2018 YEARENDER: Mga Biglaang Hindi Malilimutan

2015-category-title-tambuli copy2018-YEARENDER

Walang dapat na asahan sa buhay na ito. May expectations tayo, pero hindi lahat ay nangyayari o dumarating. Pero kahit ganoon ay may mga biglaang pangyayari sa buhay natin ang hindi natin malilimutan. Hindi ko maitatangging nagbigay ng mga markadong biglaan ang 2018 sa akin.

Wala akong dahilan para hindi ipagpasalamat ang mga ito, maging ang mga biyayang patuloy na umaapaw sa isang buong taon ng saya, lungkot, kilig, nerbiyos at kung ano-ano pang emosyon.

Biglaang palit ng karera

Matapos ang ilang taon sa lokal na gobyerno ay pinili kong tahakin ang isang karerang gustong-gusto ko – ang larangan ng komunikasyon. Kumportable man sa pagtulong sa opisina ni Manila 1st district councilor Niño dela Cruz, dumating ang isang oportunidad na walang dahilan para hindian.

Ang bagong karera palang ito ang magbibigay ng mas marami pang biglaan sa inyong lingkod. Kumbaga, ito ang naging pinto sa mga sorpresang hindi ko inaakalang mararanasan ko agad-agad.

Biglaang “Makatizen”

May mga kaibigan ang nakakaalam na ayokong magtrabaho sa kahit anong lugar sa Makati. Elitistang siyudad para sa akin ang Makati at lagi kong nararamdaman na hindi ako para sa mga ganoong klaseng propesyon.

Pero dahil sa bagong trabaho ay, sa wakas, naging Makati boy na ako. Pero akala ko ay hanggang doon lang yun. Pahirap na nang pahirap para sa akin ang bumyahe mula Maynila, kahit pa ikompromiso ko ang mahal ng pamasahe sa Grab. Pagkalagpas ng ikaanim na buwan ko sa trabaho, nagdesisyon ako, kasama ang ilang mga kaopisina na mag-renta ng dorm na malapit doon.

Sa unang pagkakataon, naranasan kong intindihin ang lahat sa akin. Magdesisyon sa sarili kong pagkain, maglinis ng aking espasyo, magbayad ng renta at magpalaba sa hindi ko nanay.

Biglaang paglisan sa paglilingkod sa Panginoon

Lubos kong inihingi ng paumanhin sa Diyos ang pansamantala kong pagtigil bilang lector/commentator sa Basilika ni San Lorenzo Ruiz o kilala ng lahat bilang Binondo Church. Masakit para sa akin na iwan ang serbisyo pero dahil sa hirap ng biyahe at trabaho ay kinailangan kong isantabi ang sa palagay ko’y pinaka-dakilang kaya kong gawin para sa aking pananampalataya.

Biglaang pagbibitiw sa adbokasiya

Malaking bagay ang 2018 sa akin bilang youth leader dahil pinagkatiwalaan ako ng Millennials PH na maging national executive vice president ng organisasyon. Pagkakataon ito upang maging mas marami pang kabataan ang magabayan ko ng aking maraming taon na karanasan sa youth volunteerism.

Ngunit para sa larangang nag-aambag din nang sobrang laki sa isang dambuhalang misyon, masakit kong binitiwan ang posisyon at iwan ang MPH bilang isa sa mga aktibong miyembro nito. Maraming buwan din ang lumipas na ang tanging balita ko lang sa kanila ay sa social media at ang tangi ko lang magagawa ay mga kakapiranggot na payo sa ilan sa mga ginagawa nila.

Pero hindi rin ito nagtagal dahil ngayong kalkulado ko na ang responsibilidad ko ay nakabalik din ako bago matapos ang taon. Laging karangalan ang pangalagaan, paglingkuran at bigyang-karunungan ang ating mga kabataan.

Biglaang “all-access”

Nakakatuwa na mabigyan ng pagkakataon sa mga importanteng pangyayari sa ating bansa. Ngayong taon ay nakakilala ako ng maraming prominenteng tao, mga bagong kakilala mula sa iba’t ibang grupo at nakapunta sa iba’t ibang mahahalagang aktibidad.

Isa sa mga ito ang Cinemalaya. Sa tinagal-tagal kong tinatangkilik ang taunang indie film festival ay ngayong 2018 ko magagawang makapag-purchase ng all access pass. Kumpleto kong napanood ang halos lahat ng competing at exhibition films sa taong ito. Buti na lang at pinayagan akong mag-leave nang halos isang linggo sa trabaho para magawa ang napakasayang viewing experience na ito.

Biglaang Tingloy

Sa huling pagkakataon ay nakasama ako ng mga dating kaopisina sa Manila City Hall sa isang bakasyon sa Tingloy, Batangas. Bilang mahilig sa dagat ay tuwang-tuwa talaga ako sa malinaw na tubig doon at sa unang pagkakataon ay nagawa kong mag-snorkling kahit saglit. May konting takot dahil hindi ako makahakbang nang maayos sa lantsa galing sa dagat pero nagawan naman ng paraan.

Biglaang Baguio

Umpisa ng 2018 nang sumama ako sa mga kaibigan ko pa-Baguio. Isa rin ito sa mga biglaang bakasyon na hindi ko makakalimutan. Pero akala ko ay isang beses lang din ako makakapunta sa summer capital ngayong taon.

Pagkatapos ng 11 buwan ay nakabalik ako sa Baguio, kasama naman ang aking mga kaopisina. Kung limitado ang naging paglilibot noong unang punta ko doon ay halos nahilo naman ako sa sumunod. Pero kahit pagod at ubos ang pera, ang pangalawang biyahe sa Baguio ay nakakamangha.

Biglaang level up ni Aurora Metropolis

Para sa isang matagal nang blog site, mahirap para sa manunulat na ito ang gawing pormal na website ang Aurora Metropolis. At nang dumating ang pagkakataong makapundar ng pondo para maisakatuparan ito ay ginawa ko ang dapat gawin ng isang blogger: ang tuluyang gawing website ang Aurora – ang aurorametropolis.blog.

Gawa ng trabaho at maraming ganap sa buhay kung bakit sa kabila ng pagiging website ng Aurora ay hindi pa rin ako aktibo sa pagsusulat. Kung ako lang ang masusunod ay araw-araw ko siyang lalamanan ng mga bagay na natutunan ko. Pero walong taon na ang Aurora at nananatili siyang nasa paningin ng maraming tao, kilala ko man o hindi, na tumatangkilik sa kanya. Hangga’t nasa sistema ko ang pagsusulat, hindi mawawala ang Aurora Metropolis sa aking buhay.

