FAST POST 56: 11th at Commitment

Maraming beses sa buhay ko na pinagsisihan kong naging committed ako. Relasyon, desisyon at kung ano-anong alanganing pagkakataon. Hindi lang naman isang tao ang rason ng pangmatagalang paninindigan. Minsan, dahil ito sa mga kasama mo o sa mga partikular na sitwasyon na nagpapatibay sa sinumpaang pangako. Alam kong minsan ay kaya ko, pero minsan, aminado akong kasalanan ko. Pero batid ko kung kailan ako kailangang maging committed… at sa iilang beses na iyon, may mga iilan akong napa-proud ako.

Ang blog na ito ang masasabi kong pinaka-pinanindigan ko sa buhay. Obviously, 11th anniversary na niya ngayong araw na ito.

Sinisimbulo ng Aurora Metropolis ang buong pagkatao ko: lahat ng pwede kong ipagmalaki at kinakahiya ko, lahat ng kalakasan at kahinaan ko, lahat ng kasipagan at katamaran ko, lahat ng kabutihan at kasamaan ko. Ang Aurora ang patunay na ang katawan ko ay lalaki at babae, hindi lang basta bakla. Ang Aurora ang dahilan kung bakit ako patuloy na naniniwala sa kapangyarihan ng Diyos sa kabila ng mga pananaw na ang pagiging bakla ay isang matinding kasalanan sa Panginoon. Ang Aurora ang nagpapakita ng totoong ako at ng mga ayaw ko sa sarili ko.

Mahirap maging manunulat, pero sa lahat ng hirap na sinuong ko sa mga nagdaang taon, ang pagsubok na itipa ang mga daliri ko para makabuo ng mga istorya at pananaw ang pinakadakilang paghihirap na kaya kong ibigay para sa sarili ko. At lagi kong uulit-ulitin: kapag kinalimutan kong magsulat ay parang kinalimutan ko na ring huminga.

Mahal kong Aurora, maligayang kaarawan. Masakit, mahirap pero patuloy kang mabubuhay dahil ikaw ay ako.

FAST POST 55: Dot Com

Hindi ako makapaniwalang “dot com” na ang domain ng Aurora Metropolis.

Isang taon nang naka-reserba ang aurorametropolis.com, pero nagdesisyon akong ngayon lang ito gamitin dahil sa renewal ng plan ko. At tulad ng laging sinasabi sa mga pelikula, “it’s about time.”

Nabili ko ito noong 2020 dahil may promo ang WordPress sa mga domain. Sa isip-isip ko, kung kailan kalat na sa buong Internet ang aurorametropolis.blog ay saka lang ito io-offer ng WordPress! Na-Duterte ako. Hahaha!

Pangarap ng bawat website owner na magkaroon ng website na dot com ang domain. At siguro’y magandang regalo para sa 11th year ng Aurora ang bagong apelyido niya. Pakiramdam ko ngayon ay mas naging legit na website na ang aking mumunting blog site.

FAST POST 54: Ginhawa sa Pagpatak ng Ulan

Sa halos isang buwan ng todong init ng tag-araw, sa wakas, umulan na rin dito sa Maynila. Maling sabihin pero sa panahong nameligro ang mga dugo natin sa pagtaas ng temperatura ay naging biyaya ang Bagyong Dante na kahit papaano’y nagpalamig sa ating kapaligiran.

Musika sa tenga ko ang mga patak ng ulan. Iba ang pakiramdam na dulot nito sa balat ko at sa kaluluwa ko. Tila ba isang gamot ng ginhawa sa katawan kong madaling pagpawisan at mahapo sa matinding init. Ngunit hindi pa roon ang binibigay sa akin ng mga butil ng tubig mula sa langit.

Ngayong gabi, habang tinitipa ko ang mga salitang ito ay pinipili kong huwag munang matulog, kahit sa mga ganitong maulan na panahon ay mas masarap matulog. Baka kasi pagtapos nito ay panibagong paghihintay na naman sa ulan? Marahil. Kaya habang mahinahon pa ang pagbuhos nito (at sana’y huwag masyadong lumakas) ay sasamantalahin ko na ang pakikinig dito. Maya-maya ay magluluto ako ng pancit canton para bigyang dampi ng init ang aking sikmura habang ninanamnam ang ginhawa sa pagpatak ng ulan.