LOVING MY GAY BOSS: Magandang Panaginip At Kuwento Ng Pag-ibig

Ang istoryang ito ay aking isinulat noong 2007. Salamat sa isang dating minamahal na tinatawag kong “Dreamboy” – dahil siya ang inspirasyon ko nang isulat ko ang gay love story na ito. Enjoy!

LOVING MY GAY BOSS: MAGANDANG PANAGINIP AT KUWENTO NG PAG-IBIG

Sulat ako nang sulat ng mga akda at nababasa ng mga taong kulang sa pag-ibig – tulad ko.

Gawa ako nang gawa ng mga tulang binibigkas ng mga makatang nag-iisa sa buhay – tulad ko.

Isip ako nang isip ng mga eksenang kakikiligan ng mga taong tigang sa pagmamahal – tulad ko.

Ako si Timmy. Dalawang taon na ang nakalilipas nang makapagtapos ako ng kursong Literature sa isang premyadong unibersidad sa Hilaga. Nang matapos ako sa pag-aaral, nakuha ako agad bilang writer sa “Pen and Paper”, isang sikat na literary magazine at nakilala bilang si Love Arch. Sa loob ng humigit-kumulang dalawang taon, nakagawa na ako nang libu-libong mga tula, daan-daang mga sanaysay, at dalawampung seryenobelang inilimbag, hindi lang sa magazine na pinagtatrabahuhan ko, kundi sa mga sikat na literature websites sa buong mundo. Unti-unting umangat ang aking pangalan at dahil sa karangalang iyon, ay matagumpay akong nakapaglabas ng isang nobela ng pag-ibig na sobrang tinangkilik ng aking mga masusugid na mambabasa sa magazine.

Sa totoo lang, hindi ko pa naranasan ang mga nakakakilig na eksenang gawa-gawa ng aking imahinasyon. Minsan nga, nagbiro ang mga katrabaho ko na humanap na raw ako ng prospect na magmamahal sa akin. Pero ang lagi kong sagot sa kanila, “Naku, OK lang akong mag-isa, kaysa masaktan pa ako sa pagkakamaling gagawin ko.” Nanatili ang mga katagang iyon hanggang sa dumating sa buhay ko si L.A.

Sobrang nakakapagod at bad trip ang Lunes ng hapon. Halos maidlip ako sa loob ng aking opisina nang may kumatok sa pinto.

“Excuse me, eto po ba ang office ni Love Arch?”

“Pasok!” sagot ko sa nagtanong mula sa labas ng pintuan.

Pumasok ang isang maputing lalaki, may katangkaran, at mukhang mahiyain. Pumasok siyang medyo nakayuko at tila nahihiyang humarap sa akin.

“Sino ka?”

“Ako po si Lester Angelo Fuentes. Bago pong writer dito sa ‘Pen and Paper’.”

Naiilang ako sa mga taong nakatungo sa akin. Hindi naman ako napakataas na tao para yukuan ng sinuman, kaya sinuway ko siya at sinabi kong tingnan niya ako. Sa pag-angat ng kanyang mukha’y nasilayan ko ang isang mala-anghel na tingin at ang maaliwalas niyang itsura na tila nakapagpalambot sa bato kong araw.

“Yan naman pala e. May itsura ka naman pala. Hindi mo kelangang yumuko.”

“Ganun po ba? Kayo rin po naman, cute po pala kayo.”

Nagulat ako sa sinabi niya. Hindi ko alam kung ang narinig ko ay totoo o gawa lang ng inaantok kong utak.

“Anong kelangan mo sa ‘kin?”

“Ako po yung magiging trainee na in-assign po sa inyo.”

“Ah, ikaw pala yun. Sige, upo ka muna Lester Angelo…”

“…L.A. na lang po.”

“Sige L.A., please sit down. Sasabihin ko kung ano ang mga maitutulong mo sa akin at kung ano ang mga dapat mong matutunan sa mga trabaho natin dito sa Pen and Paper…”

Sa halos isang buwan at sa araw-araw na papasok ako, lagi siyang nakadikit sa akin at sinusundan ako sa lahat ng mga pupuntahan at mga gagawin ko sa opisina. May oras na kapag tinuturuan ko siyang hubugin ang kanyang pagsusulat ay para lang kaming magkabarkadang nagba-bonding sa isang masayang activity. Mas palagi ko nga siyang kasabay sa pagkain ng lunch at dinner sa paborito kong fastfood. Ayaw ko ring pino-“po” niya ako dahil magkasing-edad lang kami at hindi naman yun kawalan sa paggalang niya sa akin bilang head writer ng “Pen and Paper”.

