Panahon ng Pag-ibig #05: Kira, The Barista

2015-category-title-muelle-copy2016-muelle-title-kira-the-barista

Nagsimula ang hilig ko sa kape noong sinimulan kong mag-quit sa paninigarilyo. College pa lang ako ay coffee person na talaga ako pero humigit ang pagmamahal ko dito noong napadalas ang pagpupuyat ko sa first job ko. Araw-araw ay may nakalaan akong budget para sa kape na parang tulad ng ibang taong may allotment sa isang pakete ng yosi o sa paborito nilang burger. Iba talaga kasi ang sensasyong nadadala nito sa aking isipan. Mainit man o malamig, para bang laging presko sa pakiramdam ang pagdaan ng kape sa aking lalamunan at kalamnan. Alam kong mali ang halos araw-araw na sleepless nights nang dahil sa kape ngunit hindi ko naman ito pinagsisisihan dahil nagiging produktibo talaga ako.

Masasabi kong ang pag-inom nito ay regular nang parte ng araw-araw kong aktibidad. Hindi ito nawawalan ng espasyo sa buhay ko: tuwing may bagong coffee shop, tuwing may bagong variety ng coffee drink, tuwing pupunta sa iba’t ibang lugar, tuwing walang magawa, tuwing maraming ginagawa, tuwing mag-isa o kahit kasama ang aking mga kabarkada. Pero ang hindi ko makakalimutan ay noong naging instrumento ang kape sa isang taong naging “importante” sa akin – si Kira.

Bagong barista si Kira sa pinakamalapit na paborito kong coffee shop na nasa loob ng mall na pinakaaayawan ko. Yun lang ang alam ko sa kanya. Tulad ng ibang barista ay wala namang kakaiba kay Kira. Matangkad, maamo ang mga mata at gwapo kung ikokonsidera nyo ang aking standard. Nag-iba lang ang lahat nang mapansin kong nahuhuli ko siyang nakatingin sa akin kapag kailangang dumapo ng aking mga mata sa paligid. Malakas ang pakiramdam ko lalo na kapag nasa gitna ako ng pagsusulat. Ilang beses ko siyang natitiyempuhang nakatitig dahil nakaupo ako sa sofa na ang katapat ay ang coffee machine kung saan siya nakatoka. Madali akong sumimangot o mabilis tumaas ang kilay kapag may nakatitig sa akin. Ang wirdo lang dahil naaaninagan ko siyang napapangiti kapag nagsusuplado ako. May ilang beses pang siya ang gumagawa ng kape ko dahil siya nga ang nandoon sa coffee machine at napapansin kong may maliit na heart shape sa tabi ng pangalan ko. Ayaw ko sanang bigyan ito ng kahulugan pero nagkakaroon lang ng heart ang coffee cup ko kapag siya ang nag-aabot.

Hindi ko na maipaliwanag ang pakiramdam ko lalo na noong tumagal ng halos dalawang buwan na ganoon ang mga senaryo. Hindi ko na alam ang magiging reaksyon ko at hindi ito dahil sa hindi ko ito nagugustuhan.

Dumaan pa ang isang buwan. Inabot ako ng hatinggabi sa isa pang coffee shop sa mall na iyon dahil doon ko kailangang i-meet ang mga kabarkada ko. Pinauna ko silang pasakayin dahil malapit lang naman ang terminal kung saan ako sasakay. Noong ako na ang sasakay ay biglang nawalan ng jeep at biglang umulan nang malakas. Kakaiba itong malas para sa sunod-sunod kong araw na sinuswerte ako, at siyempre, sa magkahalong inis at antok ko ay dinapuan na naman ako ng moodswing ko.

Ilang minuto ang lumipas nang may nakita akong lalakeng papalapit sa kinatatayuan ko. Basang-basa siya na sumilong sa tabi ko. Pamilyar ang gray polo shirt niya. Bago ako naka-react sa nakita kong nameplate sa dibdib niya ay napansin kong nakatingin na siya sa akin. Si Kira, ang barista.

“Ay sir, hello po,” masiglang bati niya sa akin. Ngumiti siya nang napakalaki na hindi ko kailanman nakita kapag siya ang naghahatid ng order ko.

Mahinahong ngiti lang ang nasagot ko dahil nga nasa kalagitnaan na ako ng moodswing ko. Gustong gusto ko nang umuwi dahil may mga dapat akong i-check na email.

Tahimik ang mga sumunod na minuto at ang tanging naghuhumiyaw lang ay ang napakalakas na ulan at pumipitong hangin. Nakasuot na ako ng sweater pero nararamdaman ko pa rin ang panlalamig. Sinubukan kong pasimpleng tingnan siya at nakita kong halos nakayakap na siya sa kanyang bisig. Mas nanlalamig na siya lalo pa’t basa ang suot niya.

Bigla ko na lang hinubad ang sweater ko at agad kong inabot sa kanya. Pareho kaming nawirduhan sa ginawa ko.

“Shet,” ang nasabi na lang ng utak ko sa ginawa kong hindi ko naman talaga intensyong gawin. Pero nandito na ito. Wala nang atrasan.

“Giniginaw ka na. Gamitin mo muna,” kalmado kong sinabi.

Sinadya kong maging hindi convincing ang statement ko para umayaw siya pero hindi ganoon ang nangyari.

“Thank you po, Sir Renzo.”

Saglit siyang tumalikod at tinanggal ang suot na polo shirt. Lalo akong nanlamig nang humarap sa akin nang nakahubad. Buti na lang at medyo madilim kaya hindi gaanong kita ang itsura kong wirdo. Kinuha niya ang sweater sa kamay ko at sinuot habang nakangiti na parang bata. Hindi ko alam kung bakit nakita ko pa yun na lalong nagpadagdag sa nerbiyos ko. Tamang-tama lang sa kanya ang sweater ko at mukha naman siyang naging kumportable. Piniga niya ang basang polo shirt at hinawakan sa magkabilang dulo ng laylayan na parang nakasampay. Ako naman ay patuloy na nanahimik, tumitingin-tingin sa kung saan-saan at pinipilit na umiwas na makipag-usap sa kanya. Hindi naman ako sobrang introvert pero kapag pakiramdam ko ay ayokong makipag-usap ay hindi talaga ako magsasalita.

“Hindi ko po kayo nakita kanina sa coffee shop, sir,” biglang nagsalita si Kira na talagang kinagulat ko.

“Ano… kasi… nandun ako sa coffee shop sa ground floor. Dun kasi nagyaya yung mga kaibigan ko.”

“Ganun po pala,” nakangiti niyang tugon.

“Masyado na pala akong madalas doon. Namumukhaan mo na pala ako,” isang biro pero may pagka-seryoso kong sabi. Mahina siyang napahagikgik na narinig ko kahit napakalakas ng buhos ng ulan.

“Ayos lang po yun. Lagi naman kayong welcome. Kung hindi po dahil sa mga tulad ninyong loyal costumer e wala po kaming trabaho.”

Sumang-ayon naman sa kanya kahit pa naroon pa rin yung hinala kong hindi lang niya ako basta namumukhaan dahil lagi akong nagkakape doon.

“Sir, alam nyo ba na idol ko kayo?”

Mga salitang bigla na lang bumulalas mula sa kawalan! Noong una’y hindi ko alam kung paano ako magre-react sa sinabi niya. Tinanong ko siya ng bakit sa pinakamahinahon na paraan.

“Kapag nasa shop kayo kasi tapos may kausap kayo, pakiramdam ko ang dami nyo pong alam. Ibig ko pong sabihin, parang ang dami pong gustong matuto mula sa inyo dahil marami po kayong pakialam sa buhay. Ibang klase po kayo, sa totoo lang.”

Hindi ko pa rin alam kung paano ako tutugon sa mga salita niya. Ngumiti na lang ako at nagpasalamat. Pero hindi na naman napigilan ng utak ko na magsalita nang kung ano-ano.

“Kaya pala nahuhuli kitang nakatingin sa akin,” bigla kong nasabi na nagpabigla sa kanya.

Dun na ako nagsimulang matawa at sinundan naman niya ng halakhak.

“Sorry po, sir. Naa-amaze lang talaga ako,” nakangiti niyang paliwanag. “Kapag may kausap po kasi kayo at naririnig ko kayo, pakiramdam ko po ay parang ako na rin ang kinakausap ninyo at nakakatawanan ninyo. Ang weird pero ganun po talaga. Natandaan ko nga na napasimangot kayo nung nahuli nyo akong nakatitig sa inyo.”

“Wow! Talagang natandaan mo yun?!” nagulat kong tanong na nagpatawang muli sa binata.

“Ang memorable lang nun dahil first time kong nasimangutan ng customer sa coffee shop nun. Pero promise po, hindi po suplado ang naging first impression ko sa inyo.”

“Ayos lang naman. Ganun lang kasi talaga ako lalo na ‘pag nakatutok ako sa mga ginagawa ko. Don’t worry, next time, kapag nakita kitang nakatingin, ngingiti na ‘ko.”

Mukhang tanga yung sinabi ko kay Kira pero nakita kong bigla ang maamo niyang mata na nag-compliment sa kanyang labing nakangiti. Lalo akong nagmukhang tanga nung naisip kong nasobrahan yata ako sa titig na sa palagay ko’y napansin niya. Nagsimula na kaming magkaroon ng sariling mundo sa bangketang may silong na napapalibutan ng pabaha nang kalsada. Marami pang palitan ng kwento ang sumunod na isang oras hanggang sa tumila na ang ulan.

Alas-dos na ng madaling araw. Maghihiwalay na kami ng landas nang maalala kong suot pa niya ang sweater ko.

“Ibabalik ko na lang po yung sweater nyo kapag bumisita po kayo ulit sa shop. Lalabhan ko po muna,” wika niya.

“Sige no problem.”

“Thank you po ulit, Sir Renzo.”

“Renzo na lang ‘pag nasa labas tayo ng coffee shop.”

May excitement ang pagsagot niya ng “sige” nung marinig niya iyon. Sana ako lang iyon pero ilang segundo ring nakangiti siya nang ganoon. Hindi ko siya guni-guni at sigurado ako doon.

Apat na araw ang umusad at bumalik ako sa coffee shop dahil may estudyanteng gustong kumonsulta sa akin para sa thesis. Ang swerte dahil walang nakaupo sa paborito kong pwesto. Paupo pa lang ako ay nakita ko nang nakatitig siya sa akin at nakangiti. Tulad ng ipinangako ko sa kanya ay ngumiti ako pabalik na alam kong na-appreciate niya.

Habang abala ako sa pagche-check ng email sa laptop ko ay dumating na ang cafe mocha ko. Hindi ako kaagad na nakalingon pero may nakita ako kaagad na kakaibang nakasulat sa aking coffee cup.

“For my favorite coffee star: Renzo. From Kira, the barista.”

Mula sa isa ay naging lima na ang puso sa tabi ng pangalan ko. Dahan-dahan akong lumingon at nakita kong si Kira pala ang naghatid ng order ko. Sa unang pagkakataon ay nakangiti siya sa harap ko bilang barista. Hawak niya rin ang sweater ko na pinasuot ko sa kanya.

“Here’s your coffee and sweater, sir! May perfume ko yan kaya mabango,” masaya niyang pagbati.

