2021 YEARENDER: Old Normal, New Directions

2015-category-title-tambuli copy2021-YEARENDER

Pare-parehong bumagal ang mundo natin noong 2020, kaya pihado akong marami sa atin ang bumawi ngayong 2021. Hindi nagbago ang gawi ng mga tao, pero dahil malaki ang ginawang gulo ng COVID-19 sa sangkatauhan, hindi maiiwasang maraming plano ang nabago, ginusto man natin o hindi. Kung ako ang tatanungin, hindi ko masasabing mabilis akong naka-recover sa trauma na dinulot ng pandemya. Hindi ko rin masasabing nabubuhay na ako sa new normal dahil parang ganoon pa rin ang pakiramdam ng mundo sa akin. Pero sa kabila niyon, may mga kakaibang biyaya na dinala ang Diyos sa akin ngayong taon na – kagulat-gulat – ay bumuo ng panibagong daan sa buhay ko at huhulma ng panibagong ako sa darating na panahon.

Ito ang pang-labindalawang Yearender ko. Kung ikukumpara sa nakalipas na taon ay mas masarap balik-balikan, kahit pa sinusubok na ng utak ko ang aking memorya. Magkagayunman, hindi ko hahayaang tibagin ng mahirap na pag-alala ang pagbabalik-tanaw sa napakasayang 2021 – isang taon na hindi ko makakalimutan kailanman.

Pananampalataya

Iba pa rin ang pakiramdam ng paglilingkod sa ating Panginoon. Isang karangalan at biyaya na naging bahagi ako ng Parokya ng Binondo at makapaglingkod sa Minor Basilica and National Shrine of San Lorenzo Ruiz bilang in-charge ng kanilang social communications.

Ang misyong ito ng pagbabahagi ng Salita ng Diyos at ng debosyon sa kauna-unahang Pilipinong santo ang masasabi kong pinakamahalagang adbokasiyang ginagawa ko na kahit papaano’y nagkakaroon ng bunga hindi lang sa paglawak ng presensya ni San Lorenzo Ruiz sa social media kundi sa lalong paglago ng papuri at pag-ibig natin sa ating Panginoong Hesukristo.

Pagkakataon

Sa kabila ng mga limitasyon gawa ng kasalukuyan nating sitwasyon ngayon, masuwerte pa rin ako na mabigyan ng mga pagkakataon na magawa ang mga bagay sa kauna-unahang pagkakataon.

Isang makasaysayan at ginintuang oportunidad na maging isa sa mga punong-abala sa parokya para sa selebrasyon ng ika-500 anibersaryo ng Kristiyanismo sa Pilipinas. Gamit ang social media, naipakita ng Basilika ang pagiging bahagi ng Binondo sa pag-unlad ng ating pananampalataya sa nakalipas na limang siglo. Dahil dito ay marami ring nagbukas na mga first time na hindi ko rin inakala na mangyayari.

Maraming hindi naniniwala kapag sinasabi kong dumating ang panahong kinailangan kong tumira sa kumbento ng Binondo. Ito ay para magtuloy-tuloy ang paghahanda namin para sa mahabang kapistahan ng Binondo noong Setyembre hanggang Disyembre. May mga ilang beses na rin akong natulog doon tuwing Sabado ng gabi para makapaghanda sa mga Misa ng Linggo.

Simbahan din ang naging daan upang makapaglingkod sa Diyos gamit ang isa pang talento na ibinigay Niya sa akin – ang pagsusulat. Bagaman lagi akong nakakagawa ng mga artikulo sa offficial social media ng Binondo Church ay isang biyaya na makapagsulat para sa mas malaking Simbahan bilang contributing writer sa Office of Communications ng Archdiocese of Manila. Mula Abril ay nakagawa na ako ng mahigit 43 write-ups tungkol sa mga homiliya, lalo na ng dating Apostolic Administrator ng Maynila at ng kasalukuyang pinuno ng Apostolic Vicariate of Taytay na si Bishop Broderick Pabillo, ni dating Manila Archbishop Luis Antonio G. Cardinal Tagle at ilang mahahalagang okasyon tulad ng pagkakatalaga sa bagong Arsobispo ng Maynila, Jose F. Cardinal Advincula.

At isa pang mas nakakatuwang pagkakataon ay dala rin ng Simbahan dahil dumating sa pamilya namin ang pusang si Simba. Minsan, iniisip ko na reward sa akin ng Diyos si Simba bilang siya ay alaga ng Basilica. Siya ang unang pusang napalapit at napamahal sa akin kaya hindi rin naging ganoon kahirap sa kanya na makasama natin sa aming mumunting tahanan.

Naging pagkakataon din ang 2021 para makakilala ng maraming tao na kalaunan ay naging mga bagong kaibigan, mga kaibigan na matagal nang hindi nakita, mga lugar na matagal na hindi napuntahan at mga lugar na first time kong napuntahan.

Pakikipagsapalaran

Akala ko ay hindi pa ako makakalabas ng Binondo ngayong taon gawa ng pandemya. Pero maraming salamat sa mga kaibigan na handang maglayas sa kalunsuran, magliwaliw at i-enjoy ang katahimikan ng kapaligiran.

