Hindi Pa Ako Nakakapanood ng BL

2015-category-title-tambuli copy2020-AURORA-post-featured-boyslove

Napakainit ng reception ng mga Pinoy sa konsepto ng Boys Love (BL). Sabihin nating hindi ito ganoong bago sa pelikula at telebisyon kung ang pag-uusapan natin ay ang mga genre ng love, romance, adult teens at coming of age. Sa pagkakataon lang na ito ay mas nakasentro ang kuwento sa dalawang teenage o mid-20s na lalaki kung saan ang tingin ng lipunan sa kalalakihan ay mga nakababata pa o “boys”.

Namamangha ako sa mga kakilala kong patay na patay sa BL series at nakakaaliw basahin ang mga post nila sa social media. Pero aaminin ko: hindi pa ako nakakapanood ni isang BL series, galing man yang Thailand o gawa sa ating bansa. Napanood ko ang Call Me By Your Name last year pero yun lang yun. Nakukuntento ako sa trailer, pagkatapos niyon ay ayos na ako dahil pakiramdam ko ay alam ko na ang istorya. Cute naman ang mga bida, pero hindi talaga ako matulak ng bandwagon para sundan ang kasikatan nila. Noong una, akala ko ay nabi-bitter lang ako dahil maiinggit lang ako sa kilig ng mga istorya nila. Lumalabas ang insecurity ko sa mga taong fairy tale ang love story. Pero noong napag-isip-isip ko, hindi ito ang lumalabas na totoong rason.

My views are personal and may be unpopular, but let me elaborate:

Real Experiences

Marami na akong nasaksihan na iba’t ibang kaso ng “boy’s love”. Hindi pa uso ang Zoom ay may nakita na akong nagka-ibigan nang dahil sa video chat. May mga kilala ako na galing sa Catholic school na nagkagustuhan. May ka-clan ako dati na nagkagusto sa DOTA player at naging sila dahil sa magdamagang paglalaro sa internet cafe.

Sa mundo noon ng mga clan ay napakaraming gay love stories ang nasaksihan mismo ng mga mata ko. Ang iba ay, sabihin na nating, naranasan ko. Marami ang masaya ang naging takbo, ang iba ay nagtagal at tuloy sa kani-kanilang buhay at ang iba ay, kung hindi naging masama ang hiwalayan ay naging trahedya.

Sa trailer pa lang ng Hello Stranger ay may naalala na akong mga tao mula sa nakaraan. Paano pa kaya sa iba pang BL movies at series?

Not Making It Too Special

Idol ko ang ilang mga direktor, writer mga artista at producer ng BL. Hanga ako sa kanilang katapangan na maiangat ang ganitong konsepto sa kamalayan ng ordinaryong Pilipinong manonood. Hindi lang dahil para sa #LoveWins, ang tagumpay ng BL ay isang hakbang pausad sa pagtanggap ng lipunan sa equality, lalo na pagdating sa pag-iibigan ano pa man ang SOGIESC ng mga tao.

Pero sa paglobo ng BL sa Pilipinas ay para bang lumalabas ang sentimiyento ng iilan na kapag hindi mo pinanood ang mga ganitong palabas ay hindi mo sinusuportahan ang laban ng mga LGBTQIA++ para sa aming karapatan. Pero kung titingnang mabuti ay hindi dapat ganito ang pananaw ng hardcore advocates na para bang dapat ay gawing ispesyal o kakaiba ang viewing experience ng BL.

Paumanhin, pero para sa akin ay walang ispesyal sa BL. Huwag natin itong ituring na kakaiba sa mga pelikulang napapanood natin dahil lang dalawang lalaki ang tambalan. Kung may ispesyal man dito, ito ay ang ideyal na lahat tayo ay may karapatang magmahal.

Becoming Hopeless Romantic

Nasabi kong akala ko ay bitter lang ako o insecure sa mga istorya sa BL. Initial reaction naman ito ng mga taong umibig at nasaktan. Pero kung re-review-hin nyo ang blog ko ay marami rin akong nasulat na gay love story na papasang BL story. Dun ko naisip na natural pala ang pagka-hopeless romantic ko.

Aaminin ko na may kurot sa puso ang mga ganitong klaseng kuwento sa akin. Sa kabilang banda, alam kong may parte rito ang katotohanang hanggang kilig lang ang lahat at hindi ito mangyayari sa akin. May piraso ng realidad sa isip at puso ko na kahit gaano kasarap ang magmahal ay hindi ito nabibigay sa lahat. Hindi ko sinasabing hindi ako lovable, pero dahil alam ko ang twist and turns ng love, ako na rin ang umiilag sa sakit na pwedeng idulot ng sarap ng pagmamahal.

You may find my reasons for not watching BLs as individualistic. But why not? Love is, after all, an individual expression for another person. Lahat tayo ay nagmamahal dahil para ito sa atin. On the other hand, BLs are manifestations of society’s ongoing process of acceptance for equality and genderless love – and this is not a notion of individualism. Nae-enjoy ng lahat – babae, lalaki, LGBT – ang BL series at movies dahil dinadala nito ang mga manonood sa kung paano tunay na nagmamahal ang tao sa anumang pagkakataon o sitwasyon. Ang BL ay patunay na walang ispesyal na uri ng pag-ibig na, tulad ng habambuhay kong pinapaniwalaan, “love is love”.

Makakanood din ako ng isa o dalawang BL in the future. Babalitaan ko kayo. Gagawa pa ako ng review. 🙂

2020-headline-feature-fb-aurora-10-cropped.png

Panahon ng Pag-ibig #05: Kira, The Barista

2015-category-title-muelle-copy2016-muelle-title-kira-the-barista

Nagsimula ang hilig ko sa kape noong sinimulan kong mag-quit sa paninigarilyo. College pa lang ako ay coffee person na talaga ako pero humigit ang pagmamahal ko dito noong napadalas ang pagpupuyat ko sa first job ko. Araw-araw ay may nakalaan akong budget para sa kape na parang tulad ng ibang taong may allotment sa isang pakete ng yosi o sa paborito nilang burger. Iba talaga kasi ang sensasyong nadadala nito sa aking isipan. Mainit man o malamig, para bang laging presko sa pakiramdam ang pagdaan ng kape sa aking lalamunan at kalamnan. Alam kong mali ang halos araw-araw na sleepless nights nang dahil sa kape ngunit hindi ko naman ito pinagsisisihan dahil nagiging produktibo talaga ako.

Masasabi kong ang pag-inom nito ay regular nang parte ng araw-araw kong aktibidad. Hindi ito nawawalan ng espasyo sa buhay ko: tuwing may bagong coffee shop, tuwing may bagong variety ng coffee drink, tuwing pupunta sa iba’t ibang lugar, tuwing walang magawa, tuwing maraming ginagawa, tuwing mag-isa o kahit kasama ang aking mga kabarkada. Pero ang hindi ko makakalimutan ay noong naging instrumento ang kape sa isang taong naging “importante” sa akin – si Kira.

Bagong barista si Kira sa pinakamalapit na paborito kong coffee shop na nasa loob ng mall na pinakaaayawan ko. Yun lang ang alam ko sa kanya. Tulad ng ibang barista ay wala namang kakaiba kay Kira. Matangkad, maamo ang mga mata at gwapo kung ikokonsidera nyo ang aking standard. Nag-iba lang ang lahat nang mapansin kong nahuhuli ko siyang nakatingin sa akin kapag kailangang dumapo ng aking mga mata sa paligid. Malakas ang pakiramdam ko lalo na kapag nasa gitna ako ng pagsusulat. Ilang beses ko siyang natitiyempuhang nakatitig dahil nakaupo ako sa sofa na ang katapat ay ang coffee machine kung saan siya nakatoka. Madali akong sumimangot o mabilis tumaas ang kilay kapag may nakatitig sa akin. Ang wirdo lang dahil naaaninagan ko siyang napapangiti kapag nagsusuplado ako. May ilang beses pang siya ang gumagawa ng kape ko dahil siya nga ang nandoon sa coffee machine at napapansin kong may maliit na heart shape sa tabi ng pangalan ko. Ayaw ko sanang bigyan ito ng kahulugan pero nagkakaroon lang ng heart ang coffee cup ko kapag siya ang nag-aabot.

Hindi ko na maipaliwanag ang pakiramdam ko lalo na noong tumagal ng halos dalawang buwan na ganoon ang mga senaryo. Hindi ko na alam ang magiging reaksyon ko at hindi ito dahil sa hindi ko ito nagugustuhan.

Dumaan pa ang isang buwan. Inabot ako ng hatinggabi sa isa pang coffee shop sa mall na iyon dahil doon ko kailangang i-meet ang mga kabarkada ko. Pinauna ko silang pasakayin dahil malapit lang naman ang terminal kung saan ako sasakay. Noong ako na ang sasakay ay biglang nawalan ng jeep at biglang umulan nang malakas. Kakaiba itong malas para sa sunod-sunod kong araw na sinuswerte ako, at siyempre, sa magkahalong inis at antok ko ay dinapuan na naman ako ng moodswing ko.

Ilang minuto ang lumipas nang may nakita akong lalakeng papalapit sa kinatatayuan ko. Basang-basa siya na sumilong sa tabi ko. Pamilyar ang gray polo shirt niya. Bago ako naka-react sa nakita kong nameplate sa dibdib niya ay napansin kong nakatingin na siya sa akin. Si Kira, ang barista.

“Ay sir, hello po,” masiglang bati niya sa akin. Ngumiti siya nang napakalaki na hindi ko kailanman nakita kapag siya ang naghahatid ng order ko.

Mahinahong ngiti lang ang nasagot ko dahil nga nasa kalagitnaan na ako ng moodswing ko. Gustong gusto ko nang umuwi dahil may mga dapat akong i-check na email.