Isang gabi, nagsama-sama ang buong pool of writers para mag-enjoy sa nalalapit na paglabas ng sinasabi naming pinakamagandang isyu ng “Pen and Paper”. Nagdiwang kami sa bahay ng aming editor-in-chief na si Jessie at talagang kantahan, inuman, kuwentuhan, at tawanan ang ginawa namin. Tila wala ng bukas ang kasiyahan dahil pagkatapos nito’y abala na naman ang lahat sa mga bagong konsepto ng next issue.

Naglaro kami ng “Share or Dare” bilang bahagi ng aming bonding session. Naglagay sila ng bote sa gitna at pinaikot ito. Kung kanino tuturo ang ulunan ng bote ay siya ang tatanungin ng lahat na parang kriminal na ini-interrogate, pero kapag hindi na-satisfy ang nagtanong sa sagot, ay magpapagawa ang lahat ng “dare” na gagawin nito sa isa sa amin.

Sa pagsisimula ng laro, unang tumutok ang bote sa pinakabagong naming miyembro na si L.A. Ako naman ang masuwerteng unang nagtanong sa kanya.

“Yung totoo lang, may natutunan ka ba sa ‘kin?”

“Marami akong natutunan sa’yo at parang naging makulay ang mga ideya ko sa pagsusulat. Salamat talaga.”

Naghiyawan ang aming mga kasamahan at nagtawanan nang marinig nila iyon.

Sumunod na nagtanong si Jessie. “L.A., kanino mo idinde-dedicate ang pinaka-una mong published article sa ‘Pen and Paper’?”

Sa tinagal ko sa Pen and Paper ay ngayon lang kami nagkaroon ng isang trainee na sa kaunting panahon pa lang ng pananatili sa magazine ay matagumpay na nakapagsulat ng isang magandang artikulo. Sabi nga ni Jessie,napakaganda ng pinasa nitong article at walang dudang mas gagaling pa siya kapag nahasa pa nang husto. Pero ang kataka-taka, hindi man lang pinabasa sa ‘kin ni L.A. yun.

“Yung article na ‘yon ay para sa taong lalong nagpasigla sa hilig ko sa pagsusulat… at nagpasigla ng nananahimik kong mundo… siguro malalaman n’yo na lang ‘pag lumabas na yung magazine sa Monday.”

Na-curious ang lahat sa sinasabi ni Jessie na “napakagandang article” ni L.A., at maging akong nagsanay sa kanya ay nahiwagaan sa kanyang itinatago. Ngumingiti-ngiti lang si Jessie dahil siya lang sa lahat ang nakabasa non.

Ang sunod naman na nagtanong ay ang writer assistant ni Ms. Greta na si Aliya. “Anong impression mo kay Boss Timmy? ‘Di ba lagi kayong magkasama niyan kahit saan?”

Naghiyawan ang mga inutil naming mga katrabaho at tipong kinikilig sa tanong na binitawan ni Aliya. Halatang namula si L.A sa tanong at ako nama’y ngumiti lang sa kalokohang pinag-iisip nila. Naramdaman kong nahihiyang sagutin ni L.A. ang tanong kaya pinagpasiyahan ko munang lumabas para hindi marinig ang kanyang sasabihin.

“Boss Timmy, wag kang lalabas! Dapat nga marinig mo yung sasabihin ng trainee mo eh!” giit ng isa naming senior writer na si Anthony.

Sumang-ayon ang halos lahat sa sinabi ni Anthony na kelangan kong marinig ang sagot ni L.A. Patuloy pa ring nakayuko sa gitna ng malalakas na asaran si L.A.

“Nahihiya siya eh. Labas muna ako para makapagsalita siya, OK?”

Sa gitna ng pagpipigil sa ‘kin ng ilan naming kasamahan, sa aking pagtayo’y biglang nagsalita si L.A. na ikinagulat ng lahat ng mga naroon.

“Mahal ko na siya… at wala akong pakialam kahit bakla siya. Mahal ko siya.”

