TATLONG BATA SA PUSOD NG DIGMAAN: Pananaw Sa Pelikulang “Captive” ni Brillante Ma Mendoza

Babala: Kung nagbabalak pa lang kayong panoorin ang pelikula ay mangyaring huwag munang basahin ang artikulong ito. Maaaring may mabanggit ditong mga eksena at makaapekto sa inyong pananabik sa panonood ng obra maestrang magpapaiba ng ating pananaw sa isang bahagi ng di-makakalimutang pangyayari sa kasaysayan ng Pilipinas.

Wala na yatang bansa sa mundo ang hindi nakaranas ng digmaan. Iba’t ibang grupo o paksyon ang nagbabanggaan para sa kani-kanilang paninindigang maaaring nagbusod sa pansariling intensiyon at paniniwala sa relihiyon, ideolohiya at pananaw sa pulitika. Kabayaran nito ang bawat dugong pumapatak na parang ulan sa bawat kapatagan at kabundukan kung saan nagaganap ang kaguluhan. Kapalit nito ang napakaraming nasayang na buhay para makamit ang minimithing paghahari ng kanilang pinaniniwalaan. Kinakalimutan ang presensiya ng kapayapaan at pagkakaintindihan upang magbigay-daan sa pananaig ng galit sa kalaban.

Ang Mindanao, sa maraming taon ay naging huling hantungan ng libo-libong Pilipino, sibilyan man, sundalo, rebelde o terorista, at kahit ng mga dayuhang pare-parehong naging biktima ng digmaan. Sa kabila ng mga dapat ipagmalaking likas na yaman at kultura ay nababahiran ito ng pagkakakilanlan bilang isang lupaing walang katahimikan at pugad ng mga pinakamabibigat na banta sa seguridad, hindi lang dito kundi ng buong daigdig. Isang paraisong sa kasaysayan ay naging simbulo ng relihiyong Islam sa Pilipinas at kalauna’y naging simbulo ng takot at terorismo ng ating bansa.

Naging malagim na panahon sa kasaysayan ng Mindanao, partikular sa mga lalawigan ng Basilan at Zamboanga ang mga unang taon ng bagong milenyo (2000 hanggang 2002) at ito ang naging sentro ng pelikulang “Captive” na idinerehe ni 2009 Cannes International Film Festival Best Director Brillante Ma Mendoza, isang Pilipino. Hango sa mga aktwal na pangyayari mula noong Dos Palmas kidnapping incident, Lamitan Siege hanggang sa malawakang opensiba laban sa teroristang Al Qaeda/Abu Sayyaf, ang “Captive” ay nagsilbing mata ng mga tagapanood sa mga tunay na kwento’t karanasan ng mga hostage, militar, mga mamamayan ng Mindanao na karamiha’y Muslim at mismong mga rebeldeng suspek na naging bahagi ng digmaang ito.

Ipinakita rito ang paglalakbay ng mga hostage at terorista na umanggulo sa napakaraming perspektibong hindi naging lantad sa mga ordinaryong Pilipinong nakibalita rito noon. Magkagayunman, lumutang dito ang tatlong batang naging bahagi ng ilang eksenang napakamakahulugan sa pelikula:

Ang Sanggol Na Isinilang Sa Sinapupunan Ng Makasaysayang Tunggalian. Walang magulang ang gustong ipanganak ang kanyang supling sa gitna ng digmaan at sa piling ng mga taong tinutugis ng kinauukulan. Nakakadurog ng puso ang eksena kung saan isinisilang ng isang ina ang kanyang sanggol habang nagbabakbakan ang mga rebelde’t sundalo sa Dr. Jose Ma. Torres Hospital kung saan naganap ang makasaysayang Lamitan Siege sa Basilan noong 2001. Habang unti-unting inilalabas ang bata sa sinapupunan ng babae ay kasagsagan ng opensiba ng pamahalaan para mailigtas ang mga hostage at mga pasyente ng ospital. Nakalungkot na sa ganito kalagim na sitwasyon unang madarama ng sanggol ang mundong kanyang kalalakhan. Ngunit sa kabila niyon, naging simbulo niya ang pagsibol ng bagong pag-asa ng Inang Bayan upang maibalik ang kapayapaan.

Ang Musmos Na Nadamay Sa Gitgitan Ng Mga Terorista’t Pamahalaan. Ang makasama sa isang masaklap na karanasan tulad ng hostage taking ay di isang pangyayaring madaling kalimutan. Marami sa mga nagiging biktima nito’y nakakaranas ng trauma, lalong lalo na sa mga bata. Ang batang lalake sa pelikula na anak ng isa sa mga hostage ang naglalarawan dito. Sa kanyang murang edad ay dinaranas niya ang pagpapahirap ng mga rebelde kung saan wala siyang sapat na kaalaman sa mga pinaglalaban nito. Sa mga tulad niya, na dapat ay paglalaro at pag-aaral ang ginagawa ay nagiging biktima ng ganitong klaseng karahasan na maaaring mag-iwan ng malaking sugat sa kanyang isipan hanggang sa kanyang pagtanda.

Ang Kawal Na Namulat Sa Laban Ng Relihiyong Dinadalanginan. Maitutiring ding biktima ng digmaan ang mga rebelde na tila binulag ng kanilang mga paniniwala at handa silang pumatay at mamatay para rito. Ngunit mas kalunos-lunos ang makita sa sitwasyong ito ang mga mandirigmang bata na minulat ng mga nakatatanda na maging marahas para sa kanilang ideolohiya at relihiyosong paniniwala. Katulad ni Ahmed, isang batang miyembro ng Abu Sayyaf sa pelikula na tila sinubok na ng pag-iisa at ng mga pagkakataon para maging bihasa sa pakikipaglaban. Pilit niyang kinakalimutan ang mabuhay nang ayon sa kanyang edad at nagdesisyong ihinto ang pag-aaral nang mamatay ang kanyang magulang. Tila matanda siya kung humawak ng baril at magtago sa kagubatan para protektahan ang paniniwalang aniya ay alinsunod na pahayag ng Banal Na Koran. Sa tinuturing niyang Jihad o “Banal na Digmaan” ay handa niyang ibuwis ang kanyang buhay at kumitil ng ibang buhay gamit ang kanyang mga kamay para sa umano’y tagumpay ng relihiyong Islam at ng hinihinging kalayaan ng mga Pilipinong Muslim aa Mindanao.

Hindi ganito kalinaw na idinitalye ng alinmang pelikula o dokumentaryo ang ganitong perspektibo ng “Captive” na umiikot sa naging trato ng mga terorista sa kanilang mga bihag. Bagama’t ito’y isang kwentong ginawa lamang mula sa mga tunay na pangyayari, sa ganitong punto’y naging matagumpay ang pelikula, sa pangunguna ni Mendoza na maihatid ang posibleng mga pangyayari sa loob mismo ng teritoryo ng mga taong tinuturing na kalaban ng bayan.

Mag-iwan ng Tugon

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Baguhin )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Baguhin )

Connecting to %s