FAST POST #17: Ano Ang Pagiging Kristiyano? (Base Sa Aking Mga Karanasan At Natutunan)

Wala akong iko-quote na Bible verse sa artikulong ito. Lahat ng ito ay base sa aking buhay bilang tagasunod ni Hesus bilang aking Diyos at Tagapagligtas. Kung anuman ang aking masabi, nawa’y galangin ito ng mga mambabasa. Hindi intensyon ng manunulat na manira ng grupo o relihiyon. (Masyadong maaga para sa Semana Santa pero eto ang nararamdaman kong isulat ngayon.)

Lumaki ako na isang mahinang klase ng Katoliko. Sa aking natatandaan, pumupunta lang ako sa simbahan kapag: 1.) New Year 2.) birthday ko 3.) Easter Eve/Salubong 4.) Simbang Gabi [at ilang taon ko siyang nakukumpleto sa parehas na oras, 3:00am] 5.) Christmas Eve [bago mag-Noche Buena] ; at 6.) New Year’s Eve [kapag malakas ang loob kong hindi mapuputukan ng mga paputok sa kalye papunta’t pauwi] . Minsan lang sa isang taon ako nagsisimba sa araw ng Linggo o magdasal bago matulog at pagkagising. Nag-a-antanda ako kapag napapadaan sa simbahan, pero ginagawa ko lang yun dahil nakasanayan ko na dahil nga ako’y isang Katoliko.

Nitong taon ay nagpasalamat ako dahil nabuksan ang aking puso upang makilalang muli ang Diyos sa pamamagitan ng isang international youth organization na pinapatakbo ng isang born-again Christian group na base sa Korea. Naging masaya ako dahil nakakilala ako ng mga bagong kaibigan, Pilipino at Koreano, pero ang importante’y muli kong nakaharap si Hesus bilang nag-iisang nagligtas ng aking kaluluwa.

Wala akong nakitang masama sa kanilang mga pangaral dahil naniniwala akong ang mga Kristiyano, magkakaiba man ang sinasalihang grupo, ay nananalig sa kung ano ang inihayag ng Panginoon sa Bibliya. Nakabuti ang kanilang pagtuturo ng mga Salita ng Diyos upang guminhawa ang aking buhay-ispirituwal.

Wala akong nakitang mali sa grupo at kanilang turo, pero ang mali ay nasa iilang tao sa loob ng grupo. Habang tumatagal ay naramdaman ko ang isang pagkakamaling sa tingin ko’y hindi maka-Kristiyano — ang kawalan ng respeto at pagkait sa pagtanggap sa tunay na ako. Sa ilang buwang pagpo-focus ko sa pagbabasa ng Bibliya ay wala akong natandaang nambastos si Hesus o nagkondena sa pagkatao ng isang tao. Kahit ang makasalana’y Kanyang tinanggap at pinatawad ang mga kasalanan. Binigyan Niya ng pagkakataon ang lahat na makilala Siya at isapuso ang Kanyang mga aral nang walang pangmamata sa tunay na katangian ng mga taong Kanyang naengkwentro.

Ganoon ang inaasahan ko noong una, tinatanggi ang mga sitwasyong aking nakita na parang di makatarungan. Pero dahil sa mga sitwasyong di intensyonal ay napagtanto kong hindi sa lahat ng pagkakataon ay pwede mong buksan ang iyong puso sa lahat ng oras dahil hindi lahat ng nakakausap mo ay mapagkakatiwalaan mo at hindi lahat ng nakikinig sa’yo ay makakaintindi sa kalagayan mo.

Wala akong sama ng loob sa grupong ito dahil binigyan nila ako ng pagkakataon upang makilalang muli ang Diyos sa aking buhay. Binigyan nila ako ng daan upang ipakita ang talento ko bilang lider at bilang kapaki-pakinabang na kabataan. Nagpapasalamat ako sa Diyos at nakilala ko sila at natuto ng napakaraming bagay para maging isang tunay na Kristiyano.

