FAST POST 54: Ginhawa sa Pagpatak ng Ulan

Sa halos isang buwan ng todong init ng tag-araw, sa wakas, umulan na rin dito sa Maynila. Maling sabihin pero sa panahong nameligro ang mga dugo natin sa pagtaas ng temperatura ay naging biyaya ang Bagyong Dante na kahit papaano’y nagpalamig sa ating kapaligiran.

Musika sa tenga ko ang mga patak ng ulan. Iba ang pakiramdam na dulot nito sa balat ko at sa kaluluwa ko. Tila ba isang gamot ng ginhawa sa katawan kong madaling pagpawisan at mahapo sa matinding init. Ngunit hindi pa roon ang binibigay sa akin ng mga butil ng tubig mula sa langit.

Ngayong gabi, habang tinitipa ko ang mga salitang ito ay pinipili kong huwag munang matulog, kahit sa mga ganitong maulan na panahon ay mas masarap matulog. Baka kasi pagtapos nito ay panibagong paghihintay na naman sa ulan? Marahil. Kaya habang mahinahon pa ang pagbuhos nito (at sana’y huwag masyadong lumakas) ay sasamantalahin ko na ang pakikinig dito. Maya-maya ay magluluto ako ng pancit canton para bigyang dampi ng init ang aking sikmura habang ninanamnam ang ginhawa sa pagpatak ng ulan.

FAST POST #26: No Classes Due To Strong Prayers Of Students

PAALALA: Kung estudyante ka at babasahin mo ang artikulong ito, ihanda mo ang sarili mo na makonsensya at mag-isip-isip kung tama bang matuwa ka sa mga pangyayaring pabor sa’yo pero hindi pabor sa maraming tao.

habagat01

Larawan noong kasagsagan ng Habagat noong Agosto 2012.

habagat02

Larawan noong kasagsagan ng Habagat noong Agosto 2012.

habagat03

Larawan noong kasagsagan ng Habagat noong Agosto 2012.

Habang tinitipa ang artikulong ito ay pangalawang araw nang sinuspinde ng pamahalaan ang klase sa mga unibersidad dahil sa bugso ng Habagat na pinaigting ng bagyong Maring. Nagbunyi ang maraming estudyante dahil daw lalong napahaba ang LONG WEEKEND (special non-working day ang August 21 dahil sa death anniversary ng dating senador Ninoy Aquino) at maraming time para mag-DOTA, mag-Facebook at mag-EMO.

Pero ang pinaka-kumuha talaga ng aking atensyon (na noon ko pa napapansin pero ngayon ko lang kinainisan) ay yung mga tweet at post na kalat na kalat sa social media: “NO CLASSES DUE TO STRONG PRAYERS OF STUDENTS”.

Nakakatawa siya noong una, pero sa mga totoong gumawa ng birong ito, nanalangin ka ngang walang pasok, PERO…

1.) Naisip mo bang may naghihirap sa gitna ng rumaragasang baha habang pinagsisigawan mo sa Facebook ang kalandian o ka-emo-han mo?
2.) Naisip mo bang may nagugutom habang nakahilata ka sa sofa at kumakain ng paborito mong chichiryang hindi naman masustansya?
3.) Naisip mo bang may mga batang nagkakasakit habang lulong ka sa kung anumang online game na nilalaro mo?
4.) Naisip mo bang maraming palayang nasira habang nasa kama ka’t nagpapataas ng level sa Candy Crush?
5.) Naisip mo ba ang mga guro mong mawawalan ng sweldo habang nagpapakasaya ka sa hashtag na #walangpasok?
6.) Naisip mo ba ang mga estudyanteng nawalan ng eskwela’t gustong mag-aral habang ayaw mong pumasok dahil sa tinatamad ka lang?
7.) Naisip mo ba ang mga magulang mong nagpapaaral sa’yo habang may oras ka naman pero hindi mo pa ginagawa ang mga assignment mo?
8.) Naisip mo bang tumulong sa simpleng paraan na kaya mo kaysa humingi ng pampa-load?
9.) Naisip mo bang ihanda ang sarili mo sa posibleng mangyari sa mga kaganapang tulad nito kaysa isipin ang gagalaan mo sa susunod na araw?
10.) NAISIP MO BANG IPAGDASAL ANG KALIGTASAN NG LAHAT KAYSA IPAGDASAL MONG WALA KANG PASOK?

Aminado akong noong estudyante ako ay tuwang tuwa ako kapag walang pasok kapag may bagyo, pero hindi ko ginawang biro na ipagdasal kong mawalan ng pasok kaysa ialay ang panalangin sa mga kababayan nating nakatapak sa hukay ang isang paa nila patungo sa kamatayan dahil sa trahedyang kinakaharap nila.