FAST POST 51: Kailan Ka Handa?

Naging topic sa isang online advent recollection ang tungkol sa pagdating ng ating Panginoon. Walang nakakaalam, ika ng pari, kaya dapat tayong maging handa sa Kanyang pagbabalik sa lupa. Nagtanong siya sa lahat na kung ngayon Siya tutungong muli sa ating daigdig, tayo ba ay handa sa Kanya? Kasunod noon ay ang tanong na noon pa ako may sagot — tayo ba ay handa sa kamatayan?

Ako? Noon pa. 25 years old. Yun ang taning ko sa sarili ko. Hindi ko alam kung bakit pero pakiramdam ko ay tapos na ang misyon ko. Sa katunayan, naghanda na ako ng parang last will na nilagay ko dito sa blog, tatlong taon bago ako mag-beinte singko. Ang sinulat kong “Sa Aking Pagyao” ay mga habilin sa aking pamilya kung sakaling malapit na akong mawala sa mundo. May iilang kaibigan na nakaalam nito, at kung sakali ngang nandoon na tayo sa punto ng pamamayapa, ay sila na ang maghahain nito sa kanila.

Pero lumipas ang panahon. Buhay pa ako. After ng 25th birthday ko noong 2013, mas marami pang nangyari na hindi ko inakala. Ang isa rito ay yung mas napalapit pa ako sa aking Maylikha.

Alam kong handa na ako kahit anong oras, at lalo kong napatunayan na dapat talaga nating ihanda ang sarili natin sa pagdating Niya. Para sa akin, hindi tayo ang may hawak ng ating tadhana. Mananatili tayo kung kailan tayo kailangan ng ating daigdig.

Sa mga susunod na araw ay susulat ako ng updated version ng aking 2010 last will. Mas maraming nagbago at mas maraming dapat pag-iwanan ng habilin. Sana lahat tayo ay handa, sa kamatayan man o sa pagbabalik ng ating Panginoon. Mahalaga ito lalo’t sa mga panahong sinusubok tayo ng panahon, ang kinakapitan lang natin ay Siya at ang pag-asa.

Kaibigan, Baka Nakalimutan Kitang Pasalamatan

Inspirado ng kantang “Best Friend”, mula sa bagong album ni Jason Mraz ngayong taon na pinamagatang “YES”:

Album cover ng YES ni Jason Mraz.

Album cover ng YES ni Jason Mraz.

Love is where this begins | Thank you for letting me in | You’ve always known where I stand | I’ve never had to pretend

And I feel my life is better | Because you’re a part of it | I know without you by my side | That I would be different

Thank you for all of your trust | Thank you for not giving up | Thank you for holding my hand | You’ve always known where I stand

And I feel my life is better | So is the world we’re living in | I’m thankful for the time I spent | With my best friend

Thank you for calling me out | Thank you for waking me up | Thank you for breaking it down | Thank you for choosing us | Thank you for all you’re about | Thank you for lifting me up | Thank you for keeping me grounded | And being here now

My life is better | Because you’re a part of it | I know without you by my side | That I would be different | Yes I feel my life is better | And so is the world we’re livin’ in | I’m thankful for the time I spent | With my best friend

You’re my best friend

Hindi ako nahihiyang aminin na kung anuman ako sa pagkakakilala ninyo ngayon, ang mga iyon ay gawa ng mga naging bahagi ng buhay ko – ang aking mga kaibigan. Sila ang nagbigay ng karamihan sa mga pagkakataong sumubok sa aking kakayahan at humubog sa aking katauhan. Sila ang tumulong sa akin na gamutin ang mga sugat ng sariling pagkakamali at umalalay sa pagkapilay ng kabiguan. Sila yung mga nakahandang mag-drowing ng mga bituin at planeta sa mga panahong ang langit ng aking mundo’y kasingdilim ng itim na kartolina.

Nang marinig ko ang kanta ni Jason Mraz, parang nagkaroon ako ng guilt sa mga taong tinuring kong totoong kaibigan pero nakalimutan ko nang alalahanin. Parang nakaligtaan ko silang pasalamatan, lalo na yung mga kaibigang dumaan lang sa buhay ko. Nang dumaan sa aking mga tenga ang awiting iyon ay napakaraming bumalik na alaala – ang mga alaala ng kaibigang tunay pero hindi nagtagal dahil hanggang doon lang sila sa buhay ko.

Tanggap ko naman sa aking sarili na may mga taong darating at mawawala sa paligid natin. Tulad natin ay may kanya-kanya rin silang tadhanang sinusunod o nilalabag para sa ikabubuti ng kanilang buhay. Naiinis ako kapag pakiramdam ko’y iniiwan nila ako at dito ako nagi-guilty. May mga panahong itinatakwil ko sila bilang kaibigan dahil sa pagiging makasarili ko. Mali iyon pero huli na ang lahat bago ko pa matanto ang kamaliang iyon. Ngunit pagkakataon na rin ang gumagawa ng paraan upang ang mga nasunog na tulay ay dapat palitan at ilipat sa ibang parte ng magkabilang pampang. Sila naman ang mga kaibigang binigay sa akin bilang mga kayamanang dapat ingatan, gaano man sila ka-sensitibong intindihin at alagaan.

Nagbalik-tanaw ang aking utak sa nakalipas na dalawampu’t anim na taon. Maraming mukha ang bumalik sa aking gunita, bagama’t marami sa kanila ang hindi ko na maalala ang pangalan. Magkagayunman, sa mga mukhang iyon ay naaalala ko ang kanilang partisipasyon at paano sila naging tagahabi ng aking pagkatao. Ang manatili sila sa aking alaala ang isa sa mga pinakamahahalagang bagay na pinagpapasalamat ko sa Panginoon.

Pangalawa sa pamilya, ang mga matalik kong kaibigan ang pinakamahalagang handog ng Langit sa akin. Kung makakarating man sa kanila ang sulating ito at ako’y naaalala pa rin nila, nais kong sabihin ang taos pusong pasasalamat. Sa mga nananatili sa aking tabi at ginagampanan pa rin ang kanilang misyon bilang kaibigan ng imperfect na nilalang tulad ko, maraming maraming salamat at pagpasensyahan ninyo na ako. Huwag kayong magsasawa, at kung magsasawa man kayo, handa akong maghintay sa inyong pagbabalik kung gusto nyo pa.

(P.S.: Sa mga kaibigan ko, malamang ang una nyong reaksyon ay… “Hala! Nag-i-emo!” Hahaha!)