Papugay sa Aking “Unang” Presidente

2015-category-title-tambuli copy

aurora-2021-06-post-featured-salamat-pnoy

May 10, 2010. Bago ko ipasok ang balota sa PCOS machine, sinigurado kong properly shaded ang lahat ng binoto ko. Sa unang attempt, hindi ito tanggap ng makina. Sinabihan ako ng election officer na tingnang mabuti ang mga bilog na na-shade-an ko dahil sensitive ang makina na magde-detect nito. Pinagmasdan ko lahat hanggang sa dumapo ang mata ko sa pangalan ng pinili kong maging susunod na presidente ng Pilipinas. Hiniram kong muli ang marker para i-shade ang bilog sa tabi nito kahit well-shaded naman. Gusto ko lang makasigurado na papasok ang aking boto sa pagkapangulo. Sa pangalawang beses ay tinanggap na ng PCOS ang balota ko. Ito ang kauna-unahang beses na bumoto ako sa isang halalan. Personal ito para sa akin kaya sinigurado kong hindi ito dapat masayang, lalong-lalo na ang boto ko para sa aking pangulo — si Noynoy Aquino.

Marahil, sasabihin ninyo ay isa ako sa mga nagoyo ng tinatawag na “Cory Magic”. Siguro nga. Pero noong mga panahong iyon na puno ng korap at manloloko sa loob ng pamahalaan, tama lang na ang piliin ay isang tao na ang pangalan ay kilalang tagapagtanggol ng demokrasya at kakampi ng bayan laban sa mga nagnanakaw sa kaban ng bayan. Sa mga anak ni Ninoy at Cory ay may isang nagmana ng kanilang espasyo sa pulitika ng bansa. Bagito man sa Senado pero sigurado ang marami na hindi gagawa si Noynoy ng kataranduhan sa gobyerno na ikakasira ng pangalan ng kanyang mga dakilang magulang.

Nanalo si Noynoy. Para akong nanalo sa pustahan, pero hindi pa rin talaga ako naging sobrang interesado sa mga usapin ng pulitika… hanggang sa dumating ang Manila Hostage Crisis, ilang buwan pagkatapos niyang manumpa sa sambayanan sa Quirino Grandstand kung saan din nangyari ang trahedya. Sa kauna-unahang pagkakataon ay natuto akong manimbang ng isang gobyernong kinakampihan ko pero may mga pagkakamaling nagawa sa iba’t ibang isyu.

Sa panahon ni PNoy ako nagsimula ring pumasok sa gobyerno at naranasang maging bahagi ng burukrasya. Dito rin ako naging mas aktibo sa pagbo-volunteer at nakita ang mga sakit ng lipunan na pinipilit gamutin o nakakalimutang tugunan ng pamahalaan. Dito ako mas namulat sa realidad na may mga hindi magawa ang gobyerno, hindi dahil sa hindi nila magawa, pero dahil hindi ito ang kanilang prayoridad. Sa panahon din ni PNoy ay natuto akong mas maging vocal laban sa ilang mga polisiya ng pamahalaan niya. Pero sa kabila nito ay suportado ko pa rin ang gobyerno sa simpleng paraang alam ko. Sa kabila ng mga reklamo ay nanatili pa rin ang tiwala ko kay PNoy at sa kanyang mga opisyal. Mahinahon ang daloy ng demokrasya, malaya ang media, walang limitasyon ang protesta.

aurora-2021-06-photo-pnoy-02

Kuha ko noong ika-30 anibersaryo ng People Power Revolution (February 25, 2016)

Natapos ang termino ni PNoy na puno ng pag-asang mapapanatili ang kaunlaran at kaayusan ng bansa. Pinatunayan ng kanyang anim na taon sa Malakanyang na hindi ako nagkamali ng binoto ko noong 2010. Bagaman pinili niya ang mas pribadong buhay pagkatapos ng panguluhan, nanatili ang diwa ni PNoy sa mga Pilipinong naniniwala na mas nananaig ang kaayusan kapag disente, marespeto at may dignidad ang pamahalaan… at ito ay nagsisimula sa presidente ng bansa.

