Ang Panaginip Na Pinagsisihan Kong Hindi Ko Napaginipan Nang Mas Maaga

Marami ang ibig iparating kung tayo ay nananaginip. Maaaring ito’y pag-alala sa ating nakaraan, paglingon sa ating posibleng kinabukasan, babala sa maaaring mangyari sa atin at pagpaparamdam ng kung anong puwedeng maganap kung ang mga pinapangarap natin sa buhay ay magkatotoo.

Pero hindi ko akalain na dahil sa isang panaginip ay matatanto ko na ito ay sampal na realisasyon na ang isang bagay na pilit kong hindi pinapansin ang siyang tunay na hinahanap ko at ngayo’y lalong nakakagulo sa pagtibok ng aking puso.

Isa akong kaluluwang napadpad sa dimensyong maghahanda sa akin sa aking kinabukasan, sa aking pagbabalik bilang normal na nilalang. Napakaraming tulad kong naghahanap ng tunay na pagkakakilanlan upang makaahon sa hirap ng kawalan at pinagsama-sama kami ng mga anghel upang tulungang maisakatuparan ang aming hangad. Dito ko nakilala ang isang kaluluwang nagtataglay ng magandang mukha at matatas na pananalita’t pag-iisip.

Para sa akin, hindi siya ekstra-ordinaryong kaluluwa, pero sa maraming araw na magkasama kami, sa tingin ko’y nagkamali ako. Dumating ang mga pagkakataong hindi na nagiging ordinaryo ang trato ko sa kanya. Sa tuwing katabi ko siya sa mga lihim na kasiyahan at apektado ng gayumang dulot ng tubig ng paglimot, pakiramdam ko na ako’y ligtas. Sa tuwing siya’y nakatitig, nakangiti’t masayang nakikipagpalitan ng mga salita sa akin, hindi ko maiwasang tumingin lang sa kanya at hinahayaang angkinin niya ang aking atensiyon. Sa tuwing hindi kami magkakasundo sa aming mga ideolohiya, para kaming mga hangal na nag-iiwasan ng mga mata pero nagpapakiramdaman kung tama bang nagtalo kami o isa lang paghamon sa aming nagsisimulang lalong pagkakasundo.

Hindi ang tipo niya ang gusto kong maging kakabit ng aking puso, pero habang papalapit nang papalapit ang panahong maghihiwalay na kami ng landas at babalik sa normal naming buhay, nalulungkot ako dahil ang pakiramdam ko’y hindi na niya ako maaalala. Nung malaman kong may nagmamay-ari na ng kanyang puso, para akong tinusok ng karayom sa aking puso at utak, pero pilit na nakangiti’t sumasabay sa alon ng kanyang kasiyahan. Alam kong mali ang pakiramdam na iyon, kaya’t nanindigan akong isa lang siyang panandaliang kaluluwang dinaanan lang ng aking buhay papunta sa dapat kong kalagyan.

Nakatagpo ako ng kaluluwang yumakap sa aking sistema at ako’y tuluyan niyang inangkin. Tuluyan ko nang inabandona ang inilaan kong pagtingin sa kanya at tinuring na lamang siyang isa sa mga lumiligid sa aking kalikasan, tulad ng ibang nakilala ko lang sa dimensyong iyon… ngunit dumating ang isang pagkakataong nakapagpabago sa aking mga paniniwala – at iyon ay ang pagtungo ng aking huwisyo sa mundo ng panaginip.

Mapanlinlang ang mga panaginip. Nakikita nila ang pagkaambisyoso ng mga kaluluwa sa gusto nilang mangyari kaya inaabuso nila ito’t nagpapaka-impostor, niyayakap nila ang bawat kaluluwang naroon at dinadala sa pansamantalang kasayahan na magdudulot ng pag-asang walang siguradong kapupuntahan. Akala ko’y ganun din ang gagawin nila sa akin, pero may isang panaginip na sumigaw sa aking pagmumukha’t tinumba akong parang posteng binuwag ng malakas na hampas ng hangis.

