2014 YEARENDER: #fortheloveofheritage

Minsan kong nabanggit sa isa sa aking mga Facebook post noong 2013 na gugulatin ko ang buong mundo sa 2014. Nang bitawan ko ang mga salitang iyon, bukas ang aking isipan sa realidad na binigyan ko ng pinakamalaking hamon ang aking sarili bilang isang Manilenyo at bilang isang Pilipino. Nagdaan nga ang tatlong daan at animnapu’t limang araw, masasabi kong hindi naging basta-basta ang taong magtatapos. Sa kabila niyon, hindi naman ako nabigo sa aking binitawang pangako. Katuwang ang daan-daang indibidwal na aking nakasalamuha, ipinagmamalaki kong sabihin na ginulat ko ang daigdig ngayong 2014.

Rescue, revive, relive Escolta!

Ilang buwan mula nang lisanin ko ang paglilingkod bilang kabataang lider ng pamahalaang lokal ng Maynila ay dinala ako ng aking mga prinsipyo sa isang tagong kalye sa tabi ng Ilog Pasig. Ang Escolta ay nakilala bilang isa sa mga pinakaunang pangunahing kalsada sa Pilipinas at siyang nagsilbing pangunahing pook pang-kalakalan ng bansa noong ika-19 dantaon. Kaiba sa kanyang katanyagan sa nakaraang apat na siglo, ang Escolta ngayon ay tinuturing na lamang bilang isang simpleng kalye sa Maynila na hindi nabigyan ng nararapat na pagkilala sa kanyang mga naging kontribusyon sa lipunan. Gamit ang kakayahang hinubog ng tadhana sa nakalipas na mga taon ay tumulong ako sa muling pagbuhay ng makasaysayang lugar na ito. Kasama ang mga kapanalig sa Heritage Conservation Society-Youth (HCS-Y) at Escolta Commercial Association Inc. (ECAI), naipalawig sa taong ito ang awareness campaign upang makilala ng mas nakararami ang Escolta. Bawat buwan ay naitatampok sa telebisyon, pahayagan, Internet at social media ang Escolta. Dahil dito’y mas dumami na ang mga taong gusto siyang makilala nang lubusan at karamihan sa kanila ay mga kabataan. Marami pang dapat gawin pero tiwala akong mapagtatagumpayan namin ito.

#selfiEscolta

Sa mga event na in-organize ko, ang #selfiEscolta noong July 5 na ang masasabi kong pinaka-makahulugan sa lahat. Bilang kauna-unahang street heritage festival sa Maynila, ibinandera namin sa madla ang kahalagahan ng Escolta sa pamamagitan ng sunod-sunod na tour, art market at night concert. Sa kabila ng muntikan nang pagka-postpone nito at iba pang naging problema, aberya at pagsubok habang dinadaos ang #selfiEscolta, ipinagpapasalamat ko sa Maykapal na naging matagumpay ang event na ito. Nagbukas ito ng mas maraming oportunidad upang dayuhin at kilalanin ng mga kapwa Pilipino at banyaga ang Escolta.

Boses ng Escolta

Nasanay akong magsalita sa harap ng maraming tao bilang youth leader ng lungsod. Ngayong taon, malugod kong ibinahagi sa marami ang lumalaking adbokasiya ng Escolta Revival Movement. Mula PLM, La Salle Dasma at UST hanggang Inquirer, TV5 at ANC, ginamit ko ang aking kakayahang mangaral upang ilahad kung gaano kaimportante ang Escolta sa kasaysayan at kung paano makakatulong ang sambayanan sa muli nitong pagsigla.

Mula Antipolo hanggang Iloilo

Bilang aktibong kasapi ng HCS-Y ay nagkaroon ako ng pagkakataong mapasyalan ang maraming lugar kung saan makikita ang mga kayamanang hindi matutumbasan ng modernisasyon at bagong teknolohiya. Ito ang mga istrukturang naging saksi ng pagbabago ng ating lipunan ay nananatiling nakatindig at ipinapakita kung gaano karangya ang Pilipinas noon. Nariyan ang mga bahay sa Malabon, ang Santos House ng Antipolo, ang aking muling pagbabalik sa makasaysayang lungsod ng Malolos at ang napakagandang downtown ng Iloilo City.

