Mga Alaala’t Aral Mula sa Pinangarap na Rosas na Pilipinas

2015-category-title-tambuli copy2022-headline-07-feature-alaala-rosas-pilipinas

“Sa lahat ng pagkakataon, sa gitna man ng mga pagsubok o sa rurok ng tagumpay, sinasabi sa atin ni VP Leni na manatili ang paa natin sa putik at patuloy na abutin ang kamay ng mga taong lumalapit sa atin. Si Leni, ang ating bagong bise presidente, ang magsisilbing solidong imaheng nagpapaalala sa atin na tayong mga Pilipino, taas noo man sa anumang pagkapanalo ay walang alinlangang yuyuko para iabot ang tulong sa sinuman sa mundo.”

Isang Aral mula kay Leni, Aurora Metropolis, July 10, 2016

Mahigit isang buwan na pagkatapos ng pinakapambihirang eleksyon sa Pilipinas. Halo-halong emosyon na ang bumuhos – galit, lungkot, pait, poot. Maraming pagkakaibigan ang nahulma pero marami ring samahan ang tuluyan nang nasira dahil sa realidad na inilantad ng ilang buwang kampanya na para bang isang dekadang digmaan ng pamantayan at paninindigan. Ang ibang damdamin ay huminahon na, pero may iilang hindi pa rin tumitila.

Mahigit isang buwan na ang lumipas pero hindi pa rin ako makaiyak. Kung tutuusin, isa dapat ako sa mga lugmok dahil sobra akong tumaya para sa pinunong sa paniniwala ko ay kailangan ng Pilipinas habang papaahon tayo sa pandemya.

Mahigit isang buwan na. Hindi ko kayang pilitin ang sarili ko na humagulgol. Kung hindi ko maitangis ang mga luha sa aking mga mata, marahil ay panahon na para maibuhos ang mga ito sa anyo ng mga salita. Pero hindi ito komentaryo ng isang Kakampink na nagluluksa sa pagtalikod ng mga kapwa Pilipino sa tulad ni Leni Robredo. Sabihin na nating isa itong koleksyon ng mga alaala at pasasalamat ng Pilipinong ginawa ang kanyang makakaya para iprisinta kung ano ang Pilipinas kung pinili natin maging #KulayRosasAngBukas.

Bumaba ang mga bituin… at nakasalamuha ko bilang mga ordinaryong Pilipino.

Kasama ako sa iilang mapapalad na makapiling ang mga celebrity na tumuntong sa entablado ng kampanya para kay Leni Robredo. Mula sa isang nagsimulang mahiyain na AC Soriano hanggang sa de kalibreng Edu Manzano, binigyan nila ng ningning ang bawat grand rally nang libre para lang maipakilala si Leni sa mga kababayan natin. Sa kabila ng kasikatan, masuwerte ako na nakasama ko sila sa maikling pagkakataon bilang tulad nating tumutulong kay Leni sa sarili nilang kakayahan. Sa kabila ng kasikatan, hinayaan nila kaming makita kung sino sila sa likod ng kamera at kung bakit nila piniling isakripisyo ang kanilang oras, talento at maging karera para kay Leni.

Gab Valenciano
Yeng Constantino
Juan Karlos
AC Soriano
Sitti Navarro
Nikki Valdez
Jolina Magdangal-Escueta
Regine Velasquez-Alcasid
Ogie Alcasid
Cherry Pie Picache
Edu Manzano

Maraming salamat sa inyo, mga lods!

Maraming beses akong naabutan ng pagkain at tubig ng mga hindi ko kilala.

Marami sa mga sumama sa grand rally, mini-rally, house-to-house at iba’t ibang activity ang nagsabi na walang nagugutom o nauuhaw sa kampanya ni Leni. Hindi ko masasabi na lahat ng pumupunta sa mga ito ay pareho ng karanasan nila, pero isa lang ang constant na nakita ko sa mga nasamahan kong event: mas marami ang nagbibigay na supporter kaysa humihingi.

Sa tradisyunal na kalakaran tuwing eleksyon, pulitiko ang madalas na nagbibigay ng pagkain o inumin sa mga supporter o volunteer nila. Minsan pa nga, kapag nauubusan, para bang naiiwan na lang silang kawawa. Napakamahiwaga ng kampanya ni Leni dahil nasaksihan ng milyon-milyong dumalo sa kanyang mga grand rally kung paanong bumuhos ang pagkain sa kung kani-kanino at kung saan-saang direksyon nang libre. Mula sa kendi hanggang sa food pack, mula sa bottled water hanggang sa shake o ice cream, mula lutong bahay o gawang fast food hanggang sa mga pagkaing sa mamahaling restaurant lang mabibili.

