Sa kabila ng mga dinanas na trahedya, walang dahilan ang tao para hindi ipagpasalamat ang kanyang buhay sa bawat pagtatapos ng mga taon. Kaya sa pagwawakas ng 2012, hayaan ninyong ako’y magbigay-pugay sa labindalawang tao, grupo at mga pangyayari na nagbigay ng kulay sa akin bilang isang masuwerteng dragon:
SALAMAT sa International Youth Fellowship (IYF) sa paghubog sa akin bilang pinuno ng mga kabataan na may pusong makatao at maka-Diyos. Itinuro ninyo sa akin na mahalaga ang pagiging mabuting Kristiyano bilang sangkap sa epektibong pamumuno. At dahil sa mga aral na itinanim ninyo sa akin, natuto akong pahalagahan at patibayin ang aking pananampalataya sa Diyos bilang Kristiyano at bilang Katoliko.
SALAMAT kay Arch. Dunhill E. Villaruel at sa tanggapan ng Manila Youth Development and Welfare Bureau sa patuloy na paniniwala sa aking kakayahan para makatulong sa mga programa ng pamahalaang lungsod para sa mga kapwa ko kabataan. Kayo ang tumulong sa akin noong 2011 na matuklasan ang aking abilidad na gamitin ang kung anumang meron ako para maging produktibong mamamayan ng Maynila. Sa taong ito, ibinigay ninyo sa akin ang tiwala at suporta para samahan kayong makapaglingkod sa bawat kabataang Manilenyo.
SALAMAT sa mga pelikulang aking napanood sa taong ito. Gawang Pilipino man o dayuhan, naging midyum ang mga ito upang makita ko ang iba’t ibang tamis at pait ng buhay, ito man ay tungkol sa pag-ibig, relasyon, paglaban sa mga hamon ng digmaan o pakikibaka para sa pinaniniwalang adhikain. Tunay ngang hindi ako magiging kumpleto ngayong taon kung hindi ko kayo napanood.
SALAMAT kina Park Jin Hyung (James), Xiao Hui (Peter), Qiang Guo Zhao (Sam), Naiya Pak at Kim Beom Su (Victor). Sila ang mga kaibigang nagpalawak ng aking mundo dahil sa kanilang mga kwento. Silang mga dayuhang pumunta sa Pilipinas upang maging volunteer ay tunay kong sinasaludo at patuloy kong pinahahalagahan ang aming samahan kahit sila’y bumalik na sa kani-kanilang mga bansa.
SALAMAT kina Florence Rosini, Cherry Aggabao, Ma. Nona Nicolette Bracia, Prof. Neriz Gabelo at PLM College of Mass Communication Dean Ludmila Labagnoy para sa napakaraming bonding moments na kasama sila. Walang panahong hindi ako natuto sa mga prinsipyong sama-sama nating pinag-uusapan at pinagtatawanan. Dahil sa inyo ay patuloy kong ginagalang at ikinararangal ang mga babaeng palaban.
SALAMAT sa mga naging kaibigan ko sa IYF, mula Fairview, Pasay hanggang Angeles City. Kahit wala na ako sa organisasyon ay lagi kong tinatangi sa aking gunita ang ating mga alaala. Hindi ko makakalimutan ang respetong binigay nyo sa akin.
SALAMAT sa Bibliya. Ngayong taon ko lang nabigyang-halaga ang kapangyarihang kaya Mong ihatid sa aking isipan at buhay ispirituwal. Sa bawat salita Mo’y tumatag ang aking pananalig sa Panginoon at naging gabay sa akin bilang mas matibay na Kristiyano.
SALAMAT sa HBOX Royal Nation na di nagsasawang tanggapin ako sa kabila ng mga kaguluhang aking nagawa sa mga nakaraang panahon. Patuloy akong magiging taas-noong miyembro na nagtataguyod ng karapatan at kakayahan ng mga Pinoy bisexual.
SALAMAT kay Ronald Michael Bianes na mas kilala ng marami bilang si Hitaro. Hindi matatawaran ng sinuman ang binigay mong tiwala sa aking mga gawa at sa aking kakayahan bilang pinuno. Sa kabila ng aking mga kahinaan at mga alitang nangyari sa atin, hindi ka nag-atubiling ibalik ang pagtitiwala at ipakita sa lahat na karapat-dapat ako sa paggalang ng marami bilang lider. Hindi ako lubusang nalulungkot sa iyong pagpanaw dahil maraming aral ang iniwan mo para sa akin at patuloy kong pahahalagahan ang mga iyon sa aking puso. Hanggang sa muling pagkikita.
SALAMAT sa pinakamamahal kong baby, ang aking kunehong si Bunny. Sa loob ng tatlong taon ay naging kasiyahan ka ng ating pamilya. Labis akong nagluksa sa iyong pagpanaw dahil wala man lang ako sa tabi mo noong panahong naghihirap ka. Hanggang ngayon ay nalulungkot pa rin ako sa iyong pagkawala, pero alam ko na ikaw ang aking anghel na laging nakabantay sa akin. Mahal na mahal kita.
SALAMAT sa kabataan ng Maynila na aking nakasalamuha, nakasundo at nagsimulang maging kaibigan ngayong taon. Higit pa sa pagiging kuya ninyo, kayo ang naging instrumento upang lumabas ang aking talento para pamunuan kayo sa abot ng aking makakaya. Pasaway man kayo ay napakasaya kong makatanggap ng paggalang galing sa inyo. Huwag kayong magsasawang sumali sa mga programang makakapagpaunlad sa ating lahat.
SALAMAT sa aking mga Kapamilya dahil sa walang katumbas na pag-unawa sa akin at sa aking pagiging pasaway tulad ng pag-uwi na nang umaga. Masaya ako dahil nananatili pa rin kaming kumpleto at kahit papaano’y nakakatawid sa mga pagsubok ng buhay. Walang hanggang pagmamahal at ipinagmamalaki kong mapalad ako sa aking pamilya.
Ngunit higit pa sa isang dosenang pasasalamat ang ibinibigay ko sa Panginoong Hesukristo, kasama ang ating Inang Maria. Naniniwala akong hindi mangyayari ang mga dapat kong ipagpasalamat sa taong ito kung hindi Siya ang may balak at may gawa. Makasalanan man ako at hindi perpektong tao, lubos ang pasasalamat ko sa Maykapal sapagkat ramdam ko ang binibigay Nyang walang kapantay na pagmamahal at biyaya. Lahat ng aking nabanggit at marami pang mga pangyayari sa aking buhay ay galing sa Iyo at lahat ng ito’y pinagkakapuri ko para sa Iyo.
Ilang oras na lang at magtatapos na ang 2012, ngunit hindi rito natatapos ang hamon ng buhay. Sa 2013, marami pang mga di inaasahan, pero mas mahalaga na marunong tayong magpasalamat at manatiling positibo sa ating mga gawa.
Maraming maraming maraming SALAMAT 2012!