Buti Na Lang At May Opera!

Sa wakas at nakapag-post na rin ako!

Mahigit isang buwan na rin akong namomroblema sa pagpo-post dito sa Aurora Metropolis gamit ang Google Chrome. Yung hindi maka-generate nang maayos ang lahat ng tools sa New Post page, kaya kailangan ko pang i-type ang mga sasabihin ko sa MS Word. Anweird ko kung bakit ngayon ko lang naisip na may iba pa pala akong browser sa laptop. Salamat sa Opera at okay na akong makasulat nang diretso dito sa blog. haha!

Buti na lang. Birthday ko noong March 03 (24 years old na ako) pero bago tumuntong ang petsang yun ay napakaraming naganap na di ko aakalaing mangyayari sa buhay ko. Para bang inikot ng tadhana ang mundo ko sa isang bandang may liwanag na sinisilip ko lang dati. Hindi ko sinasabing “naliwanagan” ako sa mga pangyayaring iyon. Hindi lang ako makapaniwala na bago ako tumuntong sa aking bagong taon, ay mas mapapalapit ako sa Kanya.

Buti na lang. Hindi ako relihiyoso pero kumakapit ako sa Diyos sa lahat ng panahon. Masasabi kong masuwerte ako dahil maraming pagkakataon na mabilis Niya akong pinagbibigyan sa anumang hinihiling sa Kanya. Pero nakakalungkot isipin na ni minsan ay di ko magawang makabawi sa Kanya nang madalas. Pero pumasok ang isang oportunidad sa umpisa ng 2012.

Buti na lang.  Ginawa ko ang lahat para makasama sa Korean Camp ng International Youth Fellowship (IYF) sa Nueva Ecija. Sa loob ng limang araw ay nakasama ko ang mga piling kabataan ng Korea upang ibahagi ang kanilang kultura sa mga kabataang Pilipino. Nasaksihan ko ang kagalakan nila na mapasaya ang mga kabataan, kahit ramdam nila ang pagod at paninibago sa klima ng Pilipinas. Magaganda ang kanilang mga ngiti na tila walang katapusan. Sa mga ngiting iyon ay masaya na rin ako.

Buti na lang.   Hindi ako relihiyoso pero kumakapit ako sa Diyos sa lahat ng panahon, pero nagpapasalamat ako sa IYF dahil tuluyan nitong binuksan ang isang baul sa aking puso na dati’y bahagya lang na nakabukas… at iyon ay ang mas maigting na pananampalatay sa Kanya. Natututo na akong magdasal sa lahat ng mga dumarating na biyaya, na kung di dahil sa Kanya ay hindi ko makakamit. Natututo na akong gumawa ng mga bagay na Siya ang nasa ibabaw ng aking puso. Nag-uumpisa na akong bumawi sa Kanya, at nagpapasalamat ako sa ikalawang pagkakataon na binigay Niya sa akin sa pagbibigay ng mga mabubuting kaibigan, mga taong may malasakit sa akin at sa IYF.

Buti na lang.  Maraming nagbukas na kaisipan nang tumuntong ang March 03. Hindi kailangan na magpalit ng relihiyon upang humigpit ang kapit mo sa Diyos. Mananatili akong tapat na Kristiyano at Katoliko. Ang importante kasi sa lahat ay yung naniniwala ka sa Kanya at sa Kanyang mga salita. Ikaw, ako, tayong lahat ay tinubos na Niya sa kasalanan at maliligtas papunta sa buhay na walang hanggan.

Buti na lang at may Opera! Ngayon ko lang nabulalaslas ang saya ko sa pagpasok ng aking bagong taon bilang nilalang ng Diyos dito sa daigdig. Hindi ko kayang magbago nang ganun kadali, pero gagawin ko ang lahat para makabawi at makakonekta nang maayos sa puso ng ating Panginoon. At sa tulong Niya, ang puso ko’y magkakaroon pa ng maraming biyaya sa aking ika-24 na taon dito sa Kanyang paraiso.

Amen. 🙂

FAST POST: Si Father E

Marami ang nalungkot at nabigla sa pag-alis ni Father Erick Santos sa Parokya ng Sto. Niño sa Tundo nitong unang bahagi lamang ng taon. Ako man na hindi ganoong palasimba ay nanghinayang sa pagkawala ng minamahal na kura paroko na siyang nagmarka ng simbahan ng Tundo sa mapa ng pananampalataya ng Kalakhang Maynila at ng buong bansa. Siya lang ang bukod tanging pari na hindi ka hahayaang matulog habang pinapalawag sa masaya ngunit malamang sermon ang mga salita ng Diyos.

 

Noong Biyernes (08.19.11) ay ginanap ang values formation segment sa sinalihan kong programa para sa mga kabataan ng lungsod ng Maynila. Nakakagulat na makita si Father Erick at siya pang magiging panauhing tagapagsalita sa naturang bahagi ng programa. Hindi ko mapigilang mapangiti na makita siyang muli at makinig sa kanyang mga masasayang anekdota na nauugnay niya sa mga aral ng Katolisismo.

 

Sa mga taga-Tundo na naging tagahanga niya noong siya’y nasa ating parokya pa lang, masaya akong ipaalam na si Father Erick ay nasa mabuting kalagayan. Siya ngayo’y may tinatahak nang ibang landas sa Simbahan at sa media bilang si Father E sa isang Saturday evening show sa Tambayan 101.9 FM at sa isa sa mga bahagi ng Family Rosary Crusade show. Nararamdaman kong sa pamamagitan ko ay nais niyang ipaabot sa atin na miss na miss na niya ang Tundo at tayong mga naging kaparokya niya.

 

Hindi ako nabigong makapulot muli sa kanya ng mga mahahalagang salitang gagabay sa akin sa mga nalalabi pang panahon ng aking buhay, at gayundin sa mga nakinig sa kanya. Sana’y hindi ko lang ito guni-guni, pero alam ko, sa kanyang mga mata, ay nararamdaman kong natatandaan niya ako. Tulad ng sabi ko, hindi ako palasimba, ngunit kung magsisimba ako na siya ang nagmimisa, hindi pwedeng nasa likod o gitna lang ako ng simbahan. Dapat, lagi akong nasa harap at nakikita’t mas nararamdaman ng kanyang presensiya. At ilang beses na rin niya akong naispatan sa kanyang mga nakakaaliw na sermon.

 

Sa araw na muli ko siyang nakita ay labis akong nagpupuri sa Panginoon dahil nalaman kong nasa maganda siyang kinalalagyan at may mas makabuluhang misyon para sa ating pananampalataya.

 

MAHAL NA MAHAL KA NG MGA KATOLIKONG TAGA-TUNDO, FATHER E. HANGGANG SA MULING PAGKIKITA. 🙂

 

“Know yourself. Be yourself. Be your best self.”