Nag-umpisa ang 2021 sa pamamasyal sa Tagaytay noong Enero pero dulo na ng Disyembre nang nasundan. Sulit naman dahil nakarating ako sa Calumbuyan Point sa Calatagan, Batangas at sa Guagua, Pampanga. At sa mga oras na ito, narito ako sa La Union at sasalubong sa 2022 sa harap ng karagatan at, sana, sa mas mapayapang katahimikan.

Sa tunog ng dagat, ihip ng hangin at huni ng mga ibon, naramdaman ko na mayroon pa rin talagang kapayapaan sa ating buhay. Matuto lang tayong prumeno at maglibot para makakita ng mga paraisong magbibigay sa atin ng pahinga.

Panibagong Panimula

Noong isang taon ay umalis ako sa propesyong akala ko ay magiging propesyon ko na hanggang tumanda. Kahit stressful ang trabahong iyon ay binigyan ako nito ng maraming karanasan at karunungan lalo na sa paglilingkod-bayan. Sa kabilang banda, ang pag-alis ko doon ay nagdulot ng kaginhawaan sa puso at utak ko, at sa mga buwan na nawala ako, kahit mahirap sa aspetong pinansyal ay pakiramdam ko ay nawalan ako ng tinik sa dibdib.

Pero sabi nga nila, kapag kailangan ka ng bayan, ang tadhana mismo ang maglalapit sa’yo sa anumang paraan para makatulong ka sa bayan. Nabigyan muli ako ng bagong simula para makapagbigay ng serbisyo upang makatulong sa mga pulitikong alam ko ay magiging mabuting instrumento ng pagbabago sa ating bansa. Isa na rito, siyempre, ang ating minamahal na Vice President Leni Robredo.

Hindi naman ako tumigil na suportahan siya, ngunit sa pagbabago ng anyo ng laban, isang bagong panimula ang tatahakin ng tulad kong Dilawan bilang isang KAKAMPINK. Mas malaki ang hamon ito para maibalik ang kaayusan sa ating gobyerno lalo na ngayong paparating na eleksyon. Pero tulad ng marami, naniniwala ako na ang pinakaepektibong sandata upang makaahon tayo sa guho ng pandemya at maruming pulitika ay kabutihan, gaano man ito kalaki o kaliit. Sa pamamagitan ni VP Leni, ang Dilawang naging Kakampink ay gagalaw sa personal kong kapasidad upang maipanalo ang kabutihan laban sa karahasan ng mga berdugo at pananamantala ng mga magnanakaw at mandarambong.

Pasasalamat

Hindi magiging posible ang napakakulay na 2021 dahil sa maraming tao na naging dahilan nito at taos-puso ko silang pinapasalamatan.

Maraming salamat sa mga bumubuo ng Minor Basilica of San Lorenzo Ruiz: kina Fr. Andy, Fr. Sigfred, Fr. Joaquim, Fr. Andre, Rev. Norman, Achi Diana, Sis. Beth, Sis. Connie, Kuya Zardo, Jophet, Kuya Kahoy, Hazel, Ate Missy, Ate Beck, Ate Joy at sa lahat ng mababait na tao sa kumbento at Parish Office.

Maraming salamat, Ate Jheng Prado at sa lahat ng mga bagong kaibigan ko sa Archdiocesan Office of Communications.

Maraming salamat, Geil, Ate Nini, Livi, Niña, Jeff, Kuya Gelo, Herzon, Ate Annie, Ayhie, Atty. Garreth at sa lahat ng mga kasama ko sa exciting na laban para sa 2022.

Maraming salamat, Nona Nicolette sa unconditional love and friendship.

Maraming salamat sa mga kaibigang hindi nawawala sa sirkulasyon kahit pare-pareho kaming busy: Rio, Shalom, Nica, Josh, Kevin, Monique, Ken.

Maraming salamat sa mga kaibigang hindi nawawala ang presensya sa chat man o sa social media at dinadasal kong magkita-kita tayo soon: Samantha, Innah, LJ, Cyleen, Tracy, Kurt, Ate Elsa, Kuya Ernest, Nathan, Nate, Mike.

Maraming salamat sa mga bagong kaibigan na nagbukas ng maraming kaalaman, aral at realization: Anton, Andre, Hillel, Jhiro, Ate Shery,

Maraming salamat, dating Konsehal Niño dela Cruz at Vice President Leni Robredo sa tuloy-tuloy na inspirasyon para sa ating bayan.

Maraming salamat sa aking pamilya: sa aking Nanay, kay Kuya Jo, Kuya Abet, Kuya Ramon, Ate Airine, Rmon at sa mga bunso naming sina Bruce, Kobe at Simba.

Maraming salamat kay Tatay, Bruce Laki, Bruce Liit, Bunny at Lucky na lagi kaming ginagabayan mula sa Langit.

Maraming salamat, iniirog kong Maynila, dahil sa patuloy mong pag-ahon ay wala kang sawa sa pagpapakita ng katotohanan at inspirasyon sa Manileñong lubos na nagmamahal sa iyo. Hinding-hindi ka mawawala sa aking gunita.