Pagkain ang naging instrumento ng pagkakaibigan ng maraming Kakampink. Pagkain ang naging daan upang maiparamdam kung ano ang nagagawa ng simpleng kabutihan sa bawat tao.

Kahit ako mismo ay namigay ng pagkain.

Nagsimula ang tila naging advocacy ng marami na pagpapa-lugaw noong April 23, 2021 sa Binondo para sa birthday ni Leni na tinawag ng marami na National Lugaw Day. Kasama ng ilang kaibigan sa Minor Basilica of San Lorenzo Ruiz, nakapamigay kami ng libreng almusal sa 56 na obrero na maagang pumasok sa business district ng Maynila.

6 months later, October 7, 2021. Nang mag-anunsyo siya na tatakbong presidente, nagpadala ako ng 10 order ng lugaw sa mga nag-comment sa post ko sa Facebook kung gusto nila ng lugaw para samahan akong ipagdiwang ang araw na iyon. Akala nila ay hindi ako seryoso hanggang kinuha ko ang mga address kung saan dadalhin ng GrabFood ang mga lugaw nila.

December 19 naman ay namigay ako ng sisig with rice sa tapat ng Parokya ng San Roque sa Blumentritt para sa 100 mahihirap na nakatira sa paligid ng simbahan at sa mga namamasada sa lugar. Walang masyadong fanfare ang pamimigay namin. Gusto lang namin na magbigay ng masarap na sisig rice at ipakilala sa kanila si Leni bilang lider na angkop sa ating panahon.

Pero ang pinakamalaking handaang pinaghandaan ko ay ang birthday ni Leni sa kalagitnaan ng kampanya. Sa tulong ulit ng mga kaibigan natin sa Simbahan ng Binondo ay nakapagbigay tayo ng humigit-kumulang 300 mangkok ng lugaw na may kasamang 200 itlog at 300 mamon sa mga nakatira sa paligid ng simbahan, sa mga nagja-jogging, sa mga papasok sa kani-kanilang trabaho at sa mga napapadaan lang sa tapat ng Basilica. At dahil birthday ni Leni, ginawa naming ispesyal ang Araw ng Lugaw sa Binondo dahil nakasakay ito sa ispesyal na pink birthday sidecar.

Hillel Andrew Hilay
Rev. Fr. Andy Ortega Lim
Diana Lee
Villaruel Family
Joy Asancha
Hazel Drio
Jophet Moina
Mark Anthony Reyes
Jade Dadivas
Trisha Mae Acebuche
Jeremiah Inocencio
Tina Enclona
John Usman
Rita Tambo-ong

Maraming salamat po sa tulong at suporta!

Naging supplier din ako ng campaign materials

Medyo naging short ang supply ng election paraphernalia dahil sa dami ng humihingi pero kulang pa rin ang production ang official campaign o volunteer groups. Hindi madamot ang mga namimigay ng tarps, flyers, posters, ballers, stickers, pamaypay, komiks at kung ano-ano pa, pero sadyang hindi magkamayaw ang mga taong gustong-gustong makapaglagay ng collaterals sa kani-kanilang mga tahanan.

Hindi kailanman ako tumaya sa kahit kaninong kandidato gamit ang sarili kong pera. Gumamit man ako ng aking talento o kakayahan sa iilan, pero hindi ako gumastos para lang ikampanya ang gusto kong lingkod bayan. Kay Leni lang ako natutong tumaya. Ayoko nang bisipin kung magkano ang halaga ng stickers, ballers at tarps na nabili ko para mag-supply sa napakaraming grupo ng volunteers na masigasig na nagha-house-to-house sa Maynila para ikampanya si Leni. Sa ganitong paraan man lang ay nakatulong ako sa kampanya dahil may trabaho rin akong inaasikaso noon at hindi nakakasama nang madalas sa paglilibot sa aking siyudad para kay Leni.

Darren Cheng
Hernandez Family

Maraming salamat sa mga supply ng collats.

Maan Jordan
TLR Volunteers ng Manila Districts 1, 2 at 3
Sa kuya ko, Prof. Rafael Santiago, Jr.

