“Sa lahat ng pagkakataon, sa gitna man ng mga pagsubok o sa rurok ng tagumpay, sinasabi sa atin ni VP Leni na manatili ang paa natin sa putik at patuloy na abutin ang kamay ng mga taong lumalapit sa atin. Si Leni, ang ating bagong bise presidente, ang magsisilbing solidong imaheng nagpapaalala sa atin na tayong mga Pilipino, taas noo man sa anumang pagkapanalo ay walang alinlangang yuyuko para iabot ang tulong sa sinuman sa mundo.”
Isang Aral mula kay Leni, Aurora Metropolis, July 10, 2016
—
Mahigit isang buwan na pagkatapos ng pinakapambihirang eleksyon sa Pilipinas. Halo-halong emosyon na ang bumuhos – galit, lungkot, pait, poot. Maraming pagkakaibigan ang nahulma pero marami ring samahan ang tuluyan nang nasira dahil sa realidad na inilantad ng ilang buwang kampanya na para bang isang dekadang digmaan ng pamantayan at paninindigan. Ang ibang damdamin ay huminahon na, pero may iilang hindi pa rin tumitila.
Mahigit isang buwan na ang lumipas pero hindi pa rin ako makaiyak. Kung tutuusin, isa dapat ako sa mga lugmok dahil sobra akong tumaya para sa pinunong sa paniniwala ko ay kailangan ng Pilipinas habang papaahon tayo sa pandemya.
Mahigit isang buwan na. Hindi ko kayang pilitin ang sarili ko na humagulgol. Kung hindi ko maitangis ang mga luha sa aking mga mata, marahil ay panahon na para maibuhos ang mga ito sa anyo ng mga salita. Pero hindi ito komentaryo ng isang Kakampink na nagluluksa sa pagtalikod ng mga kapwa Pilipino sa tulad ni Leni Robredo. Sabihin na nating isa itong koleksyon ng mga alaala at pasasalamat ng Pilipinong ginawa ang kanyang makakaya para iprisinta kung ano ang Pilipinas kung pinili natin maging #KulayRosasAngBukas.
Bumaba ang mga bituin… at nakasalamuha ko bilang mga ordinaryong Pilipino.
Kasama ako sa iilang mapapalad na makapiling ang mga celebrity na tumuntong sa entablado ng kampanya para kay Leni Robredo. Mula sa isang nagsimulang mahiyain na AC Soriano hanggang sa de kalibreng Edu Manzano, binigyan nila ng ningning ang bawat grand rally nang libre para lang maipakilala si Leni sa mga kababayan natin. Sa kabila ng kasikatan, masuwerte ako na nakasama ko sila sa maikling pagkakataon bilang tulad nating tumutulong kay Leni sa sarili nilang kakayahan. Sa kabila ng kasikatan, hinayaan nila kaming makita kung sino sila sa likod ng kamera at kung bakit nila piniling isakripisyo ang kanilang oras, talento at maging karera para kay Leni.
Gab Valenciano
Yeng Constantino
Juan Karlos
AC Soriano
Sitti Navarro
Nikki Valdez
Jolina Magdangal-Escueta
Regine Velasquez-Alcasid
Ogie Alcasid
Cherry Pie Picache
Edu Manzano
Maraming salamat sa inyo, mga lods!
Maraming beses akong naabutan ng pagkain at tubig ng mga hindi ko kilala.
Marami sa mga sumama sa grand rally, mini-rally, house-to-house at iba’t ibang activity ang nagsabi na walang nagugutom o nauuhaw sa kampanya ni Leni. Hindi ko masasabi na lahat ng pumupunta sa mga ito ay pareho ng karanasan nila, pero isa lang ang constant na nakita ko sa mga nasamahan kong event: mas marami ang nagbibigay na supporter kaysa humihingi.
Sa tradisyunal na kalakaran tuwing eleksyon, pulitiko ang madalas na nagbibigay ng pagkain o inumin sa mga supporter o volunteer nila. Minsan pa nga, kapag nauubusan, para bang naiiwan na lang silang kawawa. Napakamahiwaga ng kampanya ni Leni dahil nasaksihan ng milyon-milyong dumalo sa kanyang mga grand rally kung paanong bumuhos ang pagkain sa kung kani-kanino at kung saan-saang direksyon nang libre. Mula sa kendi hanggang sa food pack, mula sa bottled water hanggang sa shake o ice cream, mula lutong bahay o gawang fast food hanggang sa mga pagkaing sa mamahaling restaurant lang mabibili.