Higit sa lahat, maraming salamat, Panginoong Hesukristo, aming Inang Birhen ng Santo Rosario at Pronto Socorro, Sto. Niño de Tondo, Mother Ignacia at San Lorenzo Ruiz. Hindi ko po alam kung bakit ako naging karapat-dapat sa napakaraming regalong inyong ibinigay sa akin ngayong 2021. Pero buong puso po akong nagpapasalamat dahil nananatili kaming maayos, malusog, payapa at masaya. Sa aking munting pamamaraan ay ibinabalik ko po ang lahat ng biyaya para sa karangalan at pasasalamat sa Iyo.

Panalangin

 

Ama naming nasa Langit, isa na naman pong taon ang magwawakas. Nawa’y patawarin Mo po ako sa aking mga kasalanan sa pamamagitan ng Iyong walang hanggang pagmamahal at biyaya.

Patuloy Mong protektahan sa anumang kapahamakan ang aking pamilya at mga kaibigan. Patuloy Mo akong gabayan sa mga ginagawa ko sa araw-araw. Patuloy Mong biyayaan ang mahal naming bayan, lalo na ang iniibig kong kabisera.

Ako ay Iyong lingkod, Ama. Lahat ng tagumpay, pagkabigo, kaligayahan, kalungkutan at walang katumbas na pag-ibig mula sa lahat ng aking nakakasalamuha ay inihahandog ko po sa Iyo. Hindi po ako perpekto. Makasalanan ako. Ngunit bigyan Mo po ako ng puwang sa Iyong paraiso.

Lahat ng ito ay idinadalangin at itinataas sa Iyo, sa tulong ng mga panalangin ng Ina ng inyong Anak na si Hesus, ang mahal naming Maria, sa ngalan ng Espiritu Santo. Amen.

Tuloy ang buhay, tuloy ang paglalakbay.
Maligayang bagong taon sa ating lahat. Maligayang pagdating, 2022!

cropped-article-stoper.png

2020 YEARENDER: Back to Square One

2015-category-title-tambuli copy2020-YEARENDER

Marami ang nagsasabi na ang 2020 ang taong pinakamahirap na balik-tanawan. May ibang ayaw nang makaalala dahil sadyang masakit lingunin ulit. Pero dito papasok ang primary sense ng kasaysayan – maganda man o trahedya, dapat itong itala para magsilbing imbakan ng mga bagay na pwedeng pagkuhanan ng aral o inspirasyon sa kinabukasan.

Ito ang pang-labing-isang Yearender ko, isang tradisyon na sa pagkakataong ito’y hirap na hirap akong himayin. May mga pangako ang 2020, ngunit dahil sa pandemya ay sunod-sunod na nalusaw. Lagi nilang sinasabi na “new normal”, ngunit sa tingin ko naman ay hindi. Kung titingnan pa natin ito sa mas makatotohanang pananaw, ang nangyari sa ating lahat ay pwersahang pagbabalik sa atin sa mas payak na buhay na mahirap para sa marami sa ating may nabuo nang direksyon.

Ika nga nila: we’re back to square one.

Breakdown

88 araw akong nasa loob ng bahay. Sa loob ng humigit-kumulang tatlong buwan ay wala pang isang oras akong nasa labas ng aming tahanan ng simulang ipatupad ang enhance community quarantine (ECQ) noong Marso. It’s either may kukunin akong delivery sa tapat ng bahay o yung kinuha ko ang bago kong phone dahil sa renewal ng aking plan.

Hindi ako home buddy. Distraction ang work from home, pero kahit ito ay pinagmumulan din ng stress na hindi nakabuti sa mental health ko. Mahirap aminin at ipaliwanag ang ganitong kondisyon sa marami, pero minsan, wala naman kailangang ipaunawa sa iba lalo na kung sila rin ang nagdudulot ng depresyon sa akin. Ito na yata ang taon na ilang beses akong umiyak sa isang sulok. Basta gusto ko lang umiyak.

Na-lift ang ECQ sa mga unang araw ng June at nakalabas ako ng June 11. Robinson’s Place Manila ang una kong pinuntahan para bumili ng mouse at paborito kong kape. Walang kasing-sarap ng pakiramdam ng kalayaan. Pero kahit natapos ang lockdown ay doon lumabas ang napakaraming realization. May dalawang mahalagang bagay akong napagtanto: ang lakas ay hindi ginagamit sa lahat ng pagkakataon para maipakitang malakas ka, at hindi ka maliligtas ng pera sa lahat ng klase ng kabaliwan.

Ang lockdown ang nagsilbing preno sa akin para lumingon sa direksyong mas makakahinga ako nang maayos at mananatiling buhay. Hindi ito ang direksyong nabuo ko sa aking isipan noon, pero para sa akin ay mas mabuti ito para manatiling buhay at may pag-asa. Hindi pa tapos ang pandemya, pero kahit papaano ay nakalaya na ako sa pagkakasakal ng mga pagkakataon.