Maraming salamat sa napakalaking sakripisyo ng pagkampanya sa mga lansangan natin. Hindi ko man kayo nakitang lahat nang personal, masaya ako na nakatulong sa inyo para sa ating kandidato.

May mga hindi makakalimutang karanasan kasama ang mga bago at dati nang Kakampink.

Masaya ang mag-volunteer. Nakakapagod man, mapapalitan naman ito ng mga karanasang hindi ko akalain ay mangyayari sa akin. Mula sa pagiging assistant ng mahal kong Songbird, pagiging tagahawi ng mga tao para sa dadaanan ng mga artista at ni Leni, mga hindi mabilang na inuman pagkatapos ng sortie (lalo na yung pag-inom sa kalagitnaan ng biyahe dahil sobrang layo ng hotel sa venue) hanggang sa mga minsa’y panic mode dahil may biglaang ganap on the side ng mga rally.

Pero kasama ng mga karanasang ito ay ang bonding sa mga dati nang nakasama sa Team Leni at mga bagong Kakampink na sa hirap at saya ay talagang nagpapakasipag para kay Leni. Hindi man nagpapansinan kapag nasa mga rally, pero may mga maiikling oras para magkangitian, magkatawanan, makalasingan at makausap nang masinsinan pagkatapos ng laban.

Boom Enriquez

Maraming salamat po sa pagbibigay ng pagkakataong makasama ulit sa kampanya, lalo na sa mga grand rally.

Ninang Cy Velasquez
Geil Lonsania
Nica Cordero
Josh Umlas
Livi Banela
Herzon Hermoso
Arlene Torres
Barbie Lo
Kevin Magcalas
JP Dacanay
Renee Contado
Mami Kaka Castillo

Maraming salamat sa experience ng pagkakaibigan at paninindigan. Mahirap makalimot sa mga escapade na kasama kayo.

Ang aral na iniwan ni Leni sa atin? Dapat manaig lagi ang kabutihan ng Pilipino.

Sa sinulat kong blog post noong 2016 tungkol sa aking karanasan sa kampanya ni Leni sa pagka-bise presidente, binanggit ko na ang isang aral na natutunan ko sa kanya ay ang pagiging mapagkumbaba. Siya bilang ating Pangalawang Pangulo ay naging buhay na paalala na kahit anong mangyari, lagi tayong mag-aabot ng kamay sa ating kapwang nangangailangan. Pinapakita niya sa atin na kahit ano pang paninira ng mga tao, huwag natin kakalimutan na ituloy ang mabubuting bagay, lalo na’t ito’y makakatulong sa ating mga kababayan.

Anim na taon ang lumipas. Hindi nagbago si Leni sa kung ano siya bago siya tumakbo: patuloy siyang naging malapit sa tao at patuloy niyang kinaya ang lahat para sa ating mga Pilipino. Isa ako sa magpapatotoo nito. At dahil sa kanyang kababaang-loob bilang lingkod bayan, ito mismo ang naging unang hakbang ng mga taong sumuporta sa kanyang kandidatura: magpakababa at gumawa ng kabutihan.

Sa kauna-unahang pagkakataon sa kasaysayan ng pulitika sa bansa sa napakatagal na panahon, may isang lingkod bayan na nagpausbong sa napakaraming Pilipino ng kabutihan na nagbunga ng makahulugang pagkilos – ang tinatawag nilang “Pink Movement”.

Bagaman nasa ilalim ng kulay rosas ang kampanya ay pinatunayan ni Leni na kung magkakaroon ng #GobyernongTapat ay siguradong #AngatBuhayLahat… at ang lahat ng ito ay magsisimula sa pagmamahal at kabutihan sa ating kapwa. Naniniwala si Leni na kakalat ang kabutihang ito sa napakaraming tao, anuman ang kanyang kulay sa pulitika o paniniwala. At di kalaunan, gagawa ito ng magandang pagbabago sa ating bayan.

Malungkot man dahil hindi siya nagtagumpay sa halalan, ika nga ng extended version ng Rosas, “hindi tayo nabigo”. Dahil kay Leni, nakita natin na may pag-asa pa rin ang Pilipinas kung pipiliin nating gumawa ng mabuti araw-araw. Hindi man natin nakamit ang pangarap na kulay rosas na Pilipinas, marahil, sa iba pang paraan at pagkakataon sa labas ng Malacañang ay magbunga ang pagtatanim natin ng mga binhi ng rosas saan man tayo mapadpad.

