FAST POST #02: Si Mideo, Ang ‘Poleteismo’, At Ako

Magiging tapat na ako agad sa inyo: takot akong gumawa ng aking pananaw ukol sa usapin ng kontrobersyal na installation art ni Mideo Cruz na itinanghal sa Cultural Center of the Philippines na pinamagatang “Poleteismo”. Pero dahil ako’y nasa malayang bansa at may karapatan naman siguro akong tumugon sa isyu malayang tao – taos puso ko itong ibabahagi sa mga mambabasa.

Ako Bilang Isang Katoliko:

Tama. Hindi maganda sa mata nating mga debotong Kristiyano at Katoliko na makitang binababoy ang anumang larawan o imahe ng ating Panginoong Hesukristo. Isa itong mabigat na kasalanang moral na kahit maaaring hindi nasusulat sa Banal na Kasulatan ay mahigpit na pinagbabawal bilang pagsamba at paggalang sa kinikilala nating Maylikha.

 

Ako Bilang Manunuri Ng Sining:

Ang sining ay pagtatanghal ng kalayaan sa pagpapahayag? Oo. Naroon na tayo sa puntong ang pagtingin sa mga obrang tulad ng Poleteismo ay nangangailangan ng malawak na kaisipan upang unawain ang malalim na kahulugan ng exhibit. Kung sa totoong buhay, marami sa mga Pilipino ang tulad ng Poleteismo o mas malala pa. Yung tipong ginagamit ang Diyos para sa pansariling interes. Sinasamantala ang pangalan ng Panginoon upang gumawa ng mga bagay na marumi at hindi tama. Dinudungisan ang kapangyarihang atas ni Hesukristo upang makapang-abuso sa mga kababaihan, kabataan at sinumang walang laban. Sa malalim na perspektibo, mauunawaan mo si Cruz kung bakit niya nalikha ang ganitong bagay. Maaaring may pareho kaming pananaw. Pero ang mali lang niya, sinagad niya ang limitasyon ng sining kung saan marami nang tao ang hindi makaunawa at nasasaktan.

 

Ako Bilang Isang Pilipino:

Nasasangkot na naman tayo sa banggaan ng pulitika at relihiyon sa kontrobersiyang ito. Nakukuha ko ang punto na tayo’y dapat na maging mulat sa isyung ito dahil nakasalalay dito ang moralidad ng ating Simbahan at higit sa lahat, ng ating pananampalataya. Pero bukod dito, marami pa ang kailangan nating gawin. Kung hihinto tayo sa Poleteismo, sa palagay ko, mas lalong hindi yun magugustuhan ng Diyos dahil tumitigil tayo sa mga usaping madaling limutin, madaling patawarin. Kung nagkasala man, parusahan sa tamang hukuman. Pero pakiusap, galaw na tayo. Business as usual.

Siguro, kung ang exhibit na ito ay ginawa sa isang bansang walang dominanteng relihiyon, hindi ito gaanong papansinin. Kung may papansin man, ituturing nila itong isang simpleng pagpapahayag ng damdamin bilang isang tao, isang artista, isang nilikha ng Panginoon. Malas lang talaga si Cruz na ang tinamaan ng kanyang sinasabing obra ay ang pinakamalakas na simbahan sa Pilipinas.

Ang pinakapunto ko lang: Maging bukas ang ating isipan. Hindi magagalit ang Diyos kung pagmamasdan natin ang gawang ito gamit ang talino’t malalim na pag-iisip. Tandaan natin na ang Poleteismo, hindi man natin siya ituring na tunay na sining, ay nakapagpapaalala sa ating lahat na hindi natin dapat bastusin ang Diyos sa iba’t ibang adyenda. Itatak natin sa ating mga utak na ang Poleteismo ay isang malayang pagtatanghal ng isang artista, hindi isang salamin kung saan nakikita natin kung paano natin nababastos ang Panginoon sa araw-araw nating pamumuhay sa mundo. Sana nga.

Ang Adhikain Ng “Ang Ladlad” At Ang Pulitikang Beki

Isang komentaryo sa partisipasyon ng Ang Ladlad LGBT Organization sa nakaraang halalan sa Pilipinas noong Mayo 10, 2010. Enjoy!

===

ANG ADHIKAIN NG “ANG LADLAD” AT ANG PULITIKANG ‘BEKI’

Binoto ko ang gay rights group na “Ang Ladlad” bilang party-list representative noong nakaraang halalan. Hindi man buo ang aking paniniwala, pinili ko ang Ladlad dahil sila lang sa lahat ng mga kasali ang may natatanging isinisigaw na adhikain. Ito rin ay sa dahilang nais kong suportahan ang aking mga kapanalig na gumigiit sa karapatan ng mga Pilipinong nabibilang sa LGBT (lesbians, gays, bisexuals, transexuals). Sa kasamaang-palad, hindi nagwagi ang grupo sa kabila ng halos humigit-kumulang na milyong “kabaklaan” at “katomboyan” na nagkalat, dito pa lamang sa Kamaynilaan.