Pagkain ang naging instrumento ng pagkakaibigan ng maraming Kakampink. Pagkain ang naging daan upang maiparamdam kung ano ang nagagawa ng simpleng kabutihan sa bawat tao.
Kahit ako mismo ay namigay ng pagkain.
Nagsimula ang tila naging advocacy ng marami na pagpapa-lugaw noong April 23, 2021 sa Binondo para sa birthday ni Leni na tinawag ng marami na National Lugaw Day. Kasama ng ilang kaibigan sa Minor Basilica of San Lorenzo Ruiz, nakapamigay kami ng libreng almusal sa 56 na obrero na maagang pumasok sa business district ng Maynila.
6 months later, October 7, 2021. Nang mag-anunsyo siya na tatakbong presidente, nagpadala ako ng 10 order ng lugaw sa mga nag-comment sa post ko sa Facebook kung gusto nila ng lugaw para samahan akong ipagdiwang ang araw na iyon. Akala nila ay hindi ako seryoso hanggang kinuha ko ang mga address kung saan dadalhin ng GrabFood ang mga lugaw nila.
December 19 naman ay namigay ako ng sisig with rice sa tapat ng Parokya ng San Roque sa Blumentritt para sa 100 mahihirap na nakatira sa paligid ng simbahan at sa mga namamasada sa lugar. Walang masyadong fanfare ang pamimigay namin. Gusto lang namin na magbigay ng masarap na sisig rice at ipakilala sa kanila si Leni bilang lider na angkop sa ating panahon.
Pero ang pinakamalaking handaang pinaghandaan ko ay ang birthday ni Leni sa kalagitnaan ng kampanya. Sa tulong ulit ng mga kaibigan natin sa Simbahan ng Binondo ay nakapagbigay tayo ng humigit-kumulang 300 mangkok ng lugaw na may kasamang 200 itlog at 300 mamon sa mga nakatira sa paligid ng simbahan, sa mga nagja-jogging, sa mga papasok sa kani-kanilang trabaho at sa mga napapadaan lang sa tapat ng Basilica. At dahil birthday ni Leni, ginawa naming ispesyal ang Araw ng Lugaw sa Binondo dahil nakasakay ito sa ispesyal na pink birthday sidecar.
Hillel Andrew Hilay
Rev. Fr. Andy Ortega Lim
Diana Lee
Villaruel Family
Joy Asancha
Hazel Drio
Jophet Moina
Mark Anthony Reyes
Jade Dadivas
Trisha Mae Acebuche
Jeremiah Inocencio
Tina Enclona
John Usman
Rita Tambo-ong
Maraming salamat po sa tulong at suporta!
Naging supplier din ako ng campaign materials
Medyo naging short ang supply ng election paraphernalia dahil sa dami ng humihingi pero kulang pa rin ang production ang official campaign o volunteer groups. Hindi madamot ang mga namimigay ng tarps, flyers, posters, ballers, stickers, pamaypay, komiks at kung ano-ano pa, pero sadyang hindi magkamayaw ang mga taong gustong-gustong makapaglagay ng collaterals sa kani-kanilang mga tahanan.
Hindi kailanman ako tumaya sa kahit kaninong kandidato gamit ang sarili kong pera. Gumamit man ako ng aking talento o kakayahan sa iilan, pero hindi ako gumastos para lang ikampanya ang gusto kong lingkod bayan. Kay Leni lang ako natutong tumaya. Ayoko nang bisipin kung magkano ang halaga ng stickers, ballers at tarps na nabili ko para mag-supply sa napakaraming grupo ng volunteers na masigasig na nagha-house-to-house sa Maynila para ikampanya si Leni. Sa ganitong paraan man lang ay nakatulong ako sa kampanya dahil may trabaho rin akong inaasikaso noon at hindi nakakasama nang madalas sa paglilibot sa aking siyudad para kay Leni.
Darren Cheng
Hernandez Family
Maraming salamat sa mga supply ng collats.
Maan Jordan
TLR Volunteers ng Manila Districts 1, 2 at 3
Sa kuya ko, Prof. Rafael Santiago, Jr.
Maraming salamat sa napakalaking sakripisyo ng pagkampanya sa mga lansangan natin. Hindi ko man kayo nakitang lahat nang personal, masaya ako na nakatulong sa inyo para sa ating kandidato.
May mga hindi makakalimutang karanasan kasama ang mga bago at dati nang Kakampink.
