FAST POST #14: Dahilan Ka Ng Isang Milyong Komedya

(Para Sa Hari Ng Komedya Sa Pilipinas, SLN)

I. biro
ang batang Tundo
na nagtitinda
ng mani’t pakwan
sa harapan ng
isang sinehan,
nasa gitna ng
dusa at luksa
ng kahirapan,
pero siya ay
nagsumikap na
malagpasan ang
mga biro ng
mundo’t tadhana.

II. ngiti
sya nga si Golay,
ang namamayat
na mananayaw
at mang-aawit
sa entablado,
dugo ay bayan
ang unang labas
sa pelikula,
at kalauna’y
nagpasimulang
magpangiti sa
telebisyon sa
buhay artista.

III. bungisngis
sya nga si Pidol,
isang artistang
sumimbulo ng
bumubungisngis
na Pilipino,
ang manggagawang
nagmamahal sa
kanyang pag-arte,
tatay ng bayan,
baklang palaban,
at sagisag ng
realidad ng
ating lipunan.

IV. tawa
si Pacifica,
Fefita’t Omeng,
John Puruntong man
o Kevin Cosme,
si Markova at
Father Jejemon,
artistang walang
limitasyon sa
pagpapatawa,
walang inindang
anumang pagod
sa sambayanan.

V. halakhak
higit kumulang
na ngang pitumpung
taong halakhak
ang iniambag
sa mga Pinoy
mula pa noon
hanggang sa ngayon,
ang komedya nyang
inihain sa
Pilipinas ay
mananatiling
kayamanan at
kasaysayan.

VI. komedya
haring tunay ng
komedyang Pinoy,
hindi luha ang
aming pabaon
sa’yong pagpanaw,
dahilan ka ng
aming pagbiro,
ng pagpapangiti,
ng pagbungisngis
at ng pagtawa,
pagdiriwang ng
iyong buhay ang
aming pagtanaw.

VII. alamat
ang Panginoon
ay sobrang saya
sa’yong pagbalik
sa Kanyang piling,
isa kang tunay,
walang kapantay
na ngang alamat
ng pinilakang
tabing ng Pinas,
kami’y saludo
sa’yong dakilang
kontribusyon sa
iyong larangan.

MABUHAY KA, MANG DOLPHY.
MARAMING SALAMAT!
MANANATILING KAMING NGINGITI
AT PANANATILIHING BUHAY
ANG MASAYA MONG ALAALA.

 

 

Rodolfo “Dolphy” Vera Quizon, Sr. (July 25, 1928-July 10, 2012)

Photo courtesy of ABS-CBN News Online

KAHON: Ang Animnapung Pangalan, Salita at Pamagat Sa Telebisyong Pinoy Na Nakatatak Sa Aking Alaala

UNA SA LAHAT: Ngayong araw na ito, ika-23 ng Oktubre, ang ika-58 anibersaryo ng telebisyong Pinoy at ng kauna-unahang commercial television station sa buong Asya, ang ABS-CBN. Ako ay isa sa mga libu-libong Pilipino na gumugunita sa napakahalagang petsang ito ng ating kasaysayan. Naimpluwensiyahan ng telebisyon ang ating bansa at nararapat lamang na siya’y bigyang halaga sa kanyang kaarawan. Sa lahat ng television networks, Kapamilya ka man, Kapuso, Kapatid, Kabarkada, Kasambahay at kung ano-ano pa, happy birthday po, telebisyong Pinoy!

 

Ang 60 terminolohiyang sinasaad ng lathalaing ito ay purong alaala ko lang. Hindi po ako gumamit ng Google o anumang search engine sa Internet upang gawing gamot na pampaalala sa mga nakalimutan ko na. Kung mapapansin po ninyo, karamihan sa mga ito ay naganap noong dekada ’90 – ang sinasabing second golden age ng Philippine television. Ang mga ito rin ay masasabi kong personal na karanasan na maaaring nagbigay-daan upang palawakin ang kaalaman ko sa mundo ng telebisyong Pinoy.

 

Alam kong sa ilang makakabasa, marami ang makaka-relate sa mga mababanggit kong mga salitang patungkol sa Philippine television. Kaya sana po ay i-enjoy ninyo ito.

