Kalayaan 2014: Pangarap. Dunong. Lakas. Pag-unlad.

Sa gitna ng pag-iisip kung paano ko isusulat ang ispesyal na okasyon sa araw na ito ay bigla na lang pumasok sa isip ko ang Awit ng Maynila, ang opisyal na himno ng punong kabisera ng Pilipinas. Hindi ito nagpapigil at tuluyang binigkas ng aking mga labi nang may kasamang himig at damdamin. Nasa ikalawang taludtod pa lang ako ng kanta ay napatigil ako sa una’t ikalawang linya, at nagdesisyon akong ito ang gagamitin kong anggulo para gunitain sa taong ito ang isa sa mga pinakamahalagang petsa ng mga Pilipino bilang isang malayang lahi.

Kalayaang tuparin ang pangarap.

Mapalad ang henerasyong ito dahil malaya tayong isakatuparan ang gusto nating direksyon sa buhay. Hangga’t ikaw ay nagsusumikap, buong buhay mong nanamnamin ang tagumpay ng iyong pinapangarap. Ang mga tulad nina Jose Rizal at Andres Bonifacio ay nangarap din para sa sarili at sa bayan ngunit ang naging katuparan ng mga ito ay kamatayan. Nakakalungkot na hindi nila nakita o naramdaman ang pagpupursigi sa kanilang inaasam dahil sa kawalan ng kasarinlan noong kanilang panahon.

Kalayaang mapalawak ang dunong.

Ipinagkait ng mga mananakop noon ang kalayaan ng napakaraming Pilipino para pumasok sa mga institusyong pangkarunungan. Sa kasalukuyan na ang edukasyon ay inilalaan para sa lahat at ang daloy ng impormasyon ay libre sa pamamagitan ng bagong teknolohiya, marami sa atin ang nagpupursiging matuto kahit nakararanas ng matinding kahirapan. Hindi tulad noon, walang hangganan ngayon ang pagkakataon ng sambayanan para linangin ang isip sa loob at labas ng paaralan – isang anyo ng kasarinlang nagpapalaya sa sinuman sa kamangmangan.

Kalayaang patunayan ang lakas.

Napatunayan ng lahing ito ang lakas ng naghihimagsik na Pilipinong gustong lumaya sa kamay ng mga mananakop. Magkagayunman, marami sa kanila ang nalagay sa kapahamakan o nauwi sa kamatayan para ipakita na ang lakas ng mamamayan ang dapat manaig sa kabuktutan ng noo’y malupit na pamahalaan. Ngayon, kahit sino ay may tsansang magpahayag ng kanilang saloobin sa pamamagitan ng Internet, social media at blogging. Sa ganitong mga paraan, naipapakita ng isang Pinoy ang lakas niyang taglay bilang nagmamalasakit na mamamayan. Naging daan din ang mga ito upang magtipon ang sinumang may iisang adhikain nang hindi humaharap sa digmaan at hindi nakakaranas ng pisikal na karahasan.

Kalayaang matamo ang pag-unlad.

Noon, ang kaunlaran ay para lamang sa mga kalalakihan, mayayaman at may pinag-aralan. Dumating ang puntong ang kababaihan ay nakulong lang sa tahanan, ang mahihirap ay inaabuso ng mga elitista, at ang mga walang karapatang pumasok sa paaralan ay natututo lang sa kanilang karanasan at pagdurusa. Ang bunga ng kalayaang pinaglaban ng ating mga ninuno ang sumira sa tanikala ng mga nasabing pagmamalupit. Bukod sa kasarinlan, iniwan nila sa atin ang kalayaang paunlarin ang sarili bilang tao at bilang Pilipino. Ngayon, sinuman sa atin ay pwedeng umunlad nang walang tinitignang kasarian, estado sa buhay o nakamit na karangalang pang-akademiko. Kung taglay ng Pilipino ang kasipagan, pagmamahal sa sarili, pagpapahalaga sa kapwa at pananampalataya sa bayan at Diyos, tayo ay uunlad at mabubuhay na malaya.

Kayamanan natin ang kalayaan at dapat natin itong bigyan ng kahalagahan. Lubos man ang ating paggamit nito, huwag nawa natin itong abusuhin at gamitin nang may mabuting kamalayan at positibong kaisipan. Samakatuwid, ang pagdiriwang natin ng kalayaan ng ating minamahal na bansa ay maging makulay at makabuluhan ngayon at sa mga susunod pang henerasyon.

Mabuhay ang kasarinlan! Mabuhay ang Republika ng Pilipinas!

16842_1229172370980_2011547_n

Laban Ng Malayang Manunulat: Ang Ikaapat na Taon ng Aurora Metropolis

Bahagi na ng aking buhay ang pagsusulat. Sa mga kritikal na panahon ko bilang tao, tanging mga titik, letra at salita ang may kakayahang ipaliwanag ang mga saloobing hindi kayang banggitin ng aking mga labi. Ilan sa mga ito ang naisalin ko bilang lupon ng mga pangungusap at talata, at karamihan dito ay nailathala sa pahinang inyong kasalukuyang binabasa – ang Aurora Metropolis.

Hunyo 2010 nang ipangako ko sa aking sarili na ako ay susubok na gumawa ng blog site sa kahuli-hulihang pagkakataon. Sinabi ko noon, kapag hindi ko pinanindigan ang Aurora Metropolis, hindi na ako muling bubuo pa ng isang blog site. Sa awa ng Diyos, kahit hindi ako gaanong nakapag-lathala nitong nakaraang mga buwan ay buhay pa rin ang Aurora Metropolis at ngayo’y nagdiriwang ng kanyang ikaapat na anibersaryo.

Nabuo ang Aurora Metropolis bilang personal kong sandata upang ipaglaban ang mga karapatan ng ating mga kaibigan sa LGBT community. Sa pag-andar ng mga buwan ay naging instrumento na rin ito upang ihayag ang aking mga pananaw, hinaing at suhestiyon sa mga isyu ng lipunan. Baul din ito ng aking mga likhang kuwento na ang ilan ay nakapagpaantig sa puso ng mga mambabasang umiibig, gustong umibig at umaasang iibigin. Ngunit higit sa lahat, naging matalik na kaibigan ko siya dahil hinahayaan nitong balikan ang aking kasaysayan upang matutunan ang siklo sa kasalukuyan at patuloy na manaig sa mga susunod kong laban.

Sa pag-uumpisa ng panibagong taon ng Aurora Metropolis, lubos akong nagpapasalamat sa mga patuloy na tumatangkilik, bumibisita at nagbabasa ng mga artikulo rito. Anuman ang mangyari, lahat kayo ay aking inspirasyon upang ipanatili ang Aurora Metropolis para patuloy na magbahagi ng mga aral mula sa aking mga laban bilang malayang manunulat.

Mabuhay ang panitikang Pilipino! Mabuhay ang malayang pamamahayag! Mabuhay ang dakilang lungsod ng Maynila at republika ng Pilipinas!

aurora_fbprofpic_2014 copy