Mula artista hanggang Arsobispo

Hindi sumagi sa aking mga ambisyon ang makilala, makamayan at makausap ang mga personalidad na magiging mahalagang bahagi ng kasaysayan sa hinaharap. Sabi ko nga, kung panahon lang ngayon ng Kastila o Amerikano, masasabi ko nang napakasuwerte kong indio. Nakadaupang-palad ko ang anak ni Comedy King Dolphy na si Eric Quizon upang hingiin ang basbas ng pamilya upang itampok ang kanyang dakilang ama sa Escolta. Hindi ko aakalaing makakasama ko sa adbokasiya ang tanyag na arkitektong si ICOMOS Philippines president Arch. Dominic Galicia. Nakausap at nakatext ko rin sa ilang pambihirang pagkakataon si MMDA Chairman Francis Tolentino. Naging personal na kaibigan naman namin ang butihing administrator ng Intramuros na si Atty. Marco Sardillo. Nakakamangha rin na makamusta ang dalawang mayor ng Maynila: sina Hon. Alfredo Lim at dating Pangulong Joseph Estrada. Higit sa lahat, nakakataba ng puso ang mahawakan ang kamay, maka-selfie at biglaang maimbitahan nang personal sa kanyang Noche Buena ng Inyong Kabunyian, Luis Antonio Cardinal G. Tagle, ang arsobispo ng Maynila.

Kung ano-ano

Patuloy pa rin akong nagsusulat, bagaman hindi gaanong makapag-post sa Aurora Metropolis. Pinipilit ko pa ring tuparin ang aking pangarap na makagawa ng libro karamay ang naluluma ko nang laptop at ilang tasa ng kape. Baka next time na lang. Hindi rin mawawala ang mga inuman session, magdamagang heart-to-heart conversation sa ilang mga kaibigan at ang magmahal-at-mahalin moments. Masarap ding malasing paminsan-minsan basta kasama ang mga taong pinagkakatiwalaan mo. Natututo na akong tumawid sa manipis na pisi para magtagumpay. Naniniwala pa rin ako sa tuwid na daan. Kahit di nagsisimba, marunong pa rin akong magdasal sa Kanya sa mga oras ng problema at saya. Masaya ang buhay at walang dahilan para malugmok sa kalungkutan.

Pangarap para sa Maynila

Pinili kong mahalin ang lungsod ng Maynila dahil alam kong karapat-dapat siyang mahalin. Bilang kabisera ng Pilipinas, pinapangarap ko ang mas maganda at mas maunlad na siyudad kung saan ang lahat ay nabubuhay nang payak at maligaya. Sa kabila ng patuloy na pagbura sa mga importanteng bakas ng kanyang nakaraan, hangad kong mamulat ang lahat – ang gobyerno at mga kapwa ko Manilenyo – sa katotohanang ang pagpapahalaga sa kasaysayan ay kaakibat ng pag-unlad ng ating tanging lungsod sa kinabukasan. Hindi lahat ng luma ay hindi na kapaki-pakinabang.

Pasasalamat at pagkilala

Hindi matatapos ang artikulong ito nang hindi nagpapasalamat sa lahat ng naging bahagi ng aking paglalakbay sa taong magtatapos.

Salamat sa aking mga kasama sa HCS-Y, lalong lalo na sa pamunuan at mga aktibong kasapi dito. Patuloy nating ipaglaban ang karapatan ng mga kayamanan ng ating bayan. Mabuhay po kayo!

Salamat sa mga namumuno sa ECAI, lalong lalo na kina Ms. Cely Sibalucca, Ms. Marites Manapat, at kina Sir Robert at Ms. Lorraine Sylianteng sa lahat ng tulong at suportang binibigay ninyo sa inyong lingkod habang ginagawa ang aking mga dapat gawin sa Escolta.

Salamat sa mga taong kumikilala sa Escolta at patuloy na kumikilala sa makulay na nakaraan, kasalukuyan at hinaharap ng minamahal nating Queen of Manila’s Streets. Darating ang panahon na makakamit din niya ang karangalang nararapat para sa kanya.

Salamat sa Heritage Conservation Society sa pangunguna nina Ms. Gemma Cruz-Araneta at Mr. Ivan Henares sa pagtitiwala sa mga kabataan upang maging sundalo ng ating adbokasiya.