Maaaring sa artikulong ito’y sasabihin ng iilan na ako’y “natisod” na sa paniniwala ko kay Hesus at sa Magandang Balita ng Panginoon. Maaaring maraming magagalit at madidismaya. Pero mula sa natutunan ko sa kanila, ang matutunang rumespeto at tanggapin ang kahinaan ng tao ay mga bagay na dapat taglayin ng isang Kristiyano. At kung totoo silang Kristiyano at totoong naging kaibigan nila ako, ay matatanggap nila at gagalangin ang desisyong ito na idinulog ko sa Panginoon sa sapat na panahon.

Maaaring natisod nga ako bago ko muling pahalagahan si Hesus. Pero katulad ng una kong sinabi sa Facebook, aalis lang ako sa grupo pero hindi sa pananampalataya. Ang Kristiyano ay mananatiling Kristiyano hangga’t buong puso kang naniniwala na si Hesus ang iyong Panginoon at Tagapagligtas. Maaaring kailangan ng isang grupo o simbahan para mapatatag ang iyong kaluluwa para kay Hesus. Magkagayunman, hindi sa grupo ng mga tao makikita ang kasiyahan, kundi sa paniniwala mo sa Kanya..Hangga’t nananalig ka kay Hesus at nananatili sa’yo ang katangiang maka-Kristiyano, lalo na ang paggalang, pagtanggap at pagtitiwala na Diyos lang ang magbibigay sa’yo ng pagbabago at Kaligtasan, ibibigay sa’yo ng Langit ang kanyang papuri, pasasalamat at biyayang hindi mo inaasahan.
Ngayon ko lang napagtanto na ako lang ang mali sa aking pagdududa sa aking kinagisnang paniniwala, pero matagal na pala akong iniligtas ni Hesus. Tinatago lang pala ng aking pag-iisip ang pananampalataya ko sa Kanya. Gumawa lang Siya ng mga sitwasyon upang makilala ko Siyang muli at manatili sa Kanya. Gumawa Siya ng paraan upang ipunla sa aking puso na hindi basehan ang pagpapalit ng relihiyon upang maibalik ako sa Kanyang bisig.

Eto ang tunay na muling pagsilang. Ang pagbabalik loob kay Hesus bilang mas kapaki-pakinabang Niyang lingkod. Ang pananatili sa tunay na paniniwalang Katoliko gamit ang mga karanasan at mga natutunan para maging matibay na Kristiyano.

Mas kakayanin ko nang dumalo sa mga misa tuwing Linggo, isasapuso ang bawat antandang aking gagawin kapag ako’y dumadaan sa harap ng simbahan, at magiging mas makabuluhan na ang aking magiging dasal tuwing gabi at umaga para magpasalamat sa buhay na kanyang ipinagkatiwala.

Sa Ngalan Ng Ama, Ng Anak, At Ng Espiritu Santo. Amen.

Semana Santa: Paggunita, Pagtanggi, Pagtanggap, Papuri!

Pansamantalang mababawasan ang katahimikan ng Kamaynilaan simula sa araw na ito, Huwebes Santo (Maundy Thursday) hanggang sa Linggo ng Pagkabuhay (Easter Sunday) dahil marami sa mga kababayan natin ang uuwi sa kani-kanilang probinsya upang gunitain ang Semana Santa o ang Holy Week. Isa itong magandang pagkakataon sa mga pamilya at magkakaibigan upang makapagsalo-salo’t takasan pansamantala ang stress sa kanilang mga trabaho sa kalunsuran. Ang iba nama’y magbabakasyon sa iba’t ibang tourist destination para makapag-relax at bigyang katahimikan ang sarili sa magulong mundong ginagalawan.

Pero marami sa atin ang nakakalimot kung bakit talaga ginugunita, hindi lang ng mga Katoliko kundi ng buong Kristiyanismo na rin, ang Semana Santa. Dito’y binibigyan tayo ng malawak na panahon upang gunitain ang paghihirap ng ating Panginoong Hesukristo sa kamay ng mga taong kumukondena sa kanyang mga pangangaral tungkol sa Diyos. Binabalikan ang mga pangyayaring nagdulot ng Kanyang kamatayan at ng Kanyang muling pagkabuhay upang maluklok bilang Hari ng Sanlibutan at Prinsipe ng Kalangitan.

