Pare-parehong bumagal ang mundo natin noong 2020, kaya pihado akong marami sa atin ang bumawi ngayong 2021. Hindi nagbago ang gawi ng mga tao, pero dahil malaki ang ginawang gulo ng COVID-19 sa sangkatauhan, hindi maiiwasang maraming plano ang nabago, ginusto man natin o hindi. Kung ako ang tatanungin, hindi ko masasabing mabilis akong naka-recover sa trauma na dinulot ng pandemya. Hindi ko rin masasabing nabubuhay na ako sa new normal dahil parang ganoon pa rin ang pakiramdam ng mundo sa akin. Pero sa kabila niyon, may mga kakaibang biyaya na dinala ang Diyos sa akin ngayong taon na – kagulat-gulat – ay bumuo ng panibagong daan sa buhay ko at huhulma ng panibagong ako sa darating na panahon.
Ito ang pang-labindalawang Yearender ko. Kung ikukumpara sa nakalipas na taon ay mas masarap balik-balikan, kahit pa sinusubok na ng utak ko ang aking memorya. Magkagayunman, hindi ko hahayaang tibagin ng mahirap na pag-alala ang pagbabalik-tanaw sa napakasayang 2021 – isang taon na hindi ko makakalimutan kailanman.
Pananampalataya
Iba pa rin ang pakiramdam ng paglilingkod sa ating Panginoon. Isang karangalan at biyaya na naging bahagi ako ng Parokya ng Binondo at makapaglingkod sa Minor Basilica and National Shrine of San Lorenzo Ruiz bilang in-charge ng kanilang social communications.
Ang misyong ito ng pagbabahagi ng Salita ng Diyos at ng debosyon sa kauna-unahang Pilipinong santo ang masasabi kong pinakamahalagang adbokasiyang ginagawa ko na kahit papaano’y nagkakaroon ng bunga hindi lang sa paglawak ng presensya ni San Lorenzo Ruiz sa social media kundi sa lalong paglago ng papuri at pag-ibig natin sa ating Panginoong Hesukristo.
Pagkakataon
Sa kabila ng mga limitasyon gawa ng kasalukuyan nating sitwasyon ngayon, masuwerte pa rin ako na mabigyan ng mga pagkakataon na magawa ang mga bagay sa kauna-unahang pagkakataon.
Isang makasaysayan at ginintuang oportunidad na maging isa sa mga punong-abala sa parokya para sa selebrasyon ng ika-500 anibersaryo ng Kristiyanismo sa Pilipinas. Gamit ang social media, naipakita ng Basilika ang pagiging bahagi ng Binondo sa pag-unlad ng ating pananampalataya sa nakalipas na limang siglo. Dahil dito ay marami ring nagbukas na mga first time na hindi ko rin inakala na mangyayari.
Maraming hindi naniniwala kapag sinasabi kong dumating ang panahong kinailangan kong tumira sa kumbento ng Binondo. Ito ay para magtuloy-tuloy ang paghahanda namin para sa mahabang kapistahan ng Binondo noong Setyembre hanggang Disyembre. May mga ilang beses na rin akong natulog doon tuwing Sabado ng gabi para makapaghanda sa mga Misa ng Linggo.
Simbahan din ang naging daan upang makapaglingkod sa Diyos gamit ang isa pang talento na ibinigay Niya sa akin – ang pagsusulat. Bagaman lagi akong nakakagawa ng mga artikulo sa offficial social media ng Binondo Church ay isang biyaya na makapagsulat para sa mas malaking Simbahan bilang contributing writer sa Office of Communications ng Archdiocese of Manila. Mula Abril ay nakagawa na ako ng mahigit 43 write-ups tungkol sa mga homiliya, lalo na ng dating Apostolic Administrator ng Maynila at ng kasalukuyang pinuno ng Apostolic Vicariate of Taytay na si Bishop Broderick Pabillo, ni dating Manila Archbishop Luis Antonio G. Cardinal Tagle at ilang mahahalagang okasyon tulad ng pagkakatalaga sa bagong Arsobispo ng Maynila, Jose F. Cardinal Advincula.
