Ang Pakiramdam Ng Namatayan Ng Isang “Kaibigan”

Ilang minuto lang ang nakararaan ay nagse-surf ako sa isang group ng Facebook at may nakita akong isang Youtube link na ang pamagat ay “Cat tries to wake up dead friend” (uploaded June 24,2010 location: Turkey). Sinubukan kong tingnan ang video at hindi ko aakalaing bubuhos ang luha ko sa aking napanood. Sinaliwan ng kantang “My Immortal”, ipinapakita sa video na sinusubukang gisingin ng puting pusa ang isang itim na pusa na tila natutulog lang. Apat na minuto lang ang video, pero ayon sa nakalagay na impormasyon doon, apat na oras niya itong ginigising sa pamamagitan ng pag-apak nito sa katawan at pagtulak nito sa ulo. Patay na ang pusa, pero ayaw niyang sumuko sa pagpapabangon dito. Maya’t maya’y hihinto ito sa paggising at tatabi sa itim na pusa na tila pinoprotektahan ito sa mga taong nakapansin ng nakakalungkot sa sandaling iyon. Sa huli, dinala ng mga tao ang patay na pusa sa beterinaryo, kasama ang kaibigan nito na nagtiyagang gawin ang lahat, mabuhay lang ang kaibigan. Mahigit 500,000 na ang nakapanood sa video na ito, at ilan sa mga nagkomento, tulad ko, ay hindi napigilang umiyak sa nakakaantig na video.

Ang hayop at tao ay parehong nilalang ng Diyos, bagamat tayo’y pinanganak na kawangis ng Panginoon. Magkagayunman, ang mga hayop ay may malaking importansiya sa ating mga tao sa napakaraming bagay. Alaga man ang turing natin sa kanila, marami sa atin, higit pa sa pet ang turing… kundi isang kaibigan.

Sa aming pamilya ay nag-aalaga kami ng isang aso at isang kuneho. Pero sa kabila niyon ay tinuturing namin silang kapamilya. Lagi ko ngang pinagmamalaki na hindi ako ang bunso ng aming tahanan kundi sina Bruce (isang Japanese spitz na dinala sa amin noong Valentines Day 2005 mula sa kaibigan ng aking kapatid) at si Bunny (isang gray rabbit na dala ko bilang souvenir mula sa dati kong trabaho noong New Years Day 2009). Masaya kaming nakakasalo sila sa aming araw-araw na buhay. Kung ano ang kinakain namin ay yun din ang kinakain nila. Kinakausap na parang tao. Katabi ng aking mga magulang sa pagtulog tuwing siesta. Hinahalikan natin lagi-lagi kahit bawal sa aming magkapatid (pareho kaming may allergy sa buhok ng hayop). Masaya kami nung dumating sila sa aming pamilya at mas sumaya pa kami nung naging bahagi na sila.

Pero masakit mang isipin, darating ang panahon na sila’y mawawala sa amin. Tulad ng mga tao, walang katiyakan kung hanggang kailan sila mananatili. Higit sila sa pagiging kaibigan. Hindi man sila nakakapagsalita ay pinapakita nila sa kani-kanilang paraan kung gaano ka nila kamahal, kung gaano sila nag-aalala at kung gaano ka nila ituring na mahalaga sa buhay nila.

Sana, sa mga nakakabasa nito, pahalagahan natin ang lahat ng hayop. MAHALIN NATIN SILA. Para sa akin, ang mga hayop ang mga PINAKA-TAPAT, PINAKA-LOYAL, PINAKAMAGALING NA LISTENER, PINAKAMALAMBING at PINAKAMAGALING na KAIBIGAN sa buong mundo. Sana kayo rin.

Iba pang video na aantig sa inyong mga puso, mula sa Youtube:

DAAN-DAANG TAO SA AKING PANINGIN SA LOOB NG LIMANG MINUTO: Isang Paggunita Sa Pagdiriwang ng Araw Ng Kalayaan

Nakaharap ako sa isang malawak na salamin. Nasa ibabaw ko ang nagliliwanag na luntiang logo ng isang sikat na American coffee shop, tila nakangiti sa mga taong lumalabas at pumapasok sa isang mall sa Maynila na pagmamay-ari ng isang mayamang Intsik, tila inaanyayahang pumasok sa kanilang tindahan. Matapos ang napakalakas na buhos ng ulan noong isang araw na nagresulta sa pagsuspinde ng elementary at high school classes sa Kamaynilaan kahapon, di magkamayaw ang marami sa paglalakad sa kung saan-saan nila gusto. Daan-daang taong dumadaan sa aking paningin sa loob ng limang minuto. Bata, matanda, medyo bata, medyo matanda, estudyante, negosyante, nagsa-shopping o mga simpleng naglilibot para magliwaliw at magpalamig.

Sa mata ng marami, ang paglalakad ay isa sa mga pinakasimpleng paraan ng pagpapakita ng kalayaan. Ang mga paa’t binti na kung saan-saang panig dumadako upang mapuntahan ang nais kalagyan.