Tahimik ang mga sumunod na minuto at ang tanging naghuhumiyaw lang ay ang napakalakas na ulan at pumipitong hangin. Nakasuot na ako ng sweater pero nararamdaman ko pa rin ang panlalamig. Sinubukan kong pasimpleng tingnan siya at nakita kong halos nakayakap na siya sa kanyang bisig. Mas nanlalamig na siya lalo pa’t basa ang suot niya.

Bigla ko na lang hinubad ang sweater ko at agad kong inabot sa kanya. Pareho kaming nawirduhan sa ginawa ko.

“Shet,” ang nasabi na lang ng utak ko sa ginawa kong hindi ko naman talaga intensyong gawin. Pero nandito na ito. Wala nang atrasan.

“Giniginaw ka na. Gamitin mo muna,” kalmado kong sinabi.

Sinadya kong maging hindi convincing ang statement ko para umayaw siya pero hindi ganoon ang nangyari.

“Thank you po, Sir Renzo.”

Saglit siyang tumalikod at tinanggal ang suot na polo shirt. Lalo akong nanlamig nang humarap sa akin nang nakahubad. Buti na lang at medyo madilim kaya hindi gaanong kita ang itsura kong wirdo. Kinuha niya ang sweater sa kamay ko at sinuot habang nakangiti na parang bata. Hindi ko alam kung bakit nakita ko pa yun na lalong nagpadagdag sa nerbiyos ko. Tamang-tama lang sa kanya ang sweater ko at mukha naman siyang naging kumportable. Piniga niya ang basang polo shirt at hinawakan sa magkabilang dulo ng laylayan na parang nakasampay. Ako naman ay patuloy na nanahimik, tumitingin-tingin sa kung saan-saan at pinipilit na umiwas na makipag-usap sa kanya. Hindi naman ako sobrang introvert pero kapag pakiramdam ko ay ayokong makipag-usap ay hindi talaga ako magsasalita.

“Hindi ko po kayo nakita kanina sa coffee shop, sir,” biglang nagsalita si Kira na talagang kinagulat ko.

“Ano… kasi… nandun ako sa coffee shop sa ground floor. Dun kasi nagyaya yung mga kaibigan ko.”

“Ganun po pala,” nakangiti niyang tugon.

“Masyado na pala akong madalas doon. Namumukhaan mo na pala ako,” isang biro pero may pagka-seryoso kong sabi. Mahina siyang napahagikgik na narinig ko kahit napakalakas ng buhos ng ulan.

“Ayos lang po yun. Lagi naman kayong welcome. Kung hindi po dahil sa mga tulad ninyong loyal costumer e wala po kaming trabaho.”

Sumang-ayon naman sa kanya kahit pa naroon pa rin yung hinala kong hindi lang niya ako basta namumukhaan dahil lagi akong nagkakape doon.

“Sir, alam nyo ba na idol ko kayo?”

Mga salitang bigla na lang bumulalas mula sa kawalan! Noong una’y hindi ko alam kung paano ako magre-react sa sinabi niya. Tinanong ko siya ng bakit sa pinakamahinahon na paraan.

“Kapag nasa shop kayo kasi tapos may kausap kayo, pakiramdam ko ang dami nyo pong alam. Ibig ko pong sabihin, parang ang dami pong gustong matuto mula sa inyo dahil marami po kayong pakialam sa buhay. Ibang klase po kayo, sa totoo lang.”

Hindi ko pa rin alam kung paano ako tutugon sa mga salita niya. Ngumiti na lang ako at nagpasalamat. Pero hindi na naman napigilan ng utak ko na magsalita nang kung ano-ano.

“Kaya pala nahuhuli kitang nakatingin sa akin,” bigla kong nasabi na nagpabigla sa kanya.

Dun na ako nagsimulang matawa at sinundan naman niya ng halakhak.

“Sorry po, sir. Naa-amaze lang talaga ako,” nakangiti niyang paliwanag. “Kapag may kausap po kasi kayo at naririnig ko kayo, pakiramdam ko po ay parang ako na rin ang kinakausap ninyo at nakakatawanan ninyo. Ang weird pero ganun po talaga. Natandaan ko nga na napasimangot kayo nung nahuli nyo akong nakatitig sa inyo.”

“Wow! Talagang natandaan mo yun?!” nagulat kong tanong na nagpatawang muli sa binata.

“Ang memorable lang nun dahil first time kong nasimangutan ng customer sa coffee shop nun. Pero promise po, hindi po suplado ang naging first impression ko sa inyo.”

“Ayos lang naman. Ganun lang kasi talaga ako lalo na ‘pag nakatutok ako sa mga ginagawa ko. Don’t worry, next time, kapag nakita kitang nakatingin, ngingiti na ‘ko.”

Mukhang tanga yung sinabi ko kay Kira pero nakita kong bigla ang maamo niyang mata na nag-compliment sa kanyang labing nakangiti. Lalo akong nagmukhang tanga nung naisip kong nasobrahan yata ako sa titig na sa palagay ko’y napansin niya. Nagsimula na kaming magkaroon ng sariling mundo sa bangketang may silong na napapalibutan ng pabaha nang kalsada. Marami pang palitan ng kwento ang sumunod na isang oras hanggang sa tumila na ang ulan.

Alas-dos na ng madaling araw. Maghihiwalay na kami ng landas nang maalala kong suot pa niya ang sweater ko.

“Ibabalik ko na lang po yung sweater nyo kapag bumisita po kayo ulit sa shop. Lalabhan ko po muna,” wika niya.

“Sige no problem.”

“Thank you po ulit, Sir Renzo.”

“Renzo na lang ‘pag nasa labas tayo ng coffee shop.”

May excitement ang pagsagot niya ng “sige” nung marinig niya iyon. Sana ako lang iyon pero ilang segundo ring nakangiti siya nang ganoon. Hindi ko siya guni-guni at sigurado ako doon.

Apat na araw ang umusad at bumalik ako sa coffee shop dahil may estudyanteng gustong kumonsulta sa akin para sa thesis. Ang swerte dahil walang nakaupo sa paborito kong pwesto. Paupo pa lang ako ay nakita ko nang nakatitig siya sa akin at nakangiti. Tulad ng ipinangako ko sa kanya ay ngumiti ako pabalik na alam kong na-appreciate niya.

Habang abala ako sa pagche-check ng email sa laptop ko ay dumating na ang cafe mocha ko. Hindi ako kaagad na nakalingon pero may nakita ako kaagad na kakaibang nakasulat sa aking coffee cup.

“For my favorite coffee star: Renzo. From Kira, the barista.”

Mula sa isa ay naging lima na ang puso sa tabi ng pangalan ko. Dahan-dahan akong lumingon at nakita kong si Kira pala ang naghatid ng order ko. Sa unang pagkakataon ay nakangiti siya sa harap ko bilang barista. Hawak niya rin ang sweater ko na pinasuot ko sa kanya.

“Here’s your coffee and sweater, sir! May perfume ko yan kaya mabango,” masaya niyang pagbati.

Alam kong ngumiti ako nang pagkalaki-laki dahil hindi na lang isang barista ang nasa coffee shop na ito kundi isa nang bagong kaibigan. Ayaw kong sabihing ispesyal dahil ayokong magtiwala sa ganitong pakiramdam. Mas mabuti na yung ganito kaysa maging mas wirdo pa ang sitwasyon. Hindi na kaya ng utak ko ang intindihin pa ang susunod na sakit na pwedeng danasin ng puso ko. Kumbaga, nagiging praktikal lang ako.

Nagtuloy-tuloy ang ganitong setup sa sumunod na anim pang buwan. Hindi na ako nagiging madalas sa coffee shop pero sa tuwing pupunta ako ay sinisigurado ni Kira na nakatitig sa akin at nakangiti siya sa akin, nakaharap man sa akin o yung hindi ko namamalayan dahil busy ako.

Dumating ang isang araw na nagpunta ako doon kasama si Vincent, ang ex-partner ko na nanatili pa ring kaibigan ko kahit naghiwalay kami. Makulit kami ni Vincent kapag nagkikita kami na para bang “kami” pa rin. Hindi ko noon napansin si Kira dahil nga masaya ang kwentuhan namin ng isa. Pumunta ako sa cashier para um-order ng cheese cake nang makita ko si Kira na siyang kukuha ng order ko. Normal lang ang lahat ngunit kumuha siya ng tissue at tila may isinulat doon. Inabot niya ito kasama ng sukli at wi-fi access sa coffee shop. Binasa ko ang nakasulat sa tissue habang pabalik sa upuan namin.

“Tingin ka naman sa akin o. :)”

Medyo binalewala ko ang nasa tissue nang may ipakita sa akin si Vincent sa smart phone niya. Tuloy ang tawanan namin ng mokong kong ex at sinagad ang aming bonding dahil hindi naman kami madalas na nagkikita nito. Umalis kami ng coffee shop at noong pag-uwi lang ay doon ko naalala si Kira at ang sinabi niya sa tissue. Dinatnan ako ng guilt dahil hindi ko siya napansin pagkatapos ng matagal na beses na hindi ako nakadaan sa coffee shop. Itinulog ko na lang ang pag-aalala dahil napagod ako sa trabaho noong araw na iyon.

Lumipas ang dalawang buwan. Ilang araw bago mag-Pasko. Nagmadali akong pumunta sa coffee shop bago pa ito magsara dahil nag-crave ako sa chocolate. Umabot naman ako at doo’y nakita ko si Kira na abalang-abala sa paggawa ng mga order. Hindi ko na kinuha ang atensyon niya at umupo sa paborito kong pwesto habang hinihintay ang order ko. Ilang saglit lang ay dumating ang chocolate cake ko at ang lagi kong order na cafe mocha. Alam kong siya ang gumawa ng kape ko pero walang dekorasyon ang baso ko hindi tulad ng mga dating coffee cup ko. Nalungkot akong bigla dahil parang first time na makalimutan iyon ni Kira.