Shutdown

Personal sa akin ang nangyari sa ABS-CBN. Masakit sa puso ang pagkawala ng Channel 2 at dzMM sa ere noong May 5 at lalo nitong naapektuhan ang pag-iisip at pakiramdam kong pinalala ng pandemya.

Hindi kaila sa mga malalapit sa akin ang pagiging Kapamilya ko mula noon. Hindi ako nahihiyang ipangalandakan na hinubog ng ABS ang pagkatao ko at ang talento ko. Hindi ako empleyado ng Kapamilya network, pero bilang batang lumaki sa harap ng telebisyon, batid ko na sila ay parte rin ng aking pamilya at karapat-dapat na ipaglaban kahit pa sa gitna ng lansangan.

July 18, Sabado, ilang araw pagkatapos patayin ng Kongreso ni Duterte ang prangkisa ng network, sa kabila ng banta ng virus ay kasama ako sa daan-daang nagprotesta sa harap ng Broadcast Center. Hindi lang ito para magbigay-simpatiya kundi upang ipakita rin ang pagmamahal sa lahat ng bumubuo ng ABS-CBN. Maaaring nabigo ang mga Kapamilya na makabalik sa telebisyon at radyo ng mas maraming Pilipino, pero kahit papaano ay mas dumami ang sumuporta sa tila pagkalat ng lahat ng elemento ng Kapamilya, lalo na sa online.

Dahan-dahang nakakabalik ang ABS-CBN, pero hindi nito dapat matakpan ang kasalanan ng 70 kongresista na nagkait sa prangkisa ng network. Hindi nito dapat matakpan ang kasalanan ng mga gahamang sinamantala ang kahinaan ng istasyon para itulak ang kanilang mga pulitikal na agenda. Hindi mabubura ang ginawa ng gobyerno sa malayang media na lakas ng mamamayang patuloy na pinapahirapan ng kanilang kapalpakan.

Goodbye

Hindi madaling magpaalam sa taong naging inspirasyon mo sa matagal na panahon. Pero mas mahirap na magpaalam sa taong hindi mo inaasahang mawala sa gitna ng ganitong mapanubok na panahon.

Nakakadurog ng puso ang pagpanaw ni dating Manila Mayor Alfredo Lim. Isa siya sa masasabi kong iilan na nag-iwan ng maraming alaala ng aking kabataan at parang lolo na rin ang turing ko sa kanya. Namatay siya noong August 8 dahil sa komplikasyong dulot ng COVID-19, at para sa taong nagpapakita ng lakas ng pangangatawan sa gitna ng katandaan, nakakalungkot na pandemya pa ang kumuha sa kanya.

Sa kabila ng panibagong community quaratine ay nakadalaw pa rin ako sa kanyang burol sa kanyang tahanan sa Tundo. Ang dating makisig na Ama ng Maynila ay nasa loob na ng berdeng urn, isa nang abo at napapalibutan ng mga bulaklak at mga larawang magsisilbing naiwang mukha ng isang mabuting lider ng kabisera. Magkagayunman, masaya ako na kahit papaano’y nasaluduhan ko siya at nakapagpasalamat sa lahat sa huling pagkakataon.

Bicol/Baguio

Dulo-dulo sa loob ng iisang Enero. Hindi naman totally nasira ng 2020 ang buhay ko. At least, bago niya sirain ay nakabuo pa ako ng dalawang masayang out-of-town adventure.

Nasa Baguio ako sa unang mga araw ng taon. Memorable ang biyaheng ito dahil unang beses kong mag-isang umakyat (dahil nauna sila) at first time kong tumayo sa bus pababa sa loob ng mahigit anim na oras (sa bandang Tarlac na ako nakaupo).

Nasa Naga naman ako ng mga kalagitnaan ng January dahil sa kasal ng isang kaibigan at dating kaopisina. Matagal-tagal din akong hindi nakapagsuot nang pormal at hindi ko naman gagawin iyon kung hindi required. At ang favorite ko sa trip na ito ay ang pagligo sa hot spring sa paanan ng Mount Isarog na isang active volcano.

Lem Santiago Vlog

Tawagin nyo akong late bloomer, pero ngayong taon ay – sa wakas – nagkaroon ako ng oras para gumawa ng video blog o vlog. Hindi halata pero mahiyain ako sa harap ng camera, pero sinubukan kong harapin ang takot. Nakadalawa lang ako mula nang nagsimula ako noong September dahil una, may mga ginagawa rin ako on the sidelines at, pangalawa, hindi madaling mag-edit ng vlog na may istorya.

Medyo mabagal ang pagbuo ko sa Lem Santiago Vlog sa YouTube dahil hindi ko rin alam kung mapaninindigan ko ito tulad ng paninindigan ko sa Aurora. Pero sabi ko nga, at least nandyan na yan at naka-standby. Bibilis yan kapag handang-handa na akong sumikat. Hehe.