Salamat sa aking mga kaibigan: Cherry Aggabao, Prof. Neriz Gabelo, Macky Macarayan, outgoing PLM-College of Mass Communication dean Ludmila Labagnoy, Stephen John Pamorada, Clara Buenconsejo at Jericho Carrillo ng HCS-Y; Sir Marco Sardillo, Marcus Luna, Christopher Hernandez, at Herbert Eamon Bacani at Albert Ampong ng HBOX.

Salamat sa’yo Escolta dahil dama kong ako’y iyong pinagkakatiwalaan. Mananatili ako sa’yo hangaang sa iyong muling pagsigla.

Salamat sa aking pamilya na patuloy na umuunawa sa akin. Sa kabila ng pagsubok na ating nararanasan ngayon, nawa’y manatili tayong malakas at manalig sa Maykapal. Kaya natin ito!

At ang pinakahuli, maraming salamat sa ating Panginoong Hesukristo, sa ating Inang Maria at Poong Sto. Nino. Salamat po sa pagbibigay Ninyo ng tuloy-tuloy na biyaya, sorpresa at talento upang gawin ang aking misyon sa mundong ito. Patuloy po Ninyong basbasan ang aming lungsod at tanging bansa ng pagpapala at lakas upang harapin ang mga pagsubok. Inaalay po namin ang tagumpay ng aming bayan sa Inyong karangalan. Amen.

Halos katumbas ng pagmamahal sa ating pamilya at Diyos ang pag-ibig natin sa ating bayan. Hangad ko na mas maraming Pilipino ang magmahal sa bansang ito sa darating na taon, lalo pa’t isa ito sa mga mahahalagang sangkap ng kaunlaran. Ang 2014 ay isang pahiwatig na tayo, bilang Pilipino ay nabubuhay nang may dahilan at ito ay para mahalin ang bayang ipinagkatiwala sa atin ng Langit. Sana’y pahalagahan natin ito.

Tambuli: Sampung Taon Ng Pagsusulat Para sa Lahat

(TAMBULI ang pangalan ng opinion column ng may-akda noong siya’y bahagi pa ng Ang Pamantasan (AP), ang opisyal na pahayagan ng Pamantasan ng Lungsod ng Maynila)

Ang larawan ng inyong lingkod na ginamit para sa kanyang kolum na "Tambuli" (2004-2005)

Ang larawan ng inyong lingkod na ginamit para sa kanyang kolum na “Tambuli” (2004-2005)

Mahal ko ang pagsusulat… pero tulad ng proseso ng pag-ibig, dumaan ako sa napakatagal at masalimuot na mga karanasan bago ako tuluyang mahalin ng aking mga sinusulat at mahalin ang aking sarili bilang tunay na manunulat. Para sa isang nilalang na sagana sa mga di-malilimutang alaala, itinulak ko ang sarili ko sa mundong kung saan ang mga tao ay nabubuhay sa mga salitang iniiwan nila bago tumawid sa kamatayan. Para sa akin, ang pagsusulat ay hindi lang talento o kakayahan, kundi kayamanang pinagpapaguran at pinakikinabangan sa takdang panahon.

Nagkaroon ako ng matinding interes sa pagsali sa newspaper sa aking paaralan noong elementary at high school. Pangarap ng inyong lingkod ang mailathala ang aking gawa sa pahayagang isang beses lang sa isang taon kung lumabas. Malakas ang loob ko dahil matataas lagi ang nakukuha kong marka sa mga sulatin. Ngunit sa iilang pgkakataong sinubukan kong kumuha ng pagsusulit sa dyaryo ng eskwela ay kabaligtaran nito ang nangyayari – rejected.

 

Tumuntong ako sa kolehiyo na hindi dinala ang ambisyong magsulat. Pero tila nahinog na ang panahon at mismong tadhana na ang nagbibigay sa akin ng oras upang patunayan ang meron ako pagdating sa pagsusulat.

