero buong puso po akong nagpapasalamat dahil nananatili kaming maayos, malusog, payapa at masaya. Sa aking munting pamamaraan ay ibinabalik ko po ang lahat ng biyaya para sa karangalan at pasasalamat sa Iyo.

Panalangin

 

Ama naming nasa Langit, isa na naman pong taon ang magwawakas. Nawa’y patawarin Mo po ako sa aking mga kasalanan sa pamamagitan ng Iyong walang hanggang pagmamahal at biyaya.

Patuloy Mong protektahan sa anumang kapahamakan ang aking pamilya at mga kaibigan. Patuloy Mo akong gabayan sa mga ginagawa ko sa araw-araw. Patuloy Mong biyayaan ang mahal naming bayan, lalo na ang iniibig kong kabisera.

Ako ay Iyong lingkod, Ama. Lahat ng tagumpay, pagkabigo, kaligayahan, kalungkutan at walang katumbas na pag-ibig mula sa lahat ng aking nakakasalamuha ay inihahandog ko po sa Iyo. Hindi po ako perpekto. Makasalanan ako. Ngunit bigyan Mo po ako ng puwang sa Iyong paraiso.

Lahat ng ito ay idinadalangin at itinataas sa Iyo, sa tulong ng mga panalangin ng Ina ng inyong Anak na si Hesus, ang mahal naming Maria, sa ngalan ng Espiritu Santo. Amen.

Tuloy ang buhay, tuloy ang paglalakbay.
Maligayang bagong taon sa ating lahat. Maligayang pagdating, 2022!

cropped-article-stoper.png

Wala Na Ba Talaga ang Diwa ng EDSA?

2015-category-title-tambuli copy2021-AURORA-02-EDSA

Aalalahanin ng bansa at maging ng buong mundo ang makasaysayang EDSA People Power Revolution. 35 taon na ang nakararaan ay napatalsik ng pinagsama-samang panalangin, paninindigan at pagkamakabayan ang diktaduryang nanamantala sa kahinaan ng ating demokrasya. Sa araw na iyon ay sabay-sabay na lumingon ang sangkatauhan sa kagila-gilalas na pagkakaisa ng maraming Pilipino upang ibalik sa bansa ang kalayaan, katarungan at tunay na kapayapaan.

Buhay ang mga alaala ng EDSA, pero sa panahong madali na tayong makalimot sa mga tama at mali sa ating kasaysayan, dekorasyon na lamang ang mga bantayog, mga patotoo at mga aral na dapat ay nanuot na sa bawat ugat sa sistema ng ating pamahalaan. Sinasabi ng marami na ang resulta ng People Power ay mas malalang paghihirap, mas malawak na gap sa pagitan ng mayayaman at mga dukha o mas talamak na korapsyon sa burukrasya. Para bang nagpalayas tayo ng iilang gahaman para palitan ng mas maraming kawatan.

May iniwang pangako ang EDSA at ito ay yung mga tinatawag nating diwa – mga pagkakamaling hindi lang basta-basta dapat limutin kundi mga pangyayaring dapat paghugutan ng karunungan. Ang mga kaalamang ito ay siya nawa nating magagamit upang manaig ang tama sa bawat maliliit na hakbang palayo sa malalim na nakaraan sa kamay ng rehimeng Marcos.

May napulot ang daigdig sa diwa ng EDSA. Nanganak ito ng maraming rebolusyon sa iba’t ibang lupalop kung saan tumindig ang mamamayan sa kani-kanilang mga diktador at nagwaksi sa paniniil ng mga abusado. EDSA ang naging inspirasyon nila at lahat ng ito’y nagbunga ng bagong hangin ng demokrasya sa maraming bansa.

Dito sa Pilipinas, maraming naniniwalang namamatay na ang diwa ng EDSA. Unti-unting nakakabalik ang mga taong minsang naging bahagi ng madilim na yugtong ito sa ating kasaysayan. May mga taong nilunod ng magagandang bagay para makalimot sa kademonyohan sa likod ng mga ito. Binabaliktad ng mga tinahi-tahing mito ang katotohanan para pabanguhin ang pangalan ng nabubulok na buto ni Ferdinand Edralin Marcos, ang naaagnas na balat sa likod ng foundation ni Imelda Romualdez Marcos at mga anak niyang nagmana ng kasinungalingan, pagkasakim at mataas na tingin sa sarili ng kanilang mga magulang. Wala nang pakialam ang ilang kabataan sa idinulot sa atin ng Martial Law at ng Bagong Lipunan, at ang gusto ay umusad na lamang na parang walang nangyari sa bawat ina, ama, anak, kaibigan, kasintahan o asawang pinatay, ikinulong, ginipit at pinatahimik ng diktadurya.