Nagulat ako sa katagang sinabi niya at lalong naghagalpakan sa kilig at tawanan ang iba. Sa puntong iyo’y ako naman ang napayuko at namula. Hindi ko alam kung ano ang pumasok sa katawan at bigla akong napatakbo palabas ng kuwartong ‘yon.

Tulala akong nakaupo sa damuhan, sa gitna ng magagandang bulaklak sa hardin ng bahay ni Jessie. Nag-iisip kung kelangan ko bang seryosohin ang aking mga narinig o biruan lang yon na dapat kong ikatawa. Pero ang totoo, dahil napamahal na rin siya sa akin at yun ang unang beses na tumibok ang puso ko nang tulad nito sa isang lalake. Pero kailangan ko yung iwasan – dahil ayokong maramdaman ang nararamdaman ng mga tauhan ko sa aking mga sinulat, ang masaktan dahil nagmahal.

“Timmy…”

Umugong ang isang boses mula sa aking likuran… si L.A. Nahihiya akong lingunin siya dahil hindi rin ako makakatingin sa kanya nang maayos. Nagulat ako dahil ilang sandali lamang ay niyakap niya ako nang mahigpit.

“Hindi ko lang napigilan ang totoong nararamdaman ko. Hindi ko alam kung bakit at paano, pero maniwala ka, mahal na kita.”

Tumulo ang aking luha sa aking mga narinig. Hindi ko akalaing ang isang taong tulad ko’y makakapagpaibig ako ng isang tulad niya.

Hindi ako makakilos sa mga pangyayaring nagaganap. Hinawakan niya ang aking kamay at hinalikan iyon at tila naramdaman ko ang init ng pagmamahal na nararamdaman ko lang sa ‘king mga sinusulat. Hindi ko napigilan ang pagpikit ng aking mga mata at dinama ang kanyang yakap ng tunay na pagmamahal…

… at tuluyan akong nagising sa alarm ng aking cellphone. Dumilat ang aking mata na iniisip ang panaginip na iyon.

“Uy Timothy Obrecillo! Baklang ‘to! Ilusyonado! Gising na! Panaginip lang yun!” ang aking sinasabi habang sinasampal-sampal ang aking pisngi para magising. Pagkatapos non ay lumingon ako sa orasan – 5:05p.m.

“Out na pala.”

Ihahanda ko na ang aking sarili at ang aking mga babasahing mga artikulo nang may kumatok sa labas ng aking opisina.

“Pasok!” – si Sir Jessie pala yon.

“Mukhang pagod ka ah!”

“Oo nga po Sir Jessie. Nakaidlip nga ako e.”

“Mukha nga, may muta ka pa,” ang nakakatawang banat ni Sir Jessie sa akin. “Anyway, may papabasa ako sa’yo! Well, for me, this piece is definitely superb, pero mas magaling ka sa creative story writing kaya kukunin ko ang opinyon mo.”

Contribution?”

“Oo, galing sa applicant na gustong pumasok na writer dito.”

Inabot sa akin ni Jessie ang envelope na naglalaman ng nasabing artikulo.

“Nasa labas ng office yung nagsulat niyan. Papasukin ko ba?”

“Sige. Ayos lang.” Pinapasok ni Jessie ang nasabing nagsulat ng artikulong iyon. Pumasok ang isang maputing lalaki, may katangkaran, at mukhang mahiyain. Pumasok siyang medyo nakayuko at tila nahihiyang humarap sa akin.

“Anong pangalan mo?”

“Ako po si Lester Angelo Fuentes. Nag-a-apply pong writer dito sa ‘Pen and Paper’.”

Nagulat ako sa kanyang narinig – Lester Angelo Fuentes. Parang pamilyar.

Dahil naiilang ako sa mga taong nakatungo sa akin, sinuway ko siya at sinabi kong tingnan niya ako. Sa pag-angat ng kanyang mukha’y nasilayan ko ang kanyang malaanghel na tingin at ang maaliwalas nitong itsura… na siyang ikinagulat ko.

Agad kong binuksan ang envelope para makita ang article na kanyang ginawa.

“Title: Loving My Boss. By: Lester Angelo Q. Fuentes.”

Napatingin ako sa kanya. Nakangiti siyang nakatingin sa akin na tila may ibig iparating.