Bilang mga Kristiyano, alam natin na ang pakahulugan ng pagpapadala ng Diyos Ama sa Kanyang anak dito sa mundo ay upang iparamdam sa atin ang kanyang pagmamahal at ihandog sa atin ang susi sa kaligtasan. Oo. Maraming naniniwala rito. Pero kung iisipin natin, bakit tayo kailangang iligtas ni Hesus? Bakit isasakripisyo ng Diyos ang Anak Niya para sa atin?

Tayo ay pinanganak na makasalanan dahil sa pagsuway ng ating mga magulang, si Adam at Eba, sa utos ng Diyos na huwag kainin ang bunga sa isang pinagbabawal na punungkahoy. Sabi nga sa Bibliya, ang kasalanan ng isa ang nagdulot ng kasalanan sa lahat. Pero dahil sa pag-ibig ng Panginoon sa atin, inalay Niya si Hesus upang matanto natin na sa kabila ng ating pagiging makasalanan, gusto ng Diyos na maging matuwid tayo’t maging karapat-dapat na mabuhay sa Langit na kasama Niya. Nagpatunay Siya ng napakaraming hinala, ngunit hindi nakuntento ang mga tao, bagkus, ang natatanging Tagapagligtas natin ay inalipusta ng mga ito at pinatay si Hesus sa krus. Ang hindi pagtanggap sa mga pangaral ni Hesus ay isang patunay na kahit hanggang ngayon, hindi natin tanggap sa ating mga sarili na tayo’y MAKASALANAN. Pero ang pagpapako  Niya pala sa krus ay isang hudyat na tapos na ang Kanyang Misyon — ang pagbayaran ang kasalanan ng mundo.

Sa panahong ito, masasabi ng marami na tanggap na sila ay tunay na makasalanan pero dahil naniniwala na sila kay Hesus bilang Panginoon, sila ay naligtas na at nararapat nang umakyat sa Langit. NGUNIT marami sa atin ang mas nagtitiwala sa sarili natin kaysa kakayahan ng Diyos. Sa tingin ninyo, bakit mali ang paniniwalang ito? Tayo ay pinanganak na makasalanan kaya’t wala tayong gagawing maganda sa mundong ito, pero dahil tayo’y nilalang ng Panginoon ay pinagkatiwalaan pa rin Niya tayo ng mga kakayahan upang mabuhay sa daigdig. Ngunit ang masakit na katotohanan, dahil sa mga kakayahang ito’y itinataas natin ang ating mga sarili na parang Diyos o minsan pa’y higit pa sa Diyos.

Sabi ni Hesus, ang sinumang naniniwala sa akin ay siyang mga taong itatatwa ako. Naging totoo ito nang ikaila ni Pedro si Hesukristo noong panahong hinuhusgahan ito ng mga tao. Sa kabila niyon ay napatawad siya ni Kristo at ipinagkatiwala ang pangangaral ng Kristiyanismo na naging susi sa pagtatayo ng Santa Iglesia Katolika. Marami sa atin ang hindi kayang itatwa ang sarili. HINDI TAYO ANG MAGALING, MATALINO, AT MAKAPANGYARIHAN DAHIL HINDI TAYO ANG TUNAY NA GUMAGALAW SA ATING MGA GINAGAWA. Matuto tayong itanggi ang ating sarili ang maniwalang si Hesus ang dahilan ng ating mga tagumpay gamit ang mga kakayahang ito.

Ngayong Mahal na Araw, kasabay ng ating paggunita sa Kanyang kamatayan at pagpuri sa Kanyang muling pagkabuhay, nawa’y matanggap natin na kailangan nating itanggi ang ating mga sarili dahil tayo ay mga makasalanan. Nawa’y matuto tayong maniwala kay Hesus sa pamamagitan ng paniniwala sa Kanyang mga salita dahil ang mga ito ang magdadala sa atin sa Kaligtasan sa takdang panahon. Nawa’y iwasan nating itaas ang ating pedestal dahil sa ating mga nakamit, bagkus, ipagpasalamat ito sa Panginoon dahil kung hindi dahil sa Kanya, hindi tayo magkakaroon ng lakas upang maisakatuparan ang ating mga gawain sa mundo.