“HUWAG MO NANG ITANGGI! SIYA ANG GUSTO MO! TAKOT KA LANG DAHIL HINDI KAYO PAREHO NG ESTADO! SIYA ANG PANGARAP MO AT HINDI ANG TAONG NASA IYO NGAYON! SIYA ANG GUSTO MO! SIYA ANG MAHAL MO!”

Nakakabinging sigaw, kaalinsabay ng malakas na hanging may dalang alikabok. Pinilit kong dumilat pero ang nakita ko’y isang puting kawalan. Tuluyan kong binuksan ang aking mga mata at nakita ko sa puting kawalan ang isang imaheng papalapit sa akin. Kilala ko siya. Siya nga. Hinawakan niya ang aking mga kamay at niyakap. Sa pagyakap na iyon ay bumalik ang mga alaala ng aming masasayang pagsasama. Ang mga alaalang ako’y nakatitig lang sa kanya nang walang dahilan. Ang mga alaalang naiinis ako sa kanya dahil di niya napapansin ang mga ginagawa kong maganda. Ang mga alaalang halos magkadikit ang aming mga mukha sa tuwing binubulong niya ang kanyang mga hinaing at mga punto. Ang mga alaalang tinatanggi ko na gusto ko siya. Lahat ng iyon ay umikot sa aking hinuha habang kayakap ko siya sa mundo ng panaginip. Isang panaginip na ayoko nang matapos.

Dumilat ang aking mga mata sa araw na ang lahat ay matatapos na. Lahat kami ay lilisan na sa dimensyon ng paghahanda. Hindi ko alam kung paano ako haharap sa kanya at mamamaalam. Dumating ang takipsilim, natapos na ang mga dapat tapusin bago tuluyang tuldukan ang lahat. Nagkaroon ng piging at yun ang huling pagkakataon na iinom kami ng tubig ng paglimot bilang mga preso ng mga panuntunan. Bagama’t may pagkailang ay pinilit kong maging normal ang lagi naming ginagawa na kuwentuhan at tawanan. Pinilit kong maging normal sa tuwing may ibubulong siya na halos magkadikit na ang aming mga mukha. Pinilit kong maging normal at nagtagumpay ako. Pero tama nga ba ang ginawa ko?

Naglalakad ako pauwi na binubuo ang palaisipan ng aking puso na lalong nagiging mahirap dahil sa epekto ng tubig ng paglimot. Sa gitna ng pagkatulala ay narinig ko ang aking pangalan, ang pangalan kong kanyang sinisigaw. Sa aking paglingon, nakita kong nakangiti siyang kumakaway, nakangiting nagpapaalam. Hindi ako nakagalaw nang labinlimang segundo sa aking kinatatayuan, at saka tumalikod at bumalik sa kawalan.

Oo. Siya nga marahil ang gusto ko. Siya nga marahil ang aking pangarap. Siya nga marahil ang mahal ko. Pero hindi ko binigyan ang tadhana ng pagkakataong iparamdam ang pagsintang iyon sa kanya. Pareho na kaming masaya. Ako sa piling ng iba at siya sa piling din ng iba. Huli ko mang natantong mahal ko siya dahil sa panaginip na iyon, ngunit masaya akong naging bahagi siya ng aking paglalakbay. Hindi ako naniniwalang iyon ang huli naming pagkikita. Alam kong magtatagpo pa kami ng landas. Sana, sa aming pagtatapong muli sa hinaharap ay walang mabago. Sana. Sana.

FAST POST #7: Crime Of Passion – Ang Pwedeng Magawa Ng Tunay Ng Pagmamahal

Nakakalungkot para sa akin ang balita ukol sa naganap na insidente sa SM Pampanga na kinasasangkutan ng dalawang binatilyo. Hindi ito normal na insidente, dahil sa matindi nilang pagmamahalan na nabalot ng selos ay nauwi sa katapusan ang kanilang bata pang buhay. Kinitil ng isang 13 anyos na binatilyo ang 16 anyos na binatilyong kasintahan sa loob mismo ng SM, pagkatapos ay ipinutok sa kanyang sintido ang ginamit na baril at bumulagtang nakadantay ang isang kamay sa kanyang kasintahan. Sa ganitong paraan isinakatuparan ng 13 anyos ang kanyang sinabi sa suicide note na handa siyang makasama ng habambuhay ang kanyang minamahal, kasabay ng paghingi nito ng paumanhin sa pamilya niya at sa pamilya ng 16 anyos.