Unang linggo ng Hulyo 2004, sampung taon ang nakalipas, sa bulletin board sa ground floor ng Gusaling Lacson. Nakita ko at ng aking mga kaklase ang isang anunsyo kung saan ang unibersidad ay naghahanap ng mga bagong staff writer sa Ang Pamantasan, ang opisyal na dyaryo ng Pamantasan ng Lungsod ng Maynila. Marami sa mga kamag-aral ko ang interesadong sumali sa competitive examinations, at dahil interesado sila ay naging interesado na rin ako. Sa huling araw ng submission ng application form ay natuklasan kong iilan na lang kaming mga tutuloy sa pagsusulit sa AP. Hindi ko makakalimutan ang hapong iyon habang hawak ang form ko – ang hapong bibitawan ko ang isang desisyong babago ng aking buhay. “Wala nang atrasan!” Yan ang natatandaan kong sinabi ko at saka ko pinasa ang aking aplikasyon.

Ika-24 ng Hulyo 2004, kabado ako sa araw ng exam. Hindi pa kasi ako gaanong bihasa sa malalim na Ingles na siyang wikang gamit sa mga artikulong sinusulat sa AP. Mukha ring may mga karanasan na sa campus journalism ang mga kasama kong kumukuha ng pagsusulit. Ngunit sa loob-loob ko, kung ano ang alam ko ay yun ang gagamitin ko. Hindi na pwedeng mag-back out. Tinapos ko ang exam nang magaan ang loob at hindi tulad noon, wala akong hinihintay na resulta.

Lumipas ang mga araw at patuloy kong inoobersabahan ang buhay kolehiyo. Tutok ako sa pag-aaral at ginagamay ang mga pagsubok bilang freshman ng isang prestihiyosong unibersidad. Katatapos lang ng isang seminar sa gymnasium nang makasalubong namin sa hallway ng Gusaling Villegas ang presidente ng student council. Kami ang hinahanap niya, ako at isa ko pang kaklase na nagbigay sa amin ng kaba. Sinundan na lang namin siya at papunta kami sa Gusaling Atienza. Halos malapit na kami sa isa sa mga room nang itanong namin kung saan kami pupunta. “Nakapasa kayo sa AP! May interview kayo ngayon!”

Sa isang silid ay naroon at nakaupo ang labindalawang mag-aaral kung saan ang ilan sa kanila’y pamilyar sa aking paningin. Pinapuwesto kaming dalawa sa bandang gitna at sinabihang maghintay na tawagin para sa interview. Sa paglibot ng aking mata’y napansin kong sa itsura pa lang ay makikita ang pagkakaiba ng kanilang mga karakter. Sa pagpapakilala namin ay dito ko nalamang hindi lahat kami ay nasa kursong Mass Communication. Mayroong Accountancy, Business Administration, Education, Psychology at Social Work.

Dumating na ang pagkakataon ng aking panayam. Wala akong gaanong natatandaan noong oras na iyon kundi may anim na tao sa aking harapan at ilan sa kanila’y masasabing mga “makapangyarihan” sa Pamantasan. Hindi ko rin matandaan kung ano ang mga itinanong nila, kung ano ang mga naging sagot ko at kung ano ang pakiramdam ko nang matapos ang interview.

Ilang araw lang ang lumipas ay lumabas ang resulta. Nakapasa ako sa screening at opisyal na naging miyembro ng editorial board ng AP sa ika-25 taon nito. Nagbalik-tanaw sa akin ang lahat ng panahong nangarap akong magsulat at mailathala ang aking artikulo sa pahayagang nababasa ng aking mga kapwa mag-aaral. Ang aking pangarap ay nagkaroon ng katuparan pero ang kaakibat nito ang mas malaki pang hamon – ang aking kumplikadong buhay bilang estudyante at mamamahayag.

Matindi ang mga pagsubok sa loob ng college publication. Hindi na ito basta-bastang pagsusulat ng balita at lathalain. Mahirap sa tulad kong baguhan ang magipit sa mga bagay-bagay noong panahong naiipit sa dalawang pwersa ang AP. Sa kabila ng pagsuporta ng marami, may mga pangyayaring di-inaasahang maikokompromiso para maprotektahan ang karapatan sa kalayaan ng pamamahayag. Isa sa mga ito ang pagkalagay sa alanganin ng aking estado sa Pamantasan. Sa tuwing naiisip ko ang kinahinatnan ng senaryong ito, nananatili ang matatag kong paniniwalang hindi ako nagsisisi sa kung anuman ang naging parte ko sa AP noong panahong iyon. Hindi ko pinagsisisihan na pinasok ko ang pagiging rebelde sa panulat dahil alam kong tama kami sa paraan ng pakikipaglaban para sa katotohanan. Naging biktima man ako, nanalig akong sa dulo ng kadiliman ay may liwanag – ito nga ay naganap.

