Likha ko ang istoryang ito mula sa kawalan. Mula sa frustration ko na gumawa ng erotic story sa loob ng call center ay nauwi sa gay love story ang pagtitipa ng aking mga daliri sa keypad ng laptop. Hatid ng kuwento nina Odie at Yuri ang inspirasyon upang maging tapat sa pagtupad ng mga pangako at pagpapahalaga sa tunay na pagmamahal na hindi na mapapalitan pa kapag nasayang at nawala. Nawa’y magustuhan ninyo ito.
—
“Thank you for calling OneCard! My name is Odie! How may I help you today?”
Alas sais ng gabi. Ginising si Odyssey ng umaalulong na recorded voice ni Yuri na sinasambit ang kanyang opening spiel sa pinagtatrabahuhang call center sa Ortigas. Hindi niya masyadong sinusunod ang wake up call na ito noon at hihingi pa ng extension dahil antok na antok pa siya. Ngunit iba ang araw ngayon. Minulat niya ang mga mata na para bang kumpleto ang kanyang tulog at hindi nagpa-panic na pinatay ang nakasanayang clock alarm sa cellphone sa loob ng halos apat na taon… at maaaring ito na rin ang huling beses na maririnig niya ito sa kinasanayan niyang oras.
Ngayon ang kanyang huling araw na magiging bahagi siya ng industriyang naging buhay niya ng limang taon. Magkahalong emosyon ang kanyang nararamdaman dahil pagkatapos nito ay babalik na siya sa pagiging normal na tao – gigising ng umaga at matutulog naman sa gabi. Sa kabila niyon, nalulungkot siyang sa ganitong pagkakataon niya iiwan ang itinuring niyang pangalawang tahanan at ang mga tunay na kaibigang kanyang nakilala’t nakasalamuha sa lahat ng mga nangyayari sa kanya.
Tulad ng nakasanayan ay pinilit niya pa ring manabik sa pag-aayos ng sarili para pumasok sa opisina. Ang nasa mindset niya ngayon, kunwari’y male-late na siya sa pagpasok dahil siguradong sasabayan na naman ng kanyang biyahe ang rush hour sa Shaw Boulevard. Hindi normal ang bilis na tatlumpung minuto kay Odyssey sapagkat mabagal siyang kumilos at kahit kailan ay hindi siya pumupunta sa trabaho nang hindi nakapostura. Kapag ganito siya kabilis sa pag-aayos, ibig sabihin noon ay late na talaga siya.
Nakasuot siya ngayon ng black shirt at slacks. Tama lang ang pagkakaayos ng buhok. Nagsuot ng reading glass dahil medyo maga pa ang mga mata. Dagli niyang sinara ang apartment at naghintay ng taxi sa kanto. Presto! Ilang sandali pa lang siya sa pagkakatayo ay nakapara agad siya ng masasakyan. Nagulat siyang hindi traffic sa Shaw Boulevard, hindi tulad ng mga nakaraang taon na dumaraan siya rito ng parehong oras. Banayad ang kanyang biyahe at maaga siya ng isang oras na dumating sa gusali kung saan naroon ang kanyang pinagtatrabahuhan.
Umakyat na siya sa opisina at naroon na ang kanyang mga kaopisina. Nang makita siya ng mga ito ay isa-isa silang yumakap kay Odyssey. Nang tumungo na siya sa kanyang cubicle ay may bouquet of flowers sa tabi ng keyboard at may card na may nakasulat na ‘We will miss you.’ Muli siyang napangiti sa handog ng kanyang mga katrabaho.
Kahit hindi pa oras ng kanyang work schedule ay maagang siyang nag-login para simulan ang pinakahuling shift niya. Nakisama ata ang mga customer nila dahil halos walang pumapasok na maraming calls sa buong call floor. Tulad ng kanilang mga gawain dati, nagagawa nilang magtayuan sa kanilang mga station at magkuwentuhan ng kung ano-ano kapag walang calls. Kahit wala sa mood si Odyssey ay nakikisama pa rin siya sa kuwentuhan ng mga kaibigan at katrabaho niya. Kahit papaano’y gumagaan ang kanyang pakiramdam dahil sa sigla ng kanyang mga maiiwang mga kasamahan.
Dumating ang lunchbreak at nag-group lunch sa pantry ang Team Marion kung saan kabilang si Odyssey. Pinaghandaan ng mga matatalik niyang kaibigan na sina Joni at Rita ang mga pagkain. Habang nagkakainan sila ay hindi naitago ng iba ang kanilang lungkot sa pag-alis nito sa account, lalo na ang kanyang supervisor na si Marion na mentor niya sa call center mula nang siya’y nagsimula rito.
“Sure ka na ba talaga, beks?” tanong ni Marion na tipong maluha-luha na.
“Hmm oo e. Gusto ko rin po yung gagawin ko after nito.”
“Nalulungkot si Boss Marion dahil wala na siyang uutusang mag-floor walk pag di siya available!” biglang biro ni Joni na nagpatawa sa kanilang lahat.
