Patawarin po ninyo ako.
Kahit na hindi ako nag-post ng mga bagong artikulo rito sa Aurora Metropolis sa nakaraang buwan ng Agosto ay nagpapasalamat ako sa daan-daang patuloy na bumibisita at bumabasa ng mga nilalaman nito. Naa-appreciate ko nang sobra ang ilang mga tao’t mga kaibigan na nagpapahayag ng kanilang suporta sa blog account na ito.
Nitong Agosto ay nilaan ko ang aking oras sa aking sariling kasiyahan. Hindi ko po sinasabing hindi nagpapasaya sa akin ang pagsusulat. Ang sa totoo lang, ang pagsusulat ang nagpaparamdam sa akin kung paano ang iniibig, umibig at maging patas sa laban ng panahon. Pero nitong panahon na ito ay lagi akong nakikisalamuha sa mundo upang maranasan ang ilang mga bagay — ang magpaumaga sa pakikipagkuwentuhan, makinig sa problema ng ibang tao, magbigay ng payo sa mga namomroblema sa pag-ibig, manood ng mga klase ng pelikulang di ko nagawa noon, maging kapaki-pakinabang na kaibigan, maging taong sumasabay sa daloy ng modernong mundo. (P.S. May bago na akong cellphone. Hindi na gaanong mapapagod ang 4-year-old cellphone ko sa walang habas kong pagte-text at pagsa-soundtrip. Haha!)
Ibang klase ang buwang ito para sa akin. Pambihira. Magkahalo-halong emosyon ang nagpakiliti, nagpapait at nagpakulay sa buhay ko. Maaaring makwento ko ang ilan sa mga ito sa mga susunod kong artikulo dahil marami sa mga ito’y nagbigay sa akin ng ideya tungkol sa buhay. Napakaraming pinagkait sa akin ng limitasyon para makita ang ilang nakakaantig na senaryo sa daigdig. Dahil sa mga senaryong ito, natututunan kong mag-adjust sa mga pangyayari at mga taong nakakasalamuha at makakasalamuha ko. Puno ng pagsubok pero masaya.
Binigay ko sa Agosto 2012 ang panahon para mag-isip, ang pansamantalang isarado ang labi ng aking mga daliri upang ipunin sa aking utak ang mga salitang dapat ay ako muna ang matuto bago ang ibang tao.
Oo. Napakablanko ng Agosto sa Aurora Metropolis, ayokong mangako, pero dinadalangin ko na makapagsulat ako ng maraming istorya at artikulo dito mula ngayong Setyembre, ngayong papasok na buwan.
Sa lahat ng mga taong nakadamayan ko at sa mga sitwasyong sumubok sa aking pagkatao, maraming salamat. May araw din tayo. Ngiti lang. ^______^