Kalayaan. Malayung-malayo sa eksenang nasaksihan ng kasaysayan, isang daan at labing-tatlong taon na nakalilipas. Nakita kaya o nahulaan man lang nina Rizal, Bonifacio, Aguinaldo at ng mga bayaning rebeldeng nagtulak sa kampanya ng paglaya ng bansa ang kasalukuyang imahe ng malayang Pilipinas? Palagay ko – hindi.

Ang paglaya ay may positibo’t negatibong implikasyon. Kung malaya man tayo’ng tuluyan, may ilan naman sa atin ang nakakulong sa masasamang bisyo at mga maling paniniwala’t pamumuhay. Lumaya nga tayo sa mga sinasabi nilang ‘mapang-api’, pero tayo naman ang kasalukuyang nang-aapi sa ating sariling kultura’t pagkakakilanlan. Ang kalayaan naman pagdating sa komersyalismo at globalisasyon ay hindi naman masama. Nagmumukha lang itong sobrang masama dahil tayo mismo ang nagpapakita na MAS TANGGAP at MAS GRANDIYOSO para sa paningin natin ang kultura ng mga dayuhan kaysa ating sariling kultura. Ang kalayaan din ang nagbukas ng pintuan ng mundo sa ating mga isla, pero hindi ibig sabihin niyon ay iwanan natin ang Pilipinas upang magpatali sa nationality ng ibang lahi.

Kapag naiisip ko ang mga dayuhang pilit na nagsasalita ng Tagalog o anumang dayalekto ng ating bansa, at ito’y buong ipinagmamalaki pa nilang pinangangalandakan sa Youtube; o mga dayuhang malaki ang papuri sa ganda ng Pilipinas hindi lang dahil nakapangasawa sila ng Pilipino, dumadapo sa akin ang YABANG. Naiinggit ang ibang dayuhan sa klase ng kalayaang di nila nakita sa mas malayang Estados Unidos. Naiinggit sila sa ating kalayaan sa pamamayahag, na bagaman nasisikil, ay patuloy na namamayagpag ang katotohanan sa tamang lugar o sitwasyon. Naiinggit sila sa napakarami pang katangian ng ating kalayaang tinatamasa – isang bagay na dapat pala’y wala tayong karapatang ipagyabang dahil inaabuso natin ito.

Nagdiriwang tayo ng Araw ng Kalayaan tuwing ika-12 ng Hunyo taon-taon. Pero may mga pagkakataong naitatanong ko sa aking gunita kung dapat pa ba tayong magsagawa ng mga aktibidad para gunitain ang petsang ito. Oo siguro, upang manatiling sariwa sa atin at sa susunod pang henerasyon ang natatanging araw na iyon, kung kailan pormal na idineklara sa Kawit ang pormal na pagkalas ng mga kayumanggi sa pamamahala ng mga mestizo. Maaaring ang sagot ko ay… huwag na! Bakit? Dahil para lang tayong nagpapakitang-tao na kunwari’y mahal natin ang minimithi nating kasarinlan, na ang totoo’y pagmamahal na pang-isang araw lang.

Ito ay isang pagtatantong gusto kong iparating sa mga makakabasa nito. Ang Hunyo 12 ay isang petsang hindi lang ginugunita sa araw lang na iyon. Kung ikaw man ay nakakalakad nang walang nakakapigil o walang matinding nagmamasid, lagi mo sanang isipin na araw-araw ay Hunyo 12 – ang petsang dapat pahalagahan, pangalagaan at protektahan ARAW-ARAW.

SIYANGA PALA, kung hindi man ako, sana’y may isang Pilipinong makagawa ng kantang kasing-moderno ng “Fireworks” o “Born This Way” na sumasalamin sa tunay na pagpapahalaga at paggamit sa kalayaan. Kung maka-compose man ako o makabuo talaga ng isang awitin sa hinaharap ay malugod ko itong ibabahagi sa inyo. 🙂

Sa lahat ng mga Pilipino sa Pilipinas at sa buong mundo, at para na rin sa mga dayuhang nagdedeklara ng kanilang mga sarili na sila’y Pinoy, Maligayang Araw Ng Kalayaan po sa ating lahat! Mabuhay ang unang Republika ng Asya. Mabuhay ang lahing kayumanggi. MABUHAY ANG PILIPINAS!

.

.

June 09, 2011.11:57pm


Kahanga-hangang Video Para Sa Mga Biktima Ng Lindol Sa Japan

Natuklasan ko ang video na ito habang hinahalughog ang Youtube channel ni Ryan Higa o NigaHiga, isang Youtube sensation. Kahit late ko nang nakita ang video na ito, ay ninais ko pa ring i-post ito sa iba’t ibang social networking accounts ko upang panoorin at suportahan ang masasabi kong isa sa mga pinakamalikhaing fund-raising activities para matulungan ang mga biktima ng March 11 Japan earthquake na pinamagatang “Honk For Japan”.

Bawat pagnood ninyo sa video na ito ay may halaga, dahil kung makalikom ng kada 1,000,000 views ang video na ito ay magbibigay si Higa ng $600 sa Red Cross para sa mga nasalanta ng nasabing lindol.

Tulungan natin siya. Pakipindot ang icon ng Youtube sa lower right part ng video screen para direktang mapanood sa Youtube ang video. Salamat sa pagsuporta!

Lem Orven