“Pero kidding aside Mars, hmm… mami-miss ka namin dito sa floor. Pero naintindihan namin ang nararamdaman mo. Mas matutuwa si bestfriend kasi gagawin mo ito para sa kanya, ang ituloy mo ang pag-aaral mo. Basta, kung kailangan mo ng tulong, we’re just one text or call away,” wika ng kanyang supervisor at tinuturing na niyang nakatatandang kapatid.
“Salamat Boss at sa inyong lahat. Salamat sa pakikisimpatiya at sorry dahil iiwan ko kayo. Salamat din sa pag-intindi ng sitwasyon. Dadalaw naman ako lagi dito pag may time. At magkakatext pa naman tayo. I want you to know that I will never stop supporting our team. Mahal ko kayo.”
Nagkaiyakan ang grupo sa nabanggit ni Odyssey at maging siya’y nalulungkot sa pagkakataong ito. Natapos ang kanilang lungkot sa isang masayang group hug bago muling bumalik sa call floor.
Pumatak na ang alas singko ng umaga at natapos na ang pinakahuling tawag ni Odyssey. Nag-huddle muli sila bago umuwi upang ibigay ang huling paalam nila sa aalis na kaibigan. Dito’y binigay nila ang isang personalized diary kung saan sa bawat pahina ay may mga litrato ang kanilang team na sama-sama at may mga personal na mensahe rin. Naantig siya sa ginawa ng kanyang mga kaibigan at muling nagpasalamat sa buong panahon na nagsama sila.
“Sabay ka nang bumaba sa amin, Odie!” pang-anyaya kay Odyssey ni Marion na pababa na sa gusali at pauwi na rin.
“Magyoyosi muna po ako sa parking, boss.”
“Uhm… sure? Hmm… gusto mo ba ng kasama?”
Umiling si Odyssey at naintindihan naman ito ni Marion. Kumaway na ito ng pamamaalam at nauna nang lumabas ng pinto. Bago siya lumabas ng opisina ay dumaan muna siya sa kanyang cubicle upang kunin ang kanyang tumbler. May nakadikit na papel sa takip nito at may nakasulat.
“I’m waiting for you at the smoking area. Mwah!”
Kinilabutan si Odyssey. Agad na kinuha ang tumbler. Lumabas ng opisina at sumakay ng elevator papunta sa third floor parking lot kung saan naroon ang smoking area.
Nagbukas ang elevator at lumakad patungo sa smoking area si Odyssey. Walang tao. Bakante ang bench, pero hindi na ito ang bench na nakasanayan niyang upuan habang nagyoyosi. Halos masisira na ang lalagyan ng upos ng sigarilyo sa tabi ng bench na para bang binangga ng sasakyan. Pinilit na hindi makiramdam ni Odyssey at umupo sa nasabing bench. Agad siyang sumindi ng isang stick ng Marlboro Black. Medyo inaantok na siya at pumipikit nang saglit habang hinihithit ang sigarilyo. Ilang minuto pa lang siyang nananatili ay may nararamdaman siyang dumarating at papunta sa kanyang direksyon. Nakaputing lalaki, matangkad, medyo chinito at nakasalamin. Nakangiti ang lalaking ito at kumindat pa sa kanya. Nagulat siya, pero sa kabila nun ay ginantihan niya ito ng isang maaliwalas na ngiti at inalok ng yosi.
“Nabasa mo ang note ko?”
“Oo. Pangit talaga ng sulat mo no. Haha! Hmm… kanina ka pa nandito?”
“Medyo lang din. Ang alam ko kasi, maaga kang bababa dito.”
“Ha? Paano mo naman nalaman na maaga akong bababa?”
“Naku, parang di kita kilala. Kapag makikipagkita ka sa akin, mas mabilis ka pa sa alas kuwatro kung dumating. Excited ka lagi.”
“Ako? Excited? Kapal!”
“I know nami-miss mo ko nang sobra sobra lagi.”
“Pauso ka na naman. Baka kaya maaga ka nandito dahil may iba kang inaasahan… yung ex mong hilaw na Fil-Am.”
“Bakit ko naman aasahan yun? Eto talaga.”
“Malay ko ba. Baka mahal mo pa siya.”
Natawa lang ang lalaking kausap niya nang sabihin iyon ni Odyssey. Kinuha niya ang yosi sa mga kamay ni Odyssey para sindihan ang kanyang stick, saka muling binalik.
“May sasabihin ako sa’yo.”
Hindi sumagot si Odyssey na tuloy lang sa paghithit-buga ng kanyang sigarilyo. Hinihintay lang niya na sabihin ng lalaking iyon ang gusto nitong iparating.
“Ang relationship ay parang spaghetti at ang cheese ay parang sex. Kahit walang cheese, pwede mo pa ring kainin ang spaghetti…”
Bago pa man ituloy ng lalaki ang sinasabi niya ay napahalakhak bigla si Odyssey. Napabungisngis na rin ang lalaki at pinilit na ituloy iyon kahit natatawa na siya.