Lucky/Kobe

Dalawang cute dogs ang dumating sa pamilya namin itong umpisa ng taon. Ang isa ay si Lucky, shih tzu, na sobrang liit pa noon. Pero dahil mahina pa ay mabilis siyang nawala sa amin. Pero kahit saglit lang siya ay sobrang nadurog ang puso ko sa kanyang mabilis na paglisan.

Pero dumating ang ilang linggo ay isang makulit na French bulldog ang bumisita sa aming tahanan. Siya si Kobe, ang pinakamakulit na asong nakilala ko. Siya ang kasiyahan namin, kahit pa inaaway niya lagi ang isa pa naming baby na si Bruce at kahit napakagaling niyang sumira ng kanyang tali at iba pang mga gamit. Pero kahit ang gulo-gulo niya ay napakalambing niya kaya pwede na rin talaga na wala akong someone dahil kay Kobe pa lang ay solb na ako. Haha.

Comeback

May mga lugar na sabik kang balikan, pero dahil sa mabilis na takbo ng panahon ay kailangan mo siyang bitawan. Sa kabilang banda, may paraan ang tadhana para ibalik tayo sa mga lugar na ito. Alam kasi niya na dito mo matatagpuan ang kaligayahang hindi nabibigay ng mga materyal na bagay.

Binalik ako ng pandemyang ito sa Binondo Church. Kung dati ay tagapagpahayag ako ng Salita ng Diyos sa ibabaw ng altar ni San Lorenzo, ngayon naman ay ibinigay sa akin ang isang misyon para dalhin ang Parokya ng Binondo, hindi lang para sa mga nangungulila niyang deboto kundi sa buong mundo. Sisiw ang livestreaming sa akin, pero ang i-livestream ang isang religious activity ay isang malaking pagsubok. Hindi ito simpleng show o vlog kundi isang presentasyon ng imahe ng isang Minor Basilica. Mula graphics hanggang anggulo ng camera ay iniingatan dahil ang binabato mo sa himpapawid ay ang katuparan ng Panginoon at ng ating pananampalataya tungo sa kaligtasan.

At sa aking pagbabalik ay hindi lang pagtawid sa kinabukasan ang pinagkatiwala sa akin kundi ang paghuhulma sa kasaysayan nito. Sa isang istrukturang giniba ng giyera, hindi madali para sa Binondo na ipunin ang pira-piraso niyang istorya. Kaya sa pagdiriwang ng ika-500 taon ng Kristiyanismo sa Pilipinas sa 2021 ay napagbigyan akong tulungan ang Parokya na isulat ang istorya ng pananampalataya sa Binondo na ihahandog sa Inang Simbahan sa napakaimportanteng pagdiriwang ng Katolisismo sa ating bayan.

Salamat

Sa lahat ng sakit, hirap at lungkot na dinulot ng 2020 ay walang dahilan para hindi magpasalamat, lalo na sa mga taong nagpatunay na hindi mahahadlangan ng pandemya ang tunay na malasakit at pagkakaibigan.

Salamat, Sir Boom Enriquez sa pagtitiwala sa aking kakayahan sa loob ng humigit-kumulang tatlong taon.

Salamat, Geil Hernandez-Lonsania, Kuya Ely Lonsania, Nica Cordero, Josh Umlas, Monique Cabais, Kevin Magcalas sa pagkakaibigan kahit pa medyo magkakalayo na tayo ngayon.

Salamat, Rio Iwasaki, Nathan Figueroa at Rizza Duro sa mga random na kwentuhan na ay may kasamang foodtrip o kape.

Salamat, Nona Nicolette Bracia para sa mas matatag na pagkakaibigan. Ngayong may plus two ka na, ipinapangako kong magiging mas mabuti akong kaibigan sa isang magiging mabuting ina at ilaw ng tahanan.

Salamat, Kuya Ernest Perez, LJ Abadinas, Nathaniel Volckmann at Mike Shimamoto sa inspirasyon.

Salamat, Kurt Abalos, sa tulong nya sa akin sa Digital MNL at tinuturing kong kaibigan kahit hindi pa kami nagkikita nang personal gawa ng pandemic.

Salamat, Former Councilor Niño dela Cruz at Christine dela Cruz, Sir Robert and Ms. Lorraine Sylianteng ng First United Building at Rep. Janette Loreto Garin.

Salamat sa Minor Basilica and National Shrine of San Lorenzo Ruiz, kay Rector Rev. Fr. Andy Ortega Lim at kina Rev. Fr. Joseph Mary Sigfred Arellano at Rev. Fr. Joaquim Mascarrenhas sa muling pagtanggap sa akin na makapaglingkod sa mahal nating simbahan.

Salamat, Ate Tina Enclona, Achie Diana Lee, Ate Beck dela Cruz, Ate Joy Asancha, Ate Missy Villaruel, Noney Reyes, Jophet Moina, Kuya Zardo, Vincent Lopez, Hazel Drio, Kuya Kahoy, Tita Elizabeth Ngo at sa lahat ng mababait na parokyano ng Binondo na nagsisilbing masayang pangalawang tahanan at pangalawang pamilya sa akin.

Salamat sa aking pamilya, kay Kuya Jojo at Nanay, Kuya Ramon, Kuya Abet, Ate Airine, Rmon at sa mga bunso naming si Bruce at Kobe.