Ito ang tunay na kahulugan ng Semana Santa. Nawa’y isabuhay natin ito, hindi sa ngayon kundi sa araw-araw nating pamumuhay bilang tao, bilang Katoliko, bilang Kristiyano.

Buti Na Lang At May Opera!

Sa wakas at nakapag-post na rin ako!

Mahigit isang buwan na rin akong namomroblema sa pagpo-post dito sa Aurora Metropolis gamit ang Google Chrome. Yung hindi maka-generate nang maayos ang lahat ng tools sa New Post page, kaya kailangan ko pang i-type ang mga sasabihin ko sa MS Word. Anweird ko kung bakit ngayon ko lang naisip na may iba pa pala akong browser sa laptop. Salamat sa Opera at okay na akong makasulat nang diretso dito sa blog. haha!

Buti na lang. Birthday ko noong March 03 (24 years old na ako) pero bago tumuntong ang petsang yun ay napakaraming naganap na di ko aakalaing mangyayari sa buhay ko. Para bang inikot ng tadhana ang mundo ko sa isang bandang may liwanag na sinisilip ko lang dati. Hindi ko sinasabing “naliwanagan” ako sa mga pangyayaring iyon. Hindi lang ako makapaniwala na bago ako tumuntong sa aking bagong taon, ay mas mapapalapit ako sa Kanya.

Buti na lang. Hindi ako relihiyoso pero kumakapit ako sa Diyos sa lahat ng panahon. Masasabi kong masuwerte ako dahil maraming pagkakataon na mabilis Niya akong pinagbibigyan sa anumang hinihiling sa Kanya. Pero nakakalungkot isipin na ni minsan ay di ko magawang makabawi sa Kanya nang madalas. Pero pumasok ang isang oportunidad sa umpisa ng 2012.

Buti na lang.  Ginawa ko ang lahat para makasama sa Korean Camp ng International Youth Fellowship (IYF) sa Nueva Ecija. Sa loob ng limang araw ay nakasama ko ang mga piling kabataan ng Korea upang ibahagi ang kanilang kultura sa mga kabataang Pilipino. Nasaksihan ko ang kagalakan nila na mapasaya ang mga kabataan, kahit ramdam nila ang pagod at paninibago sa klima ng Pilipinas. Magaganda ang kanilang mga ngiti na tila walang katapusan. Sa mga ngiting iyon ay masaya na rin ako.

Buti na lang.   Hindi ako relihiyoso pero kumakapit ako sa Diyos sa lahat ng panahon, pero nagpapasalamat ako sa IYF dahil tuluyan nitong binuksan ang isang baul sa aking puso na dati’y bahagya lang na nakabukas… at iyon ay ang mas maigting na pananampalatay sa Kanya. Natututo na akong magdasal sa lahat ng mga dumarating na biyaya, na kung di dahil sa Kanya ay hindi ko makakamit. Natututo na akong gumawa ng mga bagay na Siya ang nasa ibabaw ng aking puso. Nag-uumpisa na akong bumawi sa Kanya, at nagpapasalamat ako sa ikalawang pagkakataon na binigay Niya sa akin sa pagbibigay ng mga mabubuting kaibigan, mga taong may malasakit sa akin at sa IYF.

Buti na lang.  Maraming nagbukas na kaisipan nang tumuntong ang March 03. Hindi kailangan na magpalit ng relihiyon upang humigpit ang kapit mo sa Diyos. Mananatili akong tapat na Kristiyano at Katoliko. Ang importante kasi sa lahat ay yung naniniwala ka sa Kanya at sa Kanyang mga salita. Ikaw, ako, tayong lahat ay tinubos na Niya sa kasalanan at maliligtas papunta sa buhay na walang hanggan.

Buti na lang at may Opera! Ngayon ko lang nabulalaslas ang saya ko sa pagpasok ng aking bagong taon bilang nilalang ng Diyos dito sa daigdig. Hindi ko kayang magbago nang ganun kadali, pero gagawin ko ang lahat para makabawi at makakonekta nang maayos sa puso ng ating Panginoon. At sa tulong Niya, ang puso ko’y magkakaroon pa ng maraming biyaya sa aking ika-24 na taon dito sa Kanyang paraiso.

Amen. 🙂