Alam kong ngumiti ako nang pagkalaki-laki dahil hindi na lang isang barista ang nasa coffee shop na ito kundi isa nang bagong kaibigan. Ayaw kong sabihing ispesyal dahil ayokong magtiwala sa ganitong pakiramdam. Mas mabuti na yung ganito kaysa maging mas wirdo pa ang sitwasyon. Hindi na kaya ng utak ko ang intindihin pa ang susunod na sakit na pwedeng danasin ng puso ko. Kumbaga, nagiging praktikal lang ako.

Nagtuloy-tuloy ang ganitong setup sa sumunod na anim pang buwan. Hindi na ako nagiging madalas sa coffee shop pero sa tuwing pupunta ako ay sinisigurado ni Kira na nakatitig sa akin at nakangiti siya sa akin, nakaharap man sa akin o yung hindi ko namamalayan dahil busy ako.

Dumating ang isang araw na nagpunta ako doon kasama si Vincent, ang ex-partner ko na nanatili pa ring kaibigan ko kahit naghiwalay kami. Makulit kami ni Vincent kapag nagkikita kami na para bang “kami” pa rin. Hindi ko noon napansin si Kira dahil nga masaya ang kwentuhan namin ng isa. Pumunta ako sa cashier para um-order ng cheese cake nang makita ko si Kira na siyang kukuha ng order ko. Normal lang ang lahat ngunit kumuha siya ng tissue at tila may isinulat doon. Inabot niya ito kasama ng sukli at wi-fi access sa coffee shop. Binasa ko ang nakasulat sa tissue habang pabalik sa upuan namin.

“Tingin ka naman sa akin o. :)”

Medyo binalewala ko ang nasa tissue nang may ipakita sa akin si Vincent sa smart phone niya. Tuloy ang tawanan namin ng mokong kong ex at sinagad ang aming bonding dahil hindi naman kami madalas na nagkikita nito. Umalis kami ng coffee shop at noong pag-uwi lang ay doon ko naalala si Kira at ang sinabi niya sa tissue. Dinatnan ako ng guilt dahil hindi ko siya napansin pagkatapos ng matagal na beses na hindi ako nakadaan sa coffee shop. Itinulog ko na lang ang pag-aalala dahil napagod ako sa trabaho noong araw na iyon.

Lumipas ang dalawang buwan. Ilang araw bago mag-Pasko. Nagmadali akong pumunta sa coffee shop bago pa ito magsara dahil nag-crave ako sa chocolate. Umabot naman ako at doo’y nakita ko si Kira na abalang-abala sa paggawa ng mga order. Hindi ko na kinuha ang atensyon niya at umupo sa paborito kong pwesto habang hinihintay ang order ko. Ilang saglit lang ay dumating ang chocolate cake ko at ang lagi kong order na cafe mocha. Alam kong siya ang gumawa ng kape ko pero walang dekorasyon ang baso ko hindi tulad ng mga dating coffee cup ko. Nalungkot akong bigla dahil parang first time na makalimutan iyon ni Kira.

Ako naman ang sumubok na sumulyap sa kanya pero busy pa rin siya sa mga ginagawa niya at halos walang sandali yatang hindi siya sumaglit ng tingin sa akin. Hindi tulad ng dati, hindi ko na sigurado ngayon kung tiningnan niya ako habang nakatuon ang atensyon ko sa ibang bagay.

Nag-text ang isa sa mga kaibigan ko na nasa coffee shop sa mall ding iyon. Bago ako lumabas ay muli kong tiningnan si Kira at ganoon pa rin ang sitwasyon niya. Hindi na ako tuluyang nang-abala at umalis papunta sa isang coffee shop.

Inabot kami ng closing time sa dami ng pinagkwentuhan namin ng kaibigan ko. Naglakad ako papunta sa sakayan para makatiyempo ng jeep. Bago pa man ako makarating sa terminal ay biglang pumatak ang malakas na ulan at napuwersa akong sumilong sa waiting shed sa tapat ng isang bangko. Wala akong dalang payong o sweater dahil kanina naman ay wala namang senyales ng masamang panahon. Wala akong choice kundi hintayin itong huminto. Inaliw ko ang sarili ko sa paglalaro ng games sa phone ko at lahat ng atensyon ko ay napunta sa laro. Saktong naubos ang lives nang naramdaman kong may katabi ako na nakasilong din sa waiting shed.

Sa kanan ko ay nakatayo si Kira, naka-sweater at may hawak na coffee cup sa kaliwang kamay at payong sa kanang kamay. Nakangiti siya sa akin habang nakatingin pero tila may kakaiba sa ngiting iyon.

“Hindi na kita inabala kasi mukhang busy ka sa games.”

“Oo nga e. Sorry hindi rin kita napansin.”

“Ayos lang. Ilang minutes kitang tinitingnan kaya alam kong hindi mo ako naramdaman.”

“Ikaw din naman kanina.”

Medyo nagmaktol ako nang sabihin iyon. Nabigla na lang ako nang ma-realize ko na sinabi iyon ng bibig ko at hindi lang ng isip ko. Nakita ko rin ang pagkabigla rin ni Kira at parang gusto ko na lang mahiya.

“Ha? Anong kanina?” tila pagtatakang tanong ng binata.

“Ano… kasi… nandoon ako kanina sa coffee shop… pero masyado kang busy. Feel ko naman, alam mong nandoon ako dahil ikaw ang gumawa ng cafe mocha ko pero hindi ka tumingin o sumulyap man lang.”

“Hala, sorry! Sa dami kasi ng ginagawa kong mixes, hindi ko na alam kung sino ang ginagawan ko ng kape dahil hindi ko na rin nakukuhang makita yung pangalan ng umo-order,” alibi niya. “Pero… oo, alam kong nandun ka. Kaya nga patago kitang hinintay.”

Ano kaya sa tingin niya ang dapat kong maramdaman?! Bigla akong na-bad trip sa sinabi niya at nagtangka nang sumugod sana sa ulan. Parang alam niyang gagawin ko iyon kaya mabilis niyang hinubad ang suot na sweater, nilagay sa balikat ko at humakbang sa labas ng waiting shed. Mabilis siyang nabasa habang hawak pa rin ang coffee cup.

“Ako na lang ang magpapakabasa para sa’yo, Renzo.”

Ito ang unang beses na tinawag niya ang pangalan ko nang walang “sir”. Nagulat ako sa sinabi niya at hindi ko akalaing may magsasabi ng ganun sa akin.

“Basa yung labas ng cup na ‘to pero sigurado akong mainit pa yung nasa loob. Para sa’yo to, idol. From Kira, your barista.”

Inabot niya ito sa akin habang tuloy-tuloy na nababasa ng malakas na ulan. Wala akong karapatang tanggihan ang kapeng iyon lalo pa’t dama kong ginawa iyon sa napaka-ispesyal na paraan.

“Alam kong may mali sa atin ngayon. Hindi ko iyon intensyon. Sorry kung ganito ang kinalabasan. Pero pakiusap ko, sana walang magbabago.”

Hindi ko naitago ang pagkadismaya pero bago pa masakop ng inis ang kabuuan ko ay pinakiusapan ko siyang sumilong na.

Bumalik siya sa waiting shed, hinubad ang gray polo shirt at sinuot ang hawak kong sweater niya.

“Ikaw muna ang uminom,” utos niya nang abutin ko sa kanya ang kapeng bigay niya. Sinunod ko naman siya at humigop nang kaunti.

Inabot ko sa kanya ang baso at bago siya uminom ay tiningnan niya muna ako. Alam niyang bigla akong nairita kaya napahagikgik siya. Inikot niya ang baso sa parte kung saan ako uminom at doon siya humigop. Tulad ng dati ay hindi ko alam ang reaksyon ko sa ginawa niya. Isa lang ang sigurado sa ngayon: tuloy ang aming pagkakaibigan.

Oo, pagkakaibigan. Kahit pa pareho kami ng wirdong pakiramdam ngayon, alam naming dalawa na hindi para “doon” ang koneksyon ng kape sa aming dalawa. Hindi namin ito idineklara nang pormal dahil nagkakaunawaan na kami sa titig pa lang. Natapos ang gabing iyon na naging malinaw at maayos. Nanatili na ang nalalaman ko lang kay Kira ay isa siyang barista. Ayoko nang may malaman pang iba.

Natapos ang Pasko at nagsimula ang bagong taon. Nagsimula ang totoong pagkakaibigan sa pagitan ng isang mahilig uminom ng kape at sa isang mahilig gumawa ng kape. Hindi humantong sa “tamang” pag-ibig ang pag-ibig namin sa kape, ngunit dahil kay “Kira, The Barista”, pakiramdam ko’y naging mas masaya ang pakahulugan sa akin ngayon ng kape. Mainit man o malamig, ang mahalaga ngayon ay may isang taong nakakonekta sa akin sa pamamagitan ng kape, at tulad ng napakaraming sleepless nights, hindi ko pinagsisisihan ang koneksyon ko sa kanya dahil naging produktibo ako sa napakaraming bagay.

 

AURORA-NEW-LOGO-2015 copy_small

Panahon ng Pag-ibig #03: Yakap Ko Ang Iyong Ngiti

panahon-ng-pag-ibig-03-yakap

[Inspirado ng rendition ng “Yakap” ni Charice]

***

“Ano naman yung pakiramdam na muli na namang tinangkilik ng mga tao ang pelikula mo? And this is not just another blockbuster movie! Its first day made history in Philippine cinema! Kamusta naman yun?”

“Grabeng saya! Ibang klaseng suporta kasi ang binigay ng mga kaibigan natin at lubos akong nagpapasalamat sa kanila.”

“Saka sa mga nabasa naming reviews, sumasang-ayon kami sa sinasabi nila na bawat role na ginagampanan mo ay talagang ginagawa para sa’yo. What can you say about that?”

“Yung anim na pelikulang ginawa ko saka etong ‘Rainbow’ ay sinulat ni Joshua Castillo na matalik kong kaibigan since college. Kapag siya ang sumusulat ng mga pinapagawang pelikula sa akin, binabagay nya yung mga character ko sa kung sino ako sa totoong buhay, kung ano ang galaw ko sa tunay na mundo, at kung ano ang kakayahan ko bilang ordinaryong tao. Kaya kung may isa pang dapat papurihan sa tagumpay ng mga naging pelikulang pinagkatiwala sa akin, si Josh po yun.”

Lumingon si Quark sa likod ng maraming kamera. Nasa bandang likod pala ng isang cameraman ang taong hinahanap niya at tagong nanonood sa kanyang panayam, si Josh. Ngumiti siya nang makita niya ito. Gayundin din naman si Josh na nagpakita ng ngiti kay Quark, ang kanyang ‘kaibigan’, ang artistang tinagurian ng industriya bilang “Zac Efron”, hindi lang ng Pinoy showbiz kundi ng buong Asya.

***

“Nagustuhan mo ba yung sinabi ko kanina sa interview?”

“Okay lang. Pero sana hindi mo na sinabi yun. Sa’yo nakatapat ang limelight at hindi sa akin.”

“Eh… sinabi ko lang ang totoo. Saka… if I know… gusto mo rin naman yung narinig mo e. Hihi!”

“Loko loko ka talaga Wacky! Pero… salamat… dahil sinasama mo ako sa success mo. Maraming salamat.”