Limang taon pagkatapos ng kanyang ginintuang yugto, June 24, 2021, habang ipinagdiriwang ng mga Katolikong Pilipino ang pagluluklok sa isa pang bagong pinuno sa katauhan ni Manila Archbhishop Jose F. Cardinal Advincula, isang balita ang gumulantang sa bansa. Sa edad na 61, pumanaw na si PNoy. Sa mga tulad kong “noytard” at purong Dilawan, natahimik ako sa gulat at ilang beses pumasok sa banyo para tumangis ng luha sa kanyang pagkawala. Huli akong umiyak nang sobra nang ganito ay noong August 8 lang noong bigla ring mawala ang tinuturing na ama ng lungsod ng Maynila na si Mayor Alfredo Lim. Masakit ito para sa akin dahil isa si PNoy sa nagmulat sa aking pulitikal na pag-iisip at nagpakita sa ating lahat na dapat tayong magtiwala sa kabutihan ng tao upang umunlad ang isang lipunan.

aurora-2021-06-photo-pnoy

Isang emosyonal na paghaharap. Huling sulyap. (June 24, 2021)

Sa kahuli-hulihang pagkakataon, sa unang gabi ng kanyang pagpanaw, nagkaroon ako ng pagkakataon na madalaw siya sa Heritage Park sa Taguig at makapagbigay-pugay nang ilang minuto sa harap ng kanyang mga abo. Minsan akong nangarap na makamayan at makausap siya nang kahit kaunti. Malungkot man na sa punto ng kamatayan ang una’t huli naming personal na pagtatagpo, isa pa ring karangalan na maiparamdam sa kanya ang pasasalamat sa pamamagitan ng panalangin. At sa una’t huling sandali, nasabi ko sa kanya sa aking taimtim na dasal na bilang boss niya ay hindi ako binigo ng aking unang pangulo sa balota.

Paalam at maraming salamat, PNoy.
Dadakilain ng kasaysayan ang naging ambag mo sa ating bayang mahal.
Hanggang sa muli, Ginoong Pangulo.

“Ang tapat at mabuting pamamahala ay nanganganak ng mabuting resulta… Kung may gagawin kang mabuti, may babalik sa’yong mabuti. At kung gagawa ka ng masama, tiyak na mananagot ka… Kung may nakita kang mabuti, huwag kang magdalawang-isip na purihin ito.”

H.E. Benigno Simeon C. Aquino III (1960-2021)
Pangulo ng Pilipinas
SONA 2011

aurora-11-logo

Ang mga Dapat Matutunan ng mga Pilipino sa Kasaysayan

Sa bisa ng Proklamasyon Bilang 339 na nilagdaan ni Pangulong Benigno Simeon Aquino III noong ika-16 ng Pebrero 2012, itinakda ng pamahalaan sa buwan ng Agosto ang taunang selebrasyon ng pambansang Buwan ng Kasaysayan. Nakasaad din dito na sa tuwing ika-30 ng Agosto (sa araw na ito) ay ating ginugunita ang Araw ng mga Bayani.

Noong Miyerkules ay personal kong natunghayan ang buong pagdinig ng Senate Committee on Education, Culture and Arts hinggil sa kontrobersyal na pagpapatayo ng Torre de Manila sa lungsod ng Maynila. Dito’y binigyan ng pagkakataon ang lahat ng panig na ipaliwanag at saliksikin ang mga pangyayaring nagbigay-daan sa pinakamalawakang pambabastos sa pinakakilalang dambana ng ating kasaysayan.

Habang nakikinig sa diskusyong inabot ng mahigit tatlo’t kalahating oras, may tatlong tanong na lumutang sa aking kamalayan na maaaring alam ko kung ano ang mga sagot, alam ko kung paano gagawin, ngunit hindi ko alam kung bakit hindi alam o ayaw malaman ng ibang mga tao… kahit pare-pareho naman tayong mga Pilipino:

“Bakit hindi pinapahalagahan ng nakararaming Pinoy ang kasaysayan ng Pilipinas?”