Hindi biglaang pasasalamat

Kahit nakakabigla ang taong 2018 ay taos sa puso ang pasasalamat ko sa lahat:

Salamat kina Sir Boom Enriquez, Geil Hernandez-Lonsania, Biboy Davila at mga kasama ko sa trabaho. Masaya akong maging parte ng ating napakasayang opisina.

Salamat kina Konsehal Niño dela Cruz, Christine dela Cruz, Cheryl dela Cruz at Missy Villaruel sa inyong masusing pag-unawa at pagsuporta sa naging bagong kabanata ng aking karera.

Salamat kina Rizza Duro, David Renn Santos, Harvey John Padilla, Marjon Fenis, Jhayee Ilao at sa lahat ng namumuno at bumubuo ng Millennials PH sa patuloy na pagtanggap sa kabila ng abalang oras sa trabaho. Tuloy-tuloy pa rin tayong mag-aambag ng ating kaalaman at kakayahan para sa bayan.

Salamat sa mga kaibigang nariyan kapag kailangan ng inyong lingkod ng makikinig, makakasama at makakakwentuhan: Cherry Aggabao, Rio Iwasaki, Mikaela Burbano, Diego delos Reyes, Dale Albores, Melody Aroma-Escalada at marami pang iba. Hindi ko man kayo nabanggit ay buong puso ko kayong minamahal dahil sa pagmamahal nyo sa akin.

Salamat sa Direk Pepe Diokno at Abe Diokno sa paniniwala sa aking kakayahan para tumulong bilang isang “campaign volunteer” kay Atty. Chel Diokno.

Salamat sa mga idolong hinahangaan ko dahil sa kanilang tunay na paglilingkod sa ating bansa, lalong lalo na kay Vice President Leni Gerona Robredo.

Salamat sa aking pinakaiirog na siyudad. Dear Manila, alam kong may kaunti kang pagtatampo sa akin. Pero alam mo rin na hindi ka mawawala sa puso’t isip ko. Darating ang panahon ng aking laban para sa iyong karangalan. Kailangan ko lang mamuhunan ng lakas ng loob upang mapagtibayan ito. Walang bibitiw, irog ko.

Sa iyo – “G” – salamat sa patuloy na inspirasyon at mahaba-habang pasensya. You know what I mean. 😉

Salamat sa aking pamilya na walang sawang sumusuporta sa kahit anong gawin ko: kay Nanay, Kuya Jojo, Kuya Ramon, Kuya Abet, Ate Airine, Rmon, Bruce Liit (ang bunso naming aso) at kay Tatay, Baby Bunny at kay Bruce na nasa piling na ng ating Maykapal.

Higit sa lahat, lubos ang aking pasasalamat sa ating Panginoong Hesukristo, Inang Maria, Poong Santo Niño de Tondo at San Lorenzo Ruiz de Manila sa pagbibigay ng walang hanggang pagpapala. Biglaan man o hindi, ang inyong biyaya ay tunay na makahulugan sa paghubog ng aking buhay ngayon. Lahat po ng biyayang aming natanggap ay aming ibinabalik sa Inyo dahil ang lahat ng ito’y naging posible dahil sa Inyong Karangalan at Kadakilaan. Amen.

 

Alam kong marami pang parating para sa akin. Bagyo man ito ng blessings o unos ng mga pagsubok, sa aking kakayahan at paniniwala ay kakaharapin ko ang mga ito nang may positibong pananaw at kaisipan. Tuloy ang buhay, tuloy ang paglalakbay.

Maligayang bagong taon sa ating lahat. Maligayang pagdating, 2019!

 

 

cropped-article-stoper.png

2017 YEARENDER: Patungong Trenta

2015-category-title-tambuli copy2017-post-featured-image-yearender

 

UNANG-UNA SA LAHAT: Ito ang una’t huling blog entry ng inyong lingkod para sa Aurora Metropolis ngayong 2017. Yearender rin ang huling entry ko bago ako nagdesisyong magpahinga sa pagsusulat. Aaminin ko: hindi ko pa alam kung handa na muli akong gisingin si Aurora Metropolis at makipagsabayan sa nagbagong mundo ng blogging. Tradisyon ko na ang paglalagay ng tuldok sa kanya tuwing magwawakas ang isang taon. Kakaiba lang ngayon na maglalagay ako ng tuldok sa isang espasyong wala ni isang pangungusap.

Magkagayunman, muli kong bubuksan ang pintuan ng aking kamalayan bilang si Aurora Metropolis sa pamamagitan ng post na ito. Maniwala man ang marami o hindi, alam kong maraming naghihintay sa pagbabalik ko sa blogging. Hindi man panatag pero narito muli ang bahagharing guryon, lilipad sa malaya ngunit mapanghamong kalangitan ng Maynila, maglalahad ng aking kuwento upang makapagbigay ng inspirasyon sa aking mga mambabasa.

Nagiging matatag ang tao dahil sa mga pinagdaraanan niya sa buhay. May mga pagkakataong sa malayo pa lang ay sinesenyasan na tayo ng tadhana para makapaghanda, pero mas marami ang pagkakataong binibigla niya tayo sa giyera sa mga panahong alam niya na hindi matibay ang ating mga armas o kahit ang ating kalasag. Naiiwan na lang tayo sa kawalan na nagtataka kung bakit niya tayo minamaltrato nang ganito na dumarating sa puntong pati ang ating pananampalataya ay nakukwestiyon na rin natin. Ngunit kung pagninilay-nilayang mabuti, ang mga pagsubok – parusa man yan o ligaya – ay mga sangkap ng makabuluhang buhay, lalo pa kung tayo ay inihahanda sa tulay patungo sa direksyong maaaring gusto ng tadhana para sa atin.

Alam kong hindi ako nag-iisa sa mga halos nabaliw sa taong 2017. Ito ang sa gunita ko’y maituturing na pinaka-“unpredictable” na taon ng aking magulong buhay. Kumbaga sa teleserye, ito ay katumbas ng limang taong pagko-kontrabida ni Gladys Reyes kay Judy Ann Santos sa Mara Clara! (Cheers sa mga batang 90s! Haha!) Pero pwera biro, sinagad ng taong ito ang lahat sa pagkatao ko. Naging sobrang laya ng mga pagkakataon para tadyakan ako, kilitiin ako, sampalin ako, patawanin ako, bigyan ng masarap na masahe, bigyan ng mabigat na krus, ibaon sa purgatoryo at iangat sa mundo.

Pinaranas sa akin ng 2017 ang sa palagay ko’y pinakadulo ng bawat ng dulo ng aking emosyon – ang mga pinakamasaya at pinakamalungkot sa akin sa ngayon. Ngunit sa araw na ito, sa pagtatapos ng 2017, habang binabalik ang bawat alaala, napagtanto kong ang lahat ng ito ay paghahanda sa mga bagay-bagay na pwede pang mangyari, lalong lalo na’t tutuntong na ako sa aking ika-tatlumpung taon bilang Romel Leal Santiago sa buhay na ito. At habang ginugunita ang mga ito, ang tangi kong magagawa upang tuldukan ang masaya, masalimuot, malungkot, mapanghamon at mabiyayang taon na ito ay ang MAGPASALAMAT.

