FAST POST #21: Si Miggy At Ang Tunay Na Pagmamahal

Ang inspirasyon ko para sa artikulong ito: ang bagong baby ng pamilya, si Ram James Miguel o si Miggy.

Nakakondisyon na akong palampasin ang Araw Ng Mga Puso sa taong ito, hindi dahil wala akong date noong katorse o bitter ako sa love. Masaya nga ako dahil kahit single ako “technically”, ay alam kong maraming nagmamahal sa akin (at alam naman nilang hindi sila nag-iisa. Hehe!) at nariyan ang aking mga kaibigan na walang sawang nag-aalala para sa aking puso. Pinili kong hindi bigyang halaga ang February 14 dahil gusto ko lang maiba. Umiral ang pagiging weird ko.

Pero tatlong araw pagkatapos ng Valentine’s Day, Linggo, sa isang hapong pagod ang aking utak sa pag-iisip ng napakaraming bagay ay dumating sa aming bahay ang isang sanggol na matagal nang usap-usapan sa aming pamilya. Noong una’y gusto kong isnabin ang musmos, pero nang makita ko siya sa unang pagkakataon, hindi maiwasang bumalik sa akin ang tibok ng pusong halos isang dekada kong hindi naramdaman. Oo. Lukso ng dugo. At totoo nga. May bagong miyembro na ang aming pamilya. Siya si Miggy, pinanganak noong January 30, ang bago kong pamangkin. Ang una ko ngang bukambibig, “A baby is a God’s gift to the world”.

Sa buwang ito ay ipinapakita ng buong daigdig ang kahalagahan ng pagmamahal sa buhay ng tao sa iba’t ibang paraan gamit ang mga ekstraordinaryong senaryo. Pero para sa akin, ang aking Valentine’s Day ngayong 2013 ay hindi para sa mga estrangherong hinanap ng tadhana para aking makasalamuha, pero para sa isang batang biglang binigay ng tadhana sa aming pamilya at karapat-dapat na bigyan ng pagmamahal. Maaaring hindi madaling tanggapin ang daglian niyang pagdating pero dumadaloy sa kanya ang dugong kapareho ng sa akin. At higit pa roon, bawat sanggol ay may karapatang bigyan ng walang kapantay na pag-ibig upang maramdaman nya na ang buhay sa mundo ay karapat-dapat ding ibigin sa kanyang paglaki.

Maligayang pagdating, Miggy. Happy Valentine’s Day. Mahal na mahal ka namin.

ANG MAGSULAT PARA SA VALENTINE’S DAY

Ang huling pagkakataon na nagkaroon ng halaga sa akin ang araw na February 14 ay noon pang 2008, nang bumalik ang koneksyon ko sa isang gangster na dati kong minahal. Tandang-tanda ko pa na masarap pala talaga ang pakiramdam kapag tumutuntong ang Araw ng mga Puso na mayroong taong nagpapahalaga sa’yo sa kabila ng pagkakaiba ng mundong aming ginagalawan at sa kabila ng pagkakaudlot ng aming pagmamahalan. Hindi umabot sa pormal na relasyon ang pagsasamahan naming dalawa kahit boto sa amin nung mga panahong iyon ang aming mga kaibigan at kanyang mga kaanak. Magkagayunman, sa kanya ko unang napatunayan na ang pagmamahal ay isang prosesong dapat na pinagkakasunduan – na kahit walang deklarasyon ng pag-ibig ay pwede pa ring maging isa ang puso ng dalawang nagkakasundo’t nagkakaintindihan.

[May asawa’t anak na siya ngayon. Facebook na lang ang contact namin sa isa’t isa pero masaya akong makita sa mga pino-post niyang pictures na masaya siya. Walang pagkakataon para magkita kaming muli bilang magkaibigan, pero marami pang araw para mangyari yun. Naghihintay lang ng tiyempo ang panahon.]

***

Marami sa atin ang ginagawang “big deal” ang Valentine’s Day. May mga masaya, pinipilit maging masaya, namomroblema at nagpapakalugmok sa kung anumang epekto ng araw na ito sa mga puso nila. Kumbaga, isa itong “worldwide mardi gras of emotions” na kapag hindi ka naki-ride ay mababansagan kang manhid.

Ang Valentine’s Day ay parang isang special working day para sa akin. Hindi yun sa dahilang pinipilit kong maging manhid sa mga dinaanang February 14 ng buhay ko (maliban noong 02/14/2004,2005,2008). Tulad ng marami, mas gusto kong itrato ang Valentine’s sa iba pang ispesyal na pamamaraan. Sabi nga nila, may karapatan din naman ang mga single na magdiwang sa Feb. 14.

Sa taong ito ay nagsusulat ako para gunitain ang Valentine’s. Ganito ko gustong ipagdiwang ang Valentine’s Day 2012 hindi lang dahil kabilang ako sa STWTVD (Samahan ng mga Taong Walang Tamis ang Valentine’s). Minamahal ko ang pagsusulat at isa itong malaking dahilan para mapanatili ko sa aking sarili ang magmahal. Mahal ko ang mga taong nagtitiyagang magbasa para marinig ang aking mga masasabi tungkol sa napakaraming bagay. Sa paraang iyon, para na rin akong nagmamahal ng isang kasintahang nakikinig sa aking mga tagumpay at hinaing. Sa paraang iyon, para na rin akong pumasok sa isang romantic relationship na tiwala akong hindi basta-basta mabubuwag ng selos at hidwaang walang pinatutunguhan.

Tradisyunal na sagisag ang Pebrero 14. Ito ang kumakatawan sa kahalagahan ng pag-ibig na binigay sa tao ng Diyos upang palaguin at pahalagahan na tulad ng isang binhing dapat alagaan upang maging isang matayog na puno. At tulad ng isang punong namumunga ng matatamis na prutas, nararapat tayong matutong magmahal at ibahagi ang pagmamahal na ito sa lahat.

Bantayog na pagdiriwang ang Valentine’s Day, tulad ng birthday, Christmas Day, New Year’s Day, araw ng mga patay, April Fools Day, Earth Day, Independence Day, anniversary, monthsary, at kung ano-ano pang okasyon sa ating buhay. Hindi intensyon ni Saint Valentine na magpakadakila para pakiligin ang sangkatauhan. Puwedeng maging Valentine’s Day ang anumang araw na gustuhin natin. Araw-araw ay pwede tayong kiligin, maglambing sa ating mga boyfriend/girlfriend, magsulat ng mga kuwento ng pag-ibig at malayang ipagsigawan sa buong daigdig ang pagmamahal na nasa kaibuturan ng ating puso.

Sa umpisang bahagi ng artikulong ito ay nilahad ko ang aking sariling Valentine’s Day story. Sinulat ko ito upang ipaalala sa aking sarili at sa lahat ang tunay na pakahulugan ng Feb. 14. Marami tayong nagmahal, nagmamahal at magmamahal pa, pero isipin natin na ang pagmamahal ay hindi laro, hindi panandaliang aliw, hindi paraan ng pakikipagsiping, hindi adiksyon, hindi tanawin. Ang pagmamahal ay isa lamang maliit na parte ng ating buhay na kapag pinalago nang tama sa gitna ng mga pagsusubok ay magdudulot ng mas magagandang bagay na higit pa sa iyong inaasahan.

Sa mga taong ang Facebook status ay single, it’s complicated, in a relationship, engaged, married o widowed, sa lahat ng wagi at sawi, at sa lahat ng mga nagmamahal… MALIGAYANG ISPESYAL NA ARAW NG PAG-IBIG! HAPPY VALENTINE’S DAY!