“Bakit ang tingin ng nakararaming Pinoy sa kasaysayan ay kontrabida sa pag-unlad?”

“Bakit hindi natututo ang nakararaming Pinoy sa kasaysayan ng sarili niyang bansa?”

Ang mga isyung naglulutangan ngayon tulad ng sa Torre de Manila, sa pagkadiskaril ng mga pampublikong transportasyon o sa diumano’y tangka ni Pangulong Noynoy Aquino para madugtungan ang kanyang termino ay hindi na bago sa ating lipunan. Datapwa’t magkaiba sa tinatahak na panahon, ang dunong sa likod ng mga nakaraang pangyayari ay sapat upang hindi ito maulit sa mga senaryo ngayon. Lahat ng isyung nabanggit ay masasabing napapanahon dahil naging maingay ang mga ito sa panahong tayo ay gumugunita sa Buwan ng Kasaysayan.

Paano dito maipapasok ang kasaysayan?

no-to-torre-de-manilaKahit ang ating mga dinadakilang bayani ay nanabik, nangarap at nagbuwis ng buhay upang ibigay sa bansa ang pag-unlad na nararapat dito. Bilang punong lungsod ng Pilipinas, sinasalamin ng Maynila ang pagnanais ng ating mga bayani na magandang hinaharap para sa mahal nilang bayan. Sa pagkakakilala natin sa kanila, alam natin na kung nabubuhay sila ngayon, hangga’t ginagalang at pinapanatili natin ang ating diwang makabansa, ang ating pag-unlad ay kanilang lubos na ikararangal. Pero sa daan-daang matatalinong tao sa loob ng korporasyong nagtayo ng Torre de Manila, ilan kaya sa kanila ang naging turista sa Luneta at nagbigay-pugay at respeto kay Gat. Jose Rizal? Sabihin na nating… halos lahat sila. Bakit? Dahil alam nilang sa napakaraming dekada, ang tanawin ng monumento ni Rizal ang tanda ng bawat probinsyano na sila’y nasa Maynila na. Ito rin ang itinuturing na unang tanawin ng mga dayuhan sa kanilang mga litrato na nagpapatunay na sila ay nasa Pilipinas na. Samakatuwid, ang Luneta at ang rebulto ni Rizal ay isang ekstra-ordinaryong bahagi ng kasaysayan na binibigyang-galang dahil ito ang kilalang imahe ng bansa sa daigdig. Sinamantala nila ang pagkakakilanlan ng Luneta na sa kanilang pag-aakala’y ayos lang na makisalo sila sa katanyagan nito.

 

Kuha mula sa inquirer.net

Kuha mula sa inquirer.net

Ang pagsabay sa modernisasyon ay mas natural na sa Pilipinas, kumpara sa ibang kalapit bansa sa Timog Silangang Asya. Sa loob ng mahigit isa’t kalahating siglo, masasabing tinaglay natin ang mga istrukturang hinangaan, ginaya o pilit pinantayan ng maraming Asyano. Ika nga ng mga matatanda, wala ka nang hahanapin pa dahil kumpleto na ang lahat ng kakailanganin mo sa Maynila na, bilang kabisera, ay mukha ng Pilipinas sa mundo. Isa sa mga nakakamanghang aspeto ng Maynila noon ay ang transportasyon. Mula tren, tram hanggang sa eroplano, lubos nating maipagmamalaki ang mga ito dahil sa pagiging moderno at malaking tulong nito sa buhay ng mga Pilipino. Hindi rin naging madali ang pagpapanatili sa mga nasabing sasakyan, pero dahil alam ng mga inhinyero at ng gobyerno noon na mahalaga ito sa lipunan ay pinagbubuti nila ang pag-aayos ng mga ito. Lahat ng ito’y naiwan na lamang sa pahina ng kasaysayan na hindi man lang natutunan ng kasalukuyan. Sa mga nangyari at tuloy-tuloy pang nangyayari sa mga tren ng Philippine National Railways, mga bagon ng Metro Rail Transit at pasilidad ng Ninoy Aquino International Airport, masakit aminin na matagal pa bago maramdaman ng mga mananakay ngayon ang ginhawa sa ating mga pampublikong sasakyan.