Sa pagsasara ng 2017, hayaan ninyo akong ibigay ang aking tatlumpung pasasalamat bago tuluyang humakbang ang inyong lingkod patungong trenta:

 

I.
MARAMING SALAMAT sa mga bagong lugar na napuntahan: Mariveles, Lipa, Sto. Tomas, Laiya, La Union, Iba, Botolan, Legazpi, Naga. Bawat tanawin ay may mga alaalang nag-iwan ng marka ng aral at damdaming napakasarap balik-balikan.

II.
MARAMING SALAMAT sa mga talentong ipinahiram sa akin upang makatulong sa mga taong nangangailangan nito. Lagi akong handang ialok ang mga ito nang walang anumang kapalit, lalo pa kung ito ay para sa bayan.

III.
MARAMING SALAMAT sa isa sa pinakapaborito kong gawin – ang pagkuha ng litrato. Ano pa man ang gamit ko para mailagay bilang larawan, masaya akong ipinagkaloob sa akin ang ganitong kakayahan upang ipakita sa lahat kung paano ko nakikita ang mundo.

IV.
MARAMING SALAMAT sa mga pelikulang napanood ko at nagbigay sa akin ng napakaraming magagandang ideya. Special shoutout sa ANG LARAWAN dahil binalik niya ako sa mundong pakiramdam ko ay pinanggalingan ko bago ako napunta sa kasalukuyang daigdig.

V.
MARAMING SALAMAT sa mga librong binili ko at binasa ko. Mula sa mga kwento ng dakilang buhay ni Arsenic (Mayor Arsenio H. Lacson) at ni Ma’am Charo (Charo Santos-Concio) hanggang sa malalimang paliwanag ng liberalismo ni Leloy (Dr. Lisandro Claudio), binigyan nila ito ng mga panibagong gasolina para mas mahalin ang panitikang panlipunan. Marami pa akong hindi nababasa at sana’y mas marami na ang oras ko ng pagbabasa sa paparating na taon.

VI.
MARAMING SALAMAT sa mga idolong patuloy na minumulat ang aking isip at damdamin sa kanilang simple ngunit katangi-tanging paraan. Saludo sa inyo, Ms. Jover Laurio, Atty. Jesus Falcis, Miss Ethel de Borja, Ma’am Lualhati Bautista, Dr. Ambeth Ocampo, Prof. Roland Tolentino, Arch. Dunhill Villaruel, Arch. Joel Rico, Carlos Celdran, Prof. Danton Remoto, Atty. Kaye Malilong-Isberto, Atty. Marco Sardillo III, Dean Tony La Viña, Ms. Marian Roces at marami pang iba mula sa aking mundo sa social media hanggang sa tunay na mundong puno ng aral at realidad.

VII.
MARAMING SALAMAT sa mga kakaibang karanasan na nagdala sa akin ng sobrang saya at matinding takot. Nakakatawa lang na marami sa mga ito ang hinding hindi ko na uulitin. Hahaha!

VIII.
MARAMING SALAMAT kay Leonard Lim at sa lahat ng bumubuo ng TEDxXavierSchool 2017 sa pagpapaunlak sa aking maging special guest dito. Marami akong natutunan sa mga speaker ngayong taon at marami sa mga iyon ang baon ko na sa aking kamalayan habambuhay, kasama ng karanasan ko bilang speaker din dito noong 2016.

IX.
MARAMING SALAMAT sa anak-anakan kong si Dale Albores at sa mag-aaral at staff ng Far Eastern University Institute of Tourism and Hospitality Management sa pagkakataong maitampok ang short film naming “Hogar” sa 89th Foundation Day ng FEU noong January 20. Isa itong mahalagang sandali upang maipakalat pa rin ang adbokasiya ng pagbuhay ng Escolta sa mga kabataan.

X.
MARAMING SALAMAT sa Lopez Museum and Library sa pag-i-imbita sa akin noong May 27 para ibahagi yung mga nagawa namin sa Escolta. Isang karangalan ang makasama sa iisang pedestal ang mga tulad ng aking iniidolo sa pagka-positibo na si Arch. Dominic Galicia. Isa itong pangarap na inadyang matupad para sa pagmamahal natin sa Manila’s Queen of Streets.

XI.
MARAMING SALAMAT kay Bertha, ang dating pinakamatandang hippopothamus sa mundo. Malungkot pa rin ako sa iyong pagkawala pero hindi ko pa rin talaga inaasahan na ang pag-ibig ko sa’yo ang magdadala sa akin sa isang kakaibang biyaya. Sa simple’t maikling sandali ay naibahagi ko sa buong daigdig kung gaano ka kaimportante sa mga Manileño sa pamamagitan ng interview sa BBC World Radio Service noong July 11. Isang karangalan na makunan ka ng larawan at iyon ang ginamit ng ilan sa mga kilalang international news websites. Sa ganoong paraan man lang ay nakatulong ako itatak ka sa kamalayan ng mga nagmamahal sa’yo at sa mga tulad mong mahahalagang hayop sa kasaysayan ng ating planeta. Mananatili ka sa puso ko, Bertha.

XII.
MARAMING SALAMAT sa mga patong-patong na trabaho. Teka, nagkakamali kayo, hindi ako magrereklamo. Hahaha! Mapa-opisina man o sa adbokasiya, ang mga trabahong ginagapang ko ang patuloy na nagbibigay sa akin ng dahilan para laging matuto. Ang lipunan ay isang malaking pamantasan at ako ay estudyante ng buhay. Mangyaring nakakapagturo ako ng mga bagay-bagay sa iba ngunit mas mainam pa rin na magpatuloy na magtuklas, sumubok, patuloy na magkamali at patuloy na matuto upang sa susunod ay maging mas matagumpay. Oo, hindi rin talaga masaya ang tambak na gawain, pero bilang lingkod bayan, hindi dapat tayo mahinto sa pagkatuto sa pamamagitan ng mga ito.

XIII.
MARAMING SALAMAT sa lahat ng tao, grupo at mga pangyayaring nagtulak kay Konsehal Niño dela Cruz na ihain ang Pride Ordinance of Manila o ang Draft Ordinance No. 7832. Masyado nang huli ang Maynila para sa isang anti-discrimination ordinance ngunit hindi ibig sabihin nito na hindi na siya dapat ihabol. Hindi pa ganoon kalayo ang narating ang D.O., pero naniniwala akong sa tulong ng mas maraming Manileño at mga naniniwala sa pagkakapantay-pantay sa Punong Kabisera, positibo akong nananalig na magtatagumpay ang Pride Ordinance of Manila sa papasok na taon.