Malungkot man sa akin at sa milyon-milyong naglaan ng kahit anong magagawa para sa bayan, kung titingnan man sa ibang anggulo ay may natikman akong pagkapanalo sa pagtaya ko sa Leni. Nanalo ako dahil tumaya ako at tumindig sa tamang panig ng kasaysayan na kaya kong ipagmalaki sa mga susunod na henerasyon ng aking pamilya.

“Hangga’t may kabutihan, hangga’t may pag-ibig, liwanag ang mananaig.”
(Rosas, Nica del Rosario, 2022)

#LetLeniLead

cropped-article-stoper.png

2021 YEARENDER: Old Normal, New Directions

2015-category-title-tambuli copy2021-YEARENDER

Pare-parehong bumagal ang mundo natin noong 2020, kaya pihado akong marami sa atin ang bumawi ngayong 2021. Hindi nagbago ang gawi ng mga tao, pero dahil malaki ang ginawang gulo ng COVID-19 sa sangkatauhan, hindi maiiwasang maraming plano ang nabago, ginusto man natin o hindi. Kung ako ang tatanungin, hindi ko masasabing mabilis akong naka-recover sa trauma na dinulot ng pandemya. Hindi ko rin masasabing nabubuhay na ako sa new normal dahil parang ganoon pa rin ang pakiramdam ng mundo sa akin. Pero sa kabila niyon, may mga kakaibang biyaya na dinala ang Diyos sa akin ngayong taon na – kagulat-gulat – ay bumuo ng panibagong daan sa buhay ko at huhulma ng panibagong ako sa darating na panahon.

Ito ang pang-labindalawang Yearender ko. Kung ikukumpara sa nakalipas na taon ay mas masarap balik-balikan, kahit pa sinusubok na ng utak ko ang aking memorya. Magkagayunman, hindi ko hahayaang tibagin ng mahirap na pag-alala ang pagbabalik-tanaw sa napakasayang 2021 – isang taon na hindi ko makakalimutan kailanman.

Pananampalataya

Iba pa rin ang pakiramdam ng paglilingkod sa ating Panginoon. Isang karangalan at biyaya na naging bahagi ako ng Parokya ng Binondo at makapaglingkod sa Minor Basilica and National Shrine of San Lorenzo Ruiz bilang in-charge ng kanilang social communications.

Ang misyong ito ng pagbabahagi ng Salita ng Diyos at ng debosyon sa kauna-unahang Pilipinong santo ang masasabi kong pinakamahalagang adbokasiyang ginagawa ko na kahit papaano’y nagkakaroon ng bunga hindi lang sa paglawak ng presensya ni San Lorenzo Ruiz sa social media kundi sa lalong paglago ng papuri at pag-ibig natin sa ating Panginoong Hesukristo.

Pagkakataon

Sa kabila ng mga limitasyon gawa ng kasalukuyan nating sitwasyon ngayon, masuwerte pa rin ako na mabigyan ng mga pagkakataon na magawa ang mga bagay sa kauna-unahang pagkakataon.

Isang makasaysayan at ginintuang oportunidad na maging isa sa mga punong-abala sa parokya para sa selebrasyon ng ika-500 anibersaryo ng Kristiyanismo sa Pilipinas. Gamit ang social media, naipakita ng Basilika ang pagiging bahagi ng Binondo sa pag-unlad ng ating pananampalataya sa nakalipas na limang siglo. Dahil dito ay marami ring nagbukas na mga first time na hindi ko rin inakala na mangyayari.

Maraming hindi naniniwala kapag sinasabi kong dumating ang panahong kinailangan kong tumira sa kumbento ng Binondo. Ito ay para magtuloy-tuloy ang paghahanda namin para sa mahabang kapistahan ng Binondo noong Setyembre hanggang Disyembre. May mga ilang beses na rin akong natulog doon tuwing Sabado ng gabi para makapaghanda sa mga Misa ng Linggo.

Simbahan din ang naging daan upang makapaglingkod sa Diyos gamit ang isa pang talento na ibinigay Niya sa akin – ang pagsusulat. Bagaman lagi akong nakakagawa ng mga artikulo sa offficial social media ng Binondo Church ay isang biyaya na makapagsulat para sa mas malaking Simbahan bilang contributing writer sa Office of Communications ng Archdiocese of Manila. Mula Abril ay nakagawa na ako ng mahigit 43 write-ups tungkol sa mga homiliya, lalo na ng dating Apostolic Administrator ng Maynila at ng kasalukuyang pinuno ng Apostolic Vicariate of Taytay na si Bishop Broderick Pabillo, ni dating Manila Archbishop Luis Antonio G. Cardinal Tagle at ilang mahahalagang okasyon tulad ng pagkakatalaga sa bagong Arsobispo ng Maynila, Jose F. Cardinal Advincula.