 

 

01. Charito Solis bilang Ina Magenta sa ‘Okay Ka Fairy Ko’

02. Digital LG Quiz

03. ‘Maalaala Mo Kaya’ tuwing Huwebes ng gabi

04. Ang “Promac’s Mahiwagang Tunog” ng ‘Family Kwarta O Kahon’

05. Julio at Julia: Kambal Ng Tadhana

06. Sina Cedie, Sarah, Peter Pan at Cinderella

07. Si Guro Clef [Magic Knight Rayearth] at Gurong Serabie [Akazukin Cha Cha]

08. ‘Chinese Movie Feature’ tuwing Sunday, 8AM sa Channel 2, pagkatapos ng Sunday TV Mass

09. Ang halakhak ni Celina [Princess Punzalan] sa ‘Mula Sa Puso’

10. “Kung walang knowledge, walang power! … babaaaaayyyy!” – Ka Ernie Baron, Knowledge Power

11. Ang mga Halloween episode ng ‘Magandang Gabi Bayan’

12. Ang mahabang la mesa ng mga anchor sa ‘TV Patrol’ kung saan nakaupo si Ka Kiko Evangelista, Mel Tiangco, Noli de Castro at Angelique Lazo

13. “*ubong may laman*… ehem! ex—cuse me poh!!!” – Mike Enriquez, 24 Oras

14. Si Paloma at Altagracia

15. Bananas in Pajamas

16. Marinella

17. Valiente

18. 90s version ng 3 o’clock Habit

19. Ghost Fighter

20. Ukiramba ng ‘Mask Man’

21. “Chicken!” – Tropang Trumpo

22. Familia Zaragoza

23. The 9-11 terror attack TV coverage

24. “Time space warp… ngayon din!” – Ida, Shaider

25. Cynthia Luster sa ‘Bioman’

26. ‘The World Tonight’ with Angelo Castro Jr and Loren Legarda

27. Murphy Brown

28. “Please…. pray the rosary” – Family Rosary Crusade plug sa ABC 5

29. Alas Singko Y Medya

30. The Probe Team

31. Abangan Ang Susunod Na Kabanata

32. Dayanara Torres at Michelle Van Eimeren

33. Ober Da Bakod

34. Sarimanok

35. Super Laff In

36. ‘WWF’ wrestling sa ABC 5 tuwing Sabado ng gabi

37. ‘Channel V’ sa Citynet UHF Channel 27

38. Last day ng ABC 5 sa ere bago maging TV5

39. ‘Julie!’ with Julie Yap Daza

40. Martin After Dark

41. Chinese cooking show tuwing Sunday, 9AM sa Channel 9

42. Awit, Titik, Bilang At Iba Pa (ATBP) at Batibot

43. 5 And Up

44. Showbiz Linggo

45. “Huwag i-deny, don’t tell a lie… AMININ!” – Rey Pumaloy, Eat Bulaga

46. Villa Quintana

47. Tierra Sangre

48. Encarnacion Bechavez

49. Maria Mercedes

50. Palibhasa Lalake

51. Maricel Drama Specials

52. Ang Pangarap Kong Jackpot

53. Cathy Villar, Tina Revilla at Timmy Cruz hosting the PCSO Lotto Draws

54. Silhouette 40

55. 1994 Miss Universe TV coverage sa Maynila

56. Mara Clara

57. Ang submarinong Nautilus sa ‘Mahiwagang Kwintas’

58. Battle of the Brains

59. ‘Ang Dating Doon’ sa Bubble Gang

60. Rita Repulsa sa unang ‘Power Ranger’ series

 

KAHON: BATONG BIGNOY – Ang Hiwaga Ng Pinoy Fantaserye

Una Sa Lahat: Ang artikulong ito ay unang inilathala noong Abril 2005 sa Ang Pamantasan, ang official student publication ng Pamantasan ng Lungsod ng Maynila. Nilalaman nito ang mga pangyayari mula nang magsimulang sakupin ang telebisyong Pinoy ng isang bagong format ng drama series, ang pag-angat ng fantaserye.

Malikhain ang pag-iisip nating mga Pilipino. Nakakalikha ng maraming bagay na imposibleng magawa, ngunit nabibigyang-buhay dahil sa ating malikot na kamay at imahinasyon. Nakakakuha ng ibang konsepto sa ibang bagay at nabibigyan ng kakaibang pag-anyo na mas maganda pa kaysa orihinal nito.

Sa kasalukuyan, tayong mga Pinoy ay ‘adik’ sa panonood ng telebisyon, lalo na sa mga ‘teleserye’. Ang laman ng telebisyong Pinoy ngayon ay mas kakaiba kung ihahambing mo, limang taon na ang nakalilipas. Mas naging kapana-panabik ang mga eksena at mas naging award winning pa, hindi lang dito sa bansa kundi maging sa ibayong dagat. Nabebenta na rin sa ibang bansa ang mga gawa nating palabas, tulad ng “Pangako Sa’Yo” na nanguna sa mga palabas sa Malaysia at patuloy na pinapalabas sa ibang bansa. Hindi na rin puro Spanish ang ating napapanood, kundi yung mga galing naman sa bansang Korea at Taiwan na tinatawag nating ‘chinovela’.