XIV.
MARAMING SALAMAT sa pagkakataong maging opisyal na “dilawan”. Isang pambihirang oportunidad ang maging “enemy of the state” tulad ng mga binabansag ng mga saradong utak na mga ka-DDS. Kung ang pagiging vocal sa mga bagay-bagay, positibo man o negatibo sa mga nangyayari sa ating bansa ngayon, at  pagiging contributor ng mga malulusog na diskurso sa social media man o sa mga pisikal na diskusyon, proud akong maging dilawan.

XV.
MARAMING SALAMAT sa pagiging parte ng Millenials PH. Ito ang pinakamalaking bonus ng buhay ko ngayong 2017 bilang youth leader. Hindi biro ang maging bahagi ng isang nationwide youth organization kaya noong mas bata pa ako, hindi ko piniling sumali sa mga malalaking grupo. Pero nagbiro ang tadhana bago matapos ang 2017 dahil may kung anong humila sa akin para manatili rito. Maaaring isipin na baka dahil sa connections, pero sa dalawang buwan ko sa MPH, hindi kuneksyon ang nakuha ko kundi mga kaibigan. Sila ang mga kapatid sa adbokasiya na nagpapamukha sa akin na hindi natin dapat sukuan ang mga kabataan.

XVI.
MARAMING SALAMAT sa pagkakataong maging produktibong alagad ng aking Simbahan sa pamamagitan ng pagiging lector/commentator sa makasaysayang Minor Basilica of San Lorenzo Ruiz de Manila o mas kilala bilang Binondo Church. Tunay ngang ang pagsisilbi sa Tahanan ng Panginoon at ng Ina ng Santisimo Rosaryo at ang kinalakihang parokya ni San Lorenzo Ruiz ay nakapaghatid ng mga hindi mabilang na sorpresa at biyaya. Sabi nga ng Lumang Tipan: “Sapagkat buhay at mabisa ang salita ng Diyos at higit na matalas ito kaysa sa alin mang tabak na may dalawang talim. Bumabaon ito hanggang sa ikapaghihiwalay ng kaluluwa at ng espiritu at ng kasu-kasuan at utak ng buto. Nakakatalos ito ng mga pag-iisip at mga saloobin ng puso. At walang anumang nilikha ang makakapagkubli ng kaniyang mga gawa sa paningin ng Diyos. Ang lahat ay lantad at hayag sa kaniyang mga mata. At tayo ay magbibigay-sulit sa kaniya. (Hebreo 4:12-13)

XVII
MARAMING SALAMAT sa Out-Patient Department ng Metropolitan Medical Center sa ilang buwan na pagbibigay ng atensyon sa noo’y namamagang kaliwang paa ng nanay ko. Sa kabila ng sakit na naramdaman niya noon, binibigyan nyo ng dahilan ng nanay ko na hindi matakot bumalik sa inyo. Salamat sa mga tawanan at pagkalinga, hindi lang sa nanay ko kung pati na rin sa akin na umaakay sa kanya papunta sa inyo. Nakakalungkot na hindi na kami nakapagpaalam bago kami lumipat ng ospital kaya ipinapasa-Diyos ko na lang ang pasasalamat ko sa inyong lahat.

XVIII
MARAMING SALAMAT sa mga doktor at nurse ng Payward II ng Jose Reyes Memorial Medical Center. Nananatili kami sa Room 4214 sa humigit dalawang linggo dahil sa pag-aasikaso ninyo, pakiramdam namin ay nasa bahay lang kami. Hindi ko makakalimutan ang mga tawanan, kaunting kwentuhan at kalinga sa nanay ko, lalo na sa mga pinakamasakit na yugto ng kanyang buhay. Lubos ang pasasalamat ng aming pamilya sa inyo. Kayo ang buhay kong patunay na may pag-asa pang gumanda ang healthcare system ng mga ospital ng gobyerno sa buong Pilipinas. Pagpalain kayo ng Diyos.

XIX
MARAMING SALAMAT sa mga kaibigan na walang sawang nakakaalala sa kabila ng pagkaabala sa trabaho, eskwela at ano pang mga trip natin sa buhay. Gayundin sa mga bagong kaibigan na alam ko’y magkakaroon pa ng malaking parte sa buhay ko sa paparating na taon. Kilala nyo na po kung sino-sino kayo.

XX.
MARAMING SALAMAT sa Team NDC! Mapanubok ang 2017 sa ating opisina pero patuloy pa rin tayong naging masaya at kapaki-pakinabang para sa ating mga pinaglilingkuran. Ngayong dumami na ulit tayo, makatulong pa sana tayo nang mas malaki sa buong Maynila sa gabay at pangunguna ng ating Konsehal Niño.

XXI.
MARAMING SALAMAT sa lahat ng mga bagong kaibigan sa Binondo Church, lalo na sa aking mga magulang at gabay sa pananampalataya na sina Achi Diana Lee, Sister Beth Ngo, Sister Connie You, Kuya Gleo, Ate Joy, Ate Tina, Kuya Zards, Tatay Johnny at lahat ng aming mga padre sa pangunguna ng aming Kura Paroko na si Rev. Fr. Andy Ortega Lim. Gayundin ang mga sakristan naming sina Jhomarie Genita at Joshua Austria na naging nakababata kong kapatid sa pananampalataya. Special mention siyempre sa mga sister ate ko na sina Ate Missy Villaruel at Ma’am Beck (o Ate Che minsan) dela Cruz na mga guardian angel ko sa mga gawain ko sa simbahan. Masaya ako na pare-pareho kaming pinagpapala sa pamamagitan ng mga nakapagpapagaling na Habilin at mga Salita. Salamat sa Diyos!

XXII.
MARAMING SALAMAT sa mga kaibigang nabuo dahil sa pagsusulat – ang aking pamilyang binuo ng Ang Pamantasan. Napakaraming nangyari pero naniniwala akong pinagbuklod tayo ng pagkakataon para damayan ang isa’t isa sa lungkot at saya. Hinihintay ko ang panahong makukumpleto tayo ulit. Group hug tayo: Meng Lontayao, Diane Daseco, Kevin-Milner de Vera, Ran Perez, Che Aggabao, Macky Macarayan, Ei Chinte at sa mga honorary member na sina Ma’am Neriz Gabelo at Ma’am Ludz Labagnoy!

XXIII.
MARAMING SALAMAT sa isang taong kahit malayo ay hindi nakakalimot na maging anghel sa akin. May konting pagbabago man sa setup natin bago matapos ang 2017, nariyan ka pa rin para manindigan sa nabuo nating pagkakaibigan. Dear T, kampay para sa partidong walang tayo! Mahal na mahal kita mula Maynila pa-Mactan!