At isa pang mas nakakatuwang pagkakataon ay dala rin ng Simbahan dahil dumating sa pamilya namin ang pusang si Simba. Minsan, iniisip ko na reward sa akin ng Diyos si Simba bilang siya ay alaga ng Basilica. Siya ang unang pusang napalapit at napamahal sa akin kaya hindi rin naging ganoon kahirap sa kanya na makasama natin sa aming mumunting tahanan.

Naging pagkakataon din ang 2021 para makakilala ng maraming tao na kalaunan ay naging mga bagong kaibigan, mga kaibigan na matagal nang hindi nakita, mga lugar na matagal na hindi napuntahan at mga lugar na first time kong napuntahan.

Pakikipagsapalaran

Akala ko ay hindi pa ako makakalabas ng Binondo ngayong taon gawa ng pandemya. Pero maraming salamat sa mga kaibigan na handang maglayas sa kalunsuran, magliwaliw at i-enjoy ang katahimikan ng kapaligiran.

Nag-umpisa ang 2021 sa pamamasyal sa Tagaytay noong Enero pero dulo na ng Disyembre nang nasundan. Sulit naman dahil nakarating ako sa Calumbuyan Point sa Calatagan, Batangas at sa Guagua, Pampanga. At sa mga oras na ito, narito ako sa La Union at sasalubong sa 2022 sa harap ng karagatan at, sana, sa mas mapayapang katahimikan.

Sa tunog ng dagat, ihip ng hangin at huni ng mga ibon, naramdaman ko na mayroon pa rin talagang kapayapaan sa ating buhay. Matuto lang tayong prumeno at maglibot para makakita ng mga paraisong magbibigay sa atin ng pahinga.

Panibagong Panimula

Noong isang taon ay umalis ako sa propesyong akala ko ay magiging propesyon ko na hanggang tumanda. Kahit stressful ang trabahong iyon ay binigyan ako nito ng maraming karanasan at karunungan lalo na sa paglilingkod-bayan. Sa kabilang banda, ang pag-alis ko doon ay nagdulot ng kaginhawaan sa puso at utak ko, at sa mga buwan na nawala ako, kahit mahirap sa aspetong pinansyal ay pakiramdam ko ay nawalan ako ng tinik sa dibdib.

Pero sabi nga nila, kapag kailangan ka ng bayan, ang tadhana mismo ang maglalapit sa’yo sa anumang paraan para makatulong ka sa bayan. Nabigyan muli ako ng bagong simula para makapagbigay ng serbisyo upang makatulong sa mga pulitikong alam ko ay magiging mabuting instrumento ng pagbabago sa ating bansa. Isa na rito, siyempre, ang ating minamahal na Vice President Leni Robredo.

Hindi naman ako tumigil na suportahan siya, ngunit sa pagbabago ng anyo ng laban, isang bagong panimula ang tatahakin ng tulad kong Dilawan bilang isang KAKAMPINK. Mas malaki ang hamon ito para maibalik ang kaayusan sa ating gobyerno lalo na ngayong paparating na eleksyon. Pero tulad ng marami, naniniwala ako na ang pinakaepektibong sandata upang makaahon tayo sa guho ng pandemya at maruming pulitika ay kabutihan, gaano man ito kalaki o kaliit. Sa pamamagitan ni VP Leni, ang Dilawang naging Kakampink ay gagalaw sa personal kong kapasidad upang maipanalo ang kabutihan laban sa karahasan ng mga berdugo at pananamantala ng mga magnanakaw at mandarambong.

Pasasalamat

Hindi magiging posible ang napakakulay na 2021 dahil sa maraming tao na naging dahilan nito at taos-puso ko silang pinapasalamatan.

Maraming salamat sa mga bumubuo ng Minor Basilica of San Lorenzo Ruiz: kina Fr. Andy, Fr. Sigfred, Fr. Joaquim, Fr. Andre, Rev. Norman, Achi Diana, Sis. Beth, Sis. Connie, Kuya Zardo, Jophet, Kuya Kahoy, Hazel, Ate Missy, Ate Beck, Ate Joy at sa lahat ng mababait na tao sa kumbento at Parish Office.