“Sana magustuhan mo, Timmy…”

At sa puntong iyon, ako’y napaluha at agad na tumayo para yakapin ang lalaking nasa aking harapan. Kung totoo na talaga, o kahit isang patong na panaginip na naman ang L.A. na aking niyayakap, ay may napatunayan akong isang bagay – ang patuloy na maghintay at maniwala sa paparating na isang tunay na pag-iibig.

Created and Written 22 June 2007. Tondo, Manila / 14:00 Philippines

LemOrven

Ang First Kiss Ko Ay Sa Lalaki…

Magandang araw. Ang kuwentong inyong mababasa ay nailathala ko na sa website ng isang Metro Manila bimale clan noong ika-22 ng Mayo 2009, na may orihinal na pamagat na “First Kiss Ni Bestfriend”. Isa itong wholesome na fictional gay story, kaya sana’y ma-enjoy ninyo. Salamat! ü

ANG FIRST KISS KO AY SA LALAKI…

May mga ilan sa atin, noong paumpisa pa lang sa pagdadalaga at pagbibinata, ang napapaisip kung sino ang ating magiging “first kiss”. Hindi maitatanggi ng iba riyan na ang gusto nating matanggap na unang halik ay mula sa lalaki o babaeng ating mamahalin at makakasama habambuhay. Minsan pa nga, sa mga oras na may naiiwan pang pagka-“isip-bata” pa sa atin, may mga pagkakataong ‘pag nahalikan tayo ng mga crush natin dahil sa pamimilit ng ating mga kalaro o kaklase, ay nagsisimula tayong mamula, kunwari’y maiinis sa una, at minsan pa nga’y maiiyak dahil sa kahihiyan. Ang unang halik ay isang importanteng alaalang naiiwan sa ating alaala, lalo pa’t ibinigay iyon ng isang taong hindi rin natin makakalimutan kailanman. Pero kung ikaw ay binatang kakabukas pa lang ang isipan sa tunay na kahulugan at kapusukan ng pagmamahal sa mundong iyong ginagalawan, anong mararamdaman mo kung ang unang halik mo ay sa galing sa kapwa mo lalaki?

Natandaan ko bigla si Paul, ang isa sa mga naging pinakamatalik kong kaibigan. Magkakilala na kami noong elementary pa lang, pero naging mas malapit kami nung pumasok kami sa parehas na eskuwela sa high school. Sa lahat ng bagay, mula pagpasok at pag-uwi; paglalaro ng monopoly sa bahay ng isang kaklase pagkatapos gawin ang group projects; paglalaro ng card game na ‘ungguy-ungguyan’ sa likod ng classroom habang vacant time ( at kahit bawal magdala ng mga gamit-pansugal sa eskuwela); at sa paglalaro sa arcade at pagbi-videoke sa Tutuban pagkatapos ng oras ng klase ay hindi kami mapaghiwalay. Kahit tadhana ata’y ayaw kaming paghiwalayin dahil parehas pa kami ng section noong first year hanggang third year high school. Kahit noong napasali kami sa isang set of friends, kami pa rin ni Paul ang tagteam pagdating sa mga pairing kapag may activity. May girlfriend si Paul at kaibigan ko rin, si Christie, pero hindi tulad sa ibang magkasintahan, hindi sila laging magkasama dahil may sariling mga barkada si Christie at nasa barkadahan naman namin si Paul. Kung magkita sila’y napakamadalang dahil hindi alam ng mga magulang ni Christie na ‘sila na’ ng bestfriend ko.

Walang naging problema sa pagkakaibigan naming dalawa ang pagiging bakla ko. Siya pa nga yung madalas na mangharot sa akin ‘pag alam niyang may nagugustuhan akong lalaki sa ibang klase. Marami akong naging crush noon, pero mukhang sa dami nun, hindi ko naisama sa aking listahan si Paul. May itsura naman siya, matangkad, payat, thoughtful, makulit, at matalino, pero ang hindi ko ugali ay ang magkagusto sa isang matalik na kaibigan – hanggang dumating na nga ang araw na sa tingin ko’y una kong naging pagkakamali bilang isang kaibigan.