XXIV.
MARAMING SALAMAT sa Partido Liberal. Isang karangalan ang maging bahagi ng samahang naniniwala sa kalayaang may kaakibat na pagkakapantay-pantay, paggalang sa karapatang pantao at pagtatanggol sa mga nagigipit sa kumplikadong sistema ng lipunan at gobyerno. Bata pa lang ay alam ko nang Liberal ako kaya ang petsang November 7, 2017 ay hindi ko malilimutan dahil ito ang araw na nanumpa akong maninindigan sa ideolohiya ng liberalismo at nanumpang magiging marangal na miyembro ng tunay na partido ng Pilipino. #LiberalAko

XXV.
MARAMING SALAMAT sa mga bagong maaasahang kaibigan sa Millenials PH at LP Youth, lalong lalo na sa inyo: Jeffrey Reyes, Rizza Duro, Pipay Abuzo, Rio Iwasaki, David Renn Santos, Harvey Padilla, Marjon Fenis, Alex Salgado, Nathan Figueroa, Peter Manuel, Calvin Aquino, AR Angcos, Mito Tañada at JP delas Nieves. Gayundin sa mga gabay naming sina Ms. Rache Gillego, Sir Noriel Cabanela at Ice Cruz na naging posible para pagbuklod-buklurin ang aming mga puso para sa iisang prinsipyadong samahan at iisang damdaming makabayan.

XXVI.
MARAMING SALAMAT sa pinakahinahangaan kong mga pinuno: ang aking boss na si Konsehal Niño dela Cruz at ang nanay ng ating bansa na si Vice President Leni Robredo. Sila ang dalawang maningning na bituin sa aking langit na nagpapaalala na ang lider ay hindi isang panginoong nakalutang sa langit kundi isang manggagawang nadudungisan ng putik ang paa at lumalakad sa laylayan kasama ng mamamayan. Sila rin ang laging nagpapaalala sa akin na ang kababaang-loob ay isang karakter na mahalaga at kinakailangan upang maging epektibo ang isang pamumuno. Mataas na saludo para po sa inyo! Pagpalain po kayo ng Pinakadakilang Pinuno ng Sangkatauhan!

XXVII.
MARAMING SALAMAT sa aking sintang siyudad – ang Lungsod ng Maynila. Dear Manila, isa ka sa mga pinakaunang dahilan kung bakit ako patuloy na naglalaan ng pawis, dugo, laway at oras sa mga ginagawa ko. Marami pang dapat gawin para maipakita sa kanila na ikaw ang tunay at nararapat na pangunahing lungsod kaya hindi ako mapapagod na gawin ang makakaya ko para ipaglaban ka at ipagmalaki ka. Mahal kita, aking Maynila.

XVIII.
MARAMING SALAMAT sa aking pamilya. Walang salita ang pwedeng maglarawan ng mga nangyari ngayong taong ito, ngunit naririto tayo at pinapatunayang sa kabila ng bagyo ng buhay, nakatindig pa rin tayo at nagpapatuloy ng buhay. At kung may tinatangi man akong idolo sa buong buhay ko, ito ay ang nanay ko – si Avelina Lanoria Leal Santiago – at ang kuya ko – si Prof. Rafael Leal Santiago, Jr. Malakas ako at kapaki-pakinabang sa buhay at bayan ko nang dahil sa kanilang dalawa. Kung may papuri mang inilaan sa aking mga ginagawa sa bayan, ito ay nararapat na ibigay sa kanilang dalawa na walang sawa akong iniintindi sa mga kabaliwan ko. Sila ang lakas at inspirasyon ko sa lahat ng ito. Gayundin ang namayapa kong tatay (Rafael B. Santiago, Sr.) at ang mga baby namin na kasama na niya (ang Japanese spitz namin na si Bruce at ang kuneho naming si Bunny) na patuloy sa paggabay sa aming pamilya at pati sa baby namin ngayon na si Bruce Liit mula sa Langit.

XXIX.
MARAMING SALAMAT sa mga tala ng aking buhay-pananampalataya – ang Patron ng Tundo na si Sto. Niño at ang Patron ng Binondo na si San Lorenzo Ruiz, ang unang Pilipinong santo. Bukambibig ko na hindi ako mukhang relihiyoso pero ipinagmamalaki kong ang puso ko para sa Diyos ay mas malaki kaysa sa aking pagkatao dahil sa aking mga personal na patron. Patuloy po sana ang inyong panalangin at paggabay sa aking buhay ispiritwal, mahal kong Sto. Niño at San Lorenzo.

XXX.
MARAMING SALAMAT sa Iyo, Panginoong Hesukristo at Mahal na Inang Maria. Ang lahat ng sakit, tagumpay, pagsubok, paglalakbay at biyayang natanggap ko sa papatapos na taon ay inaalay ko sa Iyo. Sa ngayon, ang nais ko lang ay makapagbahagi ng biyaya ng pakikipagkaibigan, karunungan at paggabay sa iba, lalong lalo na sa aking Nanay na unti-unting binabalik ang sarili sa normal. Bigyan Mo po siya ng mas malakas na pangangatawan at isipan dahil kapag malakas siya, magiging malakas po ako. Lahat ng ito ay para sa pagpupuri sa karangalan Mo, aming Diyos. Amen.

Walang nakakaalam kung ano ang ibibigay sa atin ng 2018, tulad ng kung paano natin hinintay ang 2017. Sa kabila nito, sa pagdating ng bagong araw para sa ating lahat, manatili nawa tayong positibo sa ating pananaw sa buhay. Sa kaso ko, wala na akong hangad para sa aking sarili dahil noon pa man, pakiramdam ko’y nakamit ko na ang katuparan ng aking buhay. Ang makaabot sa aking ika-tatlumpung taon ay isang malaking pagpapala bilang lingkod ng Panginoon at ng ating bayan. Kung ito man ang gustong patunguhan sa akin ng tadhana, patuloy akong magsisilbi upang maging biyaya naman sa iba.

Maligayang bagong taon sa ating lahat. Maligayang pagdating, 2018!

 

AURORA-NEW-LOGO-2015 copy_small

2016 YEARENDER: #NeverForget

2015-category-title-tambuli copy
2016-post-featured-image-yearender

Sa bawat taon na nabubuhay tayo sa mundong ito, binibigyan tayo ng tadhana ng mga tao, bagay, lugar at pangyayaring hindi natin makakalimutan. Bahagi ng ating pagiging tao ang mga alaalang binabalik-balikan natin kung tayo ay nakakaramdam ng lungkot, tuwa at kahit ng galit o pagkamangha. Bahagi man sila ng ating nakaraan, nakatanim lamang ito sa ating puso’t isipan para siguraduhing hindi natin sila makakaligtaan.