Maraming salamat, Ate Jheng Prado at sa lahat ng mga bagong kaibigan ko sa Archdiocesan Office of Communications.

Maraming salamat, Geil, Ate Nini, Livi, Niña, Jeff, Kuya Gelo, Herzon, Ate Annie, Ayhie, Atty. Garreth at sa lahat ng mga kasama ko sa exciting na laban para sa 2022.

Maraming salamat, Nona Nicolette sa unconditional love and friendship.

Maraming salamat sa mga kaibigang hindi nawawala sa sirkulasyon kahit pare-pareho kaming busy: Rio, Shalom, Nica, Josh, Kevin, Monique, Ken.

Maraming salamat sa mga kaibigang hindi nawawala ang presensya sa chat man o sa social media at dinadasal kong magkita-kita tayo soon: Samantha, Innah, LJ, Cyleen, Tracy, Kurt, Ate Elsa, Kuya Ernest, Nathan, Nate, Mike.

Maraming salamat sa mga bagong kaibigan na nagbukas ng maraming kaalaman, aral at realization: Anton, Andre, Hillel, Jhiro, Ate Shery,

Maraming salamat, dating Konsehal Niño dela Cruz at Vice President Leni Robredo sa tuloy-tuloy na inspirasyon para sa ating bayan.

Maraming salamat sa aking pamilya: sa aking Nanay, kay Kuya Jo, Kuya Abet, Kuya Ramon, Ate Airine, Rmon at sa mga bunso naming sina Bruce, Kobe at Simba.

Maraming salamat kay Tatay, Bruce Laki, Bruce Liit, Bunny at Lucky na lagi kaming ginagabayan mula sa Langit.

Maraming salamat, iniirog kong Maynila, dahil sa patuloy mong pag-ahon ay wala kang sawa sa pagpapakita ng katotohanan at inspirasyon sa Manileñong lubos na nagmamahal sa iyo. Hinding-hindi ka mawawala sa aking gunita.

Higit sa lahat, maraming salamat, Panginoong Hesukristo, aming Inang Birhen ng Santo Rosario at Pronto Socorro, Sto. Niño de Tondo, Mother Ignacia at San Lorenzo Ruiz. Hindi ko po alam kung bakit ako naging karapat-dapat sa napakaraming regalong inyong ibinigay sa akin ngayong 2021. Pero buong puso po akong nagpapasalamat dahil nananatili kaming maayos, malusog, payapa at masaya. Sa aking munting pamamaraan ay ibinabalik ko po ang lahat ng biyaya para sa karangalan at pasasalamat sa Iyo.

Panalangin

 

Ama naming nasa Langit, isa na naman pong taon ang magwawakas. Nawa’y patawarin Mo po ako sa aking mga kasalanan sa pamamagitan ng Iyong walang hanggang pagmamahal at biyaya.

Patuloy Mong protektahan sa anumang kapahamakan ang aking pamilya at mga kaibigan. Patuloy Mo akong gabayan sa mga ginagawa ko sa araw-araw. Patuloy Mong biyayaan ang mahal naming bayan, lalo na ang iniibig kong kabisera.

Ako ay Iyong lingkod, Ama. Lahat ng tagumpay, pagkabigo, kaligayahan, kalungkutan at walang katumbas na pag-ibig mula sa lahat ng aking nakakasalamuha ay inihahandog ko po sa Iyo. Hindi po ako perpekto. Makasalanan ako. Ngunit bigyan Mo po ako ng puwang sa Iyong paraiso.

Lahat ng ito ay idinadalangin at itinataas sa Iyo, sa tulong ng mga panalangin ng Ina ng inyong Anak na si Hesus, ang mahal naming Maria, sa ngalan ng Espiritu Santo. Amen.

Tuloy ang buhay, tuloy ang paglalakbay.
Maligayang bagong taon sa ating lahat. Maligayang pagdating, 2022!

cropped-article-stoper.png

Kung Mangarap Ka’t Magising

(Ang pamagat ay kahalintulad sa isang pelikulang idinerehe ni Mike de Leon para sa LVN Pictures noong 1977 na kinatatampukan nina Christopher de Leon at Hilda Koronel. Walang kaugnayan ang laman ng sulating ito sa nasabing pelikula.)