 

Kuha mula sa inquirer.net

Kuha mula sa inquirer.net

Naging hamon sa apat na presidente ng Pilipinas ang pagsasaayos ng bansa sa pamamagitan ng Saligang Batas. Bawat isa sa kanila’y may kinaharap na pagsubok at ang pagsasaayos ng Konstitusyon ang nakita nilang sagot sa mga katanungang ito. Si Manuel Quezon na naging kampeon ng 1935 Constitution na siyang naghanda sa bansa sa ganap nitong kalayaan mula sa Amerika; si Ferdinand Marcos na ginawang instrumento ang 1973 Constitution upang manatiling pabor sa kanyang pamamahala ang batas; si Corazon Aquino na nagpatibay sa 1987 Constitution bilang simbolo ng pagbabalik ng demokrasya sa Pilipinas; at si Ramos na nagkaroon ng pagtatangkang amyendahan ang probisyong pang-ekonomiya ng Konstitusyon pero hindi naging matagumpay. Iba-iba man ang dahilan at kinahinatnan ng mga pagsususog ng Saligang Batas ay hindi maitatatwang nag-iwan ang mga ito ng aral sa sinumang nasa loob ng ating pamahalaan. Ang kasalukuyang kritisismo sa charter change ang pinakamaingay sa nakalipas na humigit-kumulang na dalawang dekada dahil si Pangulong Noynoy Aquino ang nagpakita ng interes na ratipikahan ang Konstitusyong ipinanganak sa mismong termino ng kanyang ina. Matinding batikos din ang inabot ni Pnoy dahil bukod sa term extension ay nais umano niyang baguhin ang kapangyarihang sakop ng Hudikatura na, sa paningin ng yumaong Pangulong Cory ay tagapag-balanse ng demokrasya at burukrasya sa bansa. Nananalig akong alam ng kasalukuyang presidente (at ng mga taong nakapaligid sa kanya) ang kinahinatnan ng mga pangulong naging bahagi sa pagbabago ng Konstitusyon. Gayundin, may hinuha din sila sa posibleng mga epekto nito, hindi lang sa lipunan sa kasalukuyan, kundi sa ating kasaysayan sa hinaharap.

 

Naniniwala akong hindi bobo ang mga Pilipino, bagaman dumarating tayo sa mga panahong nawawala tayo sa tamang mentalidad kapag nahaharap sa kumplikadong sitwasyon. Kinukulang sa proper mindset, kumbaga. Binibigay sa atin ng kasaysayan ang iba’t ibang mga aral mula sa tagumpay at pagkakamali ng ating mga ninuno at lipunan. Mula rito, malaki ang pagkakataong matutunan natin sa kasalukuyan kung paano ibalik ang kaayusan sa ating bayan para ngayon at sa hinaharap gamit ang tamang pag-iisip at pag-aanalisa.

FAST POST #24: Ang Informal Settlers sa mga Estero at Kaginhawaang Dapat Nilang Matamo

Nitong nakaraang mga araw ay napag-uusapan sa media ang pagpapaalis sa mga squatter (na ang politically-correct term ay “informal settlers”) sa tabi ng mga estero at mga ilog bilang bahagi ng paghahanda ng pambansang pamahalaan sa taon-taon nang problema ng pagbaha sa Kalakhang Maynila tuwing may bagyo. Kaalinsabay ng planong ito ang pagbibigay ng halagang 18,000 pesos sa bawat pamilya bilang pang-umpisa sa kanilang bagong buhay sa isang bagong bahay sa isang low-cost housing area kung saan libre ang kanilang renta sa loob ng isang taon. Maaari rin silang paglaanan ng puhunan kung gugustuhin nilang magkaroon ng sariling negosyo o pagkakakitaan. Sa kabila ng planong ito, marami sa kanila ang pumapalag at nagpupumilit na manatili sa kanilang mga “tahanan” dahil bukod sa malayo ang lilipatang permanent housing site ay hindi kumpleto ang kanilang mga pangangailangan sa nasabing lugar. May nakapanayam pa ngang nagkomento na para raw silang tinataboy sa labas ng Maynila dahil mahirap sila.