Paakyat na sina Josh at Quark sa tinutuluyan nilang unit. Agad na nagsara ang pintuan ng elevator papunta sa ikawalong palapag. Sa tuwing silang dalawa lang ang nakasakay dito ay tila bumabagal ang takbo ng elevator at para bang nagpapabagal din ng kanilang mundo. Hinarang ni Josh ang brief case sa kanang kamay ni Quark at sa kaliwang kamay niya upang hindi maabot ng lente ng CCTV. Nagsimulang gumalaw ang hinliit ni Josh patungo sa hinliit ng aktor. Nang magdugtong ang kanilang mga hinliit ay unti-unti nang dinikit ni Quark ang lahat ng kanyang mga daliri sa isa hanggang sa hawak na nila ang kamay ng isa’t isa. Napakahigpit na pagkakahawak. Tumingin ang binatang writer kay Quark at nakita nitong nakatingin na ito sa kanya, nakangiti at nagniningning ang singkit na mga mata. Ang mga nakaw na sandaling tulad nito ang pinakagusto nila, kung saan sa gitna ng maingay na mundo ay nakakahanap sila ng ginhawa. Kaginhawaang punong-puno ng kaligayahan na nag-uugnay sa kanilang mga pusong minamahal ang isa’t isa.

Nagtapos din ang napakahabang araw na iyon. Mula umaga ay kaliwa’t kanang interviews at press conferences ang dinaluhan nilang dalawa dahil sa tagumpay ng kanilang pelikula. Sanay na sila sa ganitong senaryo kapag lumalabas si Quark sa pelikula pero iba ang tagumpay ng “Rainbow” dahil sa unang araw pa lang nito sa takilya ay kumita na ito ng mahigit 50 milyong piso. Bihira itong mangyari sa isang local movie kaya’t ipinagbubunyi ng lahat, lalo na ng mga fan ni Quark ang pagiging box office nito sa pinilakang tabing. Ngunit higit sa lahat, ang artistang si Quark Garcia at ang manunulat na si Joshua Castillo ang talagang pinakamasaya. Silang dalawang magkaibigan. Silang dalawang higit pa sa matalik na kaibigan ang turing sa isa’t isa.

***

Tatlong araw ang nakalipas. Pagkatapos ng kanyang live guesting sa morning show ay dumiretso agad siya sa opisina ng Star Talents, ang management arm ng Channel 3 na humahawak sa mga homegrown talent ng istasyon. Pagkapasok pa lang niya sa pintuan ay sinalubong siya agad ng kanyang handler at hinila papuntang conference room para sa isang maganda ngunit biglaang balita.

“Panibagong pelikula agad, Lana?! Don’t get me wrong ha, pero hindi ba pwedeng magpahinga muna ako kahit two months lang?”

“Kinausap ko na sila tungkol dyan dahil nga kagagaling lang natin sa ‘Rainbow’, pero ihahabol kasi nila raw ito sa Toronto International Film Festival e. Ikaw talaga ang gusto nilang magbida sa pelikula nila kasama si Zac Efron at Morgan Freeman. Take note, for international release. Nakausap na rin nila si Mr. J at pumayag naman siya. Chance mo na ‘tong makilala as Hollywood actor. Aayaw ka pa ba, Quark?”

***

“Josh, kasi ano… may bagong project ako. Di pa ako nagye-yes kasi sabi ko pag-iisipan ko pa.”

“Alam ko na yun. Yung Hollywood movie? Okay lang naman sa akin.”

“Paano mo nalaman?”

“Saan ba ako nagtatrabaho?”

“Eh… anong masasabi mo dun?”

“Okay nga lang.”

Okay lang daw, pero wirdo ang nararamdaman ni Quark sa pag-sang-ayon ni Josh. Patuloy na nakatutok ang mga mata nito sa laptop, may tina-type na kung ano na hindi man lang siya nilingon kahit saglit. Alam niyang may pagtutol ito sa gagawing proyekto. Lumapit si Quark sa kanyang kinauupuan at niyakap siya nang mahigpit. Ilang segundong hindi nagsalita si Josh samantalang nakatitig lang sa tina-type niyang script ang nagpapa-kyut na artista sa kanyang likuran.

“Hindi ko siya tatanggapin.”

“Ha?! Bakit?! Opportunity kaya yan para sa’yo.”

“Eh ayaw mo kasi.”

“Wala akong sinabing ayaw ko. Okay nga lang, di ba?”

“Kilalang kilala kita, Josh.”

“Magiging masaya ako kapag naging Hollywood star ka na. Kasi magiging proud ako na ang bestfriend ko ay hindi na lang basta heartthrob sa Pilipinas kundi sa buong mundo…”

Napangiti si Quark sa sinabi ni Josh. Tinanggal ng huli ang suot na eyeglasses at tumingin kay Quark, ngumiti at hinalikan siya sa pisngi.

“… huwag kang mag-alala. Kaya kong maghintay. Mayroon kang babalikan dito sa Pilipinas kasi alam kong babalik ka.”

“Promise?”

“Sabi nga ni Nolan sa ‘Rainbow’ nung kausapin niya si Rina habang papalubog ang araw sa Baywalk… wala sa bibig ang salitang pangako, nasa utak iyon at nasa puso.”

Tila natanggalan ng tinik sa lalamunan si Quark nang marinig iyon sa taong napaka-espesyal para sa kanya. Hinawakan niya ang pisngi ni Josh, dinampi ang mga labi sa noo, ilong, baba at ang huli’y sa labi nito. Pumikit ang kanilang mga mata, sabay na nagbilang ng sampung segundo habang magkadikit ang mga labi, sabay na dumilat at ngumiti sa gitna ng kanilang matamis na halik. Lagi nilang ginagawa iyon dahil doon nila nararamdaman na ang halik ng bawat isa ang simbulo ng kanilang matamis na pagsasama.

***

Kinabukasan ng hapon. Maagang natapos ang taping ni Quark sa teleserye kung saan siya kasama. Makikipagkita sana siya kay Josh para yayaing magkape at para sabay na rin silang umuwi. Naghintay siya sa coffee shop ng alas singko pero alas-siyete na ng gabi ay hindi pa ito nagre-reply sa kanyang mga text o hindi sinasagot ang kanyang mga tawag.

“Wacky! Buti naabutan pa kita. Sorry.”

“Paalis na talaga dapat ako. Tine-text kita kanina pa. Bakit di mo sinasagot ang mga tawag at text ko?”

“Naka-silent mode kasi ang phone ko. May story conference kanina kasama yung producers at writers ng gagawin mong Hollywood movie. Grabe ang brainstorming nila e family drama lang naman ang gagawin.”

“Talaga? Isasama ka ba nila sa magsusulat?”

“Ewan ko. Pero kinonsulta nila ako tungkol sa mga character na ginampanan mo sa mga pelikula mo dati.”

“Ganun ba? Sana isama ka nila no?”

“Imposible yun. Magagaling yung naghahabi ng pelikula nyo. Saka may dalawang show akong sinusulat ngayon at ako rin ang pinapasulat ng Star Theater para sa MMFF entry this year. Malamang din naman na hindi papayag si Lana na sumama ako.”

“Kung sabagay. Pero mas magiging effective ako kapag kasama ka.”

“Aysus! Kayang kaya mo yan! Dumarami na ang mga oportunidad para sa’yo. Lumalawak na ang mundo mo. May mga taong mas kaya kang paunlarin bilang artista. Masaya na ako kapag naiisip kong natulungan kita sa maliit kong paraan para umangat tayong pareho sa mga karera natin na magkasama tayo.”

“Yan ang mami-miss ko sa’yo e. Always positive! Lagi akong mag-o-online. I-message mo ako lagi ha. Continue making me inspire.”

“At talagang ako pa ang sinabihan mo nyan! Active na active ako sa Facebook at Twitter kaya araw-araw na mapupuno ang inbox mo sa akin. Alam mo namang mas madaldal ang mga daliri ko kesa bibig ko.”

“Hahaha! Alam na alam ko yun, siyempre. Ibang klase ngang dumaldal ang mga daliri mo e, award winning!”

Napuno ng tawanan ang kwentuhan nilang dalawa. Napuno ng saya ang mga nalalabing araw na magkasama sila hanggang sa umalis si Quark papuntang Amerika para simulan ang shooting ng isang napakalaking pelikula. Isa itong pagkakataon para sa isang Pilipino na magbida kasama ng mga bigating artista ng Hollywood. Hindi pinaramdam ni Josh ang lungkot sa pagpunta ng binatang artista sa ibang bansa. Patuloy siyang naging positibo, masayahin at supportive para kay Quark dahil yun ang Josh na alam niyang minahal ng kanyang ‘kaibigan’.

***

Anim na buwan ang nakalipas. Pareho silang naging abala sa kani-kanilang trabaho, pero tulad ng kanyang ipinangako, araw-araw na nagse-send si Josh ng message sa Facebook at Twitter account ni Quark. Tila ba kasama sa kanyang routine ang padalhan ng mga personalized inspirational quote ang aktor tuwing umaga pagkagising at tuwing gabi bago matulog. Hindi alintana ni Josh kung mag-reply ito o hindi, ang importante, lagi niyang nasa puso si Quark.

“Mr. J, pinapatawag nyo raw po ako?”

“Yup. Pasensiya na kung biglaan na kailangan pa kitang pauwiin dito sa Manila. How’s our filmfest shoot in Sorsogon?”

“Maayos naman po. Nung iniwan ko po sila doon, patapos na po ang last scene. Bale next week, ready na po siya for post production.”

“Very good. At least, wala nang gaanong conflict sa susunod mong project.”

“Next project po?”

“The management has decided to pull you out from your two TV shows. You will be joining the Universal crew in Chicago for Quark’s movie. Their team needs you to cover the important scenes of the film. Natandaan daw nila yung pitch mo nung brainstorming at they considered it.”

***

“Nice to see you again, Mr. Castillo. Hope you still remember me?”

“Of course, Mr. Johnson. Thank you for inviting me to be part of your movie.”

“Just call me Hanz. Thank you for accepting our offer. One of our writers needed to quit the movie because of some personal matters. Anyway, I know you were very busy writing for different TV shows in the Philippines. I hope you will enjoy our working environment here.”

“Yes I will, Mr. Johnson. By the way, where’s Quark?”

“I’m not sure… oh! There he is!”

Lumingon si Josh sa kanyang bandang likuran at nakita niya si Quark na palabas sa isang tent, may hawak na napakakapal na script at abalang-abala sa pag-aaral nito. Sa sobrang tuwa at pagkasabik ay napatakbo siya’t biglang niyakap si Quark nang napakahigpit na ikinagulat ng aktor.

“Josh?!”

“Oh! Gulat na gulat ka? Kumusta na?”

“Ayos naman. Eto, sobrang busy sa movie. Almost everyday since I arrived here, lagi kaming nasa shoot. Ikaw, kumusta ka na?”

“Lagi naman akong busy e, pero ngayon, dito na ‘ko magiging busy.”

“Huh? What do you mean?”

“Kasama na ako sa mga gagawa ng screenplay ng movie nyo. Na-suprise nga ako sa desisyon ng management na ipadala ako rito e.”

“That’s good. At least someone can orchestrate my character into a more realistic one. Naku! Teka lang Josh ha! May tatapusin pa akong sequence e. I’ll get back to you later.”

