FAST POST 44: Praning sa Pandemic

Masuwerte ako at nagpapasalamat na sa kaliwa’t kanang banta ng pandemya sa paligid natin ay nananatili akong malusog, sapat para labanan ang posibleng paghawa ng nakakamatay na COVID-19 virus. Bago ang ECQ ay hindi ako OC pagdating sa hygiene o kalinisan ng pangangatawan at ng paligid. Salamat na lang din na sa ganitong pagkakataon ay mas nangibabaw sa akin na dapat din talaga ay lagi kang handa dahil nga hindi natin nakikita ang kalaban.

Sa panahon ngayon, walang masama ang maging mas maingat o mas cautious sa kalinisan ng kapaligiran, lalo na kung may mga kasama ka sa bahay na madaling dapuan ng kung ano-anong sakit. Sa malawak na perspektibo ay maganda iyon. Sa kabilang banda, kapansin-pansin din ang iilang parang wala na sa ayos ang pagiging istrikto pagdating sa prevention.

Some people are becoming paranoid of isolating themselves to prevent the virus. I get it and I fully understand it. I just want to raise specific points on why paranoia has no place in this pandemic:

– Kung totoong nag-aalala ka sa kapakanan ng kasama mo sa bahay, huwag mo siyang pigilang lumabas. Instead, educate the person on stricter health protocol before leaving the house and upon arriving at home

– Maging sensitive ka sa paligid mo, lalong-lalo na sa social media. Walang masamang maging masaya, pero sa panahong mas marami ang nasasaktan ang mga damdamin gawa ng pagkawala ng mga mahal sa buhay o pagkawala ng hanapbuhay, matuto tayong magpakita ng malasakit para sa iba.

– Hindi rason na katakutan mo ang mga taong nagkasakit, gawa man ng COVID-19 o hindi. Hindi dapat mauna ang takot, bagkus, pairalin ang pag-aalala at pagiging makatao. At kung kaya mong maging maka-Diyos, hayaan mong marinig nila sa kabila ng dinaranas nilang panghihina ng katawan, nariyan ang Diyos para maging kalakasan nila.

Again, it’s never wrong to take extra care of yourself and provide extra care for your family, friends and loved ones. But let me remind you, dear reader, that excessive and unnecessary care cause too much pain than any pandemic.

Hindi masamang mag-ingat, pero hindi tamang manakal para sabihing you care.

FAST POST #29: Wake Me Up When September Ends

Matatapos ang buwan ng Setyembre na may dinaramdam ang aking katawan.

Habang tinitipa ang artikulong ito ay ikalawang araw na akong may sakit. Akala ko noong una ay normal na pangangalay lang ng aking kaliwang binti ang problema. Hindi ko nagawang makapunta sa isang ispesyal na pagdiriwang dahil dito at sobra ko itong ikinalungkot. Dumating ang gabi at dito ko naramdamang mainit na ang katawan ko. Nilalagnat na ako, sabi ko sa aking sarili. Pinilit kong hindi magpahalatang ganoon na kainit ang pakiramdam ko dahil ayoko ring mag-alala ang mga tao sa aming tahanan. Ayoko na ring maging karagdagan sa alalahanin nila.

Sa kalaliman ng gabi ay dumating sa aking pag-iisip ang napakaraming bagay. Paano na ang mga inaasikaso kong aktibidad para sa mga kabataan? Paano na ang mga bagay na gusto ko pang gawin sa hinaharap? Paano ko na maitatama ang mga nagawa kong mali? Napakaraming tanong ang dumating sa aking utak, pero ang hindi ko inaasahan ay ang tuldok ng lahat ng ito. Natatakot akong mamatay, at kung mangyayari man ito ay dapat na akong maghanda.

Kanina, gumising akong ang tumutugtog sa radyo ay “What A Wonderful World” ni Stevie Wonder. Nakatatak pa rin sa aking isipan ang kamatayan kaya’t bago bumangon ay nagsimula ako sa panalangin. Buhay pa ako at sobra ko itong ipinagpapasalamat sa Panginoon. Magkagayunman, sa unang pagtayo ko sa araw na ito ay nanatili pa rin sa aking pag-iisip ang mga dapat kong gawin. Pabilis nang pabilis ang oras kaya’t hindi talaga tamang dumating ang sakit na ito. Lumala ang aking lagnat, ngunit hindi pwedeng maapektuhan nito ang mga kinakailangan sa mga susunod na araw. Sa gitna ng pagkabahalang ito ay pumitik sa akin ang isang bagay na nakalimutan kong mapagtanto.

Ang pagkakaroon ko ng sakit ay tila ba isang panggising sa akin ng Diyos. Hindi ko alam kung para saan, para kanino o para sa anong sitwasyon, pero itinuring ko itong paalala na kailangan kong mahalin ang aking sarili, lalo na ang aking kalusugan. Bukod pa roon, mukhang marami rin akong nakakalimutan dahil sa sobrang pagkaabala sa mga bagay-bagay na hindi ko mailarawan gamit ang mga salita. Sa huli, habang patuloy na lumalaban sa aking nararamdaman hanggang sa mga oras na ito, dito pumasok sa akin na ang kamatayan ay bahagi ng paghahanda ng tao sa ating pagbabalik sa Kanya. Kaya habang tayo’y nabubuhay pa ay gawin natin ang lahat, lalo na sa ikabubuti ng ating mga sarili. Sa pagtatapos ng ating buhay, lahat tayo ay babalik sa Kanya at ikararangal na ang pinahiram Niyang katawan sa atin ay napangalagaan natin ayon sa kung paano tayo nabuhay sa mundong nilikha ng Langit para sa minamahal Niyang mga nilalang.

At tulad nga ng pamagat ng isang banyagang awitin, ginising ako ng Panginoon sa pagsasara ng buwan ng Setyembre. Bahala na Siya sa akin, at kung ipag-aadya man ng karugtong na buhay, ay kailangan ko nang bumangon sa Kanyang panggigising.