Salamat Tatay, Bruce Laki, Bruce Liit, Bunny at Lucky sa inyong patuloy na pagbabantay sa Paraiso ng ating Maykapal.

Salamat, iniirog kong Lungsod ng Maynila dahil nananatili kang maningning sa gitna ng kaguluhan sa ating bansa. Karangalan kong itanghal ka sa aking sariling pamamaraan.

Higit sa lahat, salamat sa ating Dakilang Lumikha, sa ating Panginoong Hesukristo, sa ating Inang Maria at sa aking mga patrong Sto. Niño de Tondo, San Lorenzo Ruiz de Manila, Nuestra Señora del Santissimo Rosario at Nuestra Señora del Pronto Socorro sa walang katumbas na paggabay, panalangin at pagpapala kahit pa hindi naging maganda ang magwawakas na taon sa marami. Ibinabalik ko po ang lahat ng parangal at papuri na posible lamang sa inyong Kadakilaan at Kaluwalhatian.

Panalangin

Ama naming Lumikha, maraming salamat po sa isa na namang magsasarang taon. Hindi madali ang pinagdaraanan namin, pero dahil sa Iyong pagmamahal ay hindi kami magsasawang lumaban sa hamon ng isang mapanubok na panahon.

Gabayan at pagpalain Mo ang aking pamilya, ang aking mga kaibigan at lahat ng taong nagmahal at naniwala sa payak kong kakayahan bilang tao. Manatili nawa silang malusog, lalo’t wala pang katiyakan ang mga susunod na buwan dahil sa pandemyang aming kinakaharap.

Lahat ng ito ay may dahilan, Panginoon, ngunit nananalig akong ito’y kakayanin namin dahil nariyan Ka bilang Talang Gabay ng aming buhay. Sa Iyong itinakdang panahon ay matatapos ang lahat ng ito at makikita rin namin ang kinabukasang Iyo nang iniadya.

Pagpalain mo ang Iyong masaganang Siyudad at Bayan. Alalayan mo ang aming mga pinuno, lalo na yaong mga naglilingkod nang walang pananamantala sa kahinaan ng Iyong sambayanan.

Batid ko po na mahirap magsimulang muli, Panginoon. Pero sa Inyong mapagpalang Kamay ay alalayan Mo akong bumuo muli ng isang panibagong kabanata sa isang panibagong direksyon. Kung saan Mo ako gustong dalhin ay susunod ako dahil sa Iyo ang tiwala at pananampalataya ko.

Ako’y iyong lingkod, Panginoon. Sa pagdating ng panibagong taon, gawin Mo akong instrumento ng Iyong kabutihang loob. Hindi ako perpekto. Makasalanan ako. Pero sana ay bigyan Mo ako ng pagkakataong maging kamay Mo sa anumang sitwasyon, saan man, kailan man.

Lahat ng ito ay aking dinarasal at itinataas sa Iyo, sa tulong ng Iyong Inang si Maria na ina rin naming lahat at sa gabay ng Espiritu Santo. Amen.

Tuloy ang buhay, tuloy ang paglalakbay.

Maligayang bagong taon sa ating lahat. Maligayang pagdating, 2021!

cropped-article-stoper.png

2019 YEARENDER: It Happens For A Reason

2015-category-title-tambuli copy2019-YEARENDER

Ito na ang ikasampung beses na magbabalik-tanaw ako sa papatapos na taon dito sa Aurora Metropolis. Bukod sa nagsilbi itong tagapagtala ng personal kong kasaysayan mula noong 2010, nagiging paraan ko na rin ito para ipagpasalamat ang mga napagtagumpayan at pinaglaban ko sa lilipas na panahon.

Kung ikukumpara ko sa nakalipas na 9 na taon ay masasabi kong hindi ganoon karami ang mga nangyari sa buhay ko ngayong 2019. Pero kung ikukumpara sa mga nakaraan, karamihan sa mga ito ay laging “combo” – yung tipong may mangyayaring maganda tapos may sasabay na kamalasan. Nakakatawa na nakakainis pero tulad ng lagi kong paniniwala, lahat ng nagaganap sa atin ay may dahilan na siguradong may iniiwan sa atin sa ating paglalakbay sa buhay.

Ang pagbabalik mula Makati pa-Tundo

Pagkatapos ng anim na buwan ng pananatili sa Makati ay bumalik din ako sa pinakamamahal kong Tundo noong Pebrero. Masarap mamuhay mag-isa pero dahil may mga bagay din na hindi nagwo-work, siguro ay hindi pa rin panahon para magkaroon ng sariling buhay sa labas ng pamilya ko. Ngunit ang hindi ko batid ay may naghihintay palang sorpresa ang pagbabalik na ito.