***

Oo nga. Baka busy lang siya. Eto ang laging pumapasok sa utak ni Josh. Anim na buwan mula nang makaalis siya sa Pilipinas, hindi man lang nakapag-reply si Quark sa isa sa kanyang mga mensahe. Kanina, parang hindi nagulat si Quark at hindi man lang nakakitaan ng saya na makita siya. Pinag-iisip siya ng mga pangyayaring ito, pero narito siya para magtrabaho, para hubugin ang karakter ni Quark na nararapat na makita ng buong mundo.

Alas-dos ng madaling araw. Hindi siya makatulog dahil sa jet lag. Hindi niya sinayang ang oras kaya’t agad niyang kinuha ang kumpol ng mga papel na naglalaman ng sequence list at first draft ng script ng bahagi ng pelikula kung saan siya naatasang sumulat. Inabot siya ng alas-otso ng umaga sa pag-aaral ng mga ito bago humarap sa laptop upang dugtungan ang script na hindi natapos ng naunang writer sa kanya. Nakatutok siya sa bawat letra ng mga tauhan at sinunod niya ang suhestiyong nauna niyang sinabi sa mga producer noong nagkaroon ng brainstorming session sa Maynila. Walang isang beses na nakahigop siya ng tinimpla niyang kape at sa paglamig nito’y doon na tuluyang nag-init ang kanyang mga daliri sa pagtipa ng mga eksena. Pabalik-balik ang kanyang paningin sa monitor ng laptop at sa mga papel sa kanyang harapan kaya hindi na niya namalayang magga-gabi na ulit. Hindi pa binubuksan ni Josh ang kurtina mula nang dumating siya sa kanyang tinutuluyan kaya’t hindi niya nasilayan ang unang umaga, tanghali at hapon sa likod ng mga bintana. Naka-kalahati na siya sa mga sinusulat niya bago naramdaman ang pagod sa kanyang mga mata.

Sumandal siya sa kanyang inuupuan, pinikit ang mga mata, at tuluyang nagpahinga.

***

“Congratulations guys! What an impressive movie! This will be released in three months and all of us will go to Manila for the worldwide premiere!”

“Cheers for Zac, Morgan and Quark! Cheers for Hanz, Director Riddle, and to Universal! Cheers for all our American and Filipino crew who help us made this film! Cheers for all of us!”

Isang taon ng pagpapagod, pagpupuyat at paghihintay. Sa wakas ay natapos na rin ang ‘Louie’s Crib’, ang napakalaking pelikulang katatampukan ng isang Pilipinong artista, isang pangyayaring uukit ng kasaysayan sa pinilakang tabing ng Pilipinas. Sa wakas din ay makakauwi na rin ng bansa ang mga Pilipinong crew na naging bahagi nito para makapagpahinga at makapaghanda para sa worldwide premiere day ng nasabing pelikula. Kasama rito sina Quark at Josh.

“Hey Josh!”

“Dale! Good thing you’re here. I will give you something. Hmm here!”

“Wow! Can I open this box now?”

“Go ahead.”

Nakatanaw sa di kalayuan si Quark habang masayang nag-uusap si Josh at kasama nitong writer na si Dale. Kung hindi lang siya kailangang i-entertain ang mga lumalapit sa kanya ay pupuntahan na niya ang mga iyon. Nagseselos siya sa mga nakikita niya.

“Geez! Dried mangoes and a Les Miserables shirt personally signed by Lea Salonga with my name! How did you get these?”

“I ask dad to make all those possible. You told me before that you really like dried mangoes and you are a fan of Lea Salonga. My plan is to give that box before we leave the day after tomorrow, but I was afraid that you will leave Chicago right after this. That’s why I brought it here at the party and… tadaaa! Surprise!”

“Hahaha! Yeah. I am so surprised! Thank you Josh. Hmmm well, I also have a surprise for you but it’s in our room. We’re not leaving yet ‘coz we have some business to finish here. You know… some post production thingy before they release the copy outside the U.S. Anyway, if you want, I will go to your room tomorrow to give my surprise.”

“Sure.”

***

“Oh Quark! Ikaw pala. Sobrang late na ha.”

“Antagal mong buksan yung pinto?”

“Hindi ko narinig e. Saka nag-aayos na kasi ako ng mga gamit para hindi na ako magra-rush sa pag-alis sa isang araw. Ay hindi, bukas na nga pala yun.”

“Babalik na tayo sa dati, Josh.”

“Ha? Hindi kita naintindihan.”

“Pagbalik natin sa Pilipinas, babalik na tayo sa dati. I miss you.”

“Nakainom ka. Magpahinga ka na.”

“Na-miss lang kita, nakainom na agad? Teka nga! Is this because of that Dale huh?”

“Bakit naman nadamay si Dale dito?”

“Kanina, answeet ninyo. No! Mali ako! Matagal ko na palang napapansin na sobrang sweet nyo. Hindi mo nga ako pinapansin kahit nagpapapansin ako di ba?”

“I will talk to you when you’re not drunk anymore.”

“Kayo na ba? Is this the end of ours? Napunan ba nya ang pagkukulang ko? Well, in fairness, he’s cute, he’s intelligent, he’s witty, he’s sexy. Anlaki laki ng lamang nya sa akin. Artista lang naman ako e. Ano! Magpaliwanag ka!”

“Get out. Leave.”

“I will take it as a yes. Fuck!”

***

“Dale? Sorry, I just woke up. What can I do for you?”

“Hi Quark. Uhm… Josh told me to give this letter to you. Dude, I feel so sorry for what happened. Josh and I were relatives. He’s my cousin. My mom is his dad’s sister. I just knew this thing when I saw his Facebook account that’s why we’re close. He’s my only relative from the Philippines and I am always excited to talk to him about our country ‘coz I’ve never been there. I also knew that you and Josh are partners, at least, best friends. He entrusted me on this matter and I’m really grateful for knowing this. He always set his mind like he’s so inspired by looking at your photos while we’re writing and reviving scripts. He respected your job that’s why he doesn’t bother to reach you on the set. I am explaining this not to clear myself. I just don’t want to see my cousin sad for the last time. I need to go. See you later.”

Nawala ang hangover ni Quark. Sa nagtapos na gabi’y tila kulang pa ang mga luhang bumuhos sa kanyang mga mata dahil sinaktan niya ang taong nagmahal sa kanya dahil lang sa maling pagseselos.

***

Joaquin,

“Wala sa bibig ang salitang pangako, nasa utak iyon at nasa puso.”

Hindi si Nolan ang unang nagsabi ng mga salitang ito. Wala akong ideya kung natatandaan mo pa, pero five years ago, ang mga salitang iyon ay una kong marinig sa’yo nung ipagtapat mong gusto mo ako pagkatapos ng mga nangyari sa atin. Nakabukas ang mga bintana habang nasisinagan ng papasikat na araw ang mga katawan nating bigkis ang bawat isa. Hindi bigkis ng pagkakaibigan kundi bigkis ng dalawang kaluluwang nagmamahalan. Si Nolan ay ikaw noong una kitang makilala noong college, kaya nung gawin natin ang ‘Rainbow’ at pinapanood kang ginagawa mo ang mga eksena, hindi ko mapigilang mahalin ka nang mas higit pa dahil tila bumalik ang Joaquin Roque Garcia na inibig ko bilang ordinaryong tao, ang matalik kong kaibigan na gwapo pero wirdo.

May mga panahong pinagsisisihan kong isa ako sa mga taong nagbura ng alaala ko para lang mabuo ang isang Quark Garcia. Kaya nung pinasa ko ang script ng ‘Rainbow’, hindi ko hinayaan ang sinuman na baguhin ang bawat letra na naroon. Sabi ko kay Mr. J at Lana, gumawa na lang sila ng sarili nilang screenplay kung may babaguhin sila sa anumang bahagi ng script. Ang pag-depensa ko sa ‘Rainbow’ ay parang pagbawi ko sa mga panahong minahal ko ang isang artista kaysa minahal ko ang isang kaibigang una kong nakilala.

Sa loob ng isang taon na narito ako sa Amerika para sumamang gawin ang pelikula mo, nirespeto ko ang mga sandaling gusto kitang tanungin kung bakit hindi mo sinasagot ang mga message ko sa Facebook at Twitter kahit sinasabi sa akin ni Lana na nakikibalita ka sa mga nangyayari sa Pilipinas gamit ang Facebook. Nirespeto ko ang mga oras na dinadaanan mo lang ako at pinagtatanungan kung paano i-e-execute ang mga sinulat ko. Nirespeto ko ang mga araw na istranghero ako para sa’yo, na mas nakikihalubilo ka pa sa iba kahit nasa kabilang table lang ako. Nirespeto ko ang mga pagkakataong gusto kong magalit dahil nalaman kong nagkaroon kayo ng relasyon ni Dale mula nang tumuntong ka dito sa Amerika. Hindi ko magawang kumprontahin ka dahil ayokong masira ang focus natin sa trabaho. Higit pa roon, ayokong masira ang pagkakaibigan natin na binuo ng maraming taon ng pagsubok.

Tapos na ang ‘Louie’s Crib’, babalik na tayo sa Pilipinas, pero dahil sa mga nangyari, pinipili kong huwag muna tayong bumalik sa dati. Na-realize kong nasaktan ako nang sobra-sobra. Hinayaan kong magkunwaring manhid para lang itago ang sugat na lagi kong tinitiis habang naririto tayo. Dito ko napatunayan na parang kailangan mo lang ako para tuntungan mo para makaangat ka sa gusto mong puntahan. Wala akong reklamo doon dahil ginusto ko iyon. Dahil mahal kita.

Pinsan ko si Dale at walang anumang ibang ispesyal sa amin kundi ang pagiging mag-kamag anak. Kung may dapat mang sisihin sa pagkasira ng relasyong ito, ako iyon… dahil hindi ko nagawang ipagtanggol ang sarili ko tulad ng pagtatanggol ko na huwag masira ang pagmamahal ko sa’yo. Nagawa kong lahat ang ipinangako ko sa’yo. Pinapalaya ko na ang iyong puso.

Ang iyong kaibigan,
Joshua

***

“Kasado na bukas ang worldwide premiere. Ikaw ang sasalubong kina Zac at Sir Morgan sa hotel na tutuluyan nila. Magkakaroon ng staff dinner and then, last preparation for tomorrow. Gustong magsuot ng barong ni Sir Morgan, according to his handler.  Tapos… Oy! Nakikinig ka ba?”

“Ha? Eh oo. Tuloy mo lang yung sinasabi mo, Lana.”

“Okay ka lang ba, Quark?”

“Oo naman. Ah… kumpleto ba kaming pupunta bukas sa premiere?”

“When I checked the confirmation list earlier, isa lang ang hindi pupunta… si Josh. On leave pa rin siya. We’ve been trying to contact him, pero hindi siya sumasagot. Ine-enjoy siguro ang bakasyon. Ikaw, nakakausap mo ba siya?”

***

Dumating ang araw na pinakahihintay ng lahat, ang worldwide premiere day ng ‘Louie’s Crib’ na ginaganap sa tanyag  na Star Global Plaza. Dumating ang mga pinakamalalaking tao sa lipunan, hindi lang sa Pilipinas kundi sa Asya at Amerika. Sa loob ng tatlong buwang paghahanda’y ipinakita ng mga Pilipinong crew ng pelikula sa buong mundo ang isang red carpet event na higit pa sa mga nakikita nila sa Hollywood.