Ako naman ang sumubok na sumulyap sa kanya pero busy pa rin siya sa mga ginagawa niya at halos walang sandali yatang hindi siya sumaglit ng tingin sa akin. Hindi tulad ng dati, hindi ko na sigurado ngayon kung tiningnan niya ako habang nakatuon ang atensyon ko sa ibang bagay.

Nag-text ang isa sa mga kaibigan ko na nasa coffee shop sa mall ding iyon. Bago ako lumabas ay muli kong tiningnan si Kira at ganoon pa rin ang sitwasyon niya. Hindi na ako tuluyang nang-abala at umalis papunta sa isang coffee shop.

Inabot kami ng closing time sa dami ng pinagkwentuhan namin ng kaibigan ko. Naglakad ako papunta sa sakayan para makatiyempo ng jeep. Bago pa man ako makarating sa terminal ay biglang pumatak ang malakas na ulan at napuwersa akong sumilong sa waiting shed sa tapat ng isang bangko. Wala akong dalang payong o sweater dahil kanina naman ay wala namang senyales ng masamang panahon. Wala akong choice kundi hintayin itong huminto. Inaliw ko ang sarili ko sa paglalaro ng games sa phone ko at lahat ng atensyon ko ay napunta sa laro. Saktong naubos ang lives nang naramdaman kong may katabi ako na nakasilong din sa waiting shed.

Sa kanan ko ay nakatayo si Kira, naka-sweater at may hawak na coffee cup sa kaliwang kamay at payong sa kanang kamay. Nakangiti siya sa akin habang nakatingin pero tila may kakaiba sa ngiting iyon.

“Hindi na kita inabala kasi mukhang busy ka sa games.”

“Oo nga e. Sorry hindi rin kita napansin.”

“Ayos lang. Ilang minutes kitang tinitingnan kaya alam kong hindi mo ako naramdaman.”

“Ikaw din naman kanina.”

Medyo nagmaktol ako nang sabihin iyon. Nabigla na lang ako nang ma-realize ko na sinabi iyon ng bibig ko at hindi lang ng isip ko. Nakita ko rin ang pagkabigla rin ni Kira at parang gusto ko na lang mahiya.

“Ha? Anong kanina?” tila pagtatakang tanong ng binata.

“Ano… kasi… nandoon ako kanina sa coffee shop… pero masyado kang busy. Feel ko naman, alam mong nandoon ako dahil ikaw ang gumawa ng cafe mocha ko pero hindi ka tumingin o sumulyap man lang.”

“Hala, sorry! Sa dami kasi ng ginagawa kong mixes, hindi ko na alam kung sino ang ginagawan ko ng kape dahil hindi ko na rin nakukuhang makita yung pangalan ng umo-order,” alibi niya. “Pero… oo, alam kong nandun ka. Kaya nga patago kitang hinintay.”

Ano kaya sa tingin niya ang dapat kong maramdaman?! Bigla akong na-bad trip sa sinabi niya at nagtangka nang sumugod sana sa ulan. Parang alam niyang gagawin ko iyon kaya mabilis niyang hinubad ang suot na sweater, nilagay sa balikat ko at humakbang sa labas ng waiting shed. Mabilis siyang nabasa habang hawak pa rin ang coffee cup.

“Ako na lang ang magpapakabasa para sa’yo, Renzo.”

Ito ang unang beses na tinawag niya ang pangalan ko nang walang “sir”. Nagulat ako sa sinabi niya at hindi ko akalaing may magsasabi ng ganun sa akin.

“Basa yung labas ng cup na ‘to pero sigurado akong mainit pa yung nasa loob. Para sa’yo to, idol. From Kira, your barista.”

Inabot niya ito sa akin habang tuloy-tuloy na nababasa ng malakas na ulan. Wala akong karapatang tanggihan ang kapeng iyon lalo pa’t dama kong ginawa iyon sa napaka-ispesyal na paraan.

“Alam kong may mali sa atin ngayon. Hindi ko iyon intensyon. Sorry kung ganito ang kinalabasan. Pero pakiusap ko, sana walang magbabago.”

Hindi ko naitago ang pagkadismaya pero bago pa masakop ng inis ang kabuuan ko ay pinakiusapan ko siyang sumilong na.

Bumalik siya sa waiting shed, hinubad ang gray polo shirt at sinuot ang hawak kong sweater niya.

“Ikaw muna ang uminom,” utos niya nang abutin ko sa kanya ang kapeng bigay niya. Sinunod ko naman siya at humigop nang kaunti.

Inabot ko sa kanya ang baso at bago siya uminom ay tiningnan niya muna ako. Alam niyang bigla akong nairita kaya napahagikgik siya. Inikot niya ang baso sa parte kung saan ako uminom at doon siya humigop. Tulad ng dati ay hindi ko alam ang reaksyon ko sa ginawa niya. Isa lang ang sigurado sa ngayon: tuloy ang aming pagkakaibigan.

Oo, pagkakaibigan. Kahit pa pareho kami ng wirdong pakiramdam ngayon, alam naming dalawa na hindi para “doon” ang koneksyon ng kape sa aming dalawa. Hindi namin ito idineklara nang pormal dahil nagkakaunawaan na kami sa titig pa lang. Natapos ang gabing iyon na naging malinaw at maayos. Nanatili na ang nalalaman ko lang kay Kira ay isa siyang barista. Ayoko nang may malaman pang iba.

Natapos ang Pasko at nagsimula ang bagong taon. Nagsimula ang totoong pagkakaibigan sa pagitan ng isang mahilig uminom ng kape at sa isang mahilig gumawa ng kape. Hindi humantong sa “tamang” pag-ibig ang pag-ibig namin sa kape, ngunit dahil kay “Kira, The Barista”, pakiramdam ko’y naging mas masaya ang pakahulugan sa akin ngayon ng kape. Mainit man o malamig, ang mahalaga ngayon ay may isang taong nakakonekta sa akin sa pamamagitan ng kape, at tulad ng napakaraming sleepless nights, hindi ko pinagsisisihan ang koneksyon ko sa kanya dahil naging produktibo ako sa napakaraming bagay.

 

AURORA-NEW-LOGO-2015 copy_small

LOVE&COFFEE #01: Alanganing Simula

love-coffee-edwards

January 1. Isang importanteng araw para sa lahat, lalong lalo na sa magbabarkadang sina Travis, George, LD, Rain, Nicolo, Jackie at Xavier. Nakasanayan na nilang magkita-kita sa unang gabi ng bawat taon. Ito na ang pang-apat na New Year Bonding at panghuli bilang mga estudyante dahil ilang buwan na lamang ay ga-graduate na sila sa kolehiyo.

Dahil nga ispesyal ang araw na ito ay nagkasundo silang gawin iyon sa isa ring ispesyal na lugar, sa lugar kung saan sila unang nagkakasama bilang grupo para sa kanilang school project noong 1st year college.

“Nasaan ka na? Kayo na lang ng kambal mo ang wala pa rito,” tanong ni Jackie habang kausap sa telepono si Xavier.

“In ten minutes, nandyan na ‘ko. Medyo naipit lang ako ng stoplight. Saka ang trapik palabas sa lugar namin,” sagot ng binata sa kabilang linya.

“Ha?! First day of the year tapos trapik?!”

“Oo nga e. Nagbukas na kasi yung tatlong mall kaya ang daming tao. Nasaan na raw si Trav?”

“Hindi sinasagot yung phone. Anong oras ba kayo umuwi kagabi sa countdown party?”

“Ano… e… nauna ako sa kanya na umuwi.”

“Baka humihilik pa yun. ‘Di bale, papapuntahan ko na lang kay Nicolo para gisingin.”

“Naku! Wag na, wag na! Alam naman niyang may ganap tayo ngayon. Baka late lang. Lagi namang ganun yun.”

“Kung sabagay. O siya! Dalian mo na ha para makapagsimula na tayo.”

“Sige. Bye.”

“Anong sabi?” tanong ng nagda-drive na si Travis pagkababa ni Xavier ng cellphone.

“Kumpleto na sila dun. Baka tulog ka pa raw kaya wala ka pa,” tugon nito na nagpabungisngis sa kasama. “Travis, parang… hindi pa ako handa.”

“Ha?! E… kailan ka magiging handa?”

“After graduation na lang?”

“Medyo matagal pa yun, Xav. Saka mas mabuting ngayon na nila malaman dahil ayoko na ring nahihirapan tayong pareho sa kakatago. Napag-usapan na natin ‘to nang ilang beses, ‘di ba?”

Hindi na sumagot si Xavier. Gayundin si Travis na tila dismayado sa pag-aalinlangan ng kasama. Hindi sila nagkibuan at tanging tugtog lang ng radyo ang naririnig sa loob ng kotse hanggang nakarating sila sa parking area.

“Mauna ka na dun para hindi halatang magkasama tayo. Ako na lang ang magdadala nung pang-exchange gift mo kay LD. Sasabihin ko na lang na iniwan mo sa bahay kahapon yung regalo mo bago tayo pumunta sa party,” wika ni Travis na halatang masama ang loob.

Lumabas ng kotse si Xavier at naghintay sa tabi habang pina-park ng binata ang sasakyan. Lumabas si Travis at binuksan ang pintuan sa passenger seat para kunin ang dalawang pulang box. Mabilis na lumapit si Xavier at kinuha ang isang kahon na ikinagulat ng binata.