"THE BIG 5". Kapag tinanong mo kung sino sila sa AP, sila yung mga taong gagawin ang lahat para makalusot at makapaglabas ng issue noong panahong ang AP ay nasa estado ng paghahanap muli ng pagkakakilanlan nito sa loob ng PLM.

“THE BIG 5”. Kapag tinanong mo kung sino sila sa AP, sila yung mga taong gagawin ang lahat para makalusot at makapaglabas ng issue noong panahong ang AP ay nasa estado ng paghahanap muli ng pagkakakilanlan nito sa loob ng PLM.

Tatlong taon akong naging bahagi ng AP ngunit isang ugat ng puso ko ang patuloy na dinadaluyan ng aking dugo papunta sa institusyong ito. Ang pinagpatuloy na pakikibaka ng aming samahan laban sa noo’y malupit na pamunuan ng PLM ay maituturing na kasaysayan at hanggang sa kasalukuyan ay pinakikinabangan ng mga sumunod sa amin. Ang aking dugong manunulat ay pinadaloy ko sa ibang kabataang tulad ko ay nangarap at marami sa kanila’y naging matagumpay. Masaya akong alam nila na lubos ko silang ipinagmamalaki.

Ang mga aral na natutunan ko sa loob ng student publication ay naging sandata ko sa napakaraming sitwasyon. Naging gamit ko ang mga ito sa patuloy kong pagtuklas sa napakalaking daigdig ng panitikan, usaping panlipunan at pangkalahatang kaunlaran. Lahat ng ito’y naghubog sa akin bilang taong ang nais para sa lahat ay maayos na kaisipan tungo sa maayos na lipunan.

Patuloy kong dadalhin ang tambuling binuo ko, sampung taon ang nakakaraan… at sisiguraduhin kong ang tambuling iyon ay patuloy pa ring magiging kapaki-pakinabang, hindi lang ako bilang manunulat kundi ako bilang Pilipinong naglilingkod sa bayan.

Sampung taon ang nakalipas. May nag-iba pero alam ko, nananalaytay pa rin sa lahat ang "Dugong Manunulat".

Sampung taon ang nakalipas. May nag-iba pero alam ko, nananalaytay pa rin sa lahat ang “Dugong Manunulat”.

DEMOLISYON Welcome Remarks: Hindi Pa Huli Para Itama Ang Mga Mali

Talumpati ng inyong lingkod bilang pagbati sa mga nagsipagdalo sa DEMOLISYON na ginanap kahapon, Oktubre 18, 2013, sa Bulwagang Leandro V. Locsin, NCCA Intramuros, Maynila. Ang DEMOLISYON ay isang pagpupulong na nakatuon sa kamalayan ukol sa mga heritage site sa lungsod ng Maynila na nanganganib nang masira dahil sa kapabayaan ng mga tao. Kasama rin dito ang pagpapakilala sa panauhing pandangal nito na si dating Manila Mayor Alfredo Lim na siyang tagapagsimula ng nasabing pagpupulong.

Ang may-akda habang inaabot ang certificate of appreciation kay dating Manila Mayor Alfredo Lim kasama ang mga kinatawan ng KKM at G. Franco Sena, pangulo ng UAPSA-PLM

Ang may-akda habang inaabot ang certificate of appreciation kay dating Manila Mayor Alfredo Lim kasama ang mga kinatawan ng KKM at G. Franco Sena, pangulo ng UAPSA-PLM

Logo ng DEMOLISYON at mga smahang nagsama-sama upang maisakatuparan ito.

Logo ng DEMOLISYON at mga samahang nagsama-sama upang maisakatuparan ito.