Sigurado akong walang tututol kapag sinabi kong walang sinuman ang hindi makakalimot sa taong 2016. Mapa-personal na karanasan man o mga balita sa lipunan, niyanig ng 2016 ang mga buhay natin na dumating pa sa puntong nagkagulo-gulo ang relasyon natin sa mga taong malalapit sa atin. Sa kaso ko, tila na-barbecue ng mga isyu sa pulitika, relihiyon at kung ano-ano pa ang paraan kung paano ako magsalita, kumilos at mag-isip sa pang-araw-araw na pamumuhay. May mga nakapalagayan ng loob at meron ding mga di-inaasahang makasamaan ng loob. Pero kahit ganoon, masaya pa rin ako dahil binuksan ng 2016 ang mga pinto para mas maipakita ko ang aking pagmamahal at pag-aaruga, hindi lang para sa minamahal kong Maynila kundi para sa ating bansa.

#LabanLeni, #EDSA30, #BBMTalo, #NeverAgain

Mula nang magsimula akong pumasok sa serbisyo publiko noong 2011 ay nagsimula na rin akong maging mulat sa pulitika. Nakakilala ako ng mga personalidad na nabubuhay at bumubuhay sa mundo ng pulitika, panlokal man o pambansa.  Pero ngayong 2016 ay mas lumaki ang ikot ng buhay ko sa loob ng sistemang ito nang pasukin ang kumplikadong kampanya para maluklok ang susunod na bise presidente ng bansa.

Ngunit bago sumabak sa kampanya ay nagkaroon ako ng pagkakataong maging parte ng makasaysayang selebrasyon ng ika-30 anibersaryo ng EDSA People Power Revolution sa mismong People Power Monument. Ngunit hindi pala ito ang pagkakataong makakapunta ako sa lugar na iyon dahil naging bahagi rin ako ng mga nag-welga laban sa historical revisionism noong November 30 na pinamagatang Siklab Bayan.

Balik tayo sa eleksyon. Masuwerte akong magkaroon ng tsansa na mapabilang sa Team Leni, ang grupong tumulong sa kandidatura ng noo’y Camarines Sur representative Leni Robredo. Nakapunta sa kung saan-saang sulok ng Metro Manila at nakaabot pa ng Baguio, Benguet at Pangasinan para tulungang ipakilala ang isang bagong pulitiko sa mga taong maituturing na kababayan ng kanyang katunggali na si dating Senador Bongbong Marcos. Nakita ko’t naramdaman ang init ng kampanya na nakaapekto sa pakikitungo sa iilang kaibigan at kahit sa mga kamag-anak. Galing ako sa lahi ng mga Ilokano kaya para sa iba, kumplikadong hakbang ang ginawa kong pagbubulgar ng suporta kay Leni laban kay Bongbong sa pagka-pangalawang pangulo. Hindi kaila sa akin ang posibleng kahinatnan ng kampanya pero ang naisip ko lang noon ay ibinibigay ko ang kakaunting kakayahan ko upang hindi na makabalik sa pwesto ang pamilyang sa palagay ko ay nagdala sa Pilipinas sa kawalan. Hindi ko naitatanong pero naniniwala akong naiintindihan ng nanay ko at, sana, ng tatay ko (pareho silang “loyalista”) ang paglaban ko sa mga Marcos. Naniniwala akong naiintindihan nila kung saang punto ako nanggagaling sa prinsipyo ko at masuwerte akong may mga magulang akong tulad nila.

Sa kalakaran ng kampanya ay nakilala ko nang lubos ang simpleng si Leni. Ang minsang minaliit ng mga tao ay mas nakilala dahil sa prinsipyong ibang-iba sa mga matagal nang nasa publiko at paglilingkod-bayan. Mapalad ang tulad kong nakausap, napakinggan at nakatawanan ng tulad niyang ang turing sa lahat ay hindi lang kababayan at tagasuporta kundi isang parte ng pamilya. Ang tulad niya ang pinaniniwalaan kong kailangan ng bayan para maging kahalili sa pag-unlad ng Pilipinas… at hindi naman ako binigo ng 14 na milyong bumoto sa kanya.

Naging ika-14 na bise presidente ng Republika si Leni, pero hindi dito natatapos ang presensya ng mga Marcos. Nagtuloy-tuloy ang ingay na kanilang ginawa hanggang makuha nila ang isa sa mga pinakamatagal na nilang hinangad – ang mailibing “nang may karangalan” ang dating pangulong Ferdinand Marcos. Hinati ng pangyayaring ito ang sambayanan na humantong sa konklusyong maaaring magtagumpay ang pamilya na muling makabalik sa pinakamataas na luklukan ng pulitika. Pero ako, bilang simpleng mamamayan ay hindi rin tumigil sa panawagang sinimulan ko noong sumama ako sa kampanya noon – HINDI DAPAT MAKALIMUTAN ANG GINAWA NG PAMILYA NIYA SA PILIPINAS AT HINDI NA SILA DAPAT MAKABALIK PA SA KAPANGYARIHAN. Mula social media hanggang sa kalsada, sumama ako sa libo-libong mga kababayan, karamihan ay mga kabataan, na tumututol sa paglilibing ng diktador sa tabi ng mga kinikilalang bayani. Para sa akin, isang malaking karangalang lumakad para tulungang mamulat ang mga nakakalimot kaysa isiping wala akong pakialam at maupo sa kasinungalingan. Ang 2016 ay umpisa pa lang at magtutuloy-tuloy ito hanggang manaig muli ang bayang kumikilala sa kasaysayan.

#RethinkChange

Matagal na akong nagsasalita sa harapan ng maraming tao. Marahil, eto na talaga ang isa sa mga nakatadhana kong gawin sa buhay. Hindi ako namili ng dami ng audience dahil ang importante sa akin ay maibahagi ko ang mga bagay na dapat malaman, lalo na ng mga kabataang tulad ko ay gustong makatulong sa bayani sa simpleng pamamaraan. Para sa akin, ang pagbibigay ng kaalaman at inspirasyon ay isang hakbang upang maging bahagi ng makabuluhang pagbabago.

Regalo ng Bagong Taon ang pagkakataong makapagsalita sa isa sa mga pinakakilalang speaking engagements, hindi lang sa Pilipinas kundi sa buong mundo. Noong January 23, isa ako sa siyam na napiling magsalita sa ikalimang edisyon ng TEDxXavierSchool, ang kauna-unahang TEDx conference na inorganisa ng isang basic education institution sa Asya-Pasipiko. Ilan sa mga naging kilalang speakers ng mga nakalipas na TEDxXS ay sina Gary Valenciano, Karylle, Megan Young, Gloc 9 at Tony Meloto.