Siyempre, hindi rin natin maiiwasan ang mabilis na takbo ng ating panahon. Kaya nagiging malawak na rin ang pag-iisip ang mga Pinoy, pagdating sa paggawa ng mga konseptong ginagamitan ng makabagong teknolohiya. At dito nabuo ang isang uri ng programang tinatangkilik natin sa kasalukuyan – ang ‘fantaserye’. Bakit nga ba ‘fantaserye’? Siguro, nasa pag-iisip na rin natin kung bakit ang mga ganoong uri ng palabas ay tinawag na ‘fantaserye’. Sa diksyunaryong Ingles, ang salitang ‘fantasy’ ay imahinasyon, at ang ‘serye’ ay nanggaling sa salitang teleserye.

Kailan ba nagsimulang ipalabas ang tulad ng mga ‘fantaserye’? Ang ganitong konsepto ay matagal nang nauso sa ibang bansa. Noong bata pa tayo, ang mga Intsik na palabas tuwing Linggo ay naglalaman ng mga istoryang may halong mahika.

Pero nagbago ang lahat sa kasaysayan ng ating mga telenovela’t teleserye dahil nagsimula na ang bagong trend sa paggawa ng telenovela, at sa pagkakataong ito, ang target naman ng primetime television ay ang mga bata, at pati na rin tayong mga ‘young at heart’. Noong isang taon lamang (2004), buwan ng Pebrero, ay sinimulan ng ABS-CBN ang kauna-unahang likhang fantaserye sa telebisyonm at ito ay ang kuwento ni “Marina”. Hindi maikakailang ang konsepto nito ay galing sa tanyag na pelikulang “Dyesebel”, na maraming beses nang isinapelikula noong dekada ’90. Ngunit dahil sa makatotohanang special effects, costumes, istorya at pagganap ng mga artista, nagkamit ito ng pinakamataas na rating sa primetime nang maraming buwan.

Siyempre, hindi maiiwasan na magkaroon ng mga sumunod sa unang nakalikha. Gumawa naman ang GMA 7 ng kuwelanovelang “Marinara”. Hindi ito masyadong nagtagal sa telebisyon kaya muli silang lumikha ng isang kakaibang obra at ito ay ang telepantasyang “Mulawin”. At dahil sa mga tauhang ‘taong ibon’, nagkamit rin ito ng mataas na rating sa telebisyon. Dito na nagsimulang sumulpot ang mga karakter na ngayon lang naglabasan, tulad nina Krystala, Leya, ang mga nilalang na may extraordinary powers sa “Spirits”, at ang mga mandirigmang diwata mula sa lupain ng “Encantadia”. Nagsisimula na ring isalin sa telebisyon ang mga sikat na alamat na sa pelikula lang dating napapanood at sa mga komiks lang nababasa, tulad nina Darna, ang Kampanerang Kuba at ang Panday.

Sa fantaserye, nauso na rin ang mga kakaibang pangalan tulad na kina Istah, Alwina, Pagaspas at ang sikat na sikat na si Dugong. Nainis sa mga kasamaan ni Pirena at Braguda. Mas na-inlove tayo sa mga romantikong paraang nagpapakita ng wagas na pag-iibigan. Naging ‘klik’ din ang mga salitang hindi naman naintindihan pero tinangkilik pa rin tulad ng salitang ‘ugatpak’ at ‘batong bignoy’.

Tunay ngang sinakop na ng fantaserye ang telebisyong Pinoy at maging ang imahinasyon nating mga Pilipino. Hindi man tayo mga batang walang kamalay-malay sa galaw ng mundo, naaakit nila ang mga puso’t damdamin sapagkat kahit papaano, natupad nila ang mga pangarap nating lumipad sa kalangitan, lumangoy sa malalalim na karagatan at magkaroon ng kapangyarihan. Pinatunayan din nila kung gaano ka-importante ang kalikasan, pagkakaisa at pamilya sa pagkakaroon ng isang maayos na sangkatauhan. Kapos man sa teknolohiya ang ating bansa, kumpara sa teknolohiya ng mga karatig bansa, masasabi nating kaya nang lumaban ng Pinoy fantaserye sa iba, hindi lang sa special effects kundi sa istoryang may kabuluhan. Mas makapangyarihan pa sa ‘batong samared’ at sa pulang bato, ang fantaserye ay tunay na tatak Pinoy at patunay sa galing ng Pilipino.