At isa pang mas nakakatuwang pagkakataon ay dala rin ng Simbahan dahil dumating sa pamilya namin ang pusang si Simba. Minsan, iniisip ko na reward sa akin ng Diyos si Simba bilang siya ay alaga ng Basilica. Siya ang unang pusang napalapit at napamahal sa akin kaya hindi rin naging ganoon kahirap sa kanya na makasama natin sa aming mumunting tahanan.
Naging pagkakataon din ang 2021 para makakilala ng maraming tao na kalaunan ay naging mga bagong kaibigan, mga kaibigan na matagal nang hindi nakita, mga lugar na matagal na hindi napuntahan at mga lugar na first time kong napuntahan.
Pakikipagsapalaran
Akala ko ay hindi pa ako makakalabas ng Binondo ngayong taon gawa ng pandemya. Pero maraming salamat sa mga kaibigan na handang maglayas sa kalunsuran, magliwaliw at i-enjoy ang katahimikan ng kapaligiran.
Nag-umpisa ang 2021 sa pamamasyal sa Tagaytay noong Enero pero dulo na ng Disyembre nang nasundan. Sulit naman dahil nakarating ako sa Calumbuyan Point sa Calatagan, Batangas at sa Guagua, Pampanga. At sa mga oras na ito, narito ako sa La Union at sasalubong sa 2022 sa harap ng karagatan at, sana, sa mas mapayapang katahimikan.
Sa tunog ng dagat, ihip ng hangin at huni ng mga ibon, naramdaman ko na mayroon pa rin talagang kapayapaan sa ating buhay. Matuto lang tayong prumeno at maglibot para makakita ng mga paraisong magbibigay sa atin ng pahinga.
Panibagong Panimula
Noong isang taon ay umalis ako sa propesyong akala ko ay magiging propesyon ko na hanggang tumanda. Kahit stressful ang trabahong iyon ay binigyan ako nito ng maraming karanasan at karunungan lalo na sa paglilingkod-bayan. Sa kabilang banda, ang pag-alis ko doon ay nagdulot ng kaginhawaan sa puso at utak ko, at sa mga buwan na nawala ako, kahit mahirap sa aspetong pinansyal ay pakiramdam ko ay nawalan ako ng tinik sa dibdib.
Pero sabi nga nila, kapag kailangan ka ng bayan, ang tadhana mismo ang maglalapit sa’yo sa anumang paraan para makatulong ka sa bayan. Nabigyan muli ako ng bagong simula para makapagbigay ng serbisyo upang makatulong sa mga pulitikong alam ko ay magiging mabuting instrumento ng pagbabago sa ating bansa. Isa na rito, siyempre, ang ating minamahal na Vice President Leni Robredo.
Hindi naman ako tumigil na suportahan siya, ngunit sa pagbabago ng anyo ng laban, isang bagong panimula ang tatahakin ng tulad kong Dilawan bilang isang KAKAMPINK. Mas malaki ang hamon ito para maibalik ang kaayusan sa ating gobyerno lalo na ngayong paparating na eleksyon. Pero tulad ng marami, naniniwala ako na ang pinakaepektibong sandata upang makaahon tayo sa guho ng pandemya at maruming pulitika ay kabutihan, gaano man ito kalaki o kaliit. Sa pamamagitan ni VP Leni, ang Dilawang naging Kakampink ay gagalaw sa personal kong kapasidad upang maipanalo ang kabutihan laban sa karahasan ng mga berdugo at pananamantala ng mga magnanakaw at mandarambong.
Pasasalamat
Hindi magiging posible ang napakakulay na 2021 dahil sa maraming tao na naging dahilan nito at taos-puso ko silang pinapasalamatan.
Maraming salamat sa mga bumubuo ng Minor Basilica of San Lorenzo Ruiz: kina Fr. Andy, Fr. Sigfred, Fr. Joaquim, Fr. Andre, Rev. Norman, Achi Diana, Sis. Beth, Sis. Connie, Kuya Zardo, Jophet, Kuya Kahoy, Hazel, Ate Missy, Ate Beck, Ate Joy at sa lahat ng mababait na tao sa kumbento at Parish Office.