Dumating sa tamang oras ang tatlong ginoong bituin ng pelikula, senyales ng pagsisimula ng kauna-unahang pagtatanghal ng nasabing pelikula sa Pilipinas at sa buong mundo. Nagsiupuan na ang lahat at hinanda ang mga sarili sa magagandang eksenang hinabi ng dalawang lahi sa loob ng dalawang oras. Nagtapos ang pelikula na nakatanggap ng labinlimang minutong standing ovation na ikinatuwa ng mga Pilipino’t Amerikanong gumawa nito. Lumabas sila ng sinehan na kinakamayan ang bawat isa para sa kanilang napakagandang pagganap.

Sinabihan ang lahat ng staff ng pelikula na tumungo sa VIP lounge ng Star Global Plaza para sa celebrity celebration dinner na inorganisa ng Star Theater na main distributor ng ‘Louie’s Crib’ sa buong Asya. Bago pumunta sa loob ay tumungo muna sa C.R. si Quark para mag-ayos. Ilang saglit pa lang na humarap siya sa salamin ay may bumulaga sa kanyang mga mata, ang taong lumabas sa isa sa mga cubicle, si Josh. Nagtagpo ang kanilang mga mata, at tulad ng kanilang nararamdaman sa tuwing sumasakay sila sa elevator ay muling bumagal ang kanilang mundo.

Hindi niya pinalagpas ang pagkakataong yakapin ang ‘kaibigan’ kaya’t agad niya itong hinagkan nang walang kasinghigpit.

“Josh! Sabi ko na nga ba e! Pupunta ka dahil eto yung movie na pinagpaguran talaga natin. Alam mo, parang hindi ako yung napapanood ko dun sa pelikula kanina. Maraming nagsasabi na anggaling nung sumulat dahil sa approach nung character ni Brook. Ikaw yun Josh! Ikaw na naman ang bumuo kay Brook! Proud na proud ako sa’yo.”

Hindi pumapalag si Josh sa pagkakayakap habang tuwang tuwang nagkukuwento si Quark. Natapos na siyang magsalita pero tila wala itong narinig. Dito na unti-unting naramdaman ng aktor ang lungkot, ang pinakamasakit na pagtugon ng una, ang hindi paggalaw at hindi nito pagyakap sa kanya. Bumitiw siya sa pagkakayakap at tinitigan ang blankong mukha ni Josh.

“Mahal kita Josh. Miss na miss na kita.”

“Pumunta lang ako dito para panoorin yung pelikula. Aalis na rin ako. Nagpaalam na ‘ko kina Dale at Hanz na hindi makaka-attend sa gala dahil may mga kailangan pa akong gawin. Sige na.”

Hindi nakapagsalita si Quark. Akmang palabas na si Josh nang hawakan ni Quark ang dalawang kamay nito. Marahang inaalis ni Josh ang mahigpit na pagkakahawak ng huli ngunit hindi ito pumipiglas. Matapang ang mga mata ni Quark, pahiwatig na hinding hindi niya bibitiwan si Josh hangga’t hindi niya ito nasusuyong bumalik sila sa dati. Aminado siyang nasasaktan siya sa nangyayari sa kanila kaya naman hindi niya hahayaang basta-basta matatapos ang relasyon nila. Aminado siyang naging makasarili siya sa kanilang pagsasama pero hindi niya maikakailang si Josh lang ang nagmahal sa kanya sa kung ano siya noon hanggang sa kung naging ano siya sa ngayon. Ayaw ni Quark na mawala si Josh. Hindi ngayon. Hindi kailanman.

“Wala na tayo. Tapos na tayo. Pabayaan mo na ako.”

“Hindi ako naniniwala sa’yo, Josh. Ayokong mawala ka sa akin. Sorry kung nasasaktan na pala kita sa pagiging selfish ko. Sorry sa mga nagawa ko nung nasa U.S. pa tayo. Hindi ko sinadyang maging taksil ako sa’yo. Oo, naging kami ni Dale pero tinigil ko yun nung dumating ka sa Chicago. Humiwalay na ako nun. Maniwala ka. Sorry kasi hindi ko namalayang halos wala na yung Joaquin na bestfriend mo, na minahal mo. Gagawin ko ang lahat para bumalik tayo sa dati. Walang silbi ang lahat ng nangyayari sa akin kung mawawala ka lang.”

“Tama na! Sinagad mo na ang pagmamahal ko! Hindi na kita mahal!”

Agad na nakabitiw si Josh at dire-diretsong lumabas ng C.R. Naiwan si Quark, nanghihina, umiiyak at nagsisisi.

***

“At nagbabalik po tayo sa Showbuzz This Week, at kasama po natin ang mahusay na aktor ng henerasyong ito, Quark Garcia.”

“Good afternoon, Tito Boy.”

“Bago tayo mag-commercial break kanina ay pinakita ang mabigat mong mga mensahe sa Twitter nitong mga nakaraang araw, lalo na yung pinakahuli. Ang sabi mo doon, ‘No need to be sorry because this is the real me. Accept me for who I am. I love him more than my job.’ Pagkatapos na i-post mo ang tweet na ito ay dumagsa ang mga hinalang isa kang bakla. Diretsahang tanong, sino si Joshua Castillo sa buhay mo?”

“Si Joshua Castillo ay writer ng mga pelikulang ginawa ko, including ‘Rainbow’ and ‘Louie’s Crib’. Sino siya sa buhay ko? My bestfriend for 10 years and my boyfriend for 5 years now. Bakla raw ba ako? Oo, dahil yun ang definition ng marami sa isang lalaking nagmahal sa kapwa lalaki.”

“Bakit mo ginagawa ang pag-amin na ito sa kabila ng kasikatang tinatamasa mo ngayon? Saan ka kumuha ng lakas ng loob para ipagtapat ito sa publiko, lalo na sa mga tagahanga mo?”

“Ayoko siyang mawala, Tito Boy. Masyadong mahabang kuwento pero, inaamin kong kasalanan ko kung bakit gusto nyang makipaghiwalay. Ginagawa ko ‘to dahil mas magaan pa sa akin kung mawala ang karerang pinaghirapan ko kaysa masira yung pagkakaibigan at pagmamahal na pinaghirapan naming i-grow. Hindi ako takot na husgahan ng kahit sino, saka tulad nung sinabi ko sa tweet ko, wala akong dapat ipag-sorry sa pagsasabi ko ng totoong ako. Ang dapat kong ipag-sorry ay yung nagawa ko kay Josh.”

“Mensahe mo sa mga tagahanga mo?”

“Mga kaibigan, kung talagang kaibigan ninyo ako, galangin nyo ang nararamdaman ko. Kung napaibig ko po kayo sa mga nagawa kong pelikula, siguro, oras ko naman po para humingi ng tulong sa inyo para pagbigyan niya akong muling mahalin siya, ang taong minamahal ng aking puso. Ang taong wala ako sa mga piling ninyo kung wala siya. Siya ang bumuo sa akin at siya lang ang bubuo sa puso ko. Tulungan po ninyo ako.”

“Mensahe mo naman para kay Joshua.”

“Oras na para maging si Nolan para sa’yo. Bigyan mo ulit ako ng pagkakataong patunayan na mahal kita. Wala sa bibig ang salitang pangako, nasa utak iyon at nasa puso. Yun ang gagawin ko ulit ngayon. Mahal na mahal kita.”

***

“Masyadong challenging ang script mo para sa mainstream, Josh. Kakagatin kaya ito ng mga tao?”

“Hindi naman po imposibleng mangyari yan sa showbiz, Mr. J. Si Quark Garcia nga ang ginawa kong main lead dyan dahil kailangan nating i-angat ang career niya dito sa network. Kakalipat lang niya sa atin kaya dapat mag-ingay agad ang pangalan niya sa Channel 3. Nanggaling na rin siya sa indie kaya walang problema sa kanya ang ganitong daring role. Wholesome love story pa etong idea ko, eh yung mga ginagawa niya dati, may nudity scenes pa! Saka uso naman ang gay-themed films at shows ngayon kaya dapat tayong maki-trend. Eh kung hindi po ninyo gusto yung pitch ko, ipapasa ko na lang po siya para sa IndieArt Film Festival.”

“Wala naman akong sinabing hindi ko gusto yung plot mo, Josh. Maganda siya para sa ‘kin pero siyempre, it’s still our bosses’ decision kung mapu-push ito ng Star Theater. Hmmm… o sige, iko-consider ko ito. Malaki naman ang tiwala ng management sa’yo kaya malaki yung chance na ma-approve eto.”

“Kayo na rin ang bahalang mag-lobby nyan kina Boss at Madam kung sakaling nag-aalangan sila.”

“Okay. Pero teka, Joshua Castillo yung character nung lover ni Quark dito e. Eto ba talaga yung pangalan? Pangalan mo? At eto yung working title, di ba? Yakap Ko Ang Iyong Ngiti?”

“Yung sa title, yan na po. Pero yung sa name nung lover, hindi. Sample lang po yan. Papalitan ko rin kapag na-approve na.”

“I see. I will just inform you kapag okay na ‘to sa taas. Basta sa akin dito sa Star Theater, approve na ‘to. Ihanda mo na lang ang sarili mo sa defense at kakausapin ko na rin si Quark tungkol dito.”

“Yes! Thank you, Mr. J!”

Lumabas si Josh na masaya dahil nagkaroon ng liwanag ang pagpapalabas ng kanyang unang pelikula na siya ang nagsulat ng screenplay. Para sa isang straight na lalaki, hindi madali para sa kanya ang humabi ng ganitong klaseng pelikula, kaya’t kinailangan niyang kumonsulta sa mga kaibigang gay at lesbian. Para sa isang straight na lalaki, eto ang paraang kaya niyang gawin upang maipakita ang suporta sa mga kaibigan niyang nasa LGBT na nagmamahal din nang totoo at walang takot. Para sa isang straight na lalaki, eto ang isang kuwentong gusto niyang ialay sa isang taong hindi nya nagawang mahalin hanggang mamatay, ang best friend nyang bakla na nasawi sa isang aksidente, isang taon na ang nakalipas.

***

PANAHON NG PAG-IBIG #02: Umasa Kang Maghihintay Ako

Ang kantang ito ay inspirado ng Youtube singing duo na Emman&Pao sa kanilang cover na “Ako’y Sa’Yo, Ika’y Akin” (orihinal na inawit ng bandang First Circle). Sa loob ng halos napakatagal na panahon ay ngayon lang ulit ako magsusulat ng isang boy-girl love story. Sinubukan ko lang ulit kaya sana magustuhan ninyo.

aurora-title-novel copy

“Tin, ano kasi… pinag-aaral ako ni Tatay sa Maynila.”

“Wow! Maganda yun. Pero teka, bakit ka malungkot?”

“Kasi… isang taon pa lang akong nanliligaw sa’yo tapos mahihinto agad.”

“Huwag mong alalahanin yun. Mas importante ang pag-aaral mo. Di ba sabi mo, mag-aaral kang mabuti at kapag natapos ka na ng college ay maghahanap ka ng maayos na trabaho. Gusto mo ng magandang buhay para sa pamilya natin kapag napangasawa mo ako. Nakalimutan mo na ba yun? Ganun ang sinabi mo sa akin nung unang araw na niligawan mo ako.”

“Hindi ko naman nakakalimutan yun. Pero kasi, kulang pa ako ng isang taon eh, saka…”

“Sssssh! Huwag mo na munang isipin yan. Masyado ka nang maraming napatunayan sa akin sa isang taon. Nandito lang ako sa Cagayan. Makukumpleto mo naman yung dalawang taon mong panunuyo e. Pangako, umasa kang maghihintay ako kahit kailan. Saka, baka nga ikaw ang makalimot dyan kahit alam mong mahal na mahal na kita.”

