Hindi ko alam ang naiisip ng ibang tao sa akin at sa mga ginagawa ko. Pero mahirap sa akin na maramdaman na ang mga taong alam mong makakaintindi sa’yo ay silang mga taong titingin sa’yo nang masama. Walang problema sa akin kung marinig ang kung anumang puna o poot na sasabihin nila. Mas mabuting malaman ko ang mga iyon kaysa manahimik at pag-usapan ako nang di ko nalalaman. Dama kong ayaw nilang gawin ito kaya hahayaan ko na lang.
Masyadong maraming nangyayari sa paligid, pero kailangan kong maging mas alerto at mas malakas. Hindi man ako ang ideal na mukha ng isang martir, dapat kong ipanatili sa aking isip at kamalayan na kailangan ako ng aking mga tinutulungan. Kailangan ako ng aking lungsod at ng aking bayan.
Mahirap pagsabayin ang buhay ng isang lingkod bayan at buhay ng isang nagmamahal. Gayunman, mas pinili ko ang una dahil alam kong mas masaya ako doon. Masaktan man ako ay may mga dadamay, at magpapakita ng pagmamahal at suporta. Ngunit mali ka sa iniisip mong takot akong masaktan ng pag-ibig. Sanay na ako at marunong na rin akong mag-injection ng pampamanhid sa sarili ko. Nariyan na siya pero handa siyang maghintay, sabi nya. For now, friends with benefits muna kami. No strings attached.
Bago ang phone ko. Matagal ko itong pinaghandaan pero dumating nang biglaan. Maraming salamat po sa inyo.
Sa dami ng ginawa ko ngayong taon ay hindi ko na natuloy ang pagsusulat ng manuscript ng plano kong libro. Di bale, makakapaghintay naman iyon. Alam kong hindi ako magsasawang magsulat. Sana lang ay hindi magsawa ang pagsusulat sa akin.
Halos wala akong naipasok na entry sa Aurora Metropolis nung nakaraang buwan. Di ko na naisulat ang mga istoryang sinulat ng utak ko pero di na-save ng mga daliri ko. Nagsisiwalaan na silang isa-isa. Sana bumalik sila kapag di na ako busy.
Sa di inaasahan ay nagkita kami ng college crush ko sa isang kapihan sa Makati. Alam kong kilala pa niya ako dahil ilang beses ko siyang nahuling nakatingin sa akin. Alam ko yun dahil direkta akong nakatingin sa kanya. Pagkatapos ng isang minuto, mukhang di siya nakatiis kaya siya na ang unang bumati. Nag-ri-replay sa utak ko ang last three sentences niya bago siya tuluyang umalis: “Ankyut na ng pagka-chubby mo ngayon. Sana makasama ako sa advocacy mo soon. Message na lang kita sa Facebook tapos kape tayo next time.” (P.S.: May anak na siya pero walang asawa. May chance! Haha!)
May natanggap akong email na nagpalakas ng senyales na kailangan ko nang mag-ipon para makapunta ng Palawan. Susundin ko ba ang tinatahak ng signus na yun?
Hindi pa natatapos ang taon at marami nang naka-lineup na gagawin sa 2015. Sumabay pa ang wirdong panaginip na kinakausap ako ni PNoy sa harap ng maraming tao. Lalo akong kinabahan sa pwedeng mangyari.
May tatlong kaibigan akong ikakasal next year. Naalala ko ang tanong sa akin ng kaklase ko nung high school: “Tayo, kailan kaya ikakasal?” Naninindigan ako sa sagot ko: “Lalakad ako sa wedding march… pero bilang best man o groom’s man lang.”
Masama raw ang isang tao na hinihintay ang kamatayan ng iba… pero paano kung nahihirapan na siya sa buhay? Gugustuhin mo bang mabuhay pa siya sa pagdurusa?
Masaya ako sa ginagawa ko. Kahit ano pa ang di magandang interpretasyon ng iba sa mga ginagawa ko, mananatili ako sa paniniwalang hindi ko ito ginagawa para sa sarili ko o para sa kanila. Ginagawa ko ito dahil alam kong binigay sa akin ito ng Panginoon para makatulong sa kinabukasan ng aking bayan.