Isa itong mahalagang oportunidad upang maibahagi ang ganda ng Maynila at ng minamahal kong Calle Escolta sa mga kabataang ang hilig na puntahan ay mga lugar na halos walang bakas ng marangyang kultura at kasaysayan ng punong kabisera ng Pilipinas. Sa pamamagitan ng mga kwentong nakalap ko sa maraming taon ng pagbo-volunteer at pagkuha ng mga litrato, ipinakita ko sa kanila ang ganda, mysteryo at maging pangit na aspeto ng lungsod na nagbigay sa akin ng lakas ng loob upang mas mahalin pa ang siyudad na sinusuka ng iba. Dahil sa TEDxXS, naiparamdam ko sa parte ng henerasyon ngayon na ang Maynila ay karapat-dapat pa ring mahalin at dakilain.

#HogarShortFilm

Bago ako umalis sa aking tungkulin sa Escolta noong 2015 ay nag-iwan ako ng isang proyektong pakiramdam ko’y makakatulong sa aming adbokasiya para mas makilala pa ng mga tao ang kasaysayan at halaga ng dating central business district ng Pilipinas. Isa itong short film na nabuo sa pamamagitan ng pagtutulungan ng mga volunteers at ilang personalidad na nagmamahal sa Escolta. Noong una ay inakala kong hindi siya mailalabas dahil sa aberya sa oras at pagkakataon pero alam ko rin namang magkakamali ako ng akala. Matapos ang halos isang taon pagkatapos naming magawa ang pelikula, noong August 27 ay ipinakita namin sa publiko sa kauna-unahang pagkakataon ang “Hogar”.

Pinili naming ilunsad ang Hogar sa isang art studio sa First United Building bilang pagpupugay sa unang pagpapalabas ng pelikula sa Pilipinas sa Escolta noong 1897. May pagkakataong maipalabas siya sa medyo malaking lugar ngunit ninais kong ialay muna sa Escolta ang ginawa naming pelikula. Para sa Escolta at sa mga taong naniniwala sa kanyang muling pagkabuhay ang Hogar at nararapat lang na sila ang unang makapanood nito.

Nasundan pa ang screening na ito nang isang mas malaki pa nang iorganisa ng Heritage Conservation Society-UST Chapter ang kauna-unahang Lost In Translation: Architectural Film Festival ng University of Santo Tomas. Hogar ang nagsilbing opening film ng aktibidad na ito at halos pinuno ng mga Tomasinong nagmamahal sa kultura, sining, kasaysayan at arkitektura ang Beato Angelico AVR upang mapanood lamang ito. Muli, isang karangalan na sa pamamagitan ng Hogar ay nadala namin ang Escolta papalapit sa España.

#APBig5

Isa sa pinakamahalagang parte ng aking buhay ay ang college life. Bagaman hindi naging perpekto ang lahat noon, masaya ako na magkaroon ng mga kaibigang hindi nakakalimot sa lungkot man o saya.

Walang perpektong barkadahan. Minsan ay may mga nawawala, bumabalik at nawawala na naman. Ganito kami sa Big 5, ang tinawag namin sa grupo naming mga naging editor ng Ang Pamantasan, ang official student publication ng Pamantasan ng Lungsod ng Maynila. Hindi lang kami lima pero dahil noon ay sikat ang Big 4 ng Pinoy Big Brother ay naging ganoon ang pangalan ng aming samahan. May mga iilang taon ang nagdaan nang makumpleto kami ng maligaya, makulit at may pagkamaldito. (Haha!) Pero nitong taon ang masasabi kong pinakamagandang taon sa amin dahil muli kaming nakumpleto at nangyari ito sa unang screening ng aking Hogar.

Alam nila kung gaano ako kasaya sa muling pagbubuklod ng Big 5. Sana ay tuloy-tuloy na.

#TeamNDC

Inakala ko na pagkatapos ng Halalan 2016 ay matatapos na rin ang direktang koneksyon ko sa kahit anong sangay ng gobyerno. Bagaman nasa Escolta ang trabaho ko sa nakalipas na dalawang taon, isa sa mga tungkulin ko noon ay makipag-ugnayan sa pamahalaan para sa mga adbokasiya namin sa muling pagpapaganda nito. Pero mukhang ayaw ng tadhana na ilayo ako sa mundo ng pulitika, at dahil doon, taos puso ko siyang tinatangggap at gagawin.

Kasalukuyan akong nagtatrabaho ako bilang legislative staff officer ni Konsehal Niño dela Cruz ng Unang Distrito ng Maynila. Sa tingin man ng iba ay maliit ang responsibilidad na ito, ang mahalaga sa akin ay nakakapaglingkod ako sa mga kapwa ko Manileño sa pamamagitan ng pagtulong kay Konsehal Niño sa kanyang mga gustong isakatuparan bilang lokal na mambabatas ng lungsod.

Sa aking pagbabalik sa loob ng Manila City Hall ay muli kong nakasama ang mga dating kaibigang nawalay sa akin noong 2013. Masarap din sa pakiramdam na makasama sa iisang barko ang mga bagong katrabahong nagbibigay ng bagong kulay sa inyong lingkod bilang taong gobyerno. Tinatawag namin ang aming grupo na Team NDC at ang taong ito ang nagsilbing pundasyon ng mga mas makabuluhang pagtatrabaho sa mga susunod pang taon.

#BondingMoments

Tuloy-tuloy ang paggala ko sa kung saan-saan kasama ng mga luma’t bagong mga kaibigan. Kung may masasabi akong humulma sa aking sarili ngayong 2016, ito ay mga lugar at mga aktibidad na dinaluhan ko.

Nariyan ang pagkakape sa kung saan-saang coffee shop, malasing sa iba’t ibang klase ng inuman, mag-videoke sa kung saan-saan, first time na mag-videoke sa loob ng umaandar na bus, maging panelista sa mga thesis defense, mag-tour sa Intramuros at Luneta kasama ng mga estudyanteng Hapon, maging Escolta tour guide ulit para sa mga high school student, matulog sa bangketa, sumakay nang regular sa PNR tuwing rush hour, manood ng mga magagandang theater plays at indie films, gumawa at magdisenyo ng election paraphernalia, makapagsulat ulit ng press release na na-publish sa isang dyaryo, makapunta sa Baguio ng dalawang beses, makita sa Bandila sa gitna ng pagche-check ng Twitter sa phone, at higit sa lahat, ang magkaroon ng mga selfie sa isang vice president-elect at maka-attend sa kanyang inagurasyon na itinuturing na kauna-unahang solong inagurasyon ng bise presidente sa kasaysayan noong Hunyo 30.

May iba pang mga “ganap” ang hindi ko na masabi dahil sa “privacy” nito. (Paki-intindi po. Haha!) Pero lahat ng iyon, kasama ng mga nabanggit ay paniguradong masaya at nag-iwan ng guhit sa puso at isipan na lagi kong mababalikan sa hinaharap.