Masaya ang mag-volunteer. Nakakapagod man, mapapalitan naman ito ng mga karanasang hindi ko akalain ay mangyayari sa akin. Mula sa pagiging assistant ng mahal kong Songbird, pagiging tagahawi ng mga tao para sa dadaanan ng mga artista at ni Leni, mga hindi mabilang na inuman pagkatapos ng sortie (lalo na yung pag-inom sa kalagitnaan ng biyahe dahil sobrang layo ng hotel sa venue) hanggang sa mga minsa’y panic mode dahil may biglaang ganap on the side ng mga rally.
Pero kasama ng mga karanasang ito ay ang bonding sa mga dati nang nakasama sa Team Leni at mga bagong Kakampink na sa hirap at saya ay talagang nagpapakasipag para kay Leni. Hindi man nagpapansinan kapag nasa mga rally, pero may mga maiikling oras para magkangitian, magkatawanan, makalasingan at makausap nang masinsinan pagkatapos ng laban.
Boom Enriquez
Maraming salamat po sa pagbibigay ng pagkakataong makasama ulit sa kampanya, lalo na sa mga grand rally.
Ninang Cy Velasquez
Geil Lonsania
Nica Cordero
Josh Umlas
Livi Banela
Herzon Hermoso
Arlene Torres
Barbie Lo
Kevin Magcalas
JP Dacanay
Renee Contado
Mami Kaka Castillo
Maraming salamat sa experience ng pagkakaibigan at paninindigan. Mahirap makalimot sa mga escapade na kasama kayo.
Ang aral na iniwan ni Leni sa atin? Dapat manaig lagi ang kabutihan ng Pilipino.
Sa sinulat kong blog post noong 2016 tungkol sa aking karanasan sa kampanya ni Leni sa pagka-bise presidente, binanggit ko na ang isang aral na natutunan ko sa kanya ay ang pagiging mapagkumbaba. Siya bilang ating Pangalawang Pangulo ay naging buhay na paalala na kahit anong mangyari, lagi tayong mag-aabot ng kamay sa ating kapwang nangangailangan. Pinapakita niya sa atin na kahit ano pang paninira ng mga tao, huwag natin kakalimutan na ituloy ang mabubuting bagay, lalo na’t ito’y makakatulong sa ating mga kababayan.
Anim na taon ang lumipas. Hindi nagbago si Leni sa kung ano siya bago siya tumakbo: patuloy siyang naging malapit sa tao at patuloy niyang kinaya ang lahat para sa ating mga Pilipino. Isa ako sa magpapatotoo nito. At dahil sa kanyang kababaang-loob bilang lingkod bayan, ito mismo ang naging unang hakbang ng mga taong sumuporta sa kanyang kandidatura: magpakababa at gumawa ng kabutihan.
Sa kauna-unahang pagkakataon sa kasaysayan ng pulitika sa bansa sa napakatagal na panahon, may isang lingkod bayan na nagpausbong sa napakaraming Pilipino ng kabutihan na nagbunga ng makahulugang pagkilos – ang tinatawag nilang “Pink Movement”.
Bagaman nasa ilalim ng kulay rosas ang kampanya ay pinatunayan ni Leni na kung magkakaroon ng #GobyernongTapat ay siguradong #AngatBuhayLahat… at ang lahat ng ito ay magsisimula sa pagmamahal at kabutihan sa ating kapwa. Naniniwala si Leni na kakalat ang kabutihang ito sa napakaraming tao, anuman ang kanyang kulay sa pulitika o paniniwala. At di kalaunan, gagawa ito ng magandang pagbabago sa ating bayan.
Malungkot man dahil hindi siya nagtagumpay sa halalan, ika nga ng extended version ng Rosas, “hindi tayo nabigo”. Dahil kay Leni, nakita natin na may pag-asa pa rin ang Pilipinas kung pipiliin nating gumawa ng mabuti araw-araw. Hindi man natin nakamit ang pangarap na kulay rosas na Pilipinas, marahil, sa iba pang paraan at pagkakataon sa labas ng Malacañang ay magbunga ang pagtatanim natin ng mga binhi ng rosas saan man tayo mapadpad.
Malungkot man sa akin at sa milyon-milyong naglaan ng kahit anong magagawa para sa bayan, kung titingnan man sa ibang anggulo ay may natikman akong pagkapanalo sa pagtaya ko sa Leni. Nanalo ako dahil tumaya ako at tumindig sa tamang panig ng kasaysayan na kaya kong ipagmalaki sa mga susunod na henerasyon ng aking pamilya.
“Hangga’t may kabutihan, hangga’t may pag-ibig, liwanag ang mananaig.”
(Rosas, Nica del Rosario, 2022)
#LetLeniLead