“Payag na ‘ko,” sabi nito kay Travis.

Ilang saglit na tinitigan ng binata ang mga mata nito, saka ngumiti sa narinig. Inabot ni Travis ang ulo ni Xavier at saka hinalikan ang noo nito. Napangiti si Xavier, bagaman naroon pa rin ang takot na hindi magiging maganda ang pagtanggap ng kanilang barkada sa malalaman nila.

 

 

“Nasaan na raw si Xav?”

“Malapit na raw siya.”

“Eh si Trav?”

“Hindi sinasagot yung phone. Sabi naman ni Xavier, ‘di niya raw kasabay umuwi kagabi sa party. Baka nalasing nang bonggang bongga,” paliwanag ni Jackie kay LD. “Nasaan na sila?”

“Si Georgina, nag-CR sa loob. Si Kulas at Regina, hindi nakatiis at bumili na ng kape,” tugon ng binata. “Meron akong napapansin sa dalawa.”

“Ha? Sinong dalawa?”

“Kay Xavier at Travis.”

“Hmm… akala ko ako lang ang nakahalata.”

“Pero sa tingin ko, wala naman magiging problema sa ‘tin, ‘di ba?”

“Sana. Sana.”

Sa gitna ng kwentuhan ay natanaw ni LD sina Travis at Xavier na may bitbit na mga kahon. Tinaas ng binata ang kamay upang makita kung saan sila nakaupo.

“Uy! Happy new year, boys!” masayang bati ni Jackie, sabay yakap ng dalaga sa dalawa. “Ayos ka Xav ha! Magkasabay pala kayo nitong mokong na ‘to!”

“Kinasabwat ko si Xav. Para kunyari, late na naman ako!” biro ni Travis na nagpatawawa sa kanila. “Saka dun ako nakitulog sa kanila kaya may nanggising.”

Saglit na nagkatinginan sina Jackie at LD sa narinig, saka muling tumawa sa sinabi ng binata.

Saktong lumabas ang iba nilang kabarkada galing sa coffee shop at nakita ngang dumating na sina Travis at Xavier. Masaya nilang sinalubong ng yakap ang isa’t isa na para bang hindi sila nagkita nang napakatagal.

Dahil kumpleto na ang magbabarkada ay nagsimula nang mag-ikot si Jackie para kunin ang order ng lahat. Siya na talaga ang gumagawa nito kahit pa noong nakaraang tatlong New Year bonding nila. Nang makuha na ang mga gustong inumin at kinain ay pumunta na sa loob ang dalaga kasama si Xavier para tumulong. Agad na sumunod si Nicolo para tulungan ang dalawa.

“Dude, kumusta na pala kayo ni Sasha?” tanong ni LD kay Travis.

“Ha? Kami ni Sasha? Para kang baliw, chief!” nagulat na tugon ng binata sa kaibigan. “Siyempre, ‘di na ako kakausapin nun. Ayoko na ring ipilit ang sarili ko sa kanya. Nakakasawa nang maghabol. Bakit bigla mo namang naitanong yun?”

“Wala naman. Samahan mo akong magyosi muna.”

“Bakit hindi pa dito?”

“May maarte dito. Ayaw mausukan,” sabi ni LD, sabay turo ng nguso kay Rain na nakatingin pala sa kanila’t nakikinig sa usapan nila. Natawa sila, tumayo at lumayo nang kaunti para manigarilyo.

Dinukot ni LD sa bulsa ang pakete ng yosi at lighter, kumuha ng isa at sumindi. Ganun din ang ginawa ni Travis na buti na lang ay paborito rin ang brand ng sigarilyo ng una.

“Apat na taon na tayong magkakaibigan. Siguro, bilang team leader, ganun ko na kayo kakilala. Yung tipong kahit hindi kayo nagsasalita ay alam ko na kung anong nararamdaman ninyo. Alam ko kung masaya kayo o kung may problema… o kung may kakaiba.”

“Wow grabe chief! So emo! Hahaha! Don’t worry, I have a gift…” biro ni Travis. Hihirit pa sana ng joke ang binata nang biglang nagsalitang ulit si LD.

“I know the score between you and Xav. I guess Jackielyn also noticed it already.”

Nagulat si Travis sa binanggit ng kaibigan, pero bigla siyang napangiti na ikinabigla ni LD.

“Actually… I am about to say that later. Ayaw pa ni Xavier pero I told him na it’s better to say it than hide it and lie about it.”

“I think I have to warn you about Kulas.”

“Uh? Why? What about Nicolo?”

“He likes Xav. Well, aksidente ko siyang nakitang sumusulat ng entry sa diary niya kaya he had no choice but to tell it.”

Hindi alam ni Travis kung ano ang mararamdaman niya sa narinig ni LD. Sa isip niya, alam niyang kapag sa wakas ay nalaman na nila ang kanilang relasyon ay magiging okay na ang lahat. Pero ngayong napagtanto niyang isa rin sa mga kabarkada nila ang nagkakagusto sa taong ispesyal sa kanya, tila bumalik din ang alinlangang sabihin ito.

“Lord! Xav! Come here! Let’s start!” hiyaw ni Jackie sa dalawa na agad nang bumalik sa harap ng coffee shop.

Nagbunutan sila kung sino ang mauunang magbibigay ng regalo sa nabunot nila. Bukod dito, dapat ay may handwritten letter sila na nakalakip sa bawat regalo. May tema ang mga isusulat nilang letter, tulad ng nakalipas na tatlong New Year bonding. Para sa taong ito, ang theme nila ay ‘katotohanan’.

Masaya at punong-puno ng tawanan ang bawat sandali ng exchange gift. Sina Nicolo at Rain ang joker ng barkada kaya laging hirit ng biro at pang-aasar at ginagawa nila na nagpapahalakhak sa lahat. Lagi rin nilang kinukulit si Jackie na nagsisilbing nanay-nanayan nila at si George na laging tahimik pero fashionista.

Sina Travis at Xavier ang huling nabunot na magbibigay ng regalo at magbabasa ng mga ginawang sulat. Ang nabunot ni Xavier ay si Nicolo, samantalang si LD naman ang kay Travis. Natapos ang exchange gift at letter-reading nang masaya ang lahat sa nakuhang regalo at sulat.

Masyadong maaliwalas ang paligid para ma-bad vibes na pinag-alalang bigla ni Travis. Gayundin ang pakiramdam ni Xavier. Nagkatitigan ang dalawa at tila nagtatanungan ang kanilang mga mata kung itutuloy pa ba nila ang dapat nilang sabihin sa mga kaibigan. Kinuha ni Travis ang cellphone at nag-text kay Xavier.

“I guess it’s time to tell them the truth,” sabi ni Travis sa text message.

Tumingin si Xavier sa binata na kahit may kaba ay tila sumang-ayon na rin para makaluwag na sa dinadala ng kanilang damdamin.

“Guys, listen!” medyo pasigaw na wika ni Travis na kumuha ng atensyon ng mga kabarkada. “Meron sana akong sasabihin, since our theme this year is ‘katotohanan’.”

Natahimik ang lahat, maliban kay Nicolo na pabulong pa rin na nagpapatawa sa katabing si Rain. Ganun naman lagi ang makulit na kaibigan kaya hinayaan lang ni Travis. May kaba sa mukha nina Jackie at LD na kahit alam na niya ay nag-aalala pa rin sa kahihinatnan ng pagtatapat ng dalawa.

“I have to apologize first for hiding the truth. I never meant to keep this from the group but I was so afraid that you can’t accept it. I was so afraid that you can’t accept… us… after this. But like we always believe, the truth will set us free.”

“Wait! May kapalit na si Sasha? Sino? Ka-college natin? Ibang college? Patingin ng picture!” makulit na pagsingit ni Nicolo kay Travis na nagpabungisngis kay Rain at George.

“Si Xavier,” mabilis na sagot ni Travis na lalong nagpatawa kay Nicolo.

Sumabay sa pagtawa sina George at Rain ngunit nanatiling tikom ang bibig nina LD, Jackie at Xavier.

“Si Travis si Thunder Warrior Prince, Nicolo.”

Biglang nagsalita si Xavier na tuluyang nagpahinto sa paghalakhak ng tatlo at nagpalaki ng mata ng iba. Unti-unting humina ang tawa ni Nicolo at sa ilang saglit ay nakita ang pagkagulat sa narinig.

“You guys are kidding! You’re kidding, right?!” sabi ni Nicolo na pinipilit pa ring tumawa ngunit halatang hindi makapaniwala.

Hindi sumagot ang dalawa, hanggang makita ni Nicolo ang mahigpit na holding hands nina Xavier at Travis sa ilalim ng mesa. Walang salita ang kayang magpaliwanag sa nararamdaman ni Nicolo ngayon. Hindi na maipinta ang mukha ng binata. Para sa kanya, hindi na ‘to nakakatawang joke.

“Pupunta lang ako ng CR. Excuse me,” seryosong wika ni Nicolo, sabay tayo sa kinauupuan para pumasok sa coffee shop. Agad namang sinundan ni Rain ang binata.

Tumingin si Xavier kay LD at humingi ng tawad ngunit tinapik lang nito ang kanyang balikat bilang pagtanggap na maaayos rin ang lahat. Pareho rin ang naging sentimiyento nina George at Jackie na agad na lumapit kay Travis para dumamay.

“Sorry for ruining this night,” sabi ni Travis na hawak pa rin ang kamay ni Xavier.