Our beloved mayor Alfredo Lim, first congressional district councilor Niño dela Cruz, former youth bureau director Arch. Dunhill Villaruel, PLM College of Mass Communication dean, my mentor, Prof. Ludmila Labagnoy, United Architects of the Philippines Student Auxiliary-PLM Chapter president Daniel Franco Seña, distinguished speakers, special guests, participants from different universities and organizations, colleagues at Katipunan ng Kabataang Maaasahan, kabataan ng Maynila, kabataang Pilipino, isang magandang umaga po at maligayang pagdating sa pagpupulong na ito, ang DEMOLISYON.

Bago po ang lahat, ang buong sambayanan ay nalulungkot sa naganap na lindol noong October 15 sa Kabisayaan. Halos daang tao na ang nasawi, dumarami pa ang bilang ng sugatan at nawawala at lumalaki pa ang halaga ng mga nasirang imprastraktura. Ngunit ang tunay na nakakadurog ng puso para sa akin ay ang pagkasira ng napakaraming simbahang itinuturing nang kayamanan ng bansa.

They are not just religious buildings for Catholic Filipinos. These churches played their significant part in Philippine history. From their architectural designs to thousands of known and unknown stories about them, these churches are indeed symbols of our identity as God fearing and freedom loving nation.

Marami tayong nalulungkot at nasasayangan sa pagkawasak ng mga ito, but I know many of us are thinking that these sudden event may be a wakeup call for all Filipinos by God, by Mother Nature and by our Motherland to give extra attention in protecting our national treasures for our future generation. These important structures were built and maintained by our ancestors not just to create a living symbol of a strong institution but to share the legacy of our race to the world that every Filipino must be proud of.

I hate to say this but the October 15 major earthquake happened on the week of Demolisyon. I can’t say that it is a perfect timing but we are somehow fortunate here inside the Bulwagang Leandro V. Locsin to establish a realization out of hundreds of wisdom that we are going to hear today. A realization that here in city of Manila alone, we have so many old churches, ancestral houses, historical sites and heritage structures. All of them are priceless because they reflect our almost 400-year-old history and our colorful city culture. They also need our help.

Mulat tayong lahat na minsang naglakad sa inaapakan nating daan ang ating mga idolong bayani. Yung inaakala nating mga nakakatakot na lugar ay minsang pinagtanghalan ng mga pinakamagagaling na artista noon o di kaya’y naging meeting place ng mga leader natin noon para sa ganap na kalayaan ng ating bansa. Yung inaakala nating pader lang ang siyang nag-alaga hindi lang sa lupain ng Maynila kundi sa karangalan ng mismong pangalan nito. Na baka ang pinapabayaan nating mga lumang bahay o gusali ay naging pundasyon sa kasaganahan na meron ang ating lungsod at kasarinlang meron ang ating bansa sa ngayon.

Today, DEMOLISYON will help you involve with the advocacy of heritage conservation. We will explore the Old Manila and will help you shape ideas on how we can bring back the glory days of our beloved city. We will help you on how to make a difference out of simple social action and usage of modern technology. We will help you to understand a potential process of renovating an institution that is currently being ruined by corrupt practices and some greedy politicians.

Gigibain natin ang prinsipyo ng salitang DEMOLISYON at tayong mga kabataan na narito ang magsisilbing construction worker na tutulong sa mga tagapagsulong ng adbokasiyang ito na gibain ang ganitong pag-iisip ng ilang indibidwal, grupo’t korporasyon.

Hindi na natin maibabalik ang dati pero may panahon pa para itama ang mga mali. Save our heritage sites by knowing their rights.

On behalf of Katipunan ng Kabataang Maaasahan, United Architects of the Philippines Student Auxiliary-PLM Chapter and PLM College of Architecture and Urban Planning, I welcome you to DEMOLISYON, a one-day conference on youth involvement in protecting and maintaining historical zones and structures within the city of Manila. Enjoy, learn and be involved. Maraming salamat po.

It is with great pride to introduce to you our guest of honor as he formally start DEMOLISYON. He serves as an inspiration for the Manilenyo youth. He might not be a perfect leader for everybody, but what he did for Manila for more than a decade was really exemplary and he left his greatest political legacy for the good of his beloved Manilans. Please welcome, former Manila’s Finest police officer, former director of the National Bureau of Investigation, former secretary of the Interior and Local Government, former Philippine senator, former mayor of the capital city and the 1st recipient of our organization’s Supremo ng Kabataang Manilenyo citation, Hon. Alfredo S. Lim.