2003, isang buwan pagkatapos kong ipaalam sa kanya na meron na akong kauna-unahan kong karelasyong lalaki, (maituturing kong childhood friend dahil siya ay apu-apuhan ng Tsinoy na amo ng tatay ko) pumunta ako kina Paul para kunin ang Social Studies notebook ko na kinopya niya para sa ibang lessons namin. Malapit na kasing mag-Christmas vacation noon at pinaalalahanan kami ng aming teacher na mag-aral dahil magpapa-exam siya sa unang linggo ng pagbabalik ng pasukan sa bagong taon. Siya lang mag-isa sa kanilang bahay nung araw na yon. Pumunta ang nanay at mga kapatid niya sa kamag-anak na maysakit, pero pinili niyang maiwan dahil hindi pa siya tapos kumopya. Pinapasok niya ako sa kanyang kuwarto, kung saan umaalulong ang mga kanta ng boyband na A1. Malinis at maayos sa mga gamit at hindi gulu-gulo ang kanyang kama. Inalok niya ako ng maiinom at siyempre, tinanggap ko agad. (dahil ang inalok niya sa akin ay ang paborito naming pinalamig na chocolate powdered drink) Pinaupo niya ako sa kama, at siya nama’y dumapa roon para ituloy ang pangongopya. Tumagal ng 30 minuto ang kanyang pagsusulat ng mga huling parte ng lessons, habang nagkukuwentuhan at nagtatawanan. Pumapangit na kasi ang kanyang sulat dahil sa pagmamadali.

Isang pahina na lang, tuluy-tuloy siyang nagsusulat, at ako nama’y nasa tabi lang niya at abala sa pagbabasa ng songbook. Sa gitna ng aking paghuni sa mga kantang aking nababasa’y bigla siyang nagtanong sa akin ng isang tanong na medyo ikinagulat ko.

“James! Kumusta na kayo ng boyfriend mo?”

Mula nang sinabi ko sa kanya na may kasintahan ako’y hindi naman siya naging interesado sa bagay na iyon. Pinagtawanan niya nga lang yun nung nalaman niya eh. Pero nakakabigla lang dahil yun ang unang beses na tinanong niya ang tungkol sa aking boyfriend.

“OK lang kami. Busy din siya sa pag-aaral,” sabi ko, sabay inom ng paborito naming inumin.

“Ah… Nagde-date kayo?”

“Oo naman. Kaya lang, minsan lang kami lumabas. Dahil nga lagi tayong magkasama at sobrang dami ng projects at assignments na ginagawa natin, di ba?”

“Ah…. dapat lagi pa rin kayong nagde-date. Baka isipin nun, ako na ang boyfriend mo at hindi na siya.

Nagulat naman ako sa sinabi niya, na halos ikabuga ko ng iniinom ko. Natawa naman din ako dahil hindi ko akalaing masasabi niya yon.

“Ewan!” natatawa kong sabi sa kanya habang siya, patuloy pa ring nagsusulat. “Alam naman niya na bestfriend kita at wala naman tayong ginagawang masama noh!”

Natapos na ang kahuli-hulihang pahinang kanyang sinusulat. Tumayo siya sa kama at inilagay ang notebook niya at notebook ko sa kanyang study table. Ako nama’y nakatingin lang sa kanya at patuloy na natatawa sa mga binanggit niya. Sa pagtingin niya’y hindi ko akalaing bigla niya akong sinugod at kiniliti nang sobra sa leeg (alam niyang yun ang kahinaan ko). Napasigaw ako sa kakatawa dahil sa ginagawa niya, at bilang ganti, ay dinaganan ko siya at ni-wrestling. Tumagal nang halos ilang minuto ang harutang iyon. Hindi siya marunong mapagod na para bang kiti-kiti sa sobrang likot. Nahirapan na akong pumalag at bumagsak sa kama, napaimbabaw siya sa akin, dinaganan ako, at binulungan.

“Panalo ako…” pabulong niyang sinabi sa harap ng mukha ko, konting distansiya mula sa mukha niya. Pang-asar sana para sa kanya ang susunod na eksena, kaya lang, gumalaw siya sa ganun ding paraan na gagawin ko. Uuntugin ko sana ang ulo niya gamit ang noo ko, pero lumapit pa pala nang bahagya ang mukha niya para lingkisin ako. Sa hindi sinasadya, naglapat ang aming mga labi nang halos sampung segundo. Bakit ba kami natulala noon? Hindi ko alam. Pero napapikit ako nun, pero bigla ring dumilat at iniwas ang dapat iiwas. Nakatingin lang siya sa akin sa loob ng halos isang minuto, nanatili sa ibabaw ko. Saktong natapos ang mga kanta sa CD player, at makalipas ng limang segundo, pabiro ko siyang sinampal at natawa.