Hindi nagtagal ay lumabas agad ng coffee shop si Nicolo at Rain, ngunit halatang pinipigilan siya ng dalaga dahil akmang hindi na ito babalik sa kanilang mesa. Dagliang tumayo si Xavier upang habulin ang binata habang sinisigaw ang pangalan nito. Nang maabot niya ang bisig ni Nicolo ay sinalubong siya nito ng suntok sa mukha na nagpabagsak sa kanya. Agad na sumaklolo si Travis at mabilis ding sinuntok si Nicolo. Nagpalitan na ng suntok at murahan ang dalawa habang inawat sila ng kanilang mga kaibigan. Para matigil ang gulo ay pwersahan nang hinila nina LD at Rain si Nicolo papunta sa kotse ng binata, samantalang nilapitan naman ni Xavier si Travis na noo’y pinipigilan nina Jackie at George. Natanaw nilang humarurot ang sasakyan ni Nicolo ngunit naiwan doon si LD.

 

 

Si Xavier ang life coach ni Nicolo, pero higit pa roon ang turing ng huli. Para sa kanya, si Xavier ay isang inspirasyong hindi niya nadama sa kanyang sariling pamilya o sa mga past girlfriend niya. Hindi niya akalaing magtatapos ang araw na ito na malungkot at karumal-dumal. Napipikon, nagagalit, naiiyak. Halo-halong emosyon ang binuhos ni Nicolo sa manibela ng sasakyan at parang hindi niya naririnig ang hinaing ni Rain na kumalma dahil posible silang maaksidente sa pagmamaneho nito.

Nagpaikot-ikot ang kotse sa mga kalsada ng Maynila hanggang huminto na lang silang bigla sa ginagawang Paco Railway Station sa Quirino Avenue. Bumaba si Nicolo at umupo sa bangketa, yumuko at doon ay tumulo ang luhang hindi niya mailabas mula kanina. Sumunod na bumaba si Rain ngunit hindi niya agad tinabihan ang kaibigan. Tiningnan niya lang ito, muling bumalik sa loob ng kotse at hinayaang umiyak ang binata.

Nasa Paco Station lang kami. Don’t worry,” reply ni Rain sa napakaraming text message ni George na nag-aalala sa kanilang dalawa.

Humigit kumulang na isang oras silang naroon sa tapat ng lumang istasyon. Hindi tinangkang lapitan ng dalaga si Nicolo dahil gusto niyang bigyan ng espasyo ang kabarkada. Hindi niya nakitang umiyak nang ganito kalala ang binata, kahit noong nag-break sila dahil pinagpalit niya ito sa ibang lalaki na nagkataong kaklase din nila. May ispesyal na puwang pa rin si Nicolo sa puso ni Rain kaya parang nararamdaman din niya ang dinaranas na sakit ng kaibigan.

 

 

“Parehong pasa na binigay ng iisang tao pero magkaiba ang level ng sakit. Buti na lang at may dala akong first aid kit sa bag. Pero guys, pasensya na kung hindi ko magagamot ang sakit ng mga puso ninyo.”

May lalim ang biro ni George sa dalawa niyang instant pasyente. Malumanay at tahimik ang kaibigang nag-shift sa Biology para kumuha ng Medicine pagkatapos ng kanilang graduation, pero siguradong may laman kapag lagi siyang magsasalita.

“Sorry po, doc,” napapabungisngis na sagot ni Travis.

“Pero in fairness, ngayon lang kita nakitang nakipagsuntukan para sa…”

Huminto ang dalaga sa pagsasalita na tila nag-aalinlangan sa susunod na sasabihin. Napangiti na lamang si Travis na ipinagtaka ni George.

“I never did this to your sister. We both know she’s a strong woman,” wika ng binata.

“Yeah,” ang tanging tugon ni George, saka bumalik ng tingin sa ginagamot na sugat sa braso ni Travis.

“Kumusta na pala yun?”

“Same routine. Vice president’s lister, black belter, blogger. May nililigawan.”

“Si Glenda? May nililigawan? Kailan pa?”

“Just recently. Ang nakakatawa pa, parang tulad mo.”

“Like me? Fil-foreigner?”

“Hindi. Wirdo pero bad boy.”

Sabay silang humalakhak sa nakakatatawang katotohanan. Kung tutuusin, saling pusa lang si George sa barkada dahil kasintahan ng kanyang kapatid na si Glenda si Travis. Gusto niyang makilala ang personalidad at ugali ng boyfriend ng kanilang bunso kaya napasama ito sa grupo. Mahigit isang taon ang nagdaan pagkatapos ng breakup ay hindi nito nilisan ang barkada ni Travis at ito ay naunawaan naman ni Glenda.

“I know this is hard for Nicolo, but I still want to tell you that I am happy for you and for Xav. You guys deserve to be happy and we have no right to interfere that happiness.”

“Thanks, Georgina,” nakangiting tugon ng binata.

Saglit na iniwan ni George si Travis para puntahan si Xavier na binabantayan naman ni Jackie.

Nakaupo ang binata sa kotse ni LD nang puntahan ng dalaga para matingnan ang pasa sa kaliwang mata at pisngi nito. Binuksan niya ang ilaw at Inalalayan ang kaibigan para makahiga at makita ang mga sugat nang maayos.

“Sorry, Georgina,” wika ni Xavier sa dalaga.

“Ayos lang,” nakangiting tugon ni George. “Pero I’ve realized na ganun pala talaga kapag in love. Nakakasakit ka ng ibang tao, at handa ka ring masaktan.”

“Masyado ka kasing naive. Ikaw nga dapat yung may love life sa atin dahil ang ganda-ganda mo.”

“Alam ko namang masyado akong naive, pero masyadong marami rin ang pangarap ko. Alam nyo naman yun.”

Natawa si Xavier sa sinabi ng kaibigan at dahil doon ay nasundot ni George ng cotton buds ang mata ng binata.

“Ay grabe! Sinasadya!” biro ng kunwaring nasaktan na si Xavier na nagpatawa sa dalaga. “Pero naalala mo ba nung third year, George? Yung nanligaw sa’yo yung topnotcher ng LET. Si Rosales ba ‘yun? He looked awesome naman at ang tagal ding nanligaw sa’yo. Bakit hindi mo sinagot?”

“Hindi ko siya gusto,” sagot ni George, sabay bumulong ng pagsasalita. “Yung kapatid niya talaga yung crush ko.”

“Eh bakit hindi mo sinabi sa kanya para huminto agad sa panliligaw?”

“Kasi lagi niyang kasama noon yung brother niya kaya may chance din na makita ko yun. Pinahinto ko na lang si Yuri nung nalaman kong nagkaroon na rin ng special someone yung kapatid niya. Ang masakit pa nun, sa lalaki rin nagkagusto!”

Biglang humalakhak si Xavier kaya nag-panic si George at pinalo sa tiyan ang kaibigan.

“Araaaay! Oy seryoso, masakit ha!”

“Ang ingay mo kasi e!” naiinis na sabi ng dalaga, saka namula sa sobrang kahihiyan. “Pero Xav, the truth is… may gusto sa’yo si Nicolo.”

“May gusto?! Imposible yata ‘yun,” medyo nagulat na tugon ng binata. “Baliw talaga ‘yun! Siya pa nga ang laging asar nang asar na bawal ma-fall.”

“Totoo naman yun. He tried not to fall, but you are too good to him. He tried not to fall, but he can’t.”

“Nag-aalala ako sa kanya.”

“I sent a text to Rain. Okay naman sila. Nandun sila sa tapat ng inaayos na train station.”

“Sa Paco?”

“Oo. Nakabantay si Rain sa kanya. Sabi ko, i-inform niya ako agad kung may mangyayari mang hindi maganda.”

Napaisip si Xavier kung bakit naroon ang kabigan sa lumang istasyon ng tren. Memorable sa kanila ang lugar na yun dahil noong second year college sila, naging subject nila ang gusali sa ginawang video documentary na nanalo ng maraming award sa labas ng kanilang eskwela. Dahil din sa project na yun, ang dating tahimik at introvert na si Nicolo ay naging palakaibigan na.

“Rain and I saw his struggles, especially when you told him that you liked Karen. I’m not sure if you noticed it, pero naging close lang kami nung naging kayo ni Karen at hindi ka na niya masyadong sinasamahan. Tapos, nung naghiwalay kayo, naging malapit siya ulit sa’yo.”

Hindi nakakibo ang binata sa mga narinig kay George at inumpisahang balikan ang mga sandaling iyon. Tumugma nga ang mga sinabi ng dalaga sa inasal ng bestfriend noong naging kasintahan niya ang kilalang beauty queen sa kanilang eskwela.

“Nitong start lang ng school year nung nalaman namin ni Rain na hindi na bestfriend ang tingin sa’yo ni Kulas. In fact, tinutulungan namin siya sa hinahanda niyang sorpresa para sa’yo two weeks from now… but I guess, because of what happened tonight, mukhang hindi na ‘yun matutuloy.”

“Two weeks from now? Sa birthday niya?”

“Yup.”

Biglang bumalik sa alaala ni Xavier ang isang pangyayari na mahigit isang taon na niyang kinalimutan pero muling pumitik sa kanyang gunita. Isang alaala na silang dalawa lang ni Nicolo ang nakakaalam. Ngayon, nakuha na niya kung bakit niya iyon ginawa at bakit niya nasabi ang mga iyon. Hindi alam ni Nicolo na alam niya ang buong pangyayari. Gusto niyang makausap ang binata at handa siyang mamilit at mangulit para lang matuldukan ang kung anumang sama ng loob ng kanyang matalik na kaibigan.

 

 

Hindi namalayan ni Rain na nakatulog siya sa kakahintay kay Nicolo. Naramdaman na lamang niya na umaandar na ang kotse at nakita ang kaibigan na nagmamaneho at parang hindi humagulgol kanina.

“O! Tapos ka na bang umiyak?” namamaos na sabi ng kakagising lang na dalaga.