Ang pagkawala at pagdating nina “Bruce”

Naging masakit para sa akin ang pagpanaw ng shih tzu naming si Bruce na sa humigit kumulang anim na taon ay naging kasiyahan ng aming pamilya. Lalong masakit na hindi na niya ako nakahintay na makabalik sa tahanan bago niya kami iniwan. Pero sa pagkawala ni Bruce ay dumating ang isang bagong miyembro ng pamilya. Isang panibagong shih tzu na pinangalanan ulit namin na Bruce ay kabaligtaran ni Bruce na maingay, aktibo at makulit. Malambing ngunit may pagkamahiyain si Bruce na ang mga titig ay talagang kukuha ng atensyon mo. Pero habang tumatagal ay nagiging kumportable na siya sa aming bahay at magsisilbing bunso ng aming buhay sa maraming panahon.

Ang pagdating ng isang kakaibang pagsasamahan

Hindi ko gawain na sabihin sa marami ang kung anong relasyon meron ako sa isang ispesyal na tao. Dumating si R sa buhay ko sa panahong mas confident ako sa sarili ko. Ang plot twist: hindi naging madali ang naging pagkakaibigan na dumaan sa napakaraming hindi pagkakaunawaan at nauwi rin sa hindi inaasahang paghihiwalay. Another plot twist: sa hindi inaasahan ay bumalik kami sa dati kung paano kami unang nagkakilala. Maaaring dahil naging mabilis ang una kaya hindi talaga nag-work out, pero sa sitwasyon namin ngayon, hindi ko tinatanggal ang isa pang pagkakataon. Sa ngayon, mananatili kaming mabuting magkaibigan habang inaayos ang buhay niya.

Ang pagbabalik ng Nanay ko sa ospital

Akala namin ay tapos na ang isa sa mga hindi ko gustong balikan na pangyayari sa aming pamilya. Nitong Hulyo ay na-confine ulit ang Nanay ko sa ospital sa parehong kondisyon noong 2017. Sa loob ng mahigit 20 araw, puno ng hirap at sakit ang naranasan niya, lalo’t ang natitira niyang paa ang kailangan na ring tanggalin. Alam naming mahirap para sa tulad niyang laging aktibo ang hindi na makakilos nang mas madalas tulad ng dati. Sa kabila nito, gamit ang kanyang artificial leg ay, kahit papaano, ay sinusubukan niyang makapaglakad kahit kaunti at makabalik sa kanyang buhay kahit kaunti.

Ang pagbabalik-telebisyon

Hindi ko akalain na makikita pa ako sa isang programa sa TV para ipagmalaki ang minamahal kong Escolta. Dahil sa I-Juander ng GMA News TV, kahit walang sinabi ay naitampok muli ang Manila’s Queen of Streets kasama ako.

Ang mga paglalakbay

Hindi pwedeng lumipas ang 2019 na hindi ako makakapasyal sa labas ng Maynila. Salamat sa trabaho ay nakapunta ako sa Bauang, La Union at salamat sa mga kaibigan sa trabaho dahil nakapag-relax ako sa mas napakagandang dalampasigan ng Laiya, Batangas.

Ang mga pagkakaibigan

Lagi’t lagi ay mga kaibigan ko ang nagiging dagdag na sigla ng buhay ko. Mula sa Team Unlikain, mga dating kasama sa Ang Pamantasan hanggang sa matatapang na kabataan ng Millennials PH, naging masaya, maharot at makulay ang aking 2019.

Ang mga pagkilala

Nakakataba ng puso ang mga pagkilala na natanggap ko ngayong taon. Ito ay ang mga sinserong papuri, pasasamalamat at rekomendasyon dahil sa mga simpleng bagay na iniambag ng inyong lingkod. Kasama na rito ang naging promosyon ko bago ako tumuntong sa ikalawang anibersaryo sa aking trabaho. Pero ang mas naligayahan ako ay, sa wakas, ay nakumpirma ko na ang paglalathala sa isang Filipino K to 12 textbook ng aking 2011 blog entry na “Ang Spratlys ay Para sa Pilipinas. Sana Maisip Ito ng China”, bagaman wala pa akong personal na kopya dahil nakita ko lang sa display sa Manila International Book Fair noong Setyembre.

Ang pagpapasalamat

Totoo naman na may dahilan ang bawat pangyayari, ngunit dahil sa mga taong dumaan sa aking buhay sa papatapos na taon, hindi magiging mas makahulugan ang Lem na kilala ninyo. Kaya hayaan nyong magpasalamat ako sa inyo:

Salamat, Sir Boom Enriquez at Biboy Davila dahil sa pagtitiwala, pag-unawa at paggabay upang maging makabuluhan ang ating nakakapagod pero exciting na industriya.

Salamat, Geil Hernandez-Lonsania, Nica Cordero, Kevin Magcalas, Rio Iwasaki, Monique Cabais, Hannah Cordero, Josh Umlas at Ate Nini Hernandez dahil sa mga araw at gabi ng kasiyahan, kwentuhan, asaran at pagiging mga kapatid na nagtutulungan sa oras ng kagipitan.

Salamat, Rizza Duro, Meryl Jalani, Harvey John Padilla, Marjon Fenis, Jhayee Ilao, David Renn Santos, Pipay Bisaya, Eden Gutierrez, Cyra Aurelio at sa marami ko pang kaibigan sa Millennials PH dahil patuloy nyo akong binibigyan ng dahilan upang umasa sa lakas at galing ng kabataang Pilipino.