Crime of passion. Isang insidente kung saan nagagawang pumatay ng isang tao nang dahil sa pag-ibig. Marami nang ganitong kaso sa Pilipinas, pero walang nakapag-akala na magaganap ang ganitong klaseng ‘krimen’. Sa murang edad ay naisip ng 13 anyos ang ganoong pamamaraan para lamang makasama niya hanggang sa kabilang buhay ang pinakaimportanteng tao ng kanyang puso. Tila isang gay love story na mahirap isulat at hindi mo akalaing mangyayari pala sa totoong buhay.

Nagiging masyado nang malawak ang utak ng mga mas nakababata dahil sa modernong teknolohiya. Oo, may mga nagaganap sa ibang bansa na batang nakakapatay gamit ang baril dahil maaaring wala ito sa kanyang sarili dahil sa ipinagbabawal na gamot o matinding depresyon. Pero sa kasong ito ay imposibleng may masisi dahil naging maigting ang bugso ng damdamin ng bumaril na binatilyo upang habambuhay na mapasakanya ang kanyang minamahal. Hindi isyu dito ang pagkakapareho nila ng kasarian. Nakaramdam sila ng pagmamahal sa isa’t isa at alam natin mahirap pigilan ang nararamdaman ng dalawang nagkakaintindihan ang mga puso. Kung may sisisihin man, maaaring ito ay yung kapabayaan ng magulang sa mga gamit na hindi dapat makita ng bata o ang maling paggamit sa anumang teknolohiya tulad ng Internet at text messaging.

Ang pangyayaring ito ay nag-iwan sa atin ng aral, lalong-lalo na sa mga magulang na may mga anak na nag-uumpisa pa lang sa teenage years. Sa mga ganoong edad ay tunay na napakahirap kontrolin ang emosyon ng mga ito, kaya mas gabayan nila ang mga anak pagdating sa kanilang pagharap sa mga suliranin ng pag-ibig at pakikipagrelasyon.

Hindi natin masasabi na ito na ang huling insidente ng ganitong krimen kaya dapat nang ipamulat sa mga nagbibinata’t nagdadalaga ang pwedeng magawa ng tunay na pagmamahal sa kanilang batang edad.

 

Mga kaugnay na artikulo:

2 BOYS IN SM PAMPANGA MALL SHOOTING DIE – http://www.abs-cbnnews.com/nation/regions/09/21/11/2-boys-sm-pampanga-mall-shooting-die

DAILY MOTION/ABS-CBN NEWS (Bandila) – http://www.dailymotion.com/video/xl7m1n_sm-pampanga-shooting-incident-september-20-2011_news

FAST POST: Kaya Mo Ba Akong Mahalin?

Ilang buwan na rin akong single. May mga pagkakataon na nagdarasal na sana, may magmahal na sa akin. Minsan nga, iniisip ko na ‘hopeless romantic’ lang yata ako. Hahaha!

Kaya mo ba akong mahalin? Huli ko yang naitanong noong April. Ang sinagot sa akin… bakit hindi? Malas nga lang dahil yung sumagot sa akin sa akin sa tanong na iyon ay isang matalik na kaibigan at alam kong hindi ko siya pwedeng mahalin dahil may girlfriend siya at may partner ako noon.

Kaya kitang mahalin. Pero sana makapaghintay ka. Tatlong beses ko itong narinig. Lahat ng nagtanong, dehado ako. Dehado, in the sense that, Naghintay ako, naghintay sila, pero ang ending, hindi pala kami ang para sa isa’t isa. Parang wala lang din.

Hay…. basta! Kung kaya niyo akong mahalin, who knows, baka mas mahalin ko kayo. Hahaha!