“Lol. Hindi pa,” natatawang sagot ni Nicolo. “Ihahatid na ba kita sa bahay nyo?”

“Nagpaalam ako kina Mama na hindi ako uuwi hanggang Linggo. Pero kung di mo kailangan ng manonood habang nagka-cry baby ka, sige uuwi na ako.”

Sabay silang natawa sa biro ni Rain na parang walang bukas.

“Gising pa ba si Pablo?”

“Gising pa ‘yun. Handang magpuyat ‘yun para sa isa pa niyang girlfriend.”

“Ha?! Isang girlfriend?!”

“Clash of Clans. Kulang na lang mag-lips-to-lips sila ng cellphone niya kapag naglalaro siya nun. Feel ko nga, nag-sex na sila e.”

“Yuck kadiri ka!” reaksyon ni Nicolo na muling nagpahagalpak sa kanila.

“Pwede tayong tumambay sa bahay niya. Kung gusto mong umiyak, dun ka sa kwarto ng ate niya. Merong koleksyon ng John Lloyd Cruz films dun.”

“I like that idea. I-text mo na, dali!”

“No need. Para mahuli natin kung may inuuwi siyang chicks dun. Hindi mo kasing-bait yun.”

“Nahuli mo na ba?”

“Hindi pa naman, pero ‘pag nahuli ko, may puputulin ako sa kanya.”

“Grabe ka naman!”

“Nak ng! I mean I will cut all his dreadlocks and force him to eat that. Kung ano-anong karumihan yang nasa utak mo!”

“Siyempre! Sa’yo ako natuto no!”

“Hoy! Imposibleng sa ‘kin! Kayo ni Xav ang laging magkausap tapos ako ang sisisihin mo!”

Muli, dahan-dahang nabago ang mukha ni Nicolo nang marinig niya ang pangalan ni Xavier. Simple na lang itong napangiti pero halatang bumalik ang lungkot sa mga mata.

“Sorry,” nag-aalalang sabi ni Rain.

“Sorry din.”

Saglit na natahimik ang dalawa ngunit hindi naman nagtagal nang biglang nag-ring ang cellphone ni Nicolo. Nakita ni Rain na ang tumatawag ay ang kanyang nanay kaya sinagot niya ito, nilagay ang telepono sa kanang tenga ng kaibigan upang hindi maabala ang huli sa pagda-drive.

“Yes, mama?”

“Anak, dumaan sina Xavier dito sa bahay. Inabot yung gift na naiwan mo raw kanina.”

“Pakilagay na lang sa kwarto.”

“Alright. Are you going home tonight?”

“No. I am with Regina now. We’re going to her boyfriend’s pad.”

“Okay. Take care, son. I love you.”

“Okay, ‘ma. Bye.”

“Narinig ko yung pangalan ni Xavier?” sabi ni Rain sa binata pagkababa ng telepono.

“They went there. Dinala yung regalo niya.”

Muling bumalik ang katahimikan hanggang nagsalita ulit ang dalaga.

“Sayang yung plano natin para sa inyo,” wika ni Rain ngunit hindi sumagot si Nicolo. “Andami nating gustong gawin para sa big revelation mo, but I didn’t expect na tayo ang gugulatin ni Xavier. All this time, we thought na ikaw si… Thunder Warrior Prince.”

“I guess we should avoid talking about them,” biglang sabi ng binata na nakatitig lang sa daan habang nagmamaneho. “I must cure these wounds right away. I want to drink and get drunk.”

Napakabilis ng mga pangyayari. Parang kanina lang ay masayang masaya siya dahil natanggap niya ang pinakahinihintay niyang regalo – ang diary na mismong si Xavier ang nag-design. Laman nito ang masasayang alaala nilang dalawa at mga payong kaibigan na mismong si Xavier ang nagsulat. Sa kasamaang palad, tila hihinto ang mga masasayang sandaling ito ngayong gabi, sa unang araw ng bagong taon. Ito na marahil ang pinakamalungkot at pinaka-mapanubok na nangyari sa kanilang magkakaibigan.

 

 

The number you dialed is not available at this moment. Please try your call later.

Ilang araw nang tinatawagan ni Xavier si Nicolo pero parang nakapatay ang telepono ng huli. Sinubukan niya rin itong i-text ngunit wala siyang natatanggap na reply. Tinanong niya ang iba kung nako-contact ba nila ang binata. Pareho lang din ang nakukuha niyang sagot mula sa kanila.

 

 

love-coffee-aces

First day of classes ngayong new year. Late pumasok si Xavier dahil hindi siya gaanong nakatulog kagabi. Puyat ang epekto sa kanya kapag napaparami siya ng kape habang nagsusulat ng article para sa blog niya. Marami nang tao sa classroom pagkarating niya pero wala pa ang kanilang prof.

Nasa third row ang upuan niya. inisa-isa niya ng tingin ang mga kabarkada para bumati pero may isa na hindi lumingon sa kanya na inaasahan na rin niya. Si Nicolo na nasa first row, nakikipagkwentuhan sa iba nilang kaklase. Alam ni Xavier na nakita na siya ng kaibigan. Tinangka niya itong lapitan pero napalingon siya kay Travis na nasa kabilang side ng third row. Direkta sa mga mata niya ang titig ng binata, tila nangungusap na huwag muna gawin ang binabalak niya. Bumalik si Xavier sa kanyang desk, samantalang tinuloy ni Travis ang ginagawa niyang origami. Hindi inaalis ni Xavier ang mata kay Nicolo at nagbabaka-sakaling tumingin sa kanya ang bestfriend.

Nag-umpisa ang first subject at natapos ang third subject nang hindi siya nito nilingon.

Nag-ring ang school bell. Naunang lumabas si Jackie dahil pinapatawag sila sa college office. Papalabas na sana si Travis nung makita niyang hindi pa nakatayo sa upuan niya si Xavier. Nakita nito na nakatingin ang binata kay Nicolo, kasama ang iba nilang kaklase. Akmang lalapitan ni Xavier ang kaibigan ngunit mabilis itong lumabas ng classroom. Mabilis niyang pinasok ang notebook at libro sa bag at tumayo para habulin si Nicolo.

“Where do you think you’re going?” tanong ni Travis na nakatayo sa pinto sa likod ng kwarto.

“Susundan ko si Nicolo. We need to talk.”

“He left. It’s obvious that he doesn’t like to be bothered by his close friends.”

“Parang hindi mo kilala yun. Nagpapahabol yun kapag nagtatampo.”

“But not in this situation,” tila naiiritang tugon ni Travis kay Xavier.

“Tama si Trav. Let’s give him time,” wika ni Rain na papalabas na ng classroom. “Hintayin na lang daw natin si Jackie sa cafeteria.”

Naupong muli si Xavier at natahimik. Lumipas ang mahigit na kinse minutos at saka nagdesisyon na bumaba. Nagulat siya nang makita si Travis na nakaupo sa likod ng classroom at gumagawa ng origami.

“O! Nandyan ka pa pala?”

“Siyempre naman. Sa tingin mo, hahayaan kitang mag-isa dito?”

“Yes. You always do that.”

“Baliw! Let’s eat. I’m so hungry. Kanina pa tayo hinihintay nina Jackie at Rain sa baba.”

Kahit papaano’y napangiti ni Travis si Xavier. Nauunawaan niya ang nararamdaman nito kaya tungkulin niyang damayan at pagaangin ang bigat ng binata. Binigay ni Travis ang ginawang origami kay Xavier, sabay kindat at akbay hanggang makababa sila ng building papuntang cafeteria.

 

 

Three years earlier.

Kakatapos lang ng Basic Journalism subject at mahaba-haba ang oras ng vacant kaya pumunta si Travis sa university garden para gawin ang kanyang pampalipas-oras – ang gumawa ng origami.

Mula nang natuto siya nito nung high school ay nagkaroon na siya ng malaking koleksyon ng mga gawa niya. Na-exhibit na rin ang ilan sa mga ito sa isang sikat na mall kung saan naging manager ang tatay niya. Nagsunod-sunod ang mga opportunity para maipakita ni Travis ang talento niya sa origami kaya tuwang-tuwa ang buong pamilya, lalong lalo na ang kanyang Daddy.

Dalawang linggo pagkatapos ng high school graduation ay namatay ang kanyang ama dahil sa atake sa puso. Sobrang dinamdam ni Travis ang pangyayaring iyon kaya hininto na niya ang paggawa ng origami. Ang huling gawa niya ay isang dragon origami na nilagay niya sa kamay ng kanyang yumaong tatay bago ito inilibing.

Pero ngayon ay muli siyang gumagawa ng origami bilang pasasalamat sa isang kaklaseng ang turing niya ay isang kapatid, isang kaibigang hindi sumuko sa pagtulong sa kanya para mapasagot ang babaeng kanyang minamahal.

“Kambal!” sigaw ng paparating na si Xavier na nagpahinto sa ginagawa ni Travis. “Anong meron? Mamaya pa yung sa Edward’s, ‘di ba? Binago ba ni Chief yung time? Nagloloko kasi yung phone ko.”

“Yeah, mamaya pa nga yun. Sabay tayo ha?”

“Sure! Akala ko naman napaaga yung meeting. Ay! Wait! Wala kayong date ni Glenda?”

“Dapat meron Kambal, pero I told her that we have a meeting for the project. We’ll see each other tomorrow.”

“Nice! Bumawi ka sa kanya bukas, ha?” masayang sabi ni Xavier na nagpangiti sa binata.

Nakita nito ang mga asul na papel sa tabi ni Travis. Nakatupi ang mga ito na parang origami na ipinagtaka niya.

“Marunong ka palang mag-origami, Kambal?”