“Ako? Si John Manuel Franco Jr.? Makakalimot kay Pauline Kristina de Jesus? Hmmm… tandaan mo ‘to, mahal na mahal din kita at hinding-hindi magbabago ang pag-ibig ko sa’yo. Pangako yan.”

Apat na taong paulit-ulit na nagbabalik sa isip ni Manny ang alaalang iyon. Apat na taong kanyang binabalikan, nginigitian at sa huli’y iniiyakan. Napakasayang alaalang hindi niya akalaing sa isang dagok ng tadhana’y hindi na magaganap kailanman.

Isang buwan pagkatapos niyang umalis ng kanilang probinsya ay nasawi sa aksidente si Tin. Nahulog sa bangin ang sinasakyang tricycle ng dalaga dahil umano lasing ang drayber. Tila nahulog din sa bangin ang puso ni Manny nang malaman ang malagim na pangyayaring iyon. Sa kanyang kalooban, napakasakit na tinuldukan ng aksidenteng iyon ang pangakong tatapusin ang dalawang taong panliligaw upang maging pormal ang kanyang pagmamahal sa una’t huli niyang mamahalin sa kanyang buhay.

Kasabay ng paglilibing kay Tin ay nalibing na rin ang Manny na kilala ng kanilang baryo na masayahin, makulit at palakaibigan. Nagsimula siyang magkolehiyo na tutok sa pag-aaral at minsan lang lumabas ng kanyang dormitoryo para makipaghuntahan sa mga kaklase at kaibigan. Hindi tumitingin o lumalapit sa sinumang babaeng nagpapakita ng interes sa kanya, bagkus, nakatuon siya sa kanyang mga aralin habang pumapasok ang dumadagundong na tunog mula sa earphone na nakasaksak sa tenga nya. Hindi na nagugulat ang kanyang mga kaibigan na laging nasa president’s list ng unibersidad ang kanyang pangalan. Kahit bakasyon ay wala siyang ginagawa kundi magbasa, tumugtog ng gitara, mag-soundtrip at maaliw sa malungkot na mundong iniikutan niya. Ayaw niyang umuwi sa Cagayan sa kabila ng pangungumbinsi ng kanyang mga magulang na sila’y bisitahin. Gumagawa siya ng dahilan, ngunit ang totoo’y iniiwasan nyang maramdaman ang magkahalong saya ng pagmamahalan nila ni Tin at ang pait ng trahedyang kumitil sa babaeng kanyang pinakamamahal. Apat na taong ganito ang buhay ni Manny, at para sa kanya, magpapatuloy na ganito ang kanyang buhay hanggang siya ay mamatay.

Unang araw ng huling semestre ng kanyang ikaapat na taon sa kolehiyo, walang professor na sumipot sa kanyang nag-iisang klase sa araw na iyon. Ayaw pang umuwi ni Manny sa dorm kaya tumungo siya sa kanyang paboritong tinatambayan sa unibersidad. Hindi gaanong tahimik ang mini-forest park dahil nag-eensanyo roon ang cheering squad. Hindi man okay kay Manny, pero dahil wala nga siyang ibang matatambayan ay dumistansya na lamang siya sa mga iyon upang makuha ang gusto niyang privacy. Kapag nasa mini-forest park siya ay di siya nagdadala ng earphone dahil mas gusto niyang naririnig ang mga huni ng ibon at kaluskos ng mga puno habang nagbabasa ng kanyang paboritong nobela. Nakatutok ang kanyang mga mata sa bawat letra at tila buhay sa kanyang pandinig ang mga linya sa bawat pahina. Wala sa normal na mundo ang kanyang isip na tila ba pumasok siya sa loob ng kanyang binabasa.

Sa kalagitnaan ng eksena ay may isang boses sa di kalayuan ang bumasag sa katahimikan ni Manny, isang boses na sobrang pamilyar sa kanya. Natanggal ang kanyang mata sa mundong binubuhay ng hawak niyang libro, hinanap ang tinig na pinanabikan niyang marinig nang napakatagal, ang tinig na hindi niya inaasahang marinig pa. Tumigil ang kanyang paningin sa pwesto ng cheering squad at nanlaki ang kanyang mga mata nang makita si Tin, nakasuot ng uniform ng kanilang eskwela at masayang nagkukwento sa isa sa mga miyembro roon. Tumindig ang balahibo ni Manny at literal na tumigil ang daigdig sa kanyang nakikita. Patakbong umalis ang babaeng iyon patungo sa direksyon ng Political Science building. Tila tumaas ang dugo ni Manny kaya agad na hinablot ng binata ang kanyang bag at patakbong sinundan ang kamukha ni Tin.

Lumiko sa right wing ng gusali ang dalaga nang makita ni Manny. Pagkapasok sa Political Science building ay tuluyan nang nawala sa kanyang paningin ang kamukha ni Tin. Naroon ang elevator at hagdanan pero hindi niya alam kung saan siya aakyat para masundan ang kanyang nakita. Inuna niya ang pag-akyat sa hagdan upang panhikin ang lahat ng palapag at silid para siya’y hanapin. Lahat na ay kanyang sinilip at pinasok hanggang siya’y makarating sa ikalimang palapag ngunit bigo siyang hanapin ito.

Tumungo siya sa elevator para bumaba at habang hinihintay iyon ay nakalingon siya sa malaking bintanang tanaw ang parking area sa likod ng Political Science building. Sa di kalayuan ay nakita niya ang kahawig ni Tin na nag-iba na ng suot na damit at naglalakad sa gitna ng parking lot. Nagbukas ang elevator, dagliang pumasok at tumakbo palabas ng gusali patungo sa parking area. Nakita niya ang isang kotseng malayo na sa kanyang tanaw na marahil, sa isip ni Manny, ay kung saan nakasakay ang babaeng may taglay na mukha at katauhan ng kanyang namayapang iniibig. Wala nang lakas ang kanyang mga binti upang habulin pa ang sasakyang iyon, at doon napagtanto ni Manny na baka guni-guni lang ang kanyang nakikita.

“Ha?! Nakita mo yung namatay mong girlfriend sa school?!” pagkagulat ng kanyang kasama sa dorm na si Allan na naging matalik na niyang kaibigan sa loob ng apat na taon.

“Oo pre.”

“Baka hallucination mo lang yun, pre. Hindi ka naman nasisiraan ng ulo dahil sa pag-aaral, di ba?”

“Ewan ko pre.”

“I’ll be rude, pre. Why can’t you just forget the past and move forward? I’m not saying that you need to find someone who will replace her. Siya ang inspirasyon mo kaya mo ginagawa ‘to. Pero kung pagbabasehan ko ang mga kwento mo, malamang, sasabihin nya sa’yo na bumalik na sana yung Manny na minahal nya at hindi yung grabeng magmukmok dyan habang wala siya. She’ll be happy and proud if you can do that. Sige pre, tambay muna ako sa labas.”

Tama siguro si Allan, sa isip ni Manny. Ito ang unang pagkakataon na nabagabag siya nang ganito at marahil ay may ibig sabihin ang naganap kanina lang. Magkagayunman ay binalewala na lang niya ito at muling tinuon ang sarili sa pag-aaral.

Kinabukasan. Maagang natapos ang muli’y nag-iisa niyang klase sa araw na iyon. Dala ang kanyang laptop ay muling tumambay si Manny sa mini-forest park upang tapusin ang natitirang chapter ng kanyang thesis na ipapasa na sa kanyang adviser sa isang araw. Paumpisa pa lang siya sa kanyang tina-type ay narinig niyang may humintong kotse sa kalyeng hindi nalalayo sa kanyang kinauupuan. Nakita niyang muli ang babaeng kamukha ni Tin na kalalabas lang sa kotse. Lalapitan na niya sana ito nang may lalaking sumalubong sa kanya, at nagulat pa siya nang bigla nitong sampalin ang lalake at iniwan sa kinatatayuan nito. Pilit na kinakausap ng lalakeng iyon ang kamukha ni Tin ngunit hindi ito tumitigil sa paglalakad papunta muli sa Political Science building. Totoo nga ang kanyang nakikita, pero sobrang kataka-taka para kay Manny na halos lahat ng anggulo ay hawig nito ang kanyang nasirang minamahal.

Natapos ang kanyang araw sa pag-aayos ng kanyang thesis, alas-6:00 ng gabi. Nagdesisyon si Manny na bumalik na sa dorm ngunit bago siya makalabas sa gate ng unibersidad ay muli niyang nakita ang kamukha ni Tin. Umiiyak itong nakaupo sa bench na katabi ng isang malaking puno. Hindi siya nag-alinlangang lapitan ang dalagang ito at ialok ang kanyang puting panyo. Umahon ang mukha ng dalaga sa pagkakayuko at sa pagtatagpo ng kanilang mga mata ay lalong nakita ni Manny ang pagkakahawig ng babaeng ito sa kanyang minamahal.

“Thank you,” banggit ng humihikbi pang dalaga at saka kinuha ang panyo. Naramdaman ni Manny ang dulo ng daliri niya kung saan parang nakaramdam siya ng kuryente. Tila inutusan siya ng kanyang paa na iwan na lamang iyon.

“Wait!” sabi nito na nagpaharap kay Manny. “I’m Ella. Anong name mo?”

“Ah… eh… Man… Manny…” nauutal na sagot ng binata. “Uhm sige, alis na ako. Inabot ko lang yung panyo ko.”

“Hmmm… ganun ba? Sige. Salamat ulit.”

“Ah… eh… pero kung gusto mo ng karamay muna, pwede naman kitang… samahan?”

“Uhm… actually, paparating na yung sundo ko. Okay lang ako. Salamat.”

Medyo napahiya si Manny at napangiti na lang, saka iniwan ang babaeng nagpakilala sa pangalang Ella. Nilingon niyang muli si Ella at dun nakita niyang dumating na ang sundong kotse ng dalaga. Dumire-diretso na siya ng lakad papunta ng dorm habang umiikot sa kanyang utak ang itsura ni Ella na malapitan na niyang nakita. Mula sa kilay, tangos ng ilong, hugis ng mga mata’t bibig, sa haba ng buhok at maging sa boses ay hindi siya nalalayo kay Tin. Pwede niyang isipin na kakambal iyon ng kanyang minamahal pero wala namang nakukuwentong ibang kapatid si Tin kundi ang kuya niyang Karlo. Binura niya agad ang pagdududang iyon at saglit na nilimot ang mukha ni Ella. Mas marami pa siyang dapat na isipin kaysa sa mga nangyayari ngayon.

Dumating muli ang kinabukasan. Mula umaga hanggang hapon ay may klase si Manny. Tapos na niya ang ginagawang thesis ngunit kailangan pa niyang basahin itong muli upang makasiguradong maayos niya itong ipapasa. Bago umuwi ay dumaan muna siya sa opisina ng kanyang kolehiyo upang kumuha ng form para sa defense sa isang linggo. Maagang nagsara ang opisina kaya kailangan niyang bumalik dito bukas. Sa kanyang pagtalikod ay nakita niyang paparating si Ella na siya rin namang ikinabigla ng dalaga. Nakangiti itong tumatakbo papunta sa kinatatayuan niya, samantalang hindi alam ni Manny ang ikikilos habang papalapit ang dalaga.