“Bakit ang arte ng informal settlers a.k.a. squatters?” Eto ang una kong nasabi nang marinig ko ang mga balitang kaugnay ng isyu. Lantad ang pagkagulat ko dahil nai-post ko pa ito sa Facebook.

Maaaring sa post ko ay iniisip ng iba na napakayabang ko o napaka-matapobre. Maaaring ang tingin sa akin ng iba ay malakas ang loob kong sabihin ito dahil nakatira ako sa isang maayos na komunidad sa Metro Manila at nakakatanggap ng basikong pangangailangan ng isang tao. Maaaring nabasa ng mga taong sangkot sa isyung ito ang na-post ko at tinuturing nila akong hindi makatao at kumakampi sa gobyernong walang pagmamahal sa maralitang tagalungsod. Ang sa akin lang, kung hindi makatao at maka-mahirap ang pamahalaan, hindi nila ihahain ang programang maglalagay sa kanila sa mas maayos na pamumuhay.

Napakasimple ng gustong mangyari ng administrasyong Aquino sa pag-aalis ng mga nakatira sa tabi ng daluyan ng tubig sa Kamaynilaan. Hindi na kailangang ipaliwanag sa mas mahahabang talakayan ang mga ito dahil dapat ay noon pa ito ginagawa ng ating mga nakaraang gobyerno. Malaking hakbang ito para sa ating Pangulo dahil dito masusubukan ang political will ng Palasyo pagdating sa pagsasaayos ng Metro Manila na siyang mukha ng buong Pilipinas.

Hindi ko matatangging lubos kong sinasang-ayunan ang programang ito dahil sa mga sumusunod na mithiin:

1. Tuluyang linisin ang mga estero at ilog. 2. Gawing produktibo ang mga estero tuwing tag-ulan. 3. Unti-unting buhayin ang mga estero at ilog. 4. Mailayo ang mga mamamayan sa sakit at hindi akmang pamumuhay sa gilid ng mga estero. 5. Iligtas ang mga mamamayan sa kapahamakang dulot ng baha na dadaloy sa mga estero. 6. Matuto ang mga apektadong indibidwal o pamilya na magsimula ng mas maayos na pamumuhay sa pamamagitan ng mga ibinigay na oportunidad ng pamahalaan. 7. Ipakita sa kanila na kahit bago man at malayo man sa Kamaynilaan ang kanilang nilipatan ay magagawa nitong maging maunlad kapag sila’y nagkakaisa. 8. Ipakitang hindi lang sa Maynila makikita ang kaunlaran at kaginhawaan. 9. Iparamdam na ang gusto lang ng gobyerno para sa kanila ay kaayusan at kaginhawaan para sa kanilang pamilya. 10. Ipa-realize na iwasang idahilan ang pagiging “mahirap” o gamitin ang salitang “mahirap” upang ilarawan ang sitwasyong dinaranas nila.

[Ang sumusunod na pangungusap ay post ko sa Facebook. Ito ang pinakasimple kong masasabi para sa ikasampung dahilan] Isa sa mga natutunan ko noong halalan ay ang hindi paggamit ng salitang “mahirap” sa kung anong kondisyon o sitwasyon ang mayroon tayo. Bakit? Subukan mong tanggalin ang salitang yan sa kaisipan mo at luluwag ang kalooban mo. OPTIMISM.

Maaaring hindi madali para sa gobyerno ang alisin ang mga “pasaway” sa mga estero, pero sana, SANA LANG, ay maisip nilang hindi mahalaga na sa lugar na hindi mo ligal na pag-aari ay doon ka ipinanganak, lumaki, nagkapamilya at mamamatay. Mas importante marahil na ibigay mo sa iyong pamilya o magiging anak mo ang isang bahay na maaangkin mo sa pamamagitan ng iyong pagpupursige at isang bagong buhay na malayo sa disgrasya at kawalang pag-asa.