“Ha? Ano… oo. Hindi ko lang nasasabi sa inyo,” alangan na sagot ni Travis, pero wala na siyang magawa dahil nahuli na siya ni Xavier. “Matagal ko na rin ‘tong hindi ginagawa since my dad passed away.”

“I’m sorry to hear that.”

“That’s fine. At least, I have my reason now to continue making origami. Someday, I want to surprise Glenda using these pieces.”

Sa gitna ng kanilang pag-uusap ay may biglang naalala ang binata. Mabilis nitong binuksan ang kanyang bag, kinuha ang isang pulang kahon at binigay sa kaibigan.

“Matagal pa birthday ko, Kambal!” gulat pero natatawang sabi ni Xavier.

“I know, Kambal. Monthsary gift ko yan sa’yo.”

“Monthsary gift?! Dapat si Glenda ang bigyan mo ng regalo!”

“Meron din siya, siyempre. Pero thank you gift ko yan para sa lahat ng tulong mo sa akin sa panliligaw kay Glenda.”

“Wala yun! What important is we have succeeded and you guys are now happy.”

“That’s right! Kaya kasama ka namin na nagse-celebrate ng first monthsary namin. Because of you, this won’t happen. Super thank you.”

Natuwa si Xavier sa sinabi ng kaibigan. Hindi talaga emotional si Travis dahil kilala siya sa university na medyo bad boy, kaya ramdam niya ang sincerity nito. Excited niyang binuksan ang regalo at sumurpresa sa kanya ang isang napakagandang dragon origami na kulay ginto.

“Ang ganda naman nito! Thank you!”

“You were born under Year of the Dragon, ‘di ba? Saka yan pa lang ang third dragon origami na ginawa ko. Yung isa, sa younger brother ko at yung isa, kay… Daddy. Hope you like it, Kambal.”

“Oo naman! Since this is super special, I will display it in my study table. Salamat, Kambal!”

 

 

love-coffee-house-xavier-welcomeback

Mahigit tatlong taon nang naka-display sa harap ng salamin ng study table ang pinaka-unang origami na regalo sa kanya ni Travis. Nilagay niya ito sa isang kwadradong garapon upang hindi maalikabukan o masira. Kahit noon pa ay gandang-ganda na siya sa dragon origami na iyon at sa tuwing titingin siya doon ay lagi niyang naiisip ang awkward na araw na iyon.

Tok tok tok!

“Teka! Lalabas na ako!”

Ispesyal ang gabing ito dahil dumating na sa Pilipinas ang tatay niya na matagal na nagtrabaho sa Budapest bilang architect. Pitong taon ding hindi ito nakauwi kaya sabik na sabik siya at kanyang nanay at mga kapatid sa pagbabalik ng kanilang ama sa tahanan nila.

Napatagal ang pagbibihis ni Xavier dahil sa laging pagtitig sa salamin at sa ilang beses na aksidenteng pagtingin sa dragon origami. Nag-ayos ng buhok, nagpabango at sinuot ang T-shirt na lagi nilang sinusuot kapag may reunion ang mga kamag-anak nila sa father’s side.

Nandito na si Papa in a bit. Tatawag ako after this. I love you,” text niya kay Travis bago iwan ang cellphone sa study table sa kanyang kwarto.

Halos handa na ang lahat, pati ayos ng sala at mga pagkain sa mesa. Nasa labas na ang kanyang Mama na si Veronica, ang kanyang ate na si Wendy, ang bunsong kapatid na si Yuri, tita niya at kapatid ng kanyang ina na si Auntie Vera, at ang anak nitong kambal na sina Sidney John at Sydney Jane.

Ilang minuto lang ang lumipas at may bumusina nang sasakyan sa labas ng gate, hudyat na nandyan na ang kotse ng asawa ni Auntie Vera na si Uncle Sergio.

“Welcomeback!!!” sigaw ng lahat pagkabukas ni Ulysses sa gate ng bahay.

Mabilis na sinalubong ng yakap at halik ang balikbayan na mangiyak-ngiyak sa pagbabalik nito sa kanilang bahay. Siyempre, ang pinaka-nanabik sa pag-uwi ni Ulysses ay si Veronica na siyang may pinakamahigpit na yakap sa asawa.

“Naku! Naku! Mamaya na ‘yang yakapan na yan! Magsikain na tayo!” biro ni Vera na nagpatawa sa lahat.

Na-miss ni Ulysses ang pagkaing Pinoy. Marunong man siyang magluto, bihira niyang maipagluto ang sarili ng Filipino food dahil walang oras sa dami ng trabaho at wala siyang mahanap na mga tamang ingredients sa anumang palengke o department store sa Budapest. Bumabalik lang din ang panlasang Pinoy niya kapag naiimbitahan siya sa mga party ng mga Filipino community sa siyudad man o sa kahit saang parte ng Hungary. Pero siyempre, iba pa rin ang lutong Pinoy sa Pinas, lalo na kapag niluto ito ng kanyang kabiyak.

“Alam ninyo mga anak… hindi na ako babalik sa Budapest,” masayang sabi ni Ulysses na nagpabigla sa magkakapatid. Tuwang-tuwa sila dahil sa wakas ay makakasama na nila ang kanilang ama.

“Sinabihan ako ng Papa ninyo na huwag muna ‘tong i-reveal sa inyo. Gusto niya kasi na siya ang mag-surprise sa inyo,” sabi naman ni Veronica.

“Well Pa, we’re more than surprised!” natatawang biro ni Wendy.

“Papa, si Ate Wendy, may boyfriend na!” singit ni Yuri na nagpatawa sa lahat. Pinandilatan ng dalaga ang kanilang bunso para huwag siyang ibuko kay Ulysses na lalong nagpahalakhak sa mga nasa hapag.

“Ayos lang yun, anak. Basta dapat, ipakilala na agad ni Ate ang boyfriend niya. Ayoko ng may tinatago kayong mahal ninyo kasi gusto namin ni Mama na mahalin din namin sila.”

“O Yuri, bakit si Kuya X, ayaw mo ibuko?” pabirong inis ni Wendy.

“Si Ate talaga o! Nananahimik ako sa pagkain dito e!”

“Hay naku, Uly! Sa kanilang tatlo, si X ang pinakamabait,” sabi ni Veronica, saka kumindat sa kanyang binatang anak.

“Pinakamabait, Mama? Sabi mo kanina, ako yun e!” reklamo ni bunso, sabay tawa ng lahat.

“X, yung gwapo ko bang anak ay may girlfriend na ulit?” tanong ni Uly kay Xavier na naubong bigla.

“Hay naku, pre! Parang ikaw yan nung college! Ayaw magpahatid o magpasundo ng kotse! For sure, chumi-chicks na yan ulit!” biro ni Uncle Sergio.

“Hindi naman siguro! Saka, hindi babae ang inuuwi niya dito, Uly. Puro sangkatutak na librong binibili niya at gabi-gabi niyang pinagpupuyatan!” reaksyon ni Auntie Vera na nagsisilbi ring katuwang ni Veronica sa kanilang bahay.

“Wala nang space sa loob ng room nya dahil sa mga libro. Parang ikaw nung bago tayo ikasal,” sabi ni Veronica habang inalala ang kanilang kabataan ng kanyang asawa.

“Don’t worry, son. We’re going to fix your room in the next few days.”

“Thank you, Papa,” nakangiting tugon ni Xavier kay Ulysses.

Parang fiesta ang bonding ng pamilya sa pagbabalik ng padre de pamilya. Halos hindi sila umalis sa mesa sa dami ng kwentuhan at tawanan nila. Hindi nila namalayan na gumagabi na rin at kailangan nang matulog ni Yuri dahil may pasok pa ito bukas. Nagtulong-tulong na rin sina Veronica, Auntie Vera at Wendy na magligpit at hugasan ang mga pinagkainan, samantalang inayos na ni Uncle Sergio ang pagparada sa sasakyan.

Magpapahinga na sana sa kwarto nila si Ulysses nang makita si Xavier sa veranda habang tinatanggal ang banner na kinabit para i-welcome siya kanina. Parang kailan lang nung huli niyang makita ang anak. Halos kasing-tangkad lang siya ni Yuri at ang hilig lang niya noon ay manood ng mga pelikula sa laptop. Ngayon, isa na nga siyang responsableng binata at mukhang sa kanya pa nagmana dahil sa hilig sa pagbabasa ng libro.

“Wala kang pasok bukas, X?” tanong ni Ulysses sa anak habang papalapit sa veranda.

“Papa, meron po pero after lunch pa.”

“I see. Uh… anak, thank you pala sa surprise ninyo.”

“Actually, si Ate Wendy ang may pakulo nito. Itong tarp lang talaga yung sa akin kasi ang dami kong paper works sa school. Ganun po talaga siguro ‘pag graduating.”

“Ang pinakana-appreciate ko sa lahat ay yung tarp na ginawa mo. Hindi ko akalain na sobrang galing mong mag-graphic design. Kanino mo natutunan yun?”

“Sa isa sa mga kabarkada ko na art editor ng university publication namin. Nagpaturo lang ako sa Photoshop ng basics tapos ako na ang unti-unting kumalikot.”

“Siya nga? Ang galing naman,” natutuwang tugon ni Uly, sabay gulo sa buhok ni Xavier. “Pero X, hindi mo nasagot yung tanong ko kanina.”

“What’s that?”

“May kapalit na ba si Karen?”

“Ha? A… e… Pa, kasi…”

Humalakhak si Uly sa tila pag-aalangan na pagsagot ng anak.

“Hahaha! No pressure, son. But please don’t forget my advise awhile ago. If you love someone, feel free to introduce us. Mamahalin namin siya kung paano mo siya minamahal.”