Maaaring natatabunan na ng mga alikabok ng nakaraan ang diwa ng EDSA, pero talaga bang ito’y malapit nang mabura?

Sa nakalipas na limang taon, maraming pagkakataon nang gustong baluktutin ng mga loyalista at troll ang matayog na kontribusyon ng People Power sa ating bansa. Pero kada taon mula 2016, walang dudang maraming tao na rin ang namumulat sa pagkakamaling dinulot ng populismo ni Duterte at ng pagkiling niya sa paniniwalang bayani si Marcos. Bagaman pinipilit na walang makita ang mga minsa’y naniwala sa aral ng EDSA, patuloy na binibigyang-liwanag ng mga nagigising sa katotohanang hindi ito ang gusto ng mga diwa ng EDSA para sa ating bayan. Na hindi ang diwa ng EDSA ang may kasalanan kundi tayong pinili na talikuran ang tagumpay ng People Power para sa kasalukuyang puro kabastusan, kayabangan at katatawanan ang inaatupag.

Buhay ang diwa ng EDSA kahit pa pilit itong binabastos ng mga hindi naniniwala sa kanya. Marupok ang demokrasya pero pinatunayan ng People Power na tayo mismo ang magtatanggol sa kanya gamit ang mga leksyong natutunan natin sa kanya. Mamamatay ang diwa ng EDSA kung papatayin natin ang panalangin, pagtitiyaga at paglaban para manatiling buhay ang demokrasya.

Mananatiling buhay ang diwa ng EDSA, at ngayong ika-35 anibersaryo nito, alalahanin natin na tayo dapat mismo ang magdala ng pagbabago habang niyayakap ang regalong mas makataong lipunan para sa atin at sa susunod na salinlahi ng ating bayan.

#EDSA35

 

2020-headline-feature-fb-aurora-10-cropped.png

2021’s 12 Random Resolutions

2015-category-title-tambuli copyaurora-2021-01-post-featured-resolutions

Pinaalala sa akin ng Facebook Memory ang ilang series of post tungkol sa aking New Year’s Resolution para sa 2012. Hindi ko matandaan kung nagawa ko ang mga iyon at hindi ko rin matandaan kung bakit ako gumawa ng resolution kahit alam kong hindi ko naman ito magagawa noong mga panahong iyon.

Nine years had passed. Sa palagay ko, kahit papaano’y marami na rin ang nag-iba sa kung paano ko gustong baguhin ang direksyon ng buhay ko. Ngayong panibagong taon, susubukan kong hamunin ang sarili ko. At bago matapos ang 2021, titingnan natin kung kinaya ko ang aking bagong New Year’s Resolution.

Lahat ng ibibigay kong resolution ay random o yung mga hindi ko talaga planado. Sa mga oras na sinusulat ko ang parteng ito ay nakaisip na ako ng 12 resolutions na ang karamihan ay hindi ko pinag-isipan kung gusto ko o hindi. Walang burahan.

***

1. Magbawas ng at least 50 kilograms bago mag-December 15

2. Magsi-selfie per day from January 1 to December 24 at iko-compile sa Facebook sa December 25

3. Gagawa ng 20 videos para sa Lem Santiago Vlog

4. Magsusulat ng love story per month para sa Aurora Metropolis

5. Lalabas ng Metro Manila nang tatlong beses bago mag-December 20

6. Bibili ng black shirt every month

7. Mag-iipon ng 21,000 pesos bago mag-December 25

8. Susulat ng libro

9. Makikipag-date sa lalaking may real first name na nagsisimula sa letter M

10. Magbabakasyon mag-isa sa malayo

11. Magbabasa ng 33 books

12. 1-month hiatus on Facebook

***

Susubukan ko lang kung kayang panindigan. Kung hindi, sorry.

G? G! Hehe.

2020-headline-feature-fb-aurora-10-cropped.png