Salamat, Cherry Aggabao, Florence Rosini, Nona Bracia, Dean Ludmila Labagnoy, Ma’am Neriz Gabelo, EJ Bituin, Jolly Calixtro, Dale Albores, Nathan Figueroa, Eunicia Mediodia dahil sa pagkakaibigang hindi nyo nalilimutan sa kabila ng pagkakaroon ng iba’t ibang pinagkakakaabalahan.

Salamat, Dating Councilor Niño dela Cruz at Mr. Robert at Mrs. Lorraine Sylianteng, at sa iba pang piniling huwag magpakilala dahil sa pagbibigay ng tulong para sa hospitalization ng aking nanay.

Salamat sa mga doktor, nurse at staff ng Payward II ng Jose R. Reyes Memorial Medical Center dahil itinuring ninyong nanay ang aking ina habang siya ay nasa pangangalaga ninyo. Hindi naging mahirap ang kanyang pananatili dyan dahil sa inyong sipag, saya at tunay na malasakit.

Salamat R dahil kahit hindi naging maayos ang lahat ay ipinaramdam mo sa akin ang halaga ng pagmamahal sa oras ng mahihirap na sitwasyon ng buhay.

Sa bagong dating sa buhay ko na si A, sana kayanin nating pareho ang pinapasok nating ito.

Salamat, Nanay, Kuya Jojo, Kuya Ramon, Kuya Abet, Ate Airine, Rmon at sa aming bunsong si Bruce dahil anuman ang mangyari ay naniniwala akong isang matatag pa rin tayo na pamilya.

Salamat, Tatay, Bunny, Bruce at Bruce Liit na nasa piling na ng Maykapal dahil ramdam ko ang inyong gabay at proteksyon sa kahit ano mang gawin ko dito sa lupa.

Salamat, iniirog kong lungsod ng Maynila dahil kahit hindi natuloy ang plano nating paglingkuran ka sa pamamagitan ng pulitika ay ramdam kong ipinapakitang-gilas mo pa rin sa akin ang gandang gustong-gusto kong nasisilayan. Muli akong nangangako na itatanghal kita sa buong bansa at sa buong mundo sa paraang batid nating pareho na kayang-kaya ko.

Higit sa lahat, salamat sa ating Dakilang Lumikha, sa ating Panginoong Hesukristo, sa ating Inang Maria at sa aking mga patron na sina Sto. Niño de Tondo at San Lorenzo Ruiz de Manila dahil sa mga natanggap kong biyaya sa matatapos na taon. Lahat po ng aking natanggap ay buong puso kong ibinabalik sa pamamagitan ng pinakamataas na papuri na posible lamang dahil sa Inyong Karangalan at Kadakilaan. Amen.

Ang pagsulyap sa magwawakas na dekada

Ang pagtawid sa 2020 ay tila paghinga ng marami sa atin ng mas sariwang hangin sa ating buhay. Kung ako ang tatanungin, marami man ang naging pagsubok na dumaan sa akin, ang dekadang matatapos ay nagdulot sa akin ng maraming leksyon bilang Pilipino at bilang tao.

Nawalan ako ng ama, ng mababait na alagang hayop, ng maraming kaibigang naghubog sa aking kakayahan. Sa kabila nito, natamo ang mga tagumpay na sa tanang buhay ko ay hindi ko inakalang makukuha ko. Ang dekadang ito ang masasabi kong naging panahon para makilala ang kontribusyon ng tulad ko sa mga sektor kung saan ako naglingkod. Ang dekada ring ito ang nagpatunay na sa kabila ng lahat ng natatamasa natin, mahalaga pa rin na pahalagahan ang mga taong malapit sa puso natin at totoo sa atin, nasaan man sila naroon. Higit sa lahat, ang dekadang ito ay masasabi kong mas konkretong pundasyon sa pwede pang maiambag ng isang Lem Santiago sa bayan sa mga susunod pang dekada.

Sa pagsasara ng 2019 at ng 2010s ay pagsasakatuparan naman ng unang dekada ng Aurora Metropolis. Bagaman hindi ako naging sobrang active ay may dahilan naman ang pananahimik ko rito. Si Lem bilang si Aurora ay kailangang magkwento gamit ang ibang pamamaraan kaya hindi ko masasabing patay si Aurora Metropolis bilang isang story teller.

Sampung taon ng napakaraming kwento ng tagumpay, kabiguan, tamis, pait, kaligayahan at galit ang naipon na naging dahilan kaya patuloy na nabubuhay ang website na ito. Patuloy kong panalangin na bigyan pa ako ng mas maraming inspirasyon upang mabigyan ng mas magagandang lathala ang Aurora sa pagpasok ng panibagong dekada ni Lem bilang certified blogger.

 Tuloy ang buhay, tuloy ang paglalakbay.

 Maligayang bagong taon sa ating lahat. Maligayang pagdating, 2020!

 

 

cropped-article-stoper.png