Gumuhit ang ngiti sa labi ni Xavier sa sinabi ng kanyang tatay. Hindi siya handa at maaaring hindi handa ang pamilya niya sa realidad ng estado ng kanyang pinasok na relasyon. Mahal niya si Travis pero narito siya sa sitwasyong kontrolado ng normal na takbo ng buhay ng isang bata, ng isang teenager. Nabigyan man siya ng konting ginhawa sa mga salitang binitawan ni Uly, naniniwala siyang hindi pa panahon para malaman nila ang totoo, pero hindi niya inaalis sa isip na maaaring walang tamang panahon para rito.

“How’s your family dinner?”

“Sobrang masaya kasi hindi na aalis si Papa. He’ll stay here for good. Magtatayo na lang daw ng business.”

“Wow! That’s nice! So kumpleto pala ang family mo sa graduation.”

“Yeah! This will be the first time na kumpleto kami. Wala rin kasi si Papa nung nag-graduate ako ng elementary,” sagot ni Xavier kay Travis na kausap niya sa telepono. “Parang medyo maingay ang background mo. Nasaan ka?”

“I’m here at Edward’s. Wala kasi akong magawa sa unit kaya lumabas na lang ako. Dito na lang ako gumagawa ng bago kong origami.”

“Nandyan si Chief?”

“Wala. I texted him but he’s not replying.”

“I see. May research ka na para sa PR bukas?”

“Yup. I did it before going home.”

“Wow talaga? Ang sipag mo naman, Kambal!”

“Talaga namang masipag ako e! You just don’t see it. Wait! Why do you still call me Kambal?”

“Bakit? I don’t see anything wrong with that.”

“E… wala lang. Parang medyo inappropriate lang.”

“I don’t think so.”

“Hmm… kung sabagay. It’s not about the labels. It’s about… love?”

“Hahaha! Ang landi mo!” natatawang sabi ni Xavier na nagpahalakhak din kay Travis. “O sige na! Gagawin ko pa yung sa PR ko. Ingat sa pag-uwi.”

“Hihintayin ko lang yung last cup ko then I’ll go home na.”

“Alright. Napapakape din tuloy ako!”

“Gusto mo bang dalhan kita dyan?”

“Naku hindi na. May coffee bag pa ako dito. Yung niregalo mo sa akin.”

“Hindi mo pa rin ubos?”

“Eh lagi tayong nasa labas e. O siya, magsusulat pa ako.”

“Sige. I’ll text you when I arrive home. I love you, Kambal.”

“I love you, Kambal.”

 

 

“Here’s your second large hot romantic coffee cup, Sir Travis!” pagbati sa binata ni LD habang dala ang in-order na kape ng kabarkada.

“You’re here! Sabi ng mga barista mo, wala ka raw.”

“Kakarating ko lang from school. Hindi mo lang napansin na dumating ang kotse ko dahil may nakalagay dyan sa tenga mo.”

“Sorry naman po.”

“Bakit ka nandito?”

“Masama ba, Chief?”

“Hindi naman. Mas okay yun para naman kumita ang Edward’s. But kidding aside, why are you here in a Monday night?”

“Just chilling out. I’m bored in my unit.”

“Nasaan si Xav?”

“He has to go home earlier. Dumating na ang daddy niya,” tugon ni Travis, sabay higop sa kanyang kape.

“Wow! High school pa yata kami ni Xav nung umalis si Tito Ulysses sa Pilipinas. Siguro for good na siya dito,” masayang wika ni LD, sabay higop din ng kape niya. “By the way, kumusta sa school kanina? Si Kulas?”

“Gusto siyang kausapin ni Xavier kanina but it seems that he’s not comfortable seeing us. Dun siya sumasabit ngayon sa group nina Peter.”

“Peter? You mean, si Alarcon the debater?”

“Yeah. Sana nang-aasar lang siya dahil alam mo naman yung grupong iyon, laging competitive sa ‘tin ever since. For sure, they knew na he’s not in good terms with us. Sa akin, walang problema kung hindi niya ako kausapin. Pero kung pati si Rain, Jackie or even Xav ay hindi niya papansinin, that’s unfair!”

“Hayaan muna natin, dude. Nicolo’s the most childish among us. I guess he needs to realize first the situation by himself. Nasaktan siya. Kakalma din yan at makikipag-usap sa atin,” payo ni LD sa binata.

“I hope so, Chief. Hindi lang kasi siya ang nahihirapan. Nagi-guilty ako kapag nakikita kong malungkot si Xav kapag di niya ma-contact si Nicolo. Kahit sa chat, he’s not responding to him.”

“No need to feel guilty. You just did what is right.”

Biglang nag-ring ang cellphone ni LD. Unknown number. Mabilis niya itong sinagot dahil baka importante ang tawag.

“Chief, Nicolo here.”

“O, Nicolo, kumusta?” sabi ni LD kay Nicolo na nasa kabilang linya. Mabilis na ni-loud speaker mode ng binata ang kanyang telepono para marinig ni Travis ang sinasabi ng kanilang kaibigan.

“Just want to say sorry for what happened last time.”

“It’s okay. Nakausap mo na ba sila?”

“Hindi pa ako ready. I’m still mad at them.”

“Until when?”

“Hindi ko alam, Chief. I love Xavier and it’s really hard to see him in love with someone. Tapos kay Travis pa, sa kaibigan pa natin.”

“Pero bestfriend mo si Xav, right? Hindi mo ba iko-consider ang pagkakaibigan ninyo na masisira lang dahil nasaktan ka? He’s worried about you after what happened. He can’t contact you. He values your friendship very much.”

Ilang segundong hindi umimik si Nicolo sa sinabi ni LD sa kanya.

“Kulas, we love you and we don’t want to make this dispute last for long. Talk to Xavier and hear his explanation. He misses his bestfriend.”

“Salamat, Chief. Bye.”

Hindi na nahintay ni Nicolo na makapagpaalam si LD dahil ibinaba agad ng una ang telepono. Napailing na lang si Travis sa kanilang kaibigan.

 

 

Late nang natapos ang Film Writing subject. Halos magsasara na ang buong university at Block 1 na lang ng Communication Arts ang nasa loob ng eskwela. Wala naman silang klase bukas kaya nagdesisyon silang magkakaibigan na mag-bonding sa Edward’s.

Walang nabago sa nakagawian – kapag wala ang isa ay ite-text at sasabihin kung nasaan sila.

“Jackie, ako na ang magtetext kay Nicolo.”

“Sige Xavier. Sa mga ganitong panahon, ikaw ang nakakaalam ng kiliti niya.”

“No need.”

Sa pag-uusap nina Jackie at Xavier sa labas ng coffee shop ay biglang sumulpot si Nicolo, kasama ang kanilang kaklase na si Peter. Napatakbo si Xavier sa matalik na kaibigan at napayakap nang mahigpit. Hindi nag-react si Nicolo at hinintay na bumitaw ang tinuturing na bestfriend.

“Guys, meron pala akong sinama,” wika ni Nicolo, saka dumating ang isang pamilyar na mukha.

“Uy, Peter!” nabiglang pagbati ni Jackie na nilapitan niya’t niyakap.

“Hi Jackie! Hi din Xavier!” pagbati naman ng kanilang kaklase at block president na si Peter. “Actually, dumaan lang kami dito dahil nakita ko sa Facebook na may bagong coffee-based drink dito. I just want to try it.”

“Bumili ka na, Pete! Baka ma-late tayo! Romantic coffee sa akin,” sabi ni Nicolo sa kasama na nagpagulat kina Xavier at Jackie.

“Alright!”

“Nasa taas kami, Kulas. Magpakita ka muna sa kanila,” nakangiting pakiusap ni Jackie sa binata.

“Hindi na siguro. May new year party sa Chroma Wall tonight. May naghihintay kasi sa amin.”

“Pwede ba akong sumama?” biglaang tanong ni Xavier na halatang nagpabigla kay Nicolo.

“Uh… I don’t know… I don’t think so… unless nasa guest list ka.”

Umalis si Xavier sa harap ng kaibigan at pumasok sa coffee shop. Sinundan siya ng tingin ni Nicolo at nakitang lumapit ito kay Peter na naghihintay sa ino-order na kape. Hindi alam ni Jackie kung anong plano ng binata, pero ang nasisigurado lang niya ay gumagawa ito ng paraan para muling bumalik si Nicolo sa grupo.

Ilang saglit lang ay sabay na lumabas sina Peter at Xavier sa coffee shop na tila nagtatawanan.

“Let’s go! Makiki-party pala si Xavier sa atin e,” masayang sabi ni Peter kay Nicolo.

“Eh ‘di ba may guest list yun? Baka hindi siya papasukin?”

“Don’t worry about that. Kilala ko yung owner. Tara na!”

Ngumiti si Xavier sa sinabi ni Peter na para namang nagpakaba sa mukha ni Nicolo.

“Please don’t tell them that I’m with Nicolo. I’ll be back,” bulong ng binata na kunwari’y yumakap para magpaalam sa dalaga.

Umalis ang kotse ni Peter, kasama sina Xavier at Nicolo papunta sa isa sa mga pinakasikat na bar kung saan nangyayari ang new year party ng second year assembly ng kanilang university. Hindi siya kinikibo ni Nicolo, kaya habang nasa biyahe ay umiisip na ng paraan si Xavier para kausapin siya ng una. Malapit na sila sa Chroma Wall nang biglang pumasok sa isip niya ang isang ideya para makuha niyang muli ang loob ng matalik na kaibigan. Kung ito man ang dapat gawin para bumalik ang tiwala nito ay gagawin niya.

ITUTULOY…

 

AURORA-NEW-LOGO-2015 copy_small