The EPs Factor: The Battle for the Big “Artistahin Kung Makapagkalat Ng Mukha At Pangalan Sa Kahit Saan Para Lang Makalibre Ng Kampanya” Break

Ito ang katotohanan na di mo mari-realize sa mga pinapanood mong TV reality shows — MARAMI SA MGA PULITIKONG PILIPINO ANG EPAL!

Nagsimula sa simpleng campaign posters, pamphlets, flyers, comics, poste ng ilaw, arko ng barangay, waiting sheds, traffic reminder signs, program/project tarpaulins, Christmas/New Year/Valentines Day/Fiesta/Easter greetings, kubol sa lamay ng patay, business permits, business plates, senior citizen discount booklets, kalsadang sinementuhan, school buildings, notebooks, pencils, scissors, hospital buildings, hospital equipment at marami pang iba. Lahat ng pwedeng pagsingitan ng kanilang mukha o pangalan, ginagawa nila para ipangalandakan sa publiko sa sila ay tunay na public servant.

THE F***!

Ito ang nagiging paraan ng mga napakaraming pulitiko mula pa noon upang gawing monumento ng kanilang mga nagawa sa kani-kanilang lugar. Isang paraang hindi nagtatapos sa kampanya sa eleksyon ang pagpapakitang-gilas sa mga botanteng nagtiwala sa kanila.

Hindi ko alam pero parang sa Pilipinas lang mayroong ganito. Mula sa sangguniang barangay hanggang sa pambansang pamahalaan ay nagiging trending ang pagtatampok sa pangalan ng pulitiko sa bawat proyektong kanilang ginagawa o pinangungunahan. Bawat pader, bawat kanto, bawat panulukan, bawat sulok ng mga pamayanan at lungsod ay para bang isinumpa sa napakaraming pangalan na hindi matatanggal kailanman.

Ang tanong: KAILANGAN BANG LAGING GANITO? Ang tanong talaga: PERA BA NILA ANG GINAMIT SA MGA PROYEKTONG ITO?

EPAL. Yan ang kasalukuyang tawag sa mga pulitikong naglalagay ng kanilang pangalan o larawan ng kanilang mukha sa bawat proyekto ng pamahalaang pinapagawa gamit ang pera ng bayan.

Matagal ko nang nababasa ang EPAL na ito sa Facebook mula kay Ms. Mae Paner, o kilala natin bilang si “Juana Change”. Isa siya sa mga pangunahing nagsusulong ng ANTI-EPAL campaign na naglalayong ikalampag sa mga mamamayan ang hindi tamang gawain ng mga pulitikong walang magawa kundi ipangalandakan ang sarili bilang magaling na lingkod-bayan.

Matagal ko nang reklamo ang ganitong kaepalan ng mga pulitiko (at kahit ng mga kawani ng gobyerno at ng nagbabalak na tumakbo sa susunod na halalan) dahil bukod sa sinasamantala nila ang pagkakataong maglingkod sa bayan para magpapogi sa bayan, eh MASAKIT SA MATA na sa bawat lugar na pinupuntahan o nilalakaran mo ay may pangalan nila na akala mo’y sila ang may-ari ng poste, upuan, mesa, o ng building. Yung totoo, ang akala ko’y wala akong magagawa sa ganitong bagay. Pero dahil kay Juana Change ay nagkaroon ako ng pag-asa na masawata ang kaepalang ito.

Lalong nag-igting ang labang ito sa aking puso nang bumili ako ng gamot ng aking ama, gamit ang senior citizen booklet na binibigay ng lokal na pamahalaan sa mga nakatatandang miyembro ng lipunan. Habang naghihintay sa drugstore ay napansin ko ang mukha ng dating Mayor ng Maynila (hindi ko sasabihin ang pangalan niya, basta, mabulaklakin siya) na natatakpan ng mga papel ng dasal (buti na lang at ganito ang ginawa ng aking tatay. masakit naman talaga kasi sa mata yung makita ang mukha nun). Naging abusado ang dating punong lungsod ng Maynila sa ganitong kaepalan na kahit initial ng pangalan niya ay in-emphasize sa pangalan ng MayniLA (tulad nito. P*****A!) And the rest is history na ginaya ng marami pang pulitiko.

Maaaring ang pangyayaring ito ay isang hakbang upang sumali sa malawakang panawagan laban sa mga EPAL at mga EPAL SA MGA SUSUNOD PANG HALALAN. At ang artikulong ito ang aking paraan upang ipanawagan sa kapwa ko Pilipino na hindi tama ang kaepalan sa pagseserbisyo-publiko, Hindi pera nila ang ginagamit upang tustusan ang mga nakikita natin at mga nilalasap nating tulong ng gobyerno.

ITO AY MULA SA LAHAT NG NAGBABAYAD NG TAMANG BUWIS SA REPUBLIKA NG PILIPINAS. ITO AY MULA SA KABAN NG BAYAN. ITO AY MULA SA PAMAHALAAN NG PILIPINAS, HINDI SA IISANG TAO O GRUPO LANG.

Parating na ang Halalan 2013. Kasama ng ating pangangampanya sa kung sinumang gusto nating iboto sa posisyon ay mas ikampanya natin ang layuning hindi na sana gawin ng mga lingkod-bayan ang pagiging EPAL. Hindi naman ito nakakabawas sa iiwanan nilang kontribusyon sa pagpapaunlad ng kanilang bayan, lungsod at ng bansa. Hindi mahalaga ang mailagay ang pangalan o mukha, ang mahalaga ay yung magagawa nila sa bayan.

Maging bahagi ng ANTI-EPAL campaign! I-LIKE ang kanilang fanpage:
https://www.facebook.com/nomoreepal

Mag-iwan ng Tugon

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Baguhin )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Baguhin )

Connecting to %s