May mga tanong ang nakararami kung bakit naisip ng Ladlad na gawing political entity ang isang makabuluhang gender rights organization:

–          Sa lehislatura lang ba nakikita ng Ladlad ang susing magbibigay ng karampatang karapatan sa LGBT community?

–          Desperado na ba ang Ladlad na itulak ang pagsasaligal ng same sex marriage sa Pilipinas?

–          Kailangan ba talagang mapabilang ng Pinoy third sex sa hanay ng marginalized sectors sa aspetong pampulitikal?

Ang Ladlad ay isa sa mga kasalukuyang nagpapakita ng hayagang adbokasiya para sa third sex rights. Sa pamamagitan ng tagapagtaguyod nitong si G. Danton Remoto, naninindigan ang grupo sa malaking kontribusyong naibibigay ng Pinoy LGBT sa sa iba’t ibang larangan. Sa mga kontribusyong ito’y hinihingi ng Ladlad ang pantay na paggalang ng lipunang Pilipino sa mga bading, tibo, beki, at mga tranny. Suportado ito ng mga maliliit na grupo tulad ng mga gay and bimale clans na nagsasama-sama sa mga distrito ng Malate at Cubao. Maituturing na pambihira ang Ladlad sapagkat tinatahak nito ang landas para tumungo sa mga hakbang na magbibigay-kalayaan sa mga Pinoy na kinukubli ang kanilang itinatagong nararamdaman.

Naging aktibo rin ang Ladlad sa karapatang mag-isang-dibdib ang dalawang magkaparehas ang kasarian o ang same sex marriage. Sa bansang tulad ng Pilipinas na may sapat na kalayaang magpahayag sa tunay nitong saloobin, medyo nakakagulat na hindi pinapayagan ang dalawang lalake o dalawang babae na magbuklod sa mata ng batas. May mga panukalang-batas nang naihain sa Kongreso sa mga nakaraang taon ukol sa nasabing karapatan, subali’t hindi nagtagumpay ang mga ito dahil sa kakulangan sa suporta at dahil na rin sa pagiging matatag sa paniniwala ng nakakarami sa mandato ng simbahang Katoliko. Sa mga pareho ring dahilan hindi naging matatag ang pagsasabatas ng LGBT community bilang isang marginalized sector.

Sa kabila ng napakaraming hakbang para maiangat sa pampulitikal na aspeto ang karapatan ng Pinoy third sex, hindi pa rin naging sapat ang mga media exposure at mga taunang White Party o gay pride march para ipaglaban ang adbokasiyang ito. Tila nauubos na ang baraha sa mga samahang tulad ng Ladlad, at ang natitirang alas – ang pagpasok sa Mababang Kapulungan. Ang unang subok ng Ladlad na makapasok sa Batasan ay noong 2007 Legislative Elections, kung saan sila ay diskwalipikado. Nitong nakaraang eleksyon, sa kabila ng maraming pagtatalo sa Commission on Elections (COMELEC) ay natuloy ang kanilang pagtakbo sa party-list polls.

Kung babalikan natin ang naging resulta ng nakuhang boto ng Ladlad noong Mayo 10 (05/20/10 mula sa 90.26% ng mga Election Returns na nakuha ng COMELEC: Rank 65, 106,566 na boto), sinasabi ng mga pigurang ito na parang hindi pa panahon para sa grupo ang maupo sa Kapulungan ng mga Kinatawan. Hindi tulad ng ibang sektor, hinahayag din nito na walang solidong boto ang Pinoy third sex community.

Sa aking paniniwala, hindi makukulong sa iisang marginalized sector ang Pinoy LGBT dahil lahat ng sektor ay meron itong representasyon. Maaaring may mga dapat itakda na panukalang-batas, pero sa aking palagay ay nararapat munang mas patatagin, lantarang ilatag at ‘isambulat’ ng Ladlad at ng iba pang gay rights group ang mas marami pang nauukol at makabuluhang kontribusyon na kanilang tinaguyod sa loob ng mahabang panahon. Kung tutuusin, marami na sa mga lalaki at babae sa bansang ito ang natututo nang rumespeto sa mga tulad natin, at ito’y nakakatuwang simula sa mga adhikaing naitayo. PERO KULANG PA. Kailangan pa ng mas malawak na pagtataguyod na hindi lang sarado sa mga hinihinging karapatan kundi sa pagpapaigting ng mga programang nagpapakita sa tunay na talino at kakayahan ng mga bakla at tomboy. Ang bading ay beki, sa pagkakaalam ko, ay hindi lang magaling sa debate, sa pagandahan o pakisigan. Marami sa atin ang mga matatalino at madiskarte, nakatapos man sa pag-aaral o hindi. Ang mga ito’y may kailangang kalagyan, at ang mga ito’y makakatulong sa atin na makatanggap ng mas marami pang suporta para maitakda sa batas ng Republika ang ating karapatan.

Kung tatakbo man sa susunod na eleksyon ang Ladlad, o kung anumang grupo magtataguyod ng ating karapatan sa pampulitikang aspeto – makakaasa kayong sa inyo ang aking simpleng boto. [SMILEY]

July 22, 2010 11:56pm

LemOrven