Maraming salamat, Ate Jheng Prado at sa lahat ng mga bagong kaibigan ko sa Archdiocesan Office of Communications.
Maraming salamat, Geil, Ate Nini, Livi, Niña, Jeff, Kuya Gelo, Herzon, Ate Annie, Ayhie, Atty. Garreth at sa lahat ng mga kasama ko sa exciting na laban para sa 2022.
Maraming salamat, Nona Nicolette sa unconditional love and friendship.
Maraming salamat sa mga kaibigang hindi nawawala sa sirkulasyon kahit pare-pareho kaming busy: Rio, Shalom, Nica, Josh, Kevin, Monique, Ken.
Maraming salamat sa mga kaibigang hindi nawawala ang presensya sa chat man o sa social media at dinadasal kong magkita-kita tayo soon: Samantha, Innah, LJ, Cyleen, Tracy, Kurt, Ate Elsa, Kuya Ernest, Nathan, Nate, Mike.
Maraming salamat sa mga bagong kaibigan na nagbukas ng maraming kaalaman, aral at realization: Anton, Andre, Hillel, Jhiro, Ate Shery,
Maraming salamat, dating Konsehal Niño dela Cruz at Vice President Leni Robredo sa tuloy-tuloy na inspirasyon para sa ating bayan.
Maraming salamat sa aking pamilya: sa aking Nanay, kay Kuya Jo, Kuya Abet, Kuya Ramon, Ate Airine, Rmon at sa mga bunso naming sina Bruce, Kobe at Simba.
Maraming salamat kay Tatay, Bruce Laki, Bruce Liit, Bunny at Lucky na lagi kaming ginagabayan mula sa Langit.
Maraming salamat, iniirog kong Maynila, dahil sa patuloy mong pag-ahon ay wala kang sawa sa pagpapakita ng katotohanan at inspirasyon sa Manileñong lubos na nagmamahal sa iyo. Hinding-hindi ka mawawala sa aking gunita.
Higit sa lahat, maraming salamat, Panginoong Hesukristo, aming Inang Birhen ng Santo Rosario at Pronto Socorro, Sto. Niño de Tondo, Mother Ignacia at San Lorenzo Ruiz. Hindi ko po alam kung bakit ako naging karapat-dapat sa napakaraming regalong inyong ibinigay sa akin ngayong 2021. Pero buong puso po akong nagpapasalamat dahil nananatili kaming maayos, malusog, payapa at masaya. Sa aking munting pamamaraan ay ibinabalik ko po ang lahat ng biyaya para sa karangalan at pasasalamat sa Iyo.
Panalangin
Ama naming nasa Langit, isa na naman pong taon ang magwawakas. Nawa’y patawarin Mo po ako sa aking mga kasalanan sa pamamagitan ng Iyong walang hanggang pagmamahal at biyaya.
Patuloy Mong protektahan sa anumang kapahamakan ang aking pamilya at mga kaibigan. Patuloy Mo akong gabayan sa mga ginagawa ko sa araw-araw. Patuloy Mong biyayaan ang mahal naming bayan, lalo na ang iniibig kong kabisera.
Ako ay Iyong lingkod, Ama. Lahat ng tagumpay, pagkabigo, kaligayahan, kalungkutan at walang katumbas na pag-ibig mula sa lahat ng aking nakakasalamuha ay inihahandog ko po sa Iyo. Hindi po ako perpekto. Makasalanan ako. Ngunit bigyan Mo po ako ng puwang sa Iyong paraiso.
Lahat ng ito ay idinadalangin at itinataas sa Iyo, sa tulong ng mga panalangin ng Ina ng inyong Anak na si Hesus, ang mahal naming Maria, sa ngalan ng Espiritu Santo. Amen.
Tuloy ang buhay, tuloy ang paglalakbay.
Maligayang bagong taon sa ating lahat. Maligayang pagdating, 2022!