Isang taon na ang nakararaan nang mangyari ang malagim na Manila Hostage Crisis sa Quirino Grandstand, na ikinasawi ng walong Hong Kong nationals. Sa paggunitang ito, hinihingi ng pamilya ng mga namatay na turista ang katarunungan sa pamamagitan ng paghingi ng public apology ni Pangulong Noynoy Aquino sa bawat isang pamilyang naulila at panagutin ang mga itinuro nilang pangunahing may responsibilidad sa nasabing trahedya.
Ang akin lang, tama na sigurong nakipagluksa na at nakisimpatya ang pamahalaan ng Pilipinas at ang mamamayang Pilipino sa pagkawala ng kanilang mahal sa buhay. Kung nagawa na naman ng gobyerno ang lahat upang iparating na sinsero sila sa pagtulong, tama na siguro yun upang tanggapin ng mga ito ang pakikiramay. Pero ang paghingi ng patawad? Hindi, sa palagay ko. Bakit?
Hindi ko masisisi ang mga biktima na madala ng kanilang emosyon sa nangyaring ito. Pero dito lumalabas ang isyu ng lahi o racial issue. Laging nasa utak ng ibang Tsino na ang lahi ay mataas kaysa lahi nating mga Pilipino. Sila yung mga may mindset na dahil mas dakila ang lahi namin at kaming mga matataas ang nawalan ay dapat humingi ng paumanhin ang mismong pinuno natin. Magandang hindi sinunod ng Pangulo ang demand na ito dahil ang alam niya ay may sinusunod na hierarchy ang lahat ng pamahalaan, kahit ang pamahalaan ng ating bansa. Sapat na marahil na pagbigyan sila ni Justice Secretary Leila De Lima upang marinig ang kanilang poot sa krisis na kinasangkutan ng kanilang kaanak at ni Senior Police Inspector Rolando Mendoza, isang taon na ang nakararaan. Sapat na ito upang iparating ng buong bansa na tayo man ay nalungkot sa mga senaryo, bagama’t hindi buong lahing Pilipino ang pumatay sa kanilang mga kalahi.
Ang panahon ng pagbababang-luksa ay narito na. Hindi ko ulit masisisi ang mga kaanak na maghihinakit sa pagpanaw ng mga biktima, pero marahil, ang pangyayaring ito ay tunay na itinadhana ng langit at totoong magaganap upang sila’y bigyan ng pansariling aral sa kani-kanilang mga buhay.
+++
Muling basahin ang “SI ROLANDO MENDOZA, SI VENUS RAJ AT ANG KAPALARAN NG PILIPINAS SA PANINGIN NG MUNDO” dito rin sa Aurora Metropolis, inilathala noong Agosto 2010. O eto po ang link: https://aurorametropolis.wordpress.com/2010/08/24/si-rolando-mendoza-si-venus-raj-at-ang-kapalaran-ng-pilipinas-sa-paningin-ng-mundo/