#ThankYouForTheLove

Tulad ng dati ay hindi ko papalampasin ang espasyong ito para magpasalamat sa mga taong nagbigay ng kahulugan ng aking 2016. Ang ilan sa kanila’y humubog sa aking kamalayan sa mga susunod pang panahon.

Salamat kina Ms. Erica Borja, Ms. Mardi Suplido, Ria Mendoza, Ced Rodriguez at lahat ng mga nakasama ko sa ilang araw ng Philippine Alternative Tours ng International Students Association-Japan (ISA-J) at nagbigay ng masasayang alaala kasama ang mga kaibigang Hapones.

Salamat sa mga kapatid ko sa Escolta Volunteer Arm na sina Mikaela Burbano, Hans Madula, Ivana Biong, Miguel Bacaoco, Yves Briones at sa iba pa na patuloy na kumayod para matuloy ang pagpapalabas ng pinakamagandang produkto ng EVA na Hogar.

Salamat kina Juan Marcus Luna at Mona Sheilette Martinez sa pagiging parte ng kasaysayan ng Hogar. Salamat sa pagbibigay-buhay sa mga bayani ng Escolta sa larangan ng pelikula.

Salamat kina Vince Africa at Reymart Cerin ng The Public School Manila at Tin Manzano ng Heritage Conservation Society-UST Chapter sa pagbibigay ng tahanan sa Hogar.

Salamat sa mga kaibigan natin sa Heritage Conservation Society-Youth, lalo na sina Stephen John Pamorada, Clara Buenconsejo, Johhan Joseph Ararao at Kat Candelaria sa patuloy na pagyakap sa akin sa tuwing bibisita ako sa Escolta.

Salamat sa magkapatid na Nini at Geil Hernandez na naging susi kung bakit ako napasok sa magulo ngunit walang kasing-sayang bonding sa Manila Ops at Pipol’s Campaign.

Salamat kina Ms. Marian Pastor Roces, Sir Jess Lorenzo, Sir Boom Enriquez, Ms. Vina Vargas-Enriquez, Ms. Tina Maramba, Sir Boyet Dy, Biboy Davila, Joie Ortega, Von Yacob, Darren Cheng, Marvin Bautista, Pen Prestado, Jayson Maulit, Jaycel Moreno at buong Team Leni sa ilang buwan ng makabuluhan at makatotohanang kampanya.

Salamat kina Vberni Regalado, Jessica Pag-iwayan, Justin Bandong, Arch. Joel Rico, Ms. Elsa Magdaleno, Atty. Kay Isberto, Kagawad Ariel Sierda, Prof. Ludz Labagnoy at Arch. Dunhill Villaruel sa patuloy na pagtitiwala sa aking kakayahan.

Salamat sa buong TEDxXavierSchool team, lalong lalo na kina Joddi Edwards Chua, Christian Robert Cheng, William Alonzo, Kester Wee at Leonard Lim sa pagkakataong mapasama sa hanay ng kasaysayan ng TEDx sa Pilipinas.

Salamat sa aking mga bagong kapamilya sa bago kong kwarto sa Manila City Hall na sina Ma’am Beck dela Cruz, Ma’am Tin Villaruel-dela Cruz, Sir Paul dela Cruz-Almario, Tita Zen Cruz, Ate Missy Villaruel, Jeorna Cantilado, Kiko Go, Mimi Silva, Aeros Laderas at sa iba pang bumubuo ng Team NDC.

Salamat sa mga kaibigang noon pa lang ay sumusuporta na sa kagalingan at kalokohan. Wala si Lem na baliw kung wala kayo: Ma’am Cely Sibbaluca, Ma’am Tess Manapat at Sir Benny Manzano ng First United Building Corporation; ang AP Big 5 and friends na sina Diane Daseco, Rommel Lontayao, Randolph Perez, Kevin Milner de Vera, Katrina Paula Catugas, Risa Gale Guillermo, Atty. Eileen Cabrera at Raena Mae Jauco (plus beshies Clark and Jacques haha); ang mga ka-Ang Party na sina Cherry Aggabao, Florence Rosini, Macky Macarayan at Nona Bracia; at siyempre, ang Kabalun-balunan na sina Marian Galera, Jocyn Gaño, Susan Milan at Miguel Hernandez. Sa mga hindi nabanggit, please, huwag pong magtampo. I love you all!

Salamat sa dalawang kampiyon ko ngayong taon na tunay namang tinitingala ko bilang mga huwarang lingkod bayan: sina Konsehal Niño dela Cruz at Vice President Leni Gerona Robredo.

Salamat sa lubos kong minamahal, ang siyudad ng aking pag-ibig, ang nag-iisang Reynang Lungsod ng aking buhay. Dear Manila, bigyan mo ako ng mas marami pang inspirasyon. Bawal sumuko dahil tulad ng ipinangako ko sa’yo noon pa, hinding-hindi kita susukuan.

Salamat sa aking pamilya na nananatili ang paniniwala sa akin kahit ano pa ang mangyari: kay Nanay Belen, sa aking Kuya Abet, Kuya Ramon at Kuya Jojo, sa aking sister-in-law na si Ate Airine, sa aking pamangkin na si Rmon at sa aking Tatay Rico, Bruce at Baby Bunny na masaya na sa piling ng Maykapal.

At ang pinakahuli’t pinakamahalaga: ang ating Panginoong Hesukristo, ang ating Inang Maria at Mahal na Sto. Niño de Tondo na walang sawang nagbibigay ng sorpresa sa buhay na Kanyang ipinahiram. Bukod sa aking pamilya, patuloy po Ninyong biyayaan ang mga mas nangangailangan at ang bansa naming dumadaan sa pagsubok ngayon. Lahat po ng biyayang aming natanggap ay aming ibinabalik sa Inyo dahil ang lahat ng ito’y naging posible dahil sa Inyong Karangalan at Kadakilaan. Amen.

#NeverGiveUp

Nasa isip ko ngayon na mas marami pa ang mangyayari sa susunod na taon. May pananabik, may kaba, may takot at may pag-asa ang laman ng aking utak at pintig ng aking puso sa maaaring kahinatnan ng 2017. Ngunit tinuruan tayo ng 2016 na huwag makalimot sa Kanya at sa mga bagay na natutunan sa lahat ng ating dinanas. Tuloy lang ang buhay at muli, hindi nawa natin makalimutan ang mga pagsubok na nagpapatatag natin sa susunod na taon at sa mas marami pang panahon at pagkakataon.

Maligayang bagong taon sa ating lahat. Maligayang pagdating, 2017!

AURORA-NEW-LOGO-2015 copy_small