FAST POST 44: Praning sa Pandemic

Masuwerte ako at nagpapasalamat na sa kaliwa’t kanang banta ng pandemya sa paligid natin ay nananatili akong malusog, sapat para labanan ang posibleng paghawa ng nakakamatay na COVID-19 virus. Bago ang ECQ ay hindi ako OC pagdating sa hygiene o kalinisan ng pangangatawan at ng paligid. Salamat na lang din na sa ganitong pagkakataon ay mas nangibabaw sa akin na dapat din talaga ay lagi kang handa dahil nga hindi natin nakikita ang kalaban.

Sa panahon ngayon, walang masama ang maging mas maingat o mas cautious sa kalinisan ng kapaligiran, lalo na kung may mga kasama ka sa bahay na madaling dapuan ng kung ano-anong sakit. Sa malawak na perspektibo ay maganda iyon. Sa kabilang banda, kapansin-pansin din ang iilang parang wala na sa ayos ang pagiging istrikto pagdating sa prevention.

Some people are becoming paranoid of isolating themselves to prevent the virus. I get it and I fully understand it. I just want to raise specific points on why paranoia has no place in this pandemic:

– Kung totoong nag-aalala ka sa kapakanan ng kasama mo sa bahay, huwag mo siyang pigilang lumabas. Instead, educate the person on stricter health protocol before leaving the house and upon arriving at home

– Maging sensitive ka sa paligid mo, lalong-lalo na sa social media. Walang masamang maging masaya, pero sa panahong mas marami ang nasasaktan ang mga damdamin gawa ng pagkawala ng mga mahal sa buhay o pagkawala ng hanapbuhay, matuto tayong magpakita ng malasakit para sa iba.

– Hindi rason na katakutan mo ang mga taong nagkasakit, gawa man ng COVID-19 o hindi. Hindi dapat mauna ang takot, bagkus, pairalin ang pag-aalala at pagiging makatao. At kung kaya mong maging maka-Diyos, hayaan mong marinig nila sa kabila ng dinaranas nilang panghihina ng katawan, nariyan ang Diyos para maging kalakasan nila.

Again, it’s never wrong to take extra care of yourself and provide extra care for your family, friends and loved ones. But let me remind you, dear reader, that excessive and unnecessary care cause too much pain than any pandemic.

Hindi masamang mag-ingat, pero hindi tamang manakal para sabihing you care.

FAST POST 43: Dapat Ka Bang Makinig sa Advice ng mga Bitter?

Magka-chat kami kagabi ng mga kaibigan ko tungkol sa ex ng isa sa amin. Nagkataong kaibigan ko yung ex, kaya pinili (… o pinilit) kong maging neutral. Pero may isang statement ang isa sa mga kaibigan ko na nakakuha ng atensyon ko. Hindi ito tungkol sa ex ng tropa namin, kundi sa isa sa mga tropa namin na galit pa rin sa ex niyang engaged na. Sabi niya, parang hindi tama na mag-advice siya sa mga ganitong sitwasyon dahil clouded siya ng bitterness sa dati niyang karelasyon. Dahil nga magkakaibigan kami, ang akala nung isa ay nagbibiruan kaya natawa lang siya. Nag-personal message sa akin ang isa kong kaibigan: Kinain na siya ng pagka-bitter niya. Isang malaking like sign ang ni-reply ko.

Ewan ko kung achievement para sa akin na makapag-advice sa napakaraming tao tungkol sa kani-kanilang relasyon. Yung iba ay nauwi sa kasalan at yung iba ay nauwi sa kalasan. Bihira kong gawing ehemplo ang mga naranasan ko dahil hindi naman eksaktong pare-pareho ang istorya ng pag-ibig ng lahat ng tao. Pero may isang bagay akong natutunan sa isang mentor na dala-dala ko hanggang ngayon: huwag na huwag kang magpapayo sa isang taong may problema sa relasyon kung ang iisipin mo ay yung mga masasamang nangyari sa sarili mong mga relasyon.

Lahat tayo ay may karapatang magbigay ng payo sa mga taong humihingi nito. Pero hindi mo dapat gawing basehan ang bitterness mo sa naging relasyon mo para resolbahin ang gusot ng ibang tao. Sabihin na natin na makakatulong ang natutunan mo sa masamang karanasang iyon, pero hindi mo pwedeng itulad ang isang nakilala mo sa iba. Uulitin ko: walang magkakaparehong istorya ng pag-ibig. Hayaan natin ang iba na humubog ng maging susunod na kabanata.