“… Teka lang! Tutuloy ko na! Huwag ka munang tumawa! Hmmmmm ehem. Ang cheese, bonus lang yan! Eventually, kapag ninamnam mo ang sauce, you’ll realize na ang cheese ay quite important but not a priority. Just like sex, kung cheese lang ang habol mong matikman sa spaghetti, eh di sana…”
“LUMAMON KA NA LANG NG ISANG BUONG KESO DE BOLA!”
Nang sabay nilang bigkasin ang parteng iyon ay naghagalpakan ang dalawa sa kakatawa na parang wala nang bukas. Mangiyak-ngiyak na si Odyssey samantalang napatango ang lalaki na tila hindi makahinga sa sobrang galak. Sa gitna ng tawanan ay napahinto ang lalaki, natahimik habang nakatitig sa humahalakhak na si Odyssey, at mabilis na kinuha ang kaliwang kamay nito. Dito natigilan si Odyssey at napatitig sa mata ng lalaki.
“Mahal na mahal kita, Sir Odyssey Roman.”
“Mas mahal na mahal kita, Uranius Magnus Dela Rosa.”
“Maraming salamat Odie, dahil kahit ganito tayo, naramdaman ko ang tunay na kahulugan ng pagmamahal. Dumating ako sa buhay mo. Hindi ko alam kung napasaya kita, kung nakadagdag ba ako sa problema mo. Pero gusto kong malaman mo na happy ako, kasi… sa buong buhay ko, nakilala ko ang tulad mo…. Hmmm… gusto ko ng cheese.”
Sa gitna ng katahimikan ay muli na naman silang nagtawanan nang magbato ng biro sa dulo si Yuri, ang lalaking kanina pa kausap ni Odyssey, ang kanyang boyfriend. Inakbayan ni Yuri si Odyssey at masayang dinikit ang pisngi ng kasintahan sa kanyang bandang balikat. Bumalik muli sa katahimikan ang dalawa. Nakatanaw lang sa kawalan.
“Sorry talaga Odie. Hindi ako umabot sa 4th anniversary date nung Sunday. Hindi ko naman kasalanan eh, pero sana mapatawad mo pa rin ako.”
Dito na nagsimulang tumulo ang luha ni Odyssey, nang marinig niya ang paghingi ng paumanhin ni Yuri. Dahan dahan siyang pumikit habang dinadama ang init ng yakap ng unang taong kanyang minahal mula nang natanggap na niya sa kanyang sarili na ang kanyang puso ay tumitibok para sa parehas na kasarian. Parang ayaw na niyang matapos ang sandaling ito na naririnig niyang pabulong na inaawit ni Yuri ang kanilang theme song na “Marry Me”. Ayaw tumigil ng kanyang pag-iyak, tulad ng hindi niya pagbitiw sa pagmamahal niya sa kasintahan. Parang totoo, pero ito ay tanging alaala na lang. Dito sa bandang ito ng smoking area ang lugar kung saan sila unang nagkita, lubos na nagkakilala, nagkaaminan ng tunay nilang nararamdaman sa isa’t isa. Dito nangyari ang kanilang mga masasayang mga sandali sa loob ng apat na taon, at dito rin nagtapos ang lahat dahil sa isang trahedya.
Hindi nakontrol ng drayber ang preno ng kanyang minamanehong van na papasok pa lang sa parking lot. Dire-diretso ang van sa smoking area kung saan ang nag-iisang naroon nung mga oras na yon ay si Yuri. Nasagi ng van ang lalagyan ng upos ng sigarilyo kaya tumalsik ito’t nayupi. Niragasa naman nito ang bench kung saan nakaupo si Yuri. Bumangga sa pader ang van at naipit sa harapan non ang bench at ang katawan ni Yuri. Dead on the spot siya nang isugod sa ospital. Kakatapos lang ng shift niya noon at nagyosi lang saglit bago pumunta sa restaurant kung saan sila magkikita ni Odyssey para sa kanilang ikaapat na taon bilang magkasintahan.
Hiling ni Yuri na huminto na si Odyssey sa pagtatrabaho para ituloy ang pag-aaral. May malaking ipon naman si Yuri at malaki ang sinusweldo nito sa account bilang supervisor kaya ang kondisyon nilang dalawa ay mag-aaral na lang si Odyssey at siya ang magpapaaral dito. Binabalak nilang magsama na sa iisang bahay, at ang tinitirhang apartment ngayon ni Odyssey ay ang dapat na titirhan nilang dalawa. Kahit wala na si Yuri ay itutuloy pa rin ni Odyssey ang ipinangako niya na mag-aral para sa kanyang kinabukasan na dapat ay para sa kanilang dalawa.
Paulit-ulit na pinakikinggan ni Odyssey ang recorded voice ni Yuri na sinasambit ang kanyang opening spiel sa call center. Bagaman yun lang ang alaalang magpaparinig sa kanya sa napakasiglang boses nito, alam niya na kahit anong mangyari, tutuparin niya ang kanyang binitawang pangako… at alam niyang kahit hanggang sa huli, kapakanan niya ang iniisip ng taong mahal na mahal niya at mahal na mahal siya.
“Thank you for calling OneCard! My name is Odie! How may I help you today?”