Ang hukom at ang paaralang itinakda para sa kanyang dakilang pangalan.

Ang hukom at ang paaralang itinakda para sa kanyang dakilang pangalan.

Mahigit sampung taon na ang nakalilipas nang magtapos ako sa Jose Abad Santos High School sa Binondo. Aaminin ko, walang kasing saya ang naramdaman ko nang humakbang ako sa entablado, kunin ang rolyo ng papel na kunwari’y diploma at sinaksihan ang seremonyang simbulo ng pagwawakas ng kabanatang gusto ko sanang kalimutan. May mga malalapit sa akin ang nakakaalam kung gaano naging “makulay” ang buhay ko sa loob ng apat na taon na iyon. Tumuntong ako sa kolehiyo na pilit inaalis sa isip ang mga naranasan ko noong high school. Pero nanatili ang maliliit na multong nagbigay sa akin ng takot at pag-aalinlangan habang tinutuloy ang aking buhay-estudyante. Dumaan ang panahong hindi ko namamalayang ang mga sugat na iyon ay nagsilbing lakas ko sa mga nalagpasang pagsubok. Nang mapagtanto ko ito, tila gusto ko nang maalala nang paulit-ulit ang mga ito tulad ng isang libro ng kasaysayan kung saan ang mga pahina ng digmaan ay walang sawang binabalik-balikan.

Nitong Linggo lang ay muli kong binuklat ang kopya ko ng high school yearbook. Muli ko itong naalala noong Sabado habang kausap ang isa sa matatalik kong kaibigan at naisip ang isang bagay tungkol dito. Isa sa pinakadulong pahina ng yearbook ay ang “class prophecy”, isang kuwentong regular na sinusulat ng isa sa mga mag-aaral ng “Section One” para sa nasabing lathalain. Nasasaad dito ang kanyang panaginip – isang class reunion na magaganap, maraming taon pagkatapos ng graduation. Magarbo ang setting, lahat ng kanyang mga kasama sa maituturing na “star section” ay may magagandang kinalalagyan sa lipunan at higit sa lahat, nagkatuluyan ang mga magkasintahan na parang fairy tale… at may bonus pang mga anak! Ngunit natapos ang istorya sa realidad – nagising ang tagapagsalaysay sa loob ng kanilang classroom, sa paninita ng kanilang adviser dahil sa ingay ng kanyang mga kaklase.

Tunay ngang napakagandang panaginip, napakagandang mga pangarap na nagwakas sa hindi magandang paggising.

Lagi kong binabasa ang class prophecy mula pa noong natanggap ko ang yearbook ko… kahit hindi naman ako nabanggit doon. Pero natatandaan ko na sumulat din ako ng sarili kong class prophecy kung saan ang mga kaibigan ko (at ako) ang bida. Badtrip lang dahil hindi ko na ito mahanap. Sinulat ko iyon noong lahat kami ay nasa kolehiyo na’t medyo nakahanay sa tunay naming buhay noong panahong iyon ang takbo ng istorya. Hindi ko ito nilagay sa akto ng panaginip kundi sa konsepto ng aming kakayanan bilang mga taong ang gusto lang ay maging masaya sa simpleng buhay. Dati kasi’y nagsawa akong mangarap at natakot na magising sa wala, kaya madali kong natanggap na ang pangarap ay matutupad kapag nasa ulirat ka.

Sa aking pagkakatanda, karamihan sa mga ito’y nagkatotoo, pero ang iilan (kasama ang sa akin) ay hindi nangyari. Sa kabila niyon, tulad ng mga hindi natupad ang tadhana sa class prophecy, porke’t hindi nagkatotoo ang hula ay hindi na naging “maganda” ang kani-kanilang buhay. Maituturing ko ang sarili ko na kapareho ng tadhana nila.

Hindi man ako nag-ambisyon para sa aking sarili, ang pangarap ko sa mga tao at senaryo sa paligid ko ay natupad naman. Dito’y namulat akong masaya dahil parang pangarap ko na rin ang naisakatuparan. Dito ko rin napagtantong hindi pala dapat tayo tumigil sa pangangarap. Magising man tayo sa sitwasyong hindi natin inaasahan, isipin natin na isa itong paraan ng tadhana upang maging daan kung para tayo sa gusto nating mangyari. Pagdating ng tamang panahon, malalaman natin kung ang pangarap na iyon ay para sa atin o isang aral lamang na sapat para ating matutunan.