“Hahaha! Tabi ka nga dyan, payatot!” natatawa kong sabi ko kay Paul, saka tinaboy para tumayo at palitan ang CD (ginawa ko yun para maiba ang usapan). Nakita ko sa gilid ng aking mga mata si Paul na napangiti at nakakatanga kasi namula ako.

First kiss ko yun, loko ka! Haha!” Bigla siyang tumayo sa kama, humakbang nang padabog papunta sa kinalalagyan ko at niyakap ako nang mahigpit mula sa likod ko. Nawindang ako sa ginawa niya. Hindi ko maipasok ang CD ni Regine Velasquez sa player. Di ko na alam ang gagawin ko habang nakatayo ako at nakayakap si Paul sa akin.

“Ganun ba yun? Haha! At least bestfriend mo ang first kiss mo! Haha!” natatawang tugon ko sa sinabi niya. Pinilit kong gawing katawa-tawa ang nangyari kanina lang, napahalakhak naman kaming parehas, pero hindi natanggal ang isang mahigpit na yakap mula sa kanya. “Imposibleng first kiss mo yun. Dahil nag-kiss na kayo ni Christie di ba? Haha!”

“Hindi ko pa siya nahahalikan. Ayaw niyang magpahalik eh. Parang di niya ko mahal.”

Naging seryoso ang tono ng kaibigan ko. Nakakagulat namang marinig mula sa kanya na ang babaeng niligawan niya ng halos isang taon, ay hindi pa rin naibibigay ang pagmamahal na kailangan niya. Ayoko ng malungkot, alam niya yun, kaya humalakhak ako nang bongga, tinanggal ang kanyang pagkakayakap, at ako naman ang yumakap nang mahigpit sa kanya.

“Alam mo, mahal ka nun! Malay mo, humahanap lang ng magandang chance para ipakita pa nang sobra yung love niya sa’yo,” mga salitang binigkas ko para mapakalma si Paul.

“James, di ba, ang first kiss dapat, galing sa mahal mo?”

Hindi ako nakapagsalita, dahil wala naman talaga akong maisagot.

“Pero dahil ba ikaw ang first kiss ko, ikaw na ang mahal ko?”

Nakakagulat di ba?

Hindi ako nagmamaganda. Hindi ako cute na bakla para pagsabihan ng mga ganung bagay ng isang lalaki. Pero sa lahat pa ng lalaking puwedeng magsabi sa akin ng ganoon, si Paul pa. Tinawanan ko lang siya, tinanggap sa utak bilang isang birong parte ng aming harutan. Alam kong pinilit na lang din niyang tumawa para maibsan ang kung anumang emosyon ang meron sa paligid sa mga oras na iyon.

Sa pagtatapos ng eksenang iyon, masaya naman akong hindi nagkaroon ng lamat ang pagkakaibigan namin ni Paul. Naghiwalay sila ni Christie dahil pumunta ng Amerika ang babae para doon na mag-aral. Parehas din kami ng pinasukang kolehiyo ni Paul, pero magkaibang kurso na. Napakamadalang naming magkita. Konting “hi kumusta” ‘pag nagkakasalubong sa corridor, hindi na tulad ng dati na sabay kaming nagmamadali sa pagpasok dahil late na kami. Sa ngayon, wala na kaming kontak ni Paul, pero ang huli kong balita, sa bangko na siya nagtatrabaho ngayon.

“… ang first kiss dapat, galing sa mahal mo?”

Sa kanya ko nakuha ang konsepto ng first kiss. Hindi ko alam kung dapat akong ma-proud dahil sa akin galing ang kanyang unang halik. Oo, ang first kiss ko ay sa first boyfriend ko, pero siya, ang first kiss niya ay sa kapwa lalaki. Hindi man ako ang mahal niya, ang laging nasa isip ko, at alam kong alam niya, na isa siya sa mga pinakamahahalagang tao sa buhay ko, at maituturing kong isa sa mga taong pinakamamahal ko sa panghabambuhay.

May 22, 2009 10:47pm / Manila, Philippines

LemOrven