“Hello! Buti nakita kita dito! Whew! Hahaha!” masayang bati ni Ella, sabay tawa na unang narinig ni Manny noong makita niya ito sa mini-forest park.

“Ha? Eh bakit naman?” gulat na tanong ni Manny. Hinarap ni Ella ang puting panyong pinagamit ng binata sa kanya kagabi.

“Isasauli ko sana ito sa’yo. Nakita ko yung ID lace mo last night kaya nagka-idea akong dito ang college mo. Magba-bakasakaling may nakakakilala sa’yo dito sa office kaya dito ko dadalhin sana yung panyo. Salamat ulit ha.”

“Ayos lang yun. Salamat din kasi nag-effort ka pa para ibalik sa akin ang panyo ko.”

“Gusto ko rin naman na maging kaibigan ka. I am much thankful ‘coz you gave me this while I was crying. It means a lot,” wika ng nakangiting si Ella na nakapagpangiti rin kay Manny.

Dito na nagsimula ang pagkakaibigan nina Ella at Manny. Halos araw-araw sa halos ilang buwan ay nagkikita ang dalawa kahit saglit. May mga panahon namang sabay silang nagme-merienda o sumasama sa mga bonding ng mga kaklase o mga kaibigan ng bawat isa. Nakita ni Allan ang pagbabago ng kaibigan na naging masayahin mula nang maging malapit sila ni Ella. Natutuwa naman siya para kay Manny ngunit nag-aalala rin dahil pumasok sa kanyang ideya na si Ella ang tinutukoy niyang kahawig ni Tin.

Marso, natapos na ang lahat ng alalahanin ni Manny sa unibersidad at opisyal na siyang idineklarang summa cum laude sa kanilang graduating batch. Agad niyang sinabi ang magandang balitang ito sa kanyang pamilya sa probinsya na talaga namang nagagalak sa karangalang ito. Balak niya ring sabihin ito kay Ella bago siya magtapat dito na gusto na niyang ligawan ang dalaga na siyang ikinagulat ni Allan.

“Sigurado ka na ba dyan, pre?”

“Oo naman.”

“Mahal mo na siya?”

“Wala pa naman sa ganun, pero gusto ko siya.”

“Gusto mo siya dahil…”

“Dahil nariyan siya lagi para ibalik yung dating ako. Na-appreciate ko yung mga ginagawa niya.”

“Mahal mo siya kasi kamukha siya ni Tin, tama ba ako?” prangkang tanong ni Allan na nagpatahimik at nagpawala ng ngiti ni Manny. “I knew it.”

“Ha?! Paano mo nalaman?! Eh hindi ko naman pinapakita sa’yo yung picture ni Tin ha! Saka hindi ko pa ‘to sinasabi sa’yo! Pinakialaman mo ba mga gamit ko?!” gulat na may pagkapikong tanong ni Manny sa kaibigan.

“Hindi ko ginagalaw yung mga gamit mo pre. At lalong hindi na kailangan na ipakita mo ang picture ni Tin para i-reason out na gusto mo na siya agad. Baka nakakalimutan mo pre, Psychology ang course ko. Nahuli ka sa sarili mong bibig.”

Natahimik si Manny sa sinabi ni Allan. Kitang-kita sa kanyang mga mata ang katotohanang nilantad ng kanyang kaibigan.

“You’ve changed a lot when you became close to Ella. As your friend, I’m happy ‘coz she made you more positive and jolly now, and there’s nothing wrong with that. But we both know that the only person who can make you happy is Tin and no one can change you that instant until Ella came to your life. Ella’s face and personality are almost the same as Tin’s. Walang pumipigil sa’yo na magmahal ulit pre, pero unfair naman yun para kay Ella. Paano kung malaman nyang minahal mo lang siya dahil lang kamukhang kamukha niya si Tin? You may love Ella in many ways, but not only because she has the face of your deceased lover.”

Patuloy ang pananahimik at pag-iisip nang malalim ni Manny tungkol sa nabanggit ni Allan. Ngunit narito na siya sa puntong ito, kampante siyang gusto na niya si Ella at kaya niyang itago ang nakaraang handa na niyang limutin. Kinabukasan ay nangyari na nga ang gusto ni Manny. Sinabi na niya ang magandang balita at nagtapat na siya ng pag-ibig kay Ella. Tinanggap naman ng dalaga ang alok na panliligaw ng binata kaya’t naging mas masaya at mas malapit silang dalawa.

Dumating ang araw ng Baccalaureate Mass ni Manny pero hindi makakadalo ang mga magulang ng binata. Inalok ni Ella ang kanyang sarili na makakasama ng kanyang manliligaw kaya tuwang-tuwa si Manny sa okasyong na ito. Tumungo si Ella sa dorm ng manliligaw para sabay silang pumunta sa simbahan kung saan gaganapin ang misa. Walang tao sa kwarto nina Manny kaya’t dumiretso na lang si Ella. Nakita niya ang mga damit na susuotin ng binata na sobrang gulo. Narinig niyang naliligo pa si Manny kaya’t gusto niyang sorpresahin ito sa pamamagitan ng pag-aayos ng mga damit niya, mula sa kurbata, pantalon, long sleeves at sa gagamiting wax at suklay.

Sa gitna ng kanyang pag-aayos ay nakita niya sa sulok ng kama ang isang red wallet. Nagtaka siya sa laman nito dahil sobrang kapal kaya ito’y binuksan niya, at nagulat siya sa kanyang natuklasan. Bumungad ang larawan na ang nakalagay ay “JM is for Pau, Tin is for Manny” kung saan mahigpit na nakayakap si Manny sa isang babaeng kahawig niya. Nakita niya ang petsa kung kailan kinunan ang larawang iyon, at ito’y apat na taon nang lumipas. Nanginig ang luha ni Ella sa kanyang nakita, kinuha ang litrato at saka lumabas ng kwarto.

“Oy Ella! San ka pupunta!” sigaw ni Allan nang makita ang dalaga na nagmamadaling lumabas ng dorm na siyang ikinataka naman ng una. Pumasok na ang binata sa dorm at nakitang nagpapatuyo na si Manny ng kanyang basang buhok.

“Hindi ka pa nag-aayos ha?” tanong ni Manny kay Allan.

“Eh antagal mong maligo e. Nakasalubong ko si Ella. Nagmamadali. Mukhang galing na rito e.”

“Si Ella? Hindi ko napansin. Kakatapos ko lang maligo e.” Kinuha ni Manny ang kanyang cellphone at tinawagan ang dalaga. Napakatagal nitong nag-ring bago niya ito tuluyang sinagot. “Hello! Pumunta ka na raw dito? Nasaan ka na?”

“Ah oo. Pero sorry, I can’t make it. Biglang sumama ang pakiramdam ko. I just want to sleep today.”

“Ganun ba? Gusto mo dalawin kita? Hindi na ako pupunta dun.”

“No no no! Pumunta ka sa mass, please. I want to rest now. Will talk to you soon.”

“Okay. I love you Elle.” Bigla nang naputol ang koneksyon ng tawag dahil na-lowbatt ang cellphone ni Manny. Nag-aalala man ay sinunod ng binata si Ella na pumunta sa baccalaureate mass ng kanilang unibersidad at iniwan ang kanyang nakapatay na phone.

Umuwi siya sa dorm at saka sinaksak ang charger sa kanyang telepono, agad na binuksan at hinintay kung may mensaheng pinadala si Ella. Nakatulog na siya sa paghihintay at hanggang sa paggising ay wala pa ring text ang dalaga. Sinubukan niya itong tawagan ngunit ito’y ‘out of reach’. Sinubukan niyang maghanap ng mga kaklase o kaibigan nito sa unibersidad ngunit wala siyang makita. Pinuntahan niya ang opisina ng student council kung saan treasurer si Ella. Sabi ng isa sa mga kasama nya roon na nagpaalam daw si Ella na uuwi ng probinsya at sa pasukan na umano babalik. Tinanong ni Manny kung may iba pa itong ginagamit na cellphone number o kung alam nila ang address nito sa probinsya ngunit wala silang maibigay na impormasyon. Pinuntahan din niya ang bahay nina Ella ngunit sabi ng kasambahay nito na hindi niya alam kung saan nagpunta ang mag-anak ng dalaga at maaari ngang sa pasukan na babalik ang mga ito mula sa bakasyon. Walang magawa si Manny kung paano mako-contact si Ella at araw-araw niyang dina-dial ang cellphone number ng dalaga kung matityambahan itong magri-ring ngunit nabigo siya.

Dumating ang araw ng kanyang graduation kung saan natanggap niya ang bunga ng kanyang pagpupursige sa pag-aaral, ang pagiging summa cum laude. Dumating ang kanyang mga magulang at bunsong kapatid na lalake upang makita ang pag-aabot sa kanya ng mataas na karangalang ito. Sa pagtatapos ng seremonya ay ipinakilala ni Manny sa kanyang pamilya si Allan na siya namang cum laude ng kanilang kurso. Sa kabila ng masayang sandaling ito ay biglang naalala ni Manny na muling tawagan ang cellphone number ni Ella ngunit hindi niya pa rin ito ma-contact.

Kasama ni Manny ang kanyang pamilya na bumalik sa kanilang dorm para kunin ang kanyang mga gamit. Binabalak nitong magbakasyon muna sa bayang sinilangan bago magtrabaho sa isang malaking korporasyon.

“Ano pre, kaya mo na bang umuwi sa Cagayan?” nakangiting tanong ni Allan sa kaibigan.

“Dito ko alam pre. Pero siguro, kaya ko na. Naka-move forward na siguro ako.”

“Mabuti naman. Pero siguro, mas makaka-move forward ka kung dadalawin mo si Tin. Kausapin mo siya at pormal na magpaalam, bago mo ibigay ang puso mo kay Ella. Mas makakaluwag yun sa loob mo.”

“Gagawin ko yun. Maraming salamat, Allan.”

“Wala yun. Para pagbalik mo dito sa dorm, mas maganda na ang aura mo. Basta uwian mo ako ng mga fresh na prutas ha! Hahaha!”

Labindalawang oras na biyahe mula Maynila hanggang Cagayan, sinamantala ni Manny ang mga oras na ito upang makapagpahinga. Nagising na lamang siya nang huminto sa mismong tapat ng kanilang bahay ang sasakyan. Sa loob ng apat na taon, tila napakaraming pagbabago sa panlabas na anyo ng tahanan nila na ikinatuwa naman ng binata. Gayundin sa pagpasok nito sa loob ay napansin din ni Manny ang ilang pagbabago sa mga dekorasyon at muwebles sa sala at hapag-kainan. Doon ay nakita niya ang ilang matatalik na kaibigan noong high school na sorpresang sinalubong siya sa kanyang pagbabalik, at kasama rito ang kapatid ni Tin na si Karlo.

Bumalik ang ligaya sa mukha ni Manny at naging sobrang saya ng buong araw ng magkakabarkada. Nagkalat ang napakaraming kwentuhan sa sala na ikinatuwa ng mga magulang ni Manny. Noong huli nilang makita ang anak bago ito lumuwas ng Maynila ay lumong lumo ito sa pagkamatay ni Tin, ngunit para sa kanila ay tila nakakausad na ito sa kanyang mapait na nakaraan.

Alas-diyes na ng gabi nang matapos ang kasiyahan. Nag-uwian na ang kanyang mga kaibigan at lumabas sa bahay nila na parang ayaw pang tapusin ang bonding na apat na taon din nilang hindi nagagawa.

“O Par, bukas ha! Ilibot mo ako dito sa baryo!” pabirong imbitasyon ni Manny kay Karlo.

“Baliw! Alam mo, kahit apat na taon kang nawala rito, kaya mong libutin ang baryo kahit nakapikit ka. Konti lang naman ang nabago dito tulad ng bahay ninyo,” natatawang sagot ni Karlo na ikinatawa ni Manny. Sa gitna ng kanilang tawanan ay biglang pumasok sa isip ni Manny si Ella na kamukha ng kapatid ni Karlo.

“Ah… eh… Par, tanong ko lang… may kamag-anak ba kayo sa Maynila na… kamukhang kamukha ni… Tin?” nag-aalinlangang kasunod na wika ni Manny.

“Kamag-anak namin sa Maynila na kamukha ni Tin? Wala kaming kamag-anak sa Maynila, Par. Maliban na lang kung nakita mo yung kambal niya,” sabi ni Karlo na ikinagulat ng isa.

“Ano?! May… kambal si Tin?!”

“Hindi ko na nabanggit sa’yo etong nalaman ko. Hindi ko rin alam ‘to at hindi rin alam ni Tin ‘to nung nabubuhay pa siya. Dalawang araw pagkatapos mailibing si Tin, umamin sina Papa at Mama na may kambal si Tin na pinaampon nila sa best friend nila na hindi magkaanak. Wala naman akong alam nun dahil kay Tito Lei ako nakatira dati sa Amerika. Hindi na rin nila pinaalam sa akin at kay Tin para raw hindi na magkagulo. Ayun, noong araw na sinabi yun nina Mama, naroon na siya kasama nung mga umampon sa kanya. Nagulat talaga ako dahil akala ko nabuhay ulit si bunso.”

“Ano… anong pangalan… nung kambal ni Tin?” nanginginig na tanong ni Manny.

“Maria Mariella Jacob ang pangalan nya. Oh sige Par, nasa iyo na ang number ko. Text mo ako kung sasamahan pa kitang gumala sa baryo bukas. Good night Par.”

Nanghina ang binata sa kanyang narinig. Halos di siya nakapagpaalam nang maayos kay Karlo nang marinig niya ang rebelasyong ito. Tila nabuhusan siya ng nagyeyelong tubig sa kanyang nalaman.

“Eto ba ang gustong mangyari sa akin ni Tin, na iparamdam sa akin na tanggapin ko na ang kanyang pagkawala? O kailangan pa niyang saktan ang damdamin ko para hindi ko mahalin ang kapatid nya? Di ko naman siya kinakalimutan, pero hudyat na ba ‘to para kalimutan ko na siya?” tanong nito sa kanyang isip.

Nag-online siya para mag-baka sakaling makausap si Ella sa Facebook. Sa pagbubukas ng page niya ay isang nakakagulantang pang eksena ang bumungad sa kanyang mga mata. Nag-post ang dalaga ng mga larawan niya kasama ang lalaking nakita niyang sinampal nito noong araw na binigay niya ang panyo rito. Masayang-masaya silang dalawa, ni hindi naaaninag kay Ella na may nakakalimutan siyang may nag-alala para sa kanya. Pinindot agad ni Manny ang chat box at nakita niyang naka-online ang dalaga.

“Ikaw ang may sabing ako’y mahal mo rin, at sinabi mong ang pag-ibig mo’y di magbabago. Pero bakit Ella? Lumalapit ako sa’yo ngayon para kung may tanong ka man ay mapapaliwanag ko, pero parang lumalayo ka. At nakipagbalikan ka na sa dati mong boyfriend? Bakit mo ‘ko sinasaktan, Ella? May nagawa ba akong mali sa’yo? :(”

Hinintay niya ang sagot ng dalaga ngunit ilang segundo lang ay biglang nag-logout ang chat ni Ella. Pinuntahan ni Manny ang profile page ng dalaga pero bigla niyang nakita na hindi na sila friends sa Facebook. Gumawa siya ng paraan para makapag-iwan ng mensahe pero nang i-refresh niya ang page ay bigla itong nawala. In-unfriend siya ni Ella at nilagay sa block list, hindi na niya muling makikita ang account ng dalaga at halatang tuluyan na siyang iniiwasan nito.

Napakabigat ng gabing ito para kay Manny. Eto na yata ang trahedyang dulot ng kanyang ginawang desisyon. Sa gitna ng pagkabagabag ay naisip niya ang sinabi ni Allan bago siya umalis sa Maynila.

“… mas makaka-move forward ka kung dadalawin mo si Tin. Kausapin mo siya at pormal na magpaalam… mas makakaluwag yun sa loob mo.”

Dumating ang bukang liwayway. Halos walang tulog si Manny nang binalak niyang puntahan ang libingan ni Tin. Dumaan muna siya sa parang kung saan tumutubo ang bulaklak na paborito ng dalaga. Hindi ito ang panahong sobrang namumukadkad ang bulaklak na ito, ngunit nagulat ang binata na napuno ang kaparangan sa sobrang dami nito. Pumitas siya ng napakarami para dalhin at ialay sa puntod ni Tin. Hindi naman nalalayo ang sementeryo roon kaya nilakad na lang niya ito.

Ilang daang metro na lang ang layo niya sa libingan nang may matanaw siyang taong nakaupo sa harap nito. Habang papalapit siya ay narinig niyang tumutugtog ito ng gitara at naaninagan niyang isang babae ang naroon sa puntod ng kanyang minamahal. At mas lalo pa siyang nagulat nang marinig ng binata na inaawit nito ang isang pamilyar na kanta. Naramdaman ng babaeng iyon na may tao sa kanyang likod kaya tumigil ito sa pagkanta at pagtugtog.

“Ella?” Nabigla si Manny na makita sa puntod ng kanyang minamahal ang kambal nito. Nagulat din siya nang makita nito ang bagay na nakasandal sa krus sa libingan ni Tin, ang pulang wallet ng dalaga kung saan nakalagay ang pinakahuling larawan nilang dalawa, isang araw bago namatay si Tin sa aksidente.

“Nakita ko yan nung araw ng baccalaureate mass,” wika ni Ella na nagbasag sa katahimikan ng dalaga. “Bigla akong nanlamig nang makita ko ang picture ninyo ng kambal ko. Tinanong kong bigla ang sarili ko kung bakit tinanggap ko ang panliligaw mo kahit dama kong mali iyon. Hindi ako nakipag-break sa boyfriend ko at ang balak ko lang ay gamitin ka para magselos siya, para balikan niya ako. Tinanong kong bigla ang sarili ko kung bakit nahulog ako sa’yo kahit ginagamit lang kita para makapaghiganti sa kanya. Siguro eto na nga yung sagot sa mga tanong na yun.”

Tumayo si Ella at humarap kay Manny na tumutulo na ang luha sa kanyang mga narinig sa dalaga. Unti-unting nawala ang galit kay Ella nang makita ang kalungkutan sa mga mata ng binata.

“Hindi ko nakilala o nakausap ang kakambal ko, pero kahit mahal na kita, mas mahal ko pa rin ang kapatid ko at wala akong balak na agawin ang lalaking minamahal niya. Ako na lang ang dumistansya dahil ayoko na ring lumala pa ang nararamdaman ng puso ko. At ayoko na ring isipin na minahal mo ako dahil kamukha ko lang si Tin… dahil kamukha ko lang ang taong patay na pero nananatiling buhay sa puso mo.”

“Paano kung hindi iyon ang dahilan?” Papaalis na sana si Ella nang biglang nagsalita si Manny. “Paano kung sabihin kong mahal kita dahil sa maikling panahon ay nagawa mong ipa-realize sa akin na walang magagawa ang pagmumukmok ko sa nakaraan kung nariyan naman ngayon ang babaeng karapat-dapat kong mahalin. Oo, aaminin ko. Nung una, nagustuhan kita dahil sa paningin ko’y ikaw si Tin. Pero habang tumatagal, binigyan mo ako ng dahilan para isiping binigay ka sa akin ni Tin mula sa langit upang sabihin na magmahal akong muli at ang mamahalin kong iyon ay mismong kambal niya. Pinaalala niya sa akin ang nakalimutan kong sumpaan na ako’y sa kanya at siya’y akin lang. Masakit sa akin yung narinig ko sa’yo, pero patas na tayo dahil yun din ang totoo. Pero ang mas totoo pa ay mahal na kita. Oo, maaaring patay na siya, pero binuhay niya ang puso ko para mahalin ka. Higit pa sa pagmamahal ko sa kanya. Mahal na mahal kita, Ella. May boyfriend ka pa di ba? Sige, umasa kang maghihintay ako kahit kailan. Gagawin ko ang lahat para maging sa’yo ako at maging akin ka lang ulit.”

Tumalikod si Manny at umupo sa tabi ng puntod ni Tin. Muling humarap si Ella at nakita ang binata na inaalay ang bulaklak na dala nito at sinundan ng pagdarasal. Nakita niya ang panginginig ni Manny, ang paghikbi nito, habang nakayuko sa libingan na siyang nagpaluha nang tuluyan kay Ella. Ibinigay ng dalaga ang oras na ito para kay Manny, para makausap si Tin sa pamamagitan ng panalangin. Umalis ito na dala ang malalim na pag-iisip. Maaari kayang tadhana ang gumawa ng paraan para magkakilala sila at magkaroon ng di maipaliwanag na pakiramdam para sa isa’t isa? Lahat kaya ng ito ay gawa ni Tin? Ito kaya ang kagustuhan ng kanyang kakambal na magseryoso na sa pag-ibig sa pamamagitan ng pagbibigay ng pagkakataon sa lalaking nagparamdam sa kanya ng tunay na pagmamahal? Dumarami ang tanong sa utak ni Ella, pero nanaig sa kanya ang paniniwalang ang mga ito ay nangyari para dalhin siya ni Tin sa tama, ang yakapin ang tunay na pagmamahal na naramdaman ng kanyang kapatid noong ito’y nabubuhay pa.

Sa pagbalik nila sa Maynila ay naging normal muli ang buhay nilang dalawa. Nagpatuloy ang relasyon ni Ella sa kanyang kasintahan pero nariyan pa rin si Manny sa kanyang tabi bilang kaibigan. Tutok din sa trabaho ang binata sa isang malaking kumpanya at kung may libreng oras ay nakikipagkita siya kay Ella. Isang taon ang lumipas at naghiwalay si Ella at kanyang boyfriend. Kahit papaano’y may sakit sa dibdib ng dalaga ang pagtatapos ng relasyon at nariyan si Manny na dinamayan siya sa kanyang kalungkutan.

Dumaan ang mga oras at mga araw, at nang maramdaman ni Manny na tapos na ang lahat ng pagdurusa ni Ella, humarap siyang muli sa dalaga upang ipakitang hindi niya nakakalimutan ang kanyang pangako, ang paghihintay sa panahong ito na mamahalin niya si Ella bilang si Ella, hindi bilang kakambal ni Tin. Sa bench sa tabi ng malaking puno malapit sa gate ng unibersidad kung saan sila unang nakita, sinimulan ni Manny ang isang panibagong